KONTRA-KUNDIMAN --3 TULA NI E. SAN JUAN, Jr.
KONTRA-KUNDIMAN # 1 ni E. San Juan. Jr. “Kailangang managinip!” --V. I. Lenin Sa gitna ng paglalakbay, sandaling bumaling at naitanong: Isang matagal na sakit ba ang buhay, walang lunas at lubay? Bakit hahakbang upang mabulabog ang alikabok sa lansangan? Tumindig sa harap ng pader, suriin ang bituka ng hayup. Kakalawangin lamang ang puso mo sa agos ng luha’t pawis. Nanuot sa buto ang hinala, tumagos sa laman ang hinagap— Nagluksang langit ang gabay bagamat may bituing kumikislap. Paano pupuslit kung nakatanikala sa rehas ng iyong dibdib? Hindi mawatas kung saan lulubog-lulutang ang panaginip. Kakalawangin lang ng ambon ang naglalamay na ulirat. Oo, hindi mahulaan kung saan lalapag ang bagwis ng pangarap. Bakas ng lumbay sa iyong mukha’y pasa rin ng diwa. Di humupa ang pangamba hanggang di dumating ang alitaptap…. Sa buong magdamag mailap ang kasukdulan. Kakalawangin lamang...