DALIT SA PAGTATAPOS NG TAON -- E. SAN JUAN Jt
DALIT SA PAGDIRIWANG BAGO SUMAPIT ANG HULING PAGTUTUOS Ito’y umiiral sapagkat, kasanib ng pagsalungat sa sarili, taglay nito ang kanyang pagkasugpo.” - -F. Hegel Sabi mo’y nabuhay ka sa panahong limot na sina Dorong Asedillo at Kulas Encalledo. Di na bale…. Kahit turing sa iyo’y lawit-dilang patay-gutom, sampay-bakod, sinikap mong pagbutihin ang gawaing iniatas at itinagubilin. Paano nga maiaayos ang buto-buto sa mundong tagilid? Suliraning masalimuot. Sa gabi ng ating pagniniig, bakit nakatalukbong sa kulandong ng isip? Di mo naman ipinagbili ang mga buto ng yumaong magulang…. Di bawal ang mangarap habang sumisingasing sa paligid ang baril at balila. Kumakatok sa pinto ang kamao ng unos, nagbabanta…. Inihasik ng diktadurya ang sindak—dukot, tortyur, masaker, pati Abu Sayyaf— Pinag-usig at pinuksa ang mga makabayang mamamayan. Nilapastagan ng mga patutot ng oligarko ang sinumang tumutol—Putris. pati Birhen siguro’y gagahasahin kung kailangan, kahit hindi…. Sangkatutak na l...