LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (31-40))
LANDAS & KAPANGYARIHAN (Translation of Tao Te Ching, 31-40)
ni E. SAN JUAN, JR.
31.
Ang mga sandata’y kasangkapan ng kilabot; kinapopootan iyon ng lahat ng nilikha.
Sa gayon, hindi ginagamit iyon ng mga tagapagtaguyod ng Landas.
Pinipili ng marangal na mamamayan ang kaliwa kung nasa tahanan siya.
Ngunit kung ginagamit ang sandata, itinatanghal ang kanan.
Ang mga sandata ay instrumento ng imbing sindak, hindi ito kagamitan ng taong marangal.
Ginagamit lamang iyon kung wala na siyang ibang paraang mapipili.
Hinihirang na pinakamagaling ang kapayapaan at kahinahunan.
Ang tagumpay ay hindi dahilan upang ipagdiwang ang alindog ng sandata.
Kung nasasayahan ka sa ganda ng armas, nalulugod ka sa pagkitil ng buhay.
Kung nalulugod ka sa pagpuksa, hindi matutupad ang kaganapan ng iyong loob at pagtamasa sa minimithi.
Sa mga maluwalhating pagkakataon, binibigyan ng halaga ang kaliwa;
Sa panahon ng pighati, ipinagpapauna ang kanan.
Sa kanan ang pinunong nag-uutos, sa kaliwa ang lider ng hukbo.
Nawika noon pa na ang digmaan ay pinangangasiwaan sa paraang sumasalamin sa ritwal ng libing.
Kung maraming nasawi, dapat ipagluksang mataimtim ang nangyari.
Ito ay dahilan kung bakit dapat ipagbunyi ang tagumpay sa digma bilang isang pagburol sa mga bangkay
32.
Laging hindi itinakdang tiyak na may pangalan ang Landas.
Maliit man ito at payak, hindi ito masusunggaban o mapapangahasang sugpuin.
Kung maisisingkaw ito ng mga hari’t panginoon, walang atubiling tatalimahin ito ng lahat.
Magtitiyap ang langit at lupa, at lalapag ang mayuming ambon.
Hindi na mangangailangan ng batas at utos ang taumbayan, at lahat ng bagay ay kusang magkakapantay-pantay.
Pagkaraang hatiin ang lahat, laganap ang partikular na pangalan ng bawat bagay.
Kahit na nakawiwili ang pagtatangi-tangi, dapat alam kung kailan dapat tumigil.
Kung alam kung kailan titigil, mahahadlangan ang sigalot at maiiwasan ang pinsala.
Sa patalinghagang ulat, ang tao sa daigdig ay tulad ng sapa sa lambak na dumadaloy pauwi sa ilog at karagatan.
33.
Ang kaalaman tungkol sa iba ay karunungan.
Ang kabatiran tungkol sa sariling pagkatao ay kaliwanagan.
Kailangan ang dahas sa pamamahala sa iba, ngunit ang may disiplina sa sarili ay may angking kapangyarihan.
Sinumang nakauunawa na sapat na sa kanya ang nakapaligid ay mariwasa.
Tanda ng lakas ng kalooban ang kumilos ayon sa hangad o tangka.
Sinumang lumilinang sa kinalalagyan ay tumatagal, matiyagang tumitining.
Malagot man ang hininga, hindi maglalaho—ito ang buhay ngayon at magpakailanman.
34.
Dumadaloy ang Landas, maayos na bumabaling sa kaliwa’t kanan.
Lahat ay umaasa dito upang mabuhay, hindi ito umaalis.
Bagamat natapos ang minarapat na gawain, hindi ito umaangkin para sa sariling kapakanan.
Inaaruga’t tinatangkilik ang lahat ngunit hindi ito umaasal bilang pinuno nila.
Maituturing itong kapanalig ng mga anak-pawis.
Bumabalik dito ang ilanlibong nilikha, ngunit hindi ito nag-uutos.
Maitatangi ito sa mga dakila.
Sapagkat hindi binalak na kagila-gilalas ang ugali’t kalakaran, natatamo nito ang kadakilaan.
35.
Mahigpit na humawak sa maharlikang sagisag at lahat ng bagay sa mundo’y darating sa iyo.
Dudulog sila ngunit hindi sila sasaktan.
Magpapahinga sa katiwasayan at kapayapaan.
Ikatuwa ang musika at mainam na pagkain, sadyang humihinto ang mga nagdaraang manlalakbay.
Samakatwid, kung ang Landas ay inihayag sa salita, mapupuna na walang lasa at matabang ito.
Kung hahanapin ito, walang katangiang litaw na mapapansin.
Kung pakikinggan, walang sapat na mauulinigan.
Subalit kung kakasangkapanin ito, hindi ito mauubos o masasaid ang bisa.
36.
Kung nais mong bawasan ang anuman, kailangang dagdagan mo muna ito’t palakihin;
Kung nais mong palambutin ang anuman, kailangang patigasin muna pansamantala;
Kung nais mong tanggalan ang anuman, sandaling kabitan at paunlarin muna iyon;
Kung nais mong hulihin ang anuman, sandaling isuko mo muna ito.
Ito’y tinaguriang “paraan ng dalubhasang pang-unawa.”
Ang mahina’t malambot ay tumatalo sa malakas.
Hindi mo maihihiwalay ang isda mula sa tubig sa lawa;
Ang mabisang kagamitan ng pamahalaan ay hindi maisisiwalat sa madla.
37.
AngLandas ay hindi nagbabago sa pamamaraan at walang hindi naisasakatuparan.
Kung nais imbakin ito ng mga hari’t panginoon, kusang-loob na maiiba ang kalikasan ng maraming nilikha.
Pagkaraan ng pagbabago, kung nais nilang makaigpaw,
Ihahanay sila katabi ng buong tipak na kahoy na walang pangalan.
Sa pagpapahinahon sa kanila sa bisa ng payak at walang ngalang tipak, walang damdaming mapag-imbot ang lilitaw;
Kung walang pagnanasa, lalaganap ang katiwasayan at lahat ng bagay ay kusang makikipag-ugnay.
38.
Ang tunay na mabuting tao ay hindi lubos na nakamamalay sa kanyang galing,
At sa gayon tunay na makabuluhan.
Ang hangal na tao’y nagpupunyaging maging makapangyarihan,
At sa gayon walang tulong o lingkod.
Ang tunay na mabuti ay walang tangkang gumawa
Ngunit lahat ay nagagampanan nang walang pamimilit.
Ang mga upisyal ay namimilit, ngunit napakaraming nakakaligtaang harapin.
Kapag ang tunay na mabuti’y nagpunyagi, walang bagay na di mayayari.
Kapag ang makatarunga’y kumilos, nag-iiwan sila ng malaking pagkukulang.
Kapag ang nagpapairal ng kautusan ay nangangasiwa at walang tumutugon,
binabalumbon ang manggas upang ipataw ang batas at hatakin ang mga mamamayan.
Sa gayon, kapag nakaligtaan ang Landas, magkasya na lang sa kabaitan.
Kapag nawala ang kabaitan, sumasalisi ang pagpipitagan.
Kapag nawala ang pitagan, magkasya sa kung ano ang karapat-dapat.
Kapag nawala ang nararapat, dumulog sa ritwal.
Ang ritwal ay upak ng pananampalataya at pananagutan, ang babala ng gulo.
Ang hula sa kinabukasan ay maakit na palamuti ng Landas, ngunit ito’y bukal ng kamangmangan.
Samakatwid, ang tunay na dakilang tao ay sumasandig sa katalagahan at hindi sa ibabaw ng mga baga-bagay, nakatutok sa bunga at hindi sa bulaklak.
Dahil dito, tinatanggap ang ilan at tinatanggihan ang iba.
39.
Ang mga bagay na itong nagmula pa sa sinaunang panahon ay bumalong at dumaloy sa kaisahan.
Ang langit ay napag-isang buo at maaliwalas.
Ang lupa ay napag-isang buo at matatag.
Ang diwa ay napag-isang buo at matipuno.
Ang lambak ay napag-isang buo at masagana.
Ang sampung libong bagay sa lambak ay napag-isang buo at nagbubunga.
Ang mga hari’t panginoon ay napag-isang buo at ang buong bayan ay sumusunod sa praktika ng pagkamakatwiran.
Lahat ng ito ay nangyayari dahil sa pagkakaisa.
Nahahadlangan ng kaliwanagan ng langit ang pagdurog nito.
Nahahadlangan ng kapayapaan ang pagbiyak sa lupa.
Nahahadlangan ng lakas ng diwa ng mga bathala ang pagwasak nito.
Nahahadlangan ng kasaganaan ang pagkatuyo ng lambak.
Nahahadlangan ng paglago ng isanlibong bagay ang pagkamatay nito.
Nahahadlangan ng pagkamakatarungan ng hari’t panginoon ang pagsira sa buong bayan.
Sa gayon ang ugat ng karangalan ay ang pagpapakumbaba,
Ang mababa ang saligan ng mataas.
Itinuturing ng mga hari’t maharlika na sila’y “ulila,” “pulubi,” at “sawimpalad.”
Hindi ba nakabatay ang pagkamaharlika sa mapagkumbabang ugali?
Ang malabis na tagumpay ay hindi kahigtan.
Sa gayon, huwag kumalansing tulad ng makinang na batong ihada; huwag mag-ingay o mag-astang burikak tulad ng batong dupikal.
40.
Sa katumbalikan at kabaligtaran gumagana ang paraan ng Landas.
Sa kahinaan umaandar ang paraan ng Landas.
Ang mga pangyayari sa daigdig ay iniluwal mula sa katiyakang umiiral
At ang umiiral ay isinilang mula sa walang takdang kawalan.
Comments