TAO TE CHING -Rendered into Filipino (60-69)--Revised Version
LANDAS & KAPANGYARIHAN (Revised 21 June 2010)
Salin ng TAO TE CHING ni
E. SAN JUAN, Jrt.
60.
Ang pamamahala ng bansa ay katulad sa pagluluto ng maliit na isda.
Lapitan ang sansinukob sa pamamagitan ng Landas
At walang mapapala ang mga diyablo ng kabuktutan.
Hindi ibig sabihin nito na ang kasamaan ay hindi magmamalupit,
Ngunit ang ispiritu nila ay hindi makapipinsala.
Hindi lamang ito, na hindi makasasakit sa iba, kundi pati ang pantas ay hindi makapipinsala.
Hindi sila kapwa mananakit, at ang birtud na taglay nila ay makapagpapasigla sa kapwa.
61.
Ang malawak na bayan ay tulad ng tumana sa paanan ng bumabalisbis na agos ng ilog;
Ito’y tagpuang pook ng maraming bagay sa mundo;
Nagsisilbing ina ng lahat ng nilikha.
Laging naigugupo ng babae ang lalaki sa bisa ng magiliw at mayuming katatagan,
Habang nakatalungkong walang kibo, mahinhin.
Samakatwid, kung makitrato ang isang maunlad na bansa sa mga dukhang bansa sa mapagkumbabang paraan,
Mapapamahalaan niya sila.
At kung ang maralita naman ang makikibagay sa isang marangyang bansa sa ganoong paraan, kakanlungin siya ng bansang ito.
Sa gayon ang nais mamuno ay dapat bumigay,
At iyong gumagahis ay nagwawagi sapagkat sila’y sumusuko.
Nangangailan ng maraming mamamayan ang malawak na bansa;
Kailangang sumanib ang maliit na bansa sa ibang katulad niya.
Sa gayo’y makakamit ng bawat isa ang kanilang nais.
Karapat-dapat sa isang marangyang bansa na magpaubaya at magpaunlak.
62.
Ang Landas ay malalim na batis kung saan umaagos na magkapiling ang lahat ng bagay.
Ito ang kayamanan ng mabait na tao, ang nagbabantay sa mga walang kakayahan.
Mabibili ang karangalan ng makiring salita;
Makakamit ng mapitagang asal ang mataas na posisyon sa lipunan.
Paano natin maitatatwa ang masamang katangian ng kapwa?
Sa gayon, sa araw na pinuputungan ng korona ang imperador,
O kaya, ang mga upisyal ng Estado ay inihahalal,
Huwag kang magpadala ng regalo ng batong ihada at kawan ng apat na kabayo;
Sa halip manatiling walang kibo at ialay ang papuri ng Landas.
Bakit masidhing dinadakila ng madla ang Landas sa simula’t simula pa?
Hindi ba dahil sa natagpuan mo ang iyong hinahanap at pinatawad ka pagkatapos magkasala?
Kaya nga ang Landas ay siyang pinakamakatuturang bagay sa ilalim ng langit.
63.
Gumawa sa paraan ng walang paggiit, walang pamimilit.
Magtrabaho nang walang panghihimasok.
Tikman ang walang lasa.
Palakihin ang munti, paramihin ang kaunti.
Tumugon sa daing ng galit o poot sa mapagtotoong paraan.
Tuklasin ang payak sa mga masalimuot na bagay o pangyayari.
Itaguyod ang kadakilaan sa pagtanghal sa kanyang di-pansing sangkap.
Sa sansinukob, ang mahirap isakatuparan ay nangyayari sa paraang madali.
Sa sansinukob, ang malaking kaganapan ay nagbubuhat mula sa mga gawang maliit.
Hindi sinusubok ng pantas ang anumang talagang mabigat,
At sa ganito’y natatamo niya ang kadakilaan.
Ang madulas na pangako ay tinutumbasan ng matamlay na tiwala.
Ang palagay na madali’t magaan ang lahat ay magbubunsod ng maraming matinik na suliranin.
Sapagkat tinitimbang ng pantas at masinop na kinukuro’t hinahatulan ang lahat ng ito,
Sa wakas, walang problemang hindi malulutas.
64.
Madaling magpakatatag kung payapa ang kapaligiran.
Madaling malunasan ang gulo bago ito pumutok.
Madaling basagin ang malutong; madaling supilin ang anumang bagong sulpot.
Harapin mo’t bunuin ito bago mangyari.
Ayusin ang sitwasyon bago dumagsa ang hilahil.
Ang malaking punong-kahoy na higit sa isang dipa ay lumalago mula sa munting usbong.
Ang terasang may siyam na palapag ay nagsisimula sa isang tambak ng lupa.
Ang lakbay na isang libong milya ay nag-uumpisa sa ilalim ng iyong talampakan.
Sinumang kumikilos ay siyang sumusuwata sa kanyang layon;
Sinumang sumusunggab ay natatakasan.
Hindi nag-aabala ang pantas, at sa gayo’y hindi siya nakasisira.
Hindi siya mapag-imbot na humahamig at sa gayo’y hindi natatanggalan.
Kadalasa’y nabibigo ang mga taong malapit nang magwagi, maaksayang nagwawaldas,
Kaya bigyan ng masinop at maingat na pakikitungo ang hulihan katumbas ng pagtuon ng pansin sa unahan.
Sa gayon hindi ka daranas ng masaklap na kabiguan.
Samakatwid, hangad ng pantas na lumigtas sa pagnanasa.
Hindi siya magtitipon ng mga mamahaling ari-arian.
Pinag-aaralan niyang huwag magkamal ng mga itatagong haka-haka o hinagap.
Bumabalik siya sa mga bagay na nakaligtaan o naipagliban.
Bagamat handa siyang tumulong sa lahat sa pagsisiyasat at pagsunod sa kanilang tunay na pagkatao,
Umiiwas siya sa kaabalahang iyon.
65.
Sa simula, ang sinaunang lahi na may kabatiran sa ulirang Landas ay hindi nagpapaliwanag.
Sa halip, hinahayaan nilang makulong ang madla sa dilim.
Bakit napakahirap ugitan ang mga hangal?
Sapagkat sila ay sagadsarang tuso at mapanlinlang.
Ang mga pinunong sanay sa panlilinlang ay siyang masugid umalipusta sa bayan.
Iyon namang punong mulala ay pinagpalang handog sa buong bayan.
Ang pagkabihasa sa dalawang paraang ito ay pagtarok sa huwaran ng budhing matapat.
Ang pagkaunawa dito ay pinakatunay na birtud, malalim at masaklaw.
Inaakay nito ang lahat sa pagbabalik sa Landas, salungat sa nakaugalian, tungo sa dakilang mapag-ugnayang daloy.
66.
Bakit ang dagat ang hari ng ilandaang sapa’t ilog sa lambak?
Sapagkat ito ay mahusay dumaloy sa ilalim.
Sa gayon ito'y kumikilos bilang hari ng ilandaang sapa sa ibabaw ng lupa.
Kung papatnubayan ng pantas ang mga mamamayan, dapat pumailalim at paglingkuran sila sa paraang mapagkumbaba.
Kung aakayin sila, dapat siyang pumila at tumindig sa likod nila.
Dahil dito ang pantas ay nangingibabaw kapag namumuno at hindi nararamdaman ang bigat ng kapangyarihang gumagabay.
Kung siya ay nasa itaas, hindi sila nasasaktan.
Itinataguyod siya ng lahat at hindi sila napopoot sa kanya
Sapagkat hindi siya nakikipag-away;
Walang sasalungat at makikipagtagisan sa kanya.
Sa kasalukuyang panahon, inaayawan ng madla ang habag, ngunit sinisikap nilang maging matapang.
Tumitigil sa pagtitipid, ngunit nagpupunyaging maging mapagbigay.
Hindi sila naniniwala sa mapagpakumbaba, ngunit laging hangad nilang manguna sila.
Tiyak na pagkabulid iyan.
Nagdudulot ng tagumpay sa labanan ang habag at namamayani ito sa pagtatanggol.
Ito ang paraan ng langit upang mailigtas at mapangalagaan ang lahat sa bisa ng pagmamalasakit.
67.
Lahat ng nilikha sa ilalim ng langit ay nagsasabi na ang aking Landas ay pihikan at hindi mapapantayan.
Sapagkat lihis sa nakagawian, pakiwaring namumukod iyon.
Kung bulag na taga-sunod lamang, tiyak na nabalewala ako at tuloy naisaisantabi at nailigpit.
Mayroon akong tatlong hiyas na itinatago at tinatanuran.
Una ay pagmamalasakit; pangalawa ay pagtitipid;
Pangatlo ay kapangahasang hindi pumustura bilang pinakapiling nilalang sa ilalim ng langit.
Mula sa pagkamaawain sumupling ang katapangan at tagumpay, mula sa pagtitipid ang kagandahang-loob.
Batay sa pagpapakumbaba, maari akong mamuno sa pag-aayos ng lahat, pinagpala ng langit sa pagkamahabagin.
68.
Ang mahusay na sundalo ay hindi marahas sa digmaan.
Ang magaling sa labanan ay hindi barumbado.
Ang mahusay gumapi sa katunggali ay hindi gumaganti sa labanan.
Ang sanay sa pangangasiwa ay mapagkumbaba.
Di umano’y ito ang “birtud na walang kompetisyon.”
Ito ay kilala sa taguring “kakayahang umugit o mamahala.”
Simula pa noong nakalipas na panahon, ito ang kilala sa taguring “pakikiisa sa katutubong takda ng langit,” ang tugatog ng mga matatanda.
69.
May kasabihang kalat tungkol sa pwersang militar:
“Hindi ako dapat mangahas kumilos bilang nag-anyaya; sa halip, nais kung maglaro muna bilang panauhin;
Hindi ko pangangahasang sumugod ng isang dangkal, sa halip nais kong umurong ng isang dipa.”
Di umano, ito ay pagmartsa sa paraang walang una o huli.
Binabalumbon ang manggas nang hindi inilalantad ang braso,
Binibihag ang kalaban nang hindi sumasalakay,
Itinuturing na sandatahan kahit walang armas.”
Walang hindi pa mapait na sakuna kaysa sa pagmamaliit sa kaaway.
Sa paghamak sa kaaway, muntik nang malapastangan ang yamang iniingatan ko.
Sa pagtugon sa lusob ng kaaway, ang mga hukbo ay magkawangki at magkatimbang.
Ang panig na nagdusa at namighati ang siyang magwawagi.
Comments