LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (21-30)
LANDAS & KAPANGYARIHAN (21-30)
[Salin sa Filipino ng TAO TE CHING]
ni E. SAN JUAN, Jr.
21.
Ang pinakamaringal na birtud ay masugid na pagsunod lamang sa Landas.
Ang pagtunton sa Landas ay malabo at alanganin, palibhasay kasabay ito sa lakas ng pagkilos.
Ito’y di mahihipo sapagkat mailap, ngunit sa pusod kimkim ang imahen;
Ito’y mailap at di masisilo, ngunit sa pinakaubod nito ang mga pangyayari;
Ito’y lihim at nakukubli sa dilim, ngunit sa puso nito nakaluklok ang huwaran ng kapangyarihan.
Ang buod ay lantay na katotohanan; nilagom sa loob ang tunay na paniniwala.
Sa mula’t mula pa hanggang sa kasalakuyun, ang pagdakila sa Landas ay walang patid.
Sa gayon, gamitin ito upang matarok ang udyok na lumilikha ng mga bagay sa santinakpan.
Paano ko nabatid ang kalagayan ng sinapupunan ng mga bagay?
Sumangguni ako sa Landas.
22.
Bumigay upang manatiling buo;
Yumukod upang maituwid;
Gasgasin upang maging bago;
Sa pagkakaroon ng kaunti, madaragdagan pa ito;
Kung nag-uumapaw ang pag-aari, mababalisang lubos.
Dahil dito, ang pantas ay yumayapos sa pagbabalikatan at nagsisilbing halimbawa’t tagapag-alaga sa lahat.
Hindi umaasta’t pumaparada, kaya pambihirang tanyag.
Hindi niya ipinangangalandakan ang sarili, kaya natatangi.
Hindi naghahambog, tinatanggap niya ang nababagay na pagkilala sa mabuting nagawa;
Walang pagmamayabang, laging may pinanghahawakan;
Sapagkat di nakikipag-away, kaya walang siyang kaagaw o katunggali.
Samakatwid, susog ng mga ninuno: “Sumuko upang makapangibabaw.”
Ito ba’y pariralang walang saysay?
Dapat maging wagas ang nangungusap, at sa gayon lahat ng biyaya ay darating sa kanya.
23.
Natural ang matipid at matimpi sa pananalita.
Ang rumaragasang hangin ay hindi lalaboy sa buong umaga,
At ang biglang buhos ng ulan ay hindi tumatagal sa buong araw.
Bakit nga? Dahil sa langit at lupa!
At kung hindi mapapanatili ng langit at lupa ang namamaraling kaayusan,
Anong mapapala mula sa isang abang nilalang?
Sinumang tumutupad ng Landas sa kanilang gawain ay nasa daan na.
Sinumang nakatalaga sa pakikipagkapwa-tao ay dumaranas ng birtud.
Sinumang naligaw ay dumaramdam ng pagkalito at dumaramay.
Kung ikaw ay katalik ng Landas, kinakandili ka nito.
Kung ikaw ay kasuyo ng birtud, pinagpapala ka nito.
Kung ikaw ay kasabwat ng kawalan, danas mo ang pagkawala.
Sinumang hindi nagtitiwala nang sapat, siya’y mababawasan.
24.
Ang umaaktong mapagmataas ay hindi maaaring magsilbing sandigan.
Ang nagmamalaki sa sariling tikas ay walang kabuluhan.
Ang nagtatanghal sa sarili ay hindi tumatanyag.
Ang nagpapanggap na laging tumpak ay hindi karapat-dapat igalang.
Ang mapupusok ay walang kapakinabangan.
Ang naghahambog ay di makadadaig.
Ayon sa mga alagad ng Landas, “Ito’y isinumpang pagmamalabis, walang katuturang kargadang sagabal.”
Lahat ay namumuhi sa karangyaang iyon.
Sa gayon, bagamat nakakaakit ang mga bagay, iniiwasan iyon ng mga bihasang nagpasiyang umayon sa Landas.
25.
May isang paraan na mahiwagang nabuo mula sa masalimuot na gulo, isinilang bago pa lumitaw ang langit at lupa.
Sa katahimikan at sa kawalan, nakatindig mag-isa’t walang pagbabago, laganap at maliksi,
Kumikilos bilang ina ng lahat ng bagay sa mundo.
Hindi ko alam ang pangalan, ngunit sa pagmumuni-muni, tawagin itong pagtahak sa Landas.
Mahirap humanap ng angkop na salita, bansagan na lang nating dakila.
Sa kadakilaan, umaagos ito at lumalawig nang malayo, pumapagitan, kapagkwa’y bumabalik.
Samakatwid, “Ang Landas ay dakila, langit ay dakila, lupa ay dakila, ang sangkatauhan ay dakila.”
Ito ang apat na kapangyarihan sa sanlibutan, at ang haring nilalang ay isa dito.
Sinusundan ng bawat nilalang ang lupa bilang batas niya,
Sumusunod ang lupa sa langit bilang batas niya,
Sinusundan ng langit ang Landas bilang batas niya,
At sumusunod naman ang Landas sa likas na kusang-loob ng katalagahan.
26.
Ang mabigat ay ugat ng magaang, ang matatag ang panginoon ng ligalig.
Sa gayon, habang naglalakbay sa buong araw, di nakakaligtaan ng pantas ang kanyang mga dalahin.
Bagamat maraming nakatutuksong mapapanood sa lugar ng nakabibighaning langay-langayan, siya’y nakatutok sa makatuturang suliranin.
Bakit dapat umasal nang mahinahon ang panginoon ng ilanlibong karwahe?
Sa pagkilos nang matiwasay, mawawala ang ugat.
Sa pagkaligamgam, mawawala ang kapangyarihan.
27.
Ang mahusay lumakad ay hindi nag-iiwan ng bakas;
Ang magaling magpanayam ay hindi nauutal at nabubulol;
Ang sanay kumalkula ay hindi nangangailangan ng listahan.
Hindi kailangan ang susi sa mabuting magsara.
Ang kanilang sinasara’y hindi mabubuksan ninuman.
Ang mabuting maglikom ay hindi nangangailangan ng mga buhol.
Gayunpaman, hindi iyon makakalag o mabubuhaghag.
Samakatwid, ang pantas ay kumakalinga sa lahat
At pinaaalalahanan ang pananagutan ng bawat nilalang.
Inaasikaso ang mga bagay-bagay at walang napapabayaan.
Ito’y taguring “pagpapatingkad sa likas na kabutihan.”
Ano ba ang mabuting nilalang?
Isang guro ng bulagsak at talipandas.
Sino ang masamang tao?
Alaga ng mabuting nilalang.
Kung hindi iginagalang ang guro, at ang mag-aaral ay hindi inaalagaan,
Gulo ang maghahari, gaano man naglipana ang mga matalino at matalisik.
Ito ay malahimalang pagmumuni ng diwa at paglinang sa pinakabuod.
28.
Kilatisin ang lakas ng lalaki,
Ngunit kupkupin ang mapag-arugang babae.
Sikaping maging daluyan ng batis sa lahat ng bagay sa daigdig.
Bilang landas ng tubig sa santinakpan,
Laging kasama ang birtud na walang pagbabago.
Bumalik sa puso ng kamusmusan.
Unawain ang malinis, ngunit ingatan ang marumi.
Sikaping maging halimbawa sa harap ng buong daigdig.
Bilang halimbawa sa lahat, isakatuparang maigi ang walang pag-iibang birtud.
Bumalik sa kawalang-hangganan.
Isaisip ang karangalan,
Ngunit isapuso ang mapagpakumbaba.
Sikaping maging lambak ng sansinukob.
Hayaang lumaganap ang walang pagkatinag na birtud.
Bumalik sa lagay ng tipak na kahoy na hindi pa binibiyak.
Kapag pinutol na ang tipak, ito’y magagamit na.
Ginagamit ito ng pantas habang nanunungkulan bilang pinunong-bayan.
Sa gayon, “Ang dakilang iskultor ay matimpi’t maselan sa pagputol.”
29.
Sa wari mo ba’y maaari mong sakupin ang sansinukob at ayusin ito?
Paniwala kong hindi ito mangyayari.
Banal na kasangkapan ang buong daigdig.
Hindi mo mareretoke ito, hindi masusunggaban.
Kung subukan mong maniobrahin ito, masisira lamang ito.
Kung subukan mong pangasiwaan ito, magpupumiglas ito,
Kaya hindi kumikilos ang pantas kundi ayon sa paraan ng kalikasan.
Kaya nga, minsan, ang mga bagay ay nauuna at minsan nahuhuli,
Minsan ang huminga’y mahirap, minsan madali;
Minsan masigla at minsan mahina; minsan lumalago, minsan naglalaho.
Dahil dito iniiwasan ng pantas ang pagmamalabis, paglamang, at palalong pagwawaldas.
30.
Kung naghahain ng tagubilin sa pinuno tungkol sa prinsipyo ng Landas,
Pagpayuan mong huwag gumamit ng dahas-militar upang pwersahin ang lahat sa ilalim ng langit
Sapagkat tiyak na magpupukaw ito ng mapaghiganting galit.
Saan mang rumagasa ang hukbo, tumutubo’t lumalago ang matinik na palumpong.
Panahon ng gutom ang tumatalunton sa daang hinawan ng walang pakundangang militar.
Gawin lamang ang talagang kinakailangan.
Sa tagumpay, umasal mapagkawanggawa at huwag mag-abuso.
Huwag samantalahin ang pagkakataon sa pagpataw ng kapangyarihan o mangahas pilitin ang mga bagay.
Adhikaing matamo ang layon, ngunit huwag magpakapalalo.
Sikaping maabot ang mithi, ngunit huwag parusahan ang lahat.
Sikaping makamit ang nasa, ngunit huwag magpamataas.
Sikaping makuha ang nais, ngunit huwag gumamit ng dahas at kamkamin ang tubo para sa sarili.
Marahas ka ngayon, ngunit hahalinhinan iyan ng panghihina at pagtanda.
Hindi ito ang ulirang gawi ng Landas.
Ang sumasalungat sa Landas ay makatatagpo ng maaga’t di napapanahong pagpanaw.
Comments