TAO TE CHING / DAO DE JING --in Filipino/Tagalog (Chapters 60-81) by E. SAN JUAN, Jr.
TAO TE CHING / DAO DE JING (60-81) --Salin/Halaw ni E. SAN JUAN, Jr. 60. Ang pamamahala ng bansa ay tulad ng pagluluto ng maliit na isda. Lapitan ang sansinukob sa pamamagitan ng Tao At walang mapapala ang mga diyablo ng kabuktutan. Hindi ibig sabihin nito na ang kasamaan ay hindi nagmamalupit, Ngunit ang kapangyarihan nila ay hindi makapipinsala. Hindi lamang ito, na hindi makasasakit sa iba, kundi pati ang pantas ay hindi makasisira. Hindi sila mananakit sa kapwa, at ang Birtud sa bawa’t isa ay makapagpapasigla sa kapwa. 61. Ang malawak na bayan ay tulad ng tumana sa gilid ng ilog; Ito’y tagpuang pook ng maraming bagay sa mundo; Nagsisilbing ina ng lahat ng nilikha. Laging naigugupo ng babae ang lalaki sa yumi at pagkawalang-kibo, Nakatalungkong na walang kibo, mahinhin. Samakatwid, kung makitrato ang isang malawak na bansa sa isang maliit sa mapagkumbabang paraan, Magtatagumpay siya sa maliit na bayan. At kung ang maliit naman ang makikibagay sa isang marangyang bansa sa ganoong pa...