TAO TE CHING -Rendered into Filipino (70-81)--Revised Version
LANDAS & KAPANGYARIHAN (70-82) Revised Version
ni E. SAN JUAN, Jr.
70.
Ang mga salita ko’y madaling masapol at madaling mailapat.
Subalit walang sinuman, sa ilalim ng langit, ang nakauunawa dito upang subukan at isapraktika ito.
Ang mga pangungusap ko ay tumatalima sa dalubhasang guro;
Ang mga kilos ko ay ginagabayang mahigpit.
Sapagkat hindi nauunawaan ng madla ang mga turo ko, hindi nila kilala ako.
Iilan lamang ang may kabatiran sa akin; mabibilang ang nakikinig, kaya taglay ko pa ang katutubong dangal.
Sa gayon, suot ng pantas ang maligasgas na sakong damit at kimkim niyang malapit sa puso ang tunay na hiyas.
71.
Napakiwari mong hindi mo talagang alam—ito ay kahanga-hanga.
Kung hindi mo tanto na hindi mo naiintidihan-- ito ay tiyak na kamalian.
Walang pagkukulang na ganito ang pantas
Sapagkat tanggap niya na ang kakulangan ay tunay na kakulangan.
Sapagkat tanggap niya ang kanyang mga kakulangan, wala siyang kapintasan.
72.
Kung ang tao’y walang takot sa awtoridad, tiyak na mahuhulog ang bigwas na lilikha ng maselang kapahamakan.
Huwag ipagpilitang pasukin ang loob ng mga tahanan.
Huwag babaan ang pamantayan ng kanilang pamumuhay.
Kung hindi nakikialam ang mga pinuno, at hindi gumigipit, hindi mayayamot ang taumbayan.
Sa gayon, natataya ng pantas ang sarili kung hindi siya nagpapasikat.
Kinakandili ang paggalang-sa-sarili ngunit hindi nagkukunwaring pambihira.
Samakatwid, pinabayaan ito at piniling asikasuhin iyon.
73.
Ang matapang at mapusok na nilalang ay nauutas.
Ang matapang at matimping nilalang ay di mapapaslang.
Sa dalawang kasong ito, ang katapangan ay nagdudulot ng kapakinabangan o kaya’y pinsala.
May mga bagay na hindi tinatangkilik ng langit. Sino ang makahuhulo kung bakit?
Maski ang pantas ay hindi nakatitiyak at hindi makapagpaliwanag.
Bagamat ang Landas ng langit ay hindi sumasali sa paligsahan, madalubhasang nakakamit nito ang tagumpay.
Hindi ito nangungusap ngunit sanay tumugon.
Hindi tumatawag ngunit lahat ay kusang dumudulog.
Sa malas, matiwasay na ito, ngunit maliksi pa rin sa pagbalangkas ng mga panukala.
Ang lambat ng langit ay inihahagis sa masaklaw na paraan.
Bagamat maluwag ang hinabing mga butas nito, walang nakalulusot.
74.
Kung ang taumbaya’y hindi takot mamatay,
Walang mapapala ang pinuno kahit bantaan at babalaan sila ng kapalarang ito.
Kung ipinasya ng pinuno na sanaying magdanas ng takot ang mga mamamayan,
At kung sikapin nating hulihin at patayin ang mga kriminal,
Sino ang mangangahas sumuway sa batas?
Kung talagang sindak sa kamatayan,
Laging nakahanda ang upisyal na taga-bitay.
Kung kukunin mo ang tungkulin ng taga-bitay,
Malalagay ka sa sitwasyong ikaw ay karpintero’t taga-putol ng kahoy na taglay ang malalim na karanasan;
Sinumang nais pumutol ng kahoy na hindi dalubhasa sa gawaing ito,
Madalang na makaiiwas silang masugatan ang mga kamay.
75.
Bakit nagugutom ang taumbayan?
Dahil sinasamsam ng mga pinuno ang kanilang hanap-buhay sa pangangalap ng malaking buwis.
Kaya laganap ang gutom.
Bakit sila naghihimagsik?
Dahil sa labis na panghihimasok ng nga naghaharing uri.
Kaya sila’y bumabalikwas at umaalsa.
Bakit hindi nila lubhang isinasaloob ang kamatayan?
Sapagkat ang mga namumuno’y humihingi nang labis mula sa nagsisikap maghanap-buhay.
Sa gayon hindi dinidibdib ng taumbayan ang pangambang masasawi sila.
Tiyak na ang mga taong hindi umaalipusta sa sarili sa paghahanap-buhay ay mulat kaysa sa mga taong kumakapit doon.
76.
Ipinanganak ang isang nilalang na mahina’t malambot.
Sa pagyao, siya’y matigas at malamig na bangkay.
Ang damo’t luntiang halaman ay malambot at madaling mabali.
Pagkatapos maghingalo, ito ay lanta at tuyot.
Sa gayon ang matigas at di mababaluktot ay kaakbay ng kamatayan.
Ang mahina at malambot ay tagapagtaguyod ng buhay.
Dahil dito, bagamat ang hukbo ay malakas at malayong bumigay, mawawasak ito.
Bagamat mabulas ang punong-kahoy at hindi yumuyuko, madaling mabakli ang mga sanga nito.
Ang matipuno at mayabong ay mabubuwal;
Ang malambot at mahina ay makahihigit at mangingibabaw.
77.
Ang Landas ng langit—hindi ba tulad ito ng pagbabaluktot ng busog?
Kung masyadong mataas, ibinababa ito; kung mababa, itinataas.
Kung higit ang kaigtingan, kinakalagan.
Kung kulang naman, hinihigpitan.
Ang Landas ng langit ay kumukuha mula sa ari-ariang nagkakatusak ng mayaman upang ipamahagi iyon sa mga pulubi.
Ang Landas naman ng karaniwang nilalang ay iba.
Kumukuha siya sa mga taong nagdaralita at ibinibigay iyon sa mga mariwasa.
Sino ang nilikhang labis ang pag-aari at kusang naghahandog ng bahagi nito sa buong mundo?
Walang pasubali, iyon lamang umiirog sa Landas.
Sa gayon, ang pantas ay kumikilos nang lihim, walang humaling, walang inaangkin.
Naisasagawa niya ang anumang dapat mabuting gawin at hindi tumatawag ng pansin.
Wala siyang hangad magpasikat sa taglay na birtud.
78.
Sa ilalim ng langit walang mas malambot, mahina at mapagpaubaya pa kaysa sa tubig.
Ngunit kung nais mong dumaluhong sa matigas at malakas, wala nang iba pang magaling na kasangkapan kaysa sa tubig.
Walang makapapalit o makapag-iiba dito.
Alam ng lahat na maigugupo ng mahina ang malakas.
Maibabagsak ng malambot ang matigas.
Batid ito ng lahat sa ilalim ng langit, subalit walang nagsasapraktika nito.
Ito ang katwirang naikintal sa deklarasyon ng pantas:
Sinumang tumatanggap sa mura o sumpa laban sa estado ay hirangin siyang karapat-dapat mamuno;
Sinumang dumaramay sa kasawian ng estado ay karapat-dapat maging hari ng sansinukob.
Ang makatotohanang salita ay nagmimistulang kabalintunaan.
79.
Pagkaraan ng mapait na alitan, natitira ang galit o hinanakit.
Ano ang maaring gawin sa kasunduang tagibang upang manaig ang kabaitan?
Bukambibig na ang sitwasyong ng pantas ay sumasagot sa kalahating bahagi ng kontrata, ngunit hindi sumisingil nang wala pa sa panahon.
Ang nilikhang taglay ang birtud ay tumutupad sa kanyang pananagutan.
Ngunit ang nilikhang walang birtud ay humihingi ng labis na tubo.
Ang Landas ng langit ay walang kinikilingan.
Laging kapiling ito ng mga nilalang na matulungin at mapagbigay sa kapwa.
80.
Ang maliit na bayan ay pinaninirahan ng kaunting mamamayan.
Nakaimbak ang maraming sandata ngunit hindi ito ginagamit.
Iniingatan na may pagsasaalang-alang sa kamatayan at walang hilig magpasyal sa malayo.
Kahit makagagamit ng mga bangka at karwahe, walang dahilang sumakay dito.
Kahit mayroong sandata’t baluti, walang dahilang itampok ito.
Bumabalik sila sa kinagawiang pagbuhol ng lubid sa halip na sumulat.
Mahusay ang takbo ng pamahalaan.
Masarap ang pagkain; maganda at mainam ang damit nila.
Matiwasay ang kanilang mga tahanan.
Maligaya sila sa kanilang inarugang pamumuhay.
Bagamat tanaw ang mga kanugnog-bayan at maiging naririnig ng sinumang bumabagtas sa lansangan ang tahol ng aso’t tilaok ng manok,
Namumuhay sila nang payapa, tumatanda’t tumutugpa, di nakakawing sa balisang paglalagalag.
81.
Hindi mapanggayuma ang wikang makatotohanan.
Hindi mapapagtiwalaan ang mabighaning salita.
Ang may angking dunong ay hindi palaaral.
Ang palaaral ay walang kaalaman.
Ang taong mabuti ay walang binabantayang ari-arian.
Ang taong nagkamal ng maraming ari-arian ay hindi mabuti.
Ang pantas ay hindi nagtitinggal o nagtitipon ng mga ari-arian.
Sapagkat marami siyang nagawa para sa kapakanan ng iba, nag-umaapaw ang kanyang biyaya.
Kapag marami ang ibinibigay niya sa iba, lubhang masagana siya.
Ang Landas ng langit ay nagsasabog ng buti at pakinabang; hindi ito pumipinsala.
Ang Landas ng pantas ay nagsasakatuparan at hindi nakikipag-unahan.
###
Comments