TUNGKOL SA USAPIN NG WIKANG PAMBANSA PARA SA PILIPINAS--ni E. SAN JUAN, Jr.
INTERBENSIYON SA USAPIN NG PAMBANSANG WIKA (Panayam sa Ateneo University, March 12, 2008) ni E. San Juan, Jr. 1. Sa kasalukuyang matinding sigalot sa bansa, anumang talakayan hinggil sa wika ay tiyak na magbubunsod sa isang away o maingay na pagtatalo. Kahawig nito ang usapin ng kababaihan. Laging matinik ang isyu ng pambansang wika, isang sintomas ng pinaglikom na mga sakit ng body politic. Tila ito isang mitsang magpapasabog sa pinakabuod na mga kontradiksiyong bumubuo sa istruktura ng lipunang siyang nakatanghal na larangan ng digmaan ng mga uri at iba’t ibang sektor. 2. Lalong masahol siguro kung sabihin kong nasa panig ako ng mga nagsususog sa isang pambansang wikang tinaguriang “Filipino.” Tiyak na tututol ang mga Sebuano, Ilokano, Ilonggo, mga alagad ng Taglish, o Ingles, o Filipino-Ingles. Ngunit hindi ito maiiwasan, kaya tuloy na tayong makipagbuno sa usaping ito upang mailinaw ang linya ng paghahati’t paglilinaw, at sa gayo’y makarating sa antas ng pagtutuos. 3. Saan mang ...