LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (51-59)
LANDAS & KAPANGYARIHAN-- Filipino Translation of TAO TE CHING
ni E. SAN JUAN, Jr.
51.
Lahat ng bagay ay bumubukal sa Landas.
Binubusog at pinatataba ng birtud ang lahat.
Binibigyan ng laman ang lahat ng bagay sa mundo.
Binibigyang hugis ang kapaligiran.
Kaya lahat ng nilalang ay dumudulog upang igalang ang Landas at pagpugayan ang birtud.
Hindi humihingi ng paggalang sa Landas at parangal sa birtud,
Ngunit ang mga ito’y kabulod ng kalikasan at kusang nangyayari.
Sa gayon, lahat ng mga bagay ay bunga ng Landas.
Pinapakain sila ng birtud, pinauunlad at inaalagaan.
Kinukopkop, inaaruga, pinalalaki at ipinagtatanggol.
Sa gayon, lumilikha’t hindi umaangkin ang Landas.
Ang birtud ay taos-pusong kumakalinga.
Ang kalikasan ang humuhubog sa lahat, gumaganap at nagbubuo sa lahat.
Lahat ay nagpaparangal sa Landas at nagpipitagan sa birtud.
Kapwa hindi nag-uutos, kung sinusunod ang makapangyarihang kalikasan.
Pumapatnubay ngunit hindi umaangkin, gumaganap nang walang hinihingi, laging nag-aanyaya.
Tumutulong ngunit hindi namumuno--
Ito ang mahiwaga’t kakanggatang birtud.
52.
Ang simula ng sansinukob ay ina ng lahat ng bagay sa ilalim ng langit.
Kung nagkapalad kang lumagi sa piling ng ina, kilala mo ang mga anak nito.
Kung kilala mo ang mga anak, makababalik ka sa masuyong pagkandili ng ina.
Kung alaga mo ang ina, biyaya mo ang kaligtasan mula sa kilabot ng anumang panganib.
Kung titigil ka sa pakikisalamuha at ipipinid ang pinto, walang gulong gumigiyagis hangang sa dulo ng paglalakbay.
Kapag lagi kang may inaatupag at nagkabunton-bunton ang iyong pananagutan,
Walang kang saklolo at lusot umabot ka man sa dulo ng iyong paglalakbay.
Ang pagtuklas sa mumunting bagay ay katalasan ng dalumat;
Ang pagsuko sa dahas ay saksi sa pagkamatibay.
Isinaalang-alang ang likas na paraang nagbubunyag sa lahat, kaya babalik ka sa iyong matining na paglilirip;
At sa ganitong paraan, masasagip mo ang katawan sa pagkapariwara.
Ito ang magiliw na paglilinang sa kalikasan ng ulirang katatagan.
53.
Kung taglay ko lamang ang dunong na nagmamalasakit,
Maglalakad ako sa gitna ng lansangan at ang tanging ligamgam ko lamang ay baka maligaw mula roon.
Ang manatili sa tuwid at patag na lansangan ay madali,
Ngunit ang karaniwang tao’y mahilig lumihis at pumili ng makitid at pasikut-sikot na lagusan.
Samantalang ang palasyo’y nagagayak sa maaksayang palamuti,
Ang bukirin ay hitik sa damong kailangang gamasin,
At ang kamalig ay hungkag.
Ang mga upisyal ay nagpaparadang suot ang maringal na damit,
Dala nila’y matalim na ispada, at nagpapasasang lubos sa iba’t ibang inumin at pagkain;
Nag-uumapaw ang kanilang ari-arian na labis sa kanilang pangangailangan.
Sila ang mga mayayamang magnanakaw, walang-hiyang mandarambong.
Huwag ipagkamaling may kaugnayan ito sa ulirang Landas.
54.
Kung anong matibay na naitayo ay hindi mabubunot.
Ang maiging nasunggaban ay hindi makahuhulagpos.
Dudulutan ito ng karangalan at ritwal ng pag-aalay ng bawat salinhali, walang patlang.
Linangin ang birtud sa bawat kalooban, at ang pagkataong malusog ay magiging dalisay.
Linangin ito sa pamilya, at ang birtud ay lalaganap.
Linangin ito sa buong nayon, at ang birtud ay mamumukadkad nang walang humpay.
Linangin ito sa buong bansa, at ang birtud ay magiging sagana.
Linangin ito sa sansinukob, at ang birtud ay matatagpuan saanmang sulok.
Sa gayon, tasahin ang katawan bilang katawan;
Masisipat ang lahat sa panukat ng iyong pagkatao.
Tingnan ang ibang pamilya batay sa iyong pamilya;
Tingnan ang ibang nayon batay sa iyong nation;
Tingnan ang ibang bansa batay sa iyong bansa.
Suriin ang iyong daigdig upang mawari ang mundong nakalipas at mga mundong darating pa.
Bakit ko nahulo na ang santinakpan ay ganito nga?
Sa paraan ng pagtalima sa huwarang Landas.
55.
Sinumang taglay ang malahimalang birtud ay tulad ng bagong silang na sanggol.
Di ito makakagat ng may lasong ulupong at alakdan;
Di ito maigugupo ng mabangis na hayup;
Di ito magagahis ng mga ibong mandaragit
Bagamat marupok ang mga buto, malambot ang kalamnan.
Ang pisil niya ay matatag.
Hindi niya pa naranasan ang pagtatalik ng babae at lalaki;
Matigas at malusog pa ang ari niya.
Ang lakas ng pagkalalaki niya ay balisaksak.
Sumisigaw siya sa buong araw ngunit hindi namamaos.
Dahil ito sa mabiyayang pagtutugma ng saloobin.
Ang dalumat sa pagtutugma ay pahiwatig ng matiwaling katatagan.
Ang pagmumuni sa katatagan ay kasangkot sa mataimtim na pagkaunawa.
Ang paghahanap ng sariling pakinabang ay di magbubunga ng kabutihan.
Kung ang udyok ng puso ay nagwawaldas ng lakas, ito’y pagmamalabis.
Bagamat musmos pa’y nasisinag na sa kilos ang bakas ng matuling pagtanda.
Paghiwalay ito mula sa paradigma ng Landas.
Anuman ang umaalis sa Landas ay walang salang mauutas nang wala pa sa karampatang panahon.
56.
Ang marunong ay hindi nagsasabi; ang mga madaldal ay walang alam.
Itikom mo ang bibig, ipinid ang mga nakabukas.
Lubayan ang iyong katalasan.
Ihiwalay ang mga nakabuhol, papusyawin ang nakasisilaw.
Sumanib sa alikabok.
Ito ang binansagang pinakaubod na pagpipisan ng mga katangian.
Sa gayon, hindi makakamit ang masidhing kaisahan at panatilihin ang pagpapalagayang-loob.
Hindi rin maipagpapatuloy ang paglayo ng damdamin.
Hindi makakamit ang kabutihan o kapahamakan, ang magastos at matipid, sa ganitong kalagayan.
Samakatwid, ito ang pinagpupugayan sa ilalim ng langit.
57.
Patnubayan ang bansa sa tanglaw ng katwiran.
Ugitan ang digma sa pamamagitan ng nakagugulat na lusob.
Magsikap pangibabawan ang sansinukob sa bisa ng walang panghihimasok at walang ginagambala.
Bakit ko natarok ang katotohanang ito?
Ginabayan ako nitong karunungan:
Kung mas maraming batas at panuntunang ipinapataw sa bayan, lalong mamumulubi iyon.
Kung sadyang mapanlinlang ang mga sandata, lalong malaking ligalig sa bawat panig.
Kung mas tuso’t madaya ang mga tao, daragsa ang mahiwagang pangyayaring di masasawata.
Kung maraming regulasyon at alintuntunin, marami ring magnanakaw at tulisan.
Samakatwid, mungkahi ng pantas:
Wala akong ipinag-uutos at ang mamamayan ay kusang nagbabago ayon sa kanilang namumukod na kalikasan.
Nakawiwili sa akin ang katahimikan, sa gayon ang mga mamamayan ay kusang nagiging makatarungan.
Hindi ako nakikialam at ang mga mamamayan ay umuunlad at sumasagana.
Wala akong ninanais at ang mga mamamayan ay nagiging payak, tulad ng tipak na kahoy na hindi pa nagagalaw.
58.
Kung ang pamahalaan ay inuugitan ng isang magaang na kamay,
Ang mga taumbayan ay muslak at matino.
Kung ang bayan ay pinangangasiwaan sa tusong paraan,
Ang mga taumbayan ay madaya’t mapanlinlang.
Kasawian ay nakaluklok sa pusod ng kabutihang-palad,
Nakaugat ang kaligayahan sa paghihikahos.
Sino ang makahuhula kung ano ang ihahandog ng kinabukasan?
Wala ngayong katarungan.
Ang makatarungan ay nagiging imbi.
Ang mabait ay nagiging buktot at makasalanan.
Ang pagkagulilat ng nilalang ay nagtatagal at lumalala.
Sa gayon, matalisik ang pantas ngunit hindi humihiwa,
Matulis ngunit hindi tumutusok,
Tuwid ngunit hindi nagmamayabang,
Makinang ngunit hindi nakabubulag.
59.
Sa pag-alaga sa ibang nilalang at paglinkod sa langit,
Walang kapalit sa paraan ng pagsaway sa sarili’t pagpipigil.
Ang katimpian ay saligan ng maagang paghahanda sa paglalakbay.
Nakabatay ito sa birtud ng matiyagang pagtitipid sa mahabang panahon.
Kung may maiging naimbak na birtud, walang bagay na hindi maisasakatuparan.
Kung walang sagwil o balakid, sa gayon walang limitasyon ang iyong kakayahan;
Kung walang tinatalimang takda ang lakas ng pagkatao, karapat-dapat kang mamuno.
Taglay ang ina na siyang diwa ng pagmamahal, makabuluhan at pangmatagalan ang iyong pakikipagsapalaran sa lupa.
Tawag dito’y paraan ng pagtataguyod ng malalim na ugat at matipunong sandigan.
Ito ang Landas ng makasaysayang buhay at walang maliw na kabatiran.
Comments