DALIT SA PAGTATAPOS NG TAON -- E. SAN JUAN Jt




DALIT SA PAGDIRIWANG BAGO SUMAPIT ANG HULING PAGTUTUOS



Ito’y umiiral sapagkat, kasanib ng pagsalungat sa sarili, taglay nito ang kanyang pagkasugpo.”
- -F. Hegel




Sabi mo’y nabuhay ka sa panahong limot na sina Dorong Asedillo at Kulas Encalledo.
Di na bale….
Kahit turing sa iyo’y lawit-dilang patay-gutom, sampay-bakod, sinikap mong
pagbutihin ang gawaing iniatas at itinagubilin.
Paano nga maiaayos ang buto-buto sa mundong tagilid? Suliraning masalimuot.

Sa gabi ng ating pagniniig, bakit nakatalukbong sa kulandong ng isip?
Di mo naman ipinagbili ang mga buto ng yumaong magulang….
Di bawal ang mangarap habang sumisingasing sa paligid ang baril at balila.

Kumakatok sa pinto ang kamao ng unos, nagbabanta….

Inihasik ng diktadurya ang sindak—dukot, tortyur, masaker, pati Abu Sayyaf—
Pinag-usig at pinuksa ang mga makabayang mamamayan.
Nilapastagan ng mga patutot ng oligarko ang sinumang tumutol—Putris.
pati Birhen siguro’y gagahasahin kung kailangan, kahit hindi….

Sangkatutak na litanya ng bantay-salakay, mga kriminal na nakabalatkayong
mga pulitiko, mayor, gobernador, heneral, pulis….

Batid kong nagsikap, naghirap, natuto’t nagturo ka, sa panahong itinakda para sa iyo.
Alam ko ring nagtikang baguhin ang ordeng bulok—
Nagpuputok ang budhi kung makikitang tiklop-tuhod ang madla sa imbing
kapangyarihan ng burokrata’t maylupa.

Hayan, umuungol ang bagyo sa bubungan at kumakalampag sa rehas ng bintana.


Oras na. Namuo sa kilay ng katipang nilisan ang alimuom ng pagkabalisa’t alaala.
Nalulusaw na ang duguang sapot na iniladlad ng kwago ni Minerba kagabi.

Unti-unting sumusungaw ang liwanag sa tabing ng nakababagot na singaw ng pulburang sumabog sa pilbaks at Molotob kakteyl.
Di iyon kabag o utot ng kaluluwang naglamay sa putahan ng Makati’t Malakanyang.

Ayos nang buto-buto….
Sa malas, ‘padre, bagamat walang nakakilala sa iyo, suwerte ka’t ligtas ka
sa kumunoy at kakungan nina Imelda, Gloria, at--bakit sumagi sa isip?—
ang seksing Gina Lolobrigida!

Samantala, ipagdiwang natin ang dakilang halimbawa nina Macario Sakay, Salud Algabre, Cherith Dayrit, at Kemberley Jul Luna.

Darating din, Oo, tiyak ko--
Darating din ang hamog ng tag-araw bagamat tila walang patid ang paghahari ng dahas….

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.