LUPA TUBIG HANGIN APOY
LUPA TUBIG HANGIN APOY: Metamorposis at Balat-kayo sa Daigdig ng Pakikipagsapalaran ni E. SAN JUAN, Jr. 1. LUPA Nagulat namangha nang bumangga ang balikat natin—aksidente o itinadhana?-- sa pagsalikop ng Blumentritt at Misericordia, pook ng aking kasibulan at paniningalang-pugad, di sinasadya. Naligaw ng landas pauwi. Kundanga’y namulat sa ilang, iniilag-ilagan. Sa guhit- tagpuan, nagkabungguan. Kaibigan, ito’y himutok ng kapus-palad. Nakapangangalisag--nasa loob pa ba ako ng utak ng kung anong bathala, binabalak pa, kung sakali. Gayunpaman, dapat magpasiya. Di bale, nawala sa gitna ng paglalakbay. Nasaan ang lagda, palatandaan habang inaabangan ang kagampan? Buhay ko’y dapat isauli, tanggap ko. Dapat sundin, talimahin: muhon dito, bakod doon. Ngayon, pagkaraan. Sapagkat gumanap na, aanhin pa ang bukang-liwayway? Ipagbilinan: subaybayan. Ipinagmumuni: tigil na muna. Pag-aralan ang dahilig na tarundon, baluktot na pilapil pasikut-sikot sa laberinto ng ala...