POSTKONSEPTUWAL NA TULA, KONSEPTUWALISTANG SINING/DISKJURSO ni E. SAN JUAN, Jr.
SINALANG SALAWIKAIN NG SALARING NAGKASALA Sa Labintatlong Maniobra sa Larangan ng Pakikipagsapalaran [Pagsubok sa Paglikha ng Post-Konseptuwal na Diskurso] [Sinangla, binalasa't nilustay bago umagpang ang salarin ng wika sa paglinlang at pagdispalko sa kasaysayan, ayon sa tagubilin ni Felix Razon:"Ilang hagkis o pukol ng dais ay hindi makawawalis sa istratehiya ng pagbabakasakali....”] ni E. SAN JUAN, Jr. _____________________________________________________________ PAUNAWA TUNGKOL SA KONSEPTUWAL NA SINING/PANITIKANG POST-KONSEPTUWAL Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mg...