ARMADONG DIWATA


DIWATANG MANDIRIGMA

-- ni E. San Juan, Jr.



1.

Malik-mata? Gayuma ng pangako’t pag-asa?
Alaala ng naglahong aliw nasasabik
Mahal ko, saang likong landas ka naghihintay?

Nang tayo’y maghiwalay, napigtal sa panimdim
Ang ‘yong kaluluwang nagsandata’t nakilahok
Sa bibig mo’y di pahimakas kundi pagbati

Lumusong sa luha’t hapis lambong ng ligalig
Sa ‘yong mata’y liwanag at dilim, umuusok
Ang apoy ng panaginip hamon sa tadhana.

2.

Bagwis ng diwatang lumipad, pumailanlang
Mula sa lagim ng lungsod lumapag sumugod
Binalangkas ang dagat bundok nasa’y lumaya

Patnubay ang gunitang tiniis isinumpa--
Mahal, saang mahiwagang gubat ka naglamay?
Kaulayaw ang masang dumamay lumiligtas

Nagliliyab ang lansangan nang ikaw’y lumisan—
Saang gilid ng bangin magkikita muli?
Humagip ang bagwis ng pangarap pumalaot

3.

Mabighaning paraluman, saan ka naglakbay?
Sa balintataw ng guniguni kumikislap
Alingawngaw ng batis ang bati ng diwata

Dukha’t api’y nag-akay sa magayumang gubat
Sa bingit ng labi awit ng dalampasigan
Sa gilid ng pilik-mata biglang namilaylay

Ang bagwis ng diwatang mailap naghihintay—
Sa dulo ba ng landas nag-aabang ang yapos?
Ang pulang talang nakatanod may pahiwatig

Ng kinabukasang walang magayumang tukso
Habang ikaw’y nakahimlay sa kinabuwalan
Bumabangon ang alindog sa bawat himaymay

Ng katawang yakap ng lupa’t batis ng lambak
Natagpuan kita sa madugong pagtitipan
Ng pangako’t pag-asa, sumuway sa tadhana—

Nangahas itaya ang buhay, pinakasasabikan.--###

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.