TUNGKOL SA NOBELA NI LUALHATI BAUTISTA, DESAPARESIDOS
DESAPARESIDOS ni Lualhati Bautista: Ideolohiya, Praktika, Rebolusyon Isang Metakomentaryo ni E. San Juan, Jr . Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines Pambungad Sa unang malas, umaayaw na o natatabangan ang marami sa pagkasulyap sa salitang "ideolohiya." Ano ba ito, propaganda o chika tungkol sa politika na hindi bagay sa okasyong itong pagsunod sa binagong K-12 curriculum. Kung inyong nabasa ang Batas at Memo ni Dir. Licuanan, nais daw hasain ang estudyante sa kritikal at malikhaing pag-iisip upang itransporma ang sarili at kapaligiran. Naku, bigating layunin ito. Idiniin din na kailangan daw iakma o iayon ang turo't aralin sa global istandard (tingnan ang Department of Education Webpage). Isa sa required reading sa mga kolehiyo sa Europa & mga bansa sa Aprika at Amerika ang The German Ideology nina Marx at Engels. Tiyak na alam ng lahat na bawal ang komunistang lathalai't usapan...