TAO TE CHING / DAO DE JING --in Filipino/Tagalog (Chapters 60-81) by E. SAN JUAN, Jr.
TAO TE CHING / DAO DE JING (60-81) --Salin/Halaw ni E. SAN JUAN, Jr.
60.
Ang pamamahala ng bansa ay tulad ng pagluluto ng maliit na isda.
Lapitan ang sansinukob sa pamamagitan ng Tao
At walang mapapala ang mga diyablo ng kabuktutan.
Hindi ibig sabihin nito na ang kasamaan ay hindi nagmamalupit,
Ngunit ang kapangyarihan nila ay hindi makapipinsala.
Hindi lamang ito, na hindi makasasakit sa iba, kundi pati ang pantas ay hindi makasisira.
Hindi sila mananakit sa kapwa, at ang Birtud sa bawa’t isa ay makapagpapasigla sa kapwa.
61.
Ang malawak na bayan ay tulad ng tumana sa gilid ng ilog;
Ito’y tagpuang pook ng maraming bagay sa mundo;
Nagsisilbing ina ng lahat ng nilikha.
Laging naigugupo ng babae ang lalaki sa yumi at pagkawalang-kibo,
Nakatalungkong na walang kibo, mahinhin.
Samakatwid, kung makitrato ang isang malawak na bansa sa isang maliit sa mapagkumbabang paraan,
Magtatagumpay siya sa maliit na bayan.
At kung ang maliit naman ang makikibagay sa isang marangyang bansa sa ganoong paraan, kakanlungin siya ng bansang ito.
Sa gayon ang nais mangibabaw ay dapat bumigay,
At iyong gumagahis ay nagwawagi sapagkat sila’y sumusuko.
Nangangailan ng maraming mamamayan ang malawak na bansa;
Kailangang sumanib ang isang maliit na bansa sa iba.
Makakamit ng bawat isa ang kanyang nais;
Karapat-dapat sa isang marangyang bansa na magpaubaya at magpaunlak.
62.
Ang Tao ay malalim na batis ng ilanlibong bagay sa mundo.
Ito ang kayamanan ng mabait na tao, ang taguang binabantayan ng masama.
Mabibili ang karangalan ng matamis na salita;
Makakamit ng mapitagang asal ang mataas na posisyon na lipunan.
Paano mo maitatatwa ang masamang katangian ng kapwa?
Sa gayon, sa araw na pinuputungan ng korona ang imperador,
O kaya, ang mga upisyal ng Estado ay inihahalal,
Huwag kang magpadala ng regalo ng batong ihada at kawan ng apat na kabayo,
Sa halip manatiling walang kibo at itanghal ang Tao.
Bakit matinding dinadakila ng madla ang Tao sa simula’t simula pa?
Hindi dahil sa natagpuan mo ang iyong hinahanap at pinatawad ka pagkatapos magkasala?
Samakatwid, ang Tao ay pinaparangalan sa ilalim ng langit.
63.
Isapraktika ang walang pag-abala.
Magtrabaho nang walang panghihimasok.
Tikman ang walang lasa.
Palakihin ang maliit, paramihin ang kaunti.
Tumugon sa karaingan ng Birtud sa magiliw na paraan.
Tuklasin ang katutubo sa mga masalimuot na bagay.
Itaguyod ang kadakilaan sa pananaw ng munting bagay.
Sa sansinukob, ang mahirap isakatuparan ay ginagawa sa paraang madali.
Sa sansinukob, ang malaking kaganapan ay sinasaksihan ng mga gawang maliit.
Hindi sinusubok ng pantas ang anumang talagang mabigat,
At sa ganito’y natatamo niya ang kadakilaan.
Ang madulas na pangako ay natutumbasan ng matamlay na tiwala.
Ang magaang na pagrenda sa mga bagay ay magbubunsod ng mahirap na suliranin.
Sa gayon, laging tinitimbang ng pantas ang mahirap na problema.
Sa wakas, walang trabahong hindi malulutas.
64.
Madaling pairalin ang kapayapaan.
Madaling malunasan ang gulo bago ito lumawig.
Madaling basagin ang malutong; madaling ikalat ang maliit.
Harapin mo’t bunuin ito bago mangyari.
Ayusin ang paligid bago dumagsa ang hilahil.
Ang malaking punong-kahoy na higit sa isang dipa ay sumisibol sa munting usbong;
Ang terasang may siyam na palapag ay nagsisimula sa isang tambak ng lupa.
Ang lakbay na isang libong milya ay nag-uumpisa sa ilalim ng talampakan.
Sinumang kumikilos ay siyang sumusugpo sa kanyang layon;
Sinumang sumusunggab ay natatalo.
Hindi nag-aabala ang pantas, at sa gayo’y hindi natatalo.
Hindi siya sumusunggab at sa gayo’y hindi natatanggalan.
Kadalasa’y nabibigo ang mga taong malapit nang magwagi
Kaya bigyan ng masinop at maingat na pakikitungo ang hulihan gaya ng pagtuon sa unahan.
Sa gayon hindi ka daranas ng kabiguan.
Samakatwid, hangad ng pantas na lumigtas sa pagnanais.
Hindi siya nagtitipon ng mga mamahaling ari-arian.
Ipinag-aaralan niyang huwag magkamal ng mga haka o hinagap na itatago.
Binabalik niya ang kapwa sa bagay na nawala.
Tinutulungan niya ang ilanlibong bagay sa pagsisiyasat sa kanilang tunay na kalikasan.
Ngunit siya’y umiiwas sa kaabalahan.
65.
Sa simula, ang mga taong may kabatiran sa ulirang Tao ay hindi nagpapaliwanag.
Sa halip, hinahayaan nilang makulong ang madla sa dilim.
Bakit napakahirap pamunuan ang mga hangal?
Sapagkat sila ay sagadsarang tuso at mapanlinlang.
Ang mga pinunong sanay sa panlilinlang ang siyang umaalipusta sa bayan.
Iyong namang namumuno ng walang daya ay pinagpalang handog sa buong bayan.
Ang pag-aaral sa dalawang paraang ito ay paghatol sa ating pamamaraan.
Ang pagsipat dito ay pinakatunay na Birtud, malalim at masaklaw.
Inaakay nito ang lahat sa pagbabalik sa Tao, tungo sa dakilang pagpapailalim.
66.
Bakit ang dagat ang hari ng ilandaang sapa sa lambak?
Sapagkat ito ay mahusay dumaloy sa ilalim.
Sa gayon ito'y kumikilos bilang hari ng ilandaang sapa.
Kung papatnubayan ng pantas ang mga mamamayan, dapat paglingkuran sila sa paraang mapagkumbaba.
Kung aakayin sila, dapat siyang pumila sa likod nila.
Dahil dito ang pantas ay nangingibabaw kapag namumuno at hindi nararamdaman ang bigat ng kapangyarihang gumagabay;
Kung siya ay nakatayo, hindi sila nasasaktan.
Itataguyod siya ng lahat at hindi sila mapopoot sa kanya
Sapagkat hindi siya makikipag-away,
Walang sasalungat at makikipagtagisan sa kanya.
Sa kasalukuyang panahon, inaayawan ng madla ang habag, ngunit sinisikap nilang maging matapang;
Tumitigil sa pagtitipid, ngunit nagpupunyaging maging mapagbigay;
Hindi sila naniniwala sa kapakumbabaan, ngunit laging hangad nilang manguna sila.
Tiyak na pagkabulid iyan.
Nagdudulot ng tagumpay sa labanan ang habag at namamayani ito sa pagtatanggol.
Ito ang paraan ng langit upang mailigtas at mapangalagaan ang lahat sa bisa ng pagmamalasakit.
67.
Lahat ng nilikha sa ilalim ng langit ay nagsasabi na ang aking Tao ay pihikan at hindi mapapantayan.
Palibhasa’y magaling, tila namumukod iyon.
Kung hindi iba, tiyak na nabalewala ito at tuloy nailigpit.
Mayroon akong tatlong hiyas na itinatago at tinatanuran.
Una ang kagandahang-loob; pangalawa ay pagtitipid;
Pangatlo ay kapangahasang hindi umasta bilang pinakapiling nilalang sa ilalim ng langit.
Mula sa pagkamaawain sumupling ang katapangan, mula sa pagtitipid ang pagkamapagbigay.
Mula sa pagpapakumbaba umuunlad ang pamamahala sa lahat.
68.
Ang mahusay na sundalo ay hindi marahas sa digmaan.
Ang magaling sa labanan ay hindi galit.
Ang mahusay na sumugpo sa katunggali ay hindi gumaganti sa labanan.
Ang sanay sa pangangasiwa ay mapagkumbaba.
Ito’y tinatawag na “Birtud ng hindi pagsusumikap.”
Ito ay kilala sa taguring “kakayahang mangasiwa.”
Simula pa noong sinaunang panahon, ito ang kilala sa taguring “pakikiisa sa katutubong takda ng langit.”
69.
May kasabihang kalat tungkol sa pwersang militar:
Hindi ako dapat mangahas kumilos bilang nag-anyaya; sa halip, nais kung maglaro muna bilang panauhin;
Hindi ko pangangahasang sumugod ng isang dangkal, sa halip nais kong umurong ng isang dipa.”
Ang tawag dito ay pagmartsa sa paraang hindi ipinamamalas ang anumang galaw,
Binabalumbon ang manggas nang hindi inilalabas ang braso,
Binibihag ang kalaban nang hindi sumasalakay,
Sandatahan ngunit walang armas.”
Walang hindi pa masahol na sakuna kaysa sa pagmamaliit sa kakayahan ng kaaway.
Sa paghamak sa kaaway, muntik nang mawala sa akin yaong mga mahalaga sa akin.
Sa pagsagot sa lusob ng kaaway, ang mga hukbo ay magkamukha at magkatimbang.
Ang panig na hapis at namimighati ang siyang magwawagi.
70.
Ang mga salita ko’y madaling maintindihan at madaling mailapat.
Subalit walang sinuman, sa ilalim ng langit, ang nakauunawa dito upang subukan at isapraktika ito.
Ang mga pangungusap ko ay sumusunod sa dalubhasang guro,
Ang mga kilos ko ay ginagabayang mahigpit
Sapagkat hindi nauunawaan ng madla ang mga turo ko, hindi nila kilala ako.
Kaunti lamang ang may kabatiran sa akin; kaunti ang nakikinig.
Sa gayon, suot ng pantas ang maligasgas na sakong damit at kimkim niyang malapit sa puso ang tunay na hiyas.
71.
Batid mo na hindi mo talagang alam—ito ang kahanga-hanga.
Kung hindi mo batid na alam mo nga, ito ay tiyak na pagkukulang.
Walang pagkukulang na ganito ang pantas.
Sapagkat tanggap niya na ang kakulangan ay tunay na kakulangan.
Sapagkat tanggap niya ang kanyang mga kakulangan, wala siyang kapintasan.
72.
Kung ang tao’y walang takot sa dahas, tiyak na darating ang malaking kapahamakan.
Huwag ipagpilitang pasukin ang loob ng mga tahanan.
Huwag maliitin ang paraan ng kanilang pamumuhay.
Kung hindi nakikialam ang mga pinuno, hindi sila mapopoot sa kanya.
Sa gayon, talos ng pantas ang sarili kung hindi siya nagpapasikat.
Isinapuso niya ang paggalang-sa-sarili at pag-ayaw sa kahambugan.
Pinabayaan ito at piniling asikasuhin iyon.
73.
Ang matapang at mapusok na nilalang ay nauutas.
Ang matapang at matimping nilalang ay di mapapaslang.
Sa dalawang ito, isa’y nagdudulot ng kapakinabangan, at ang isa naman ay pinsala.
May mga bagay na hindi tinatangkilik ng langit. Sino ang makahuhulo kung bakit?
Maski ang pantas ay hindi nakatitiyak at hindi makapagpaliwanag.
Bagamat ang Tao ng langit ay hindi sumasali sa paligsahan, madalubhasang nakakamit nito ang tagumpay.
Hindi ito nangungusap ngunit itoy sanay tumugon.
Hindi tumatawag ngunit lahat ay kusang dumudulog.
Sa malas, matiwasay na ito, ngunit maliksi pa rin sa pagtupad sa panukala.
Ang lambat ng langit ay inihahagis sa masaklaw na paraan.
Bagamat maluwag ang mga butas nito, walang nakalulusot.
74.
Kung ang taumbaya’y hindi takot mamatay,
Walang mapapala ang pinuno kung bantaan sila ng kapalarang ito.
Kung nag-iingat ang pinunong sanaying magdanas ng takot ang mga mamamayan,
At kung sikapin kong hulihin at patayin ang mga kriminal,
Sino ang mangangahas sumuway sa batas?
Laging humihirang ng upisyal na taga-bitay.
Kung kukunin mo ang kanyang tungkulin,
Malalagay ka sa sitwasyong ikaw ay karpintero’t taga-putol ng kahoy na taglay ang malalim na karanasan sa mga bagay na ito,
Sinumang nais pumutol ng kahoy bilang dalubhasang karpintero,
Madalang lang na makaiiwas silang masugatan ang mga kamay.
75.
Bakit nagugutom ang taumbayan?
Dahil sa kinakain ng mga pinuno ang kanilang hanap-buhay sa pangangalap ng maraming buwis.
Kaya laganap ang gutom.
Bakit sila naghihimagsik?
Dahil sa labis na nanghihimasok ang pinuno.
Kaya sila’y bumabalikwas at umaalsa.
Bakit hindi lubhang sinasaloob ang kamatayan?
Sapagkat ang mga namumuno’y humihingi nang labis mula sa nagsisikap maghanap-buhay.
Sa gayon hindi dinidibdib ng taumbayan ang pangambang masasawi sila.
Sa mga nilalang na sinasayang ang buhay sa hindi pakikialam, taos-pusong nilalasap nila ang katuturan nito.
76.
Ipinanganak ang isang nilalang na mahina’t malambot.
Sa paglisan, siya’y matigas at magaspang.
Ang damo’t luntiang halaman ay malambot at madaling mabali.
Pagkaraang maghingalo, ito ay lanta at tuyot.
Sa gayon ang matigas at di mababaluktot ay alagad ng kamatayan.
Ang mahina at malambot ay tagapagtaguyod ng buhay.
Dahil dito, bagamat ang hukbo ay malakas at ayaw bumigay, mawawasak ito.
Bagamat matipuno ang punong-kahoy at hindi yumuyuko, madaling mabakli ang mga sanga nito.
Ang matigas at matipuno ay mabubuwal;
Ang malambot at mahina ay makahihigit at mangingibabaw.
77.
Ang Tao ng langit—hindi ba tulad ito ng pagbabaluktot ng busog?
Kung masyadong mataas, ibinababa ito; kung mababa, itinataas.
Kung higit ang kaigtingan, binabawasan.
Kung kulang naman, hinihigpitan.
Ang Tao ng langit ay sumasamsam mula sa pag-aaring nagkakatusak ng mayaman upang ipamahagi iyon sa mga pulubi.
Ang Tao naman ng karaniwang nilalang ay iba.
Kumukuha siya sa mga mamamayang nagdaralita at ipinamamahagi iyon sa mga mariwasa.
Sino ang nilikhang labis ang pag-aari at kusang nagbibiyaya sa buong mundo?
Ang nagtatamasa ng Tao lamang.
Sa gayon, ang pantas ay kumikilos nang lihim, hindi umaasa sa iba;
Naisasagawa niya ang anumang dapat mabuting gawin at hindi tumatawag ng pansin.
Wala siyang hangad magyabang dahil sa taglay na Birtud.
78.
Sa ilalim ng langit walang mas malambot at mapagpaubaya pa kaysa sa tubig.
Ngunit kung nais mong dumaluhoong sa matigas at malakas, wala nang iba pang magaling kaysa sa tubig.
Walang makapapalit dito.
Maigugupo ng mahina ang malakas.
Maibabagsak ng malambot ang matigas.
Batid ito ng lahat sa ilalim ng langit.
Ngunit walang nagsasapraktika nito.
Sa gayon, pahayag ng pantas:
Sinumang umaangkin sa kahihiyan ng taumbayan ay karapat-dapat mamuno sa pamahalaan;
Sinumang dumaramay sa kasawian ng bayan ay karapat-dapat maging hari ng sansinukob.
Malimit dumadaloy ang kabalintunaan sa katotohanan.
79.
Pagkaraan ng mapait na alitan, natitira ang galit o pagdaramdam.
Ano ang maaring gawin, gamit ang Birtud, upang kumalat ang kabaitan?
Sa gayon, ang pantas ay tumutupad sa kalahating bahagi ng usapan.
Ngunit hindi sumisingil sa lahat ng kanyang hati.
Ang nilikhang taglay ang Birtud ay tumutupad sa kanyang pananagutan.
Ngunit ang nilikhang walang Birtud ay humihingi ng buwis.
Ang Tao ng langit ay walang kinikilingan.
Laging kapiling ito ng mga nilalang na matulungin at mapagbigay.
80.
Ang maliit na bayan ay pinaninirahan ng kaunting mamamayan.
Pinangasiwaang mag-imbak ng maraming sandata ngunit hindi ito ginagamit.
Iniingatan na may pagsasaalang-alang sa kamatayan at hindi sila naglalakbay sa malayo.
Kahit makagagamit ng mga bangka at karwahe, walang sumasakay dito.
Kahit mayroong sandata’t baluti, walang nagtatampok dito.
Bumabalik sila sa kinagawiang pagbuhol ng lubid sa halip na sumulat.
Mahusay ang pamamalakad ng gobyerno.
Masarap ang pagkain; maganda at mainam ang damit nila.
Ang kanilang mga tahanan ay tiwasay.
Maligaya sila sa kanilang kinagawiang pamumuhay.
Bagamat tanaw ang mga kapit-bahay at maiging naririnig ng sinumang bumabagtas sa lansangan ang tahulan ng aso’t tilaok ng manok,
Namumuhay sila nang payapa, tumatanda’t tumutugpa nang walang sukat pagkaabalahan.
81.
Hindi magayuma ang wikang makatotohanan.
Hindi makatotohanan ang mabighaning salita.
Hindi nagtatalo ang mga mabuting mamamayan.
Ang mga nangangatwiran ay hindi mabuti.
Ang may angking dunong ay hindi palaaral.
Ang palaaral ay walang kamuwangan.
Ang pantas ay sumasawata sa ugaling pagtinggal ng mga bagay-bagay.
Sapagkat marami siyang nagawa para sa kapakanan ng iba, lalong marami siyang biyaya.
Kapag marami ang ibinibigay niya sa iba, masagana siya.
Ang Tao ng langit ay masigla at masipag, ngunit hindi ito pumipinsala.
Ang Tao ng pantas ay lumilikha at hindi nakikipag-unahan.
###
Comments