SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE--Lektura ni E. SAN JUAN, Jr.
KAHULUGAN, KATOTOHANAN, KATWIRAN: PAGPAPAKILALA SA SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE Panayam ni E. San Juan, Jr. Tanyag sa buong mundo si Charles Sanders Peirce, Amerikanong dalubhasa sa pilosopiya’t agham (1839-1914), bilang imbentor ng “pragmatismo,” isang metodong sumisiyasat sa proseso ng pagpapakahulugan. Bagamat pantas sa maraming agham, hindi siya nabigyan ng permanenteng posisyon sa akademya dahil sa labag-sa-kumbensiyonal na pamumuhay. Liban na sa maliit na pulutong ng mga kolega tulad nina William James at Josiah Royce, halos walang kumilala sa kanyang galing at dunong noong siya’y buhay. Ngayon na lamang tanggap na siya marahil ang pinakaimportanteng pilosopong nabuhay sa Amerika. Malaki ang impluwensiya niya sa mga modernistang paham tulad nina Bertrand Russell at Ludwig Wittgenstein, bukod sa makatas na ambag sa malawak na larangan ng lohika, astrophysics, lingguwistika at semiotika. Halos di nababanggit sa talambuhay ang progresibong paninindigang pampulitika ni Peirce...