ANO ANG DAPAT GAWIN? Panayam ni E. San Juan Jr. sa PUP, Pebrero & Marso 2015
ANO ANG DAPAT GAWIN? BALANGKAS SA PAGBUO NG MAPAGPALAYANG KRITIKA NG NEOKOLONYALISTANG ORDEN - ni E. San Juan, Jr. Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines I. DISKURSO TUNGKOL SA POLITIKA NG KASAYSAYAN Panimulang Hagod ng Kamalayan Sa malas, ang kasaysayan ng Pilipinas ay isang mahaba't masalimuot na proseso ng pagbabago, buhat noong sakupin tayo ng Espanya hanggang sa pagbabalik ng U.S. sa kasunduang VFA (Visiting Forces Agreement) at EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement). Hindi tuwid ang lakad ng mga pangyayari. Neokolonya pa rin tayo sa kabila ng pagiging Republikang formal noong 1946, kahiman ilang "Bayang Magiliw" ang kantahin sa bawat simula ng programa't pelikula saanmang sulok ng bayan. Sipatin ang matinding kontradiksyon ng mga pwersa sa lipunan sa daloy ng historya. Bagamat pasulong ang direksiyon ng pakikibaka laban sa imperyalismo, bunga ng paghinog ng mga sapin-saping ko...