LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (41-50) --E. SAN JUAN, Jr.
L ANDAS & KAPANGYARIHAN (41-50) S alin ng Tao Te Ching ni E. SAN JUAN, Jr. 41 Naulinigan ng matalinong paham ang tinig ng Landas at masigasig na sinikap isapraktika ito. Nabalitaan ng karaniwang palaaral ang tungkol sa Landas at nilalaro itong patumpik-tumpik. Ang hangal na iskolar ay nakasagap ng balita tungkol sa Landas at walang patumanggang humalakhak. Kung walang halakhak, hindi ito karapat-dapat maging Landas. Kaya dinggin ang kasabihan: Ang maliwanag na daan ay nagmumukhang makulimlim. Ang pagsulong ay tila pag-urong. Ang patag na daan ay tila mabako. Ang matayog na birtud ay tila lambak na walang halaman; Ang puring wagas at busilak ay tila madungis. Ang mariwasang birtud ay tila gulanit; Ang matipunong birtud ay tila mabuway. Ang tunay at matimtimang birtud ay tila ipinagkanulo. Ang huwarang parisukat ay walang sulok. Ang mahusay na kasangkapan ay bumubuntot sa iba pang kaabalahan. Mahirap marinig ang pinakamatinding tunog; Ang dakilang larawan ay walang hugis. Nakaku...