Saturday, August 02, 2014

Review of E. SAN JUAN's AFTER POSTCOLONIALISM by R. C. Asa

Lampas, Higit sa Postkolonyal
R.C. Asa

rebyu ng E. San Juan, Jr. After Postcolonialism. Remapping Philippines-United States Confrontations.
Lanham, Maryland: Rowman & Littlefield Publishers, Inc., 2000.


Against Counterrevolution in Theory.
Ito marahil ang alternatibong pamagat ng After Postcolonialism, huli sa maraming libro ni E. San Juan, Jr., kilalang marxistang intelektwal. Binubuo ng walong sanaysay at isang panayam, interbensyon ang After Postcolonialism sa “teorya” – itong postmodernong larangan ng pagsasama at pagtatalaban ng iba’t ibang disiplina. Maraming paksa rito si San Juan: ang paglikas ng mga Asyano tungong Amerika, ang imperyalismong Estados Unidos sa bansa, mga teksto nina Jessica Hagedorn at Kidlat Tahimik, ang talinhaga hinggil sa lipunan ng panitikan sa bansa, at maging ang hinaharap ng pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya, at sosyalismo sa Pilipinas.
Makabuluhan kung gayon sa maraming disiplina ang librong ito. Sa bawat larangan, kinikilala at kinakalaban ni San Juan ang mga kaisipang sumasagka – sa abot ng iba’t ibang kakayahan nito – sa tunay na pagbabago, kasabay ng pagtaguyod sa mga kampi nito. Pinag-uugnay ang lahat ng sanaysay dito ng ganitong tindig sa mga tunggalian sa lipunan, at ng talino na nagpapaunlad at pinapaunlad ng tindig na ito.
Kaya naman mistulang mapanlinlang ang titulo ng libro. Dito, iilan lamang ang tahas na tugon at tuligsa ni San Juan sa mga intelektwal na kilalang “postkolonyal” tulad nina Homi Bhabha, Gayatri Spivak at Salman Rushdie. Madalas, lumilitaw ang kanilang pangalan sa libro bilang kinatawan ng kaisipang postkolonyal, sa gitna ng talakay sa mga usapin o teksto na kaugnay ng kanilang kaisipan, ng kanilang posisyong teoretiko-pulitikal. Sa malaking bahagi, nagsisimula si San Juan sa pagbubuo o pagpapakilala ng kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas at ng ugnayan nito sa US – na ihinaharap niya sa kaisipang postkolonyal.
Kung sa librong ito lamang ibabatay, samakatwid, tila mula sa labas, at hindi papalabas – dogmatiko, hindi dialektikal – ang kritisismo ni San Juan sa kaisipang postkolonyal. Ngunit sa konteksto ng pag-aaral sa kaisipang postkolonyal, at ng kanyang mga akda, ang After Postcolonialism ay nasa yugto kung saan ang kaisipang postkolonyal, mula sa pagsuring marxista, “is transcended toward reality itself.” Dito, ang kaisipang postkolonyal “abolishes itself as such and yields a glimpse of consciousness momentarily at one with its social ground, what Hegel calls the ‘concrete’.” Mangyari, sa pagsuring marxista, ang marxismo ay “secretly present” sa iba’t ibang kaisipan, kahit sa postkolonyal, “if only as the reality that is repressed or covertly opposed, the consciousness that is threatening…” [Fredric Jameson, “Criticism in History” The Ideologies of Theory, 1988.]
Nasa yugto na, samakatwid, ang After Postcolonialism ng paglampas sa kaisipang postkolonyal. Paglampas ito, gayunman, na pinaunlad at pinagyaman na ng kaisipang ito. Paglampas ito, samakatwid, na paghigit din. Banaag sa libro, halimbawa, ang anumang liwanag na galing sa kaisipang postkolonyal – sa partikular, iyung galing sa mga akda ni Edward W. Said, itinuturing na pasimuno ng kaisipang ito. Dialektikal ang lapit ni San Juan, kaya nagagawa niyang parehong tuligsain at gamitin ang maraming kaisipan at teksto. Kinikilala niya ang parehong lakas at kahinaan ng mga ito, at ginagamit ang mismong lakas para wasakin ang bakod ng kahinaan na hadlang dito sa pag-ugnay at pakikipagtalaban sa kabuuan.
Sa yugto ng paglampas na ito, nagiging malinaw na marami pang kaisipan ang kaugnay at kakampi ng kaisipang postkolonyal sa mas malaking konteksto ng lipunan at kasaysayan. Kaya naman pinuna rin ni San Juan ang konserbatibong komentaristang sina Stanley Karnow at James Fallows, ang mga “dalubhasa” sa Pilipinas na sina Glenn May at Alfred McCoy, ang mga “progresibong” intelektwal na sina Walden Bello at P.N. Abinales – siya na nag-aastang marxista pero mas madalas at mas mabangis umatake sa Partido Komunista ng Pilipinas kaysa sa imperyalismo at mga naghaharing uri. Maging ang tanyag na sanaysay tungkol sa “demokrasyang cacique” sa Pilipinas ng maka-Kaliwang si Benedict Anderson ay hindi nakaligtas sa sipat ni San Juan.
Gayunman, higit sa pagsuri sa mga indibidwal na akda, ipinakita ni San Juan ang pagkakatulad ng pagsuri ng maraming awtor na kanyang tinalakay. Ipinakita niya, halimbawa, na dahil binibigyan ni Anderson ng malaking halaga ang papel ng mga naghaharing uri sa “demokrasyang cacique,” nababalewala ang kontrol ng US sa bansa. Problematiko ito lalo na kung ang paliwanag sa kapangyarihan ng naghaharing uri ay ang “primodial ties of kinship and family,” at hindi ang sistema ng ekonomiya at pulitika ng bansa – na nagbubunsod ng pagkilos at pag-aalsa ng taumbayan. Kung susuriin, ang pagkilos at pag-aalsang ito ang humubog sa patakaran ng US sa Pilipinas, at paliwanag bakit may “lack of American autocratic territorial bureaucracy [which] permitted the Filipino mestizo families to take over.”
Sa paliwanag ni Anderson, lalabas pa rin na kultura ng mga Pilipino ang maysala, at US ang mesiyas sa kahirapan ng bansa – na katulad ng posisyon ng reaksyunaryong si Karnow na nag-aakma lamang sa panahon ng doktrina-diskurso ng “Manifest Destiny” at “Benevolent Assimilation” ni McKinley.
Malinaw na nakatuon sa partikular na mambabasa ang librong ito na inilathala sa US: mga akademiko at intelektwal na may “interes” sa kaisipang postkolonyal o sa ugnayang US-Pilipinas. Madalas, lumalabas na ipinapakilala ni San Juan ang kanyang paksa sa bagong mambabasa. Gayunman, may kabuluhan ito – kahit ang pagrepaso sa kasaysayan at kalagayan ng bansa – para sa mambabasa sa Pilipinas, kahit “dalubhasa” na. Hindi lamang ito “obhetibong” pagrepaso, kung anumang pagpapanggap ang madalas ipakahulugan dito. Partikular, progresibo, itong pagbubuo ng kasaysayan at kalagayan ng bansa mula sa isang sipat na naglalantad ng limitasyon at posibilidad ng mapagpalayang isip at kilos.
Sa librong ito, muling inilathala ang sanaysay ni San Juan tungkol sa pakikibaka para sa sosyalismo sa Pilipinas – na naunang inilathala sa bansa sa Allegories of Resistance [1994] at Mediations [1996]. Hindi ito postmodernong “pastiche,” gayunman. Pagpapalaganap ito ng interbensyon. Patunay din ito ng tuluy-tuloy na paghabol ng alam at unawa ng tao sa nagbabago at binabagong reyalidad. Sa konteksto ng akademya sa Pilipinas, masarap sipiin ang kanyang wastong obserbasyon: “The irony is that the anti-Marxists… who pay homage to the value of open-mindedness and dissent do so in order to foreclose any dialogue with radicals who address the centrality of property relations, state power, and ‘delinking’ from the injustice of a polarized center/periphery world system.”
Sa puntong ito mas madaling makita ang kabuluhan ng librong ito ni San Juan, at lahat ng  kanyang akda. Katulad ng lahat ng marxista, at ni Marx mismo, sangkot si San Juan sa kanyang lunan at panahon. Hinaharap niya ang bago, tumutunggali at tumutukoy sa tumpak dito. Walang-tigil at walang-habas ang kanyang pagsuri at pagbubuo. Lahat ng posisyong teoretiko-pulitikal – mula kay Magdoff hanggang kay Magno, mula kay Althusser hanggang kay Almario – ay tinutugunan sa libro. Mula pagnanasa hanggang pakikibaka, mula tao hanggang tubo – buhay ang marxismo kay San Juan, hindi bangkay sa bunganga ng imbalido.
Gayunman, ang marxismo ay hindi dogma; gabay ito sa pagkilos. Ang armas ng kritisismo ay hindi pwedeng ipalit sa kritisismo ng armas. At alam ito ni San Juan. Mula sa pagbasa rito, kailangang hanguin at sundin ang inisyal ng Against Counterrevolution in Theory. Kailangan ang mapagpalaya at mapagbagong kilos. Kailangan, sa salita ni San Juan, ang “political education [which] embraces collective praxis, self-criticism, and learning-by-transformation.”
Kailangan. Dahil ang lipunan at daigdig natin, na nagluwal sa kaisipang postkolonyal, sa salita ni Jorge Luis Borges, ay nananatiling “uninhabitable; men can only die for it, lie for it, kill and wound for it. No one, in the intimate depth of his being, can wish it to triumph.”

Tuesday, June 03, 2014

ROMANSANG BALBAL, KINAKAPOS  TAPOS  NAUBOS  SA EPOKA NG GLOBALISASYON

-- ni E. San Juan, Jr.


Tapos.....Tapos....
Tapos, umpisa kang bumulong sa kalaguyong may mahiwagang kindat
Tapos, sumimangot at nagsabing puro kasinungalinga't paglako ng asin
Tapos, walang sinasanto'y sige hipo't kalabit tapos nagbilang ng bitwin
Tapos, buhok mo'y gulong-gulo't basbas ng kamandag ng palasong itinudla
Tapos, kumayod sa diga't sinugal ang pusta ng ningas-kugong amor propio
Tapos, kilig ka sa mestisang bangos  ilong matangos  maryakaprang mataray
Tapos, tinext mo kumakabang nangako hanggang pumuti ang uwak
Tapos, ngumiti'y biglang luhod ka sa lupang tinatapaktapakan ng birhen sa pusali
Tapos, naisaloob mong ipagmaktol ang hindi pagkibo ng diyosang walang paki
Tapos, nagkita kayo't hiyang-hiya ka sa maong mong kupas at t-shirt na butas-butas
Tapos, kutob mo'y alimango'y naging talangka't talaba'y naging alamang
Tapos, bumabalatay ka't nagbabara ang butas ng ilong sa kahihintay
Tapos, nagtaksi ka mula Antipolo hanggang Alabang  umuula't walang payong
Tapos, nagulat kang wala sa tipanan at naamuyang may ka-date pa lang iba
Tapos, naglasing ka't hinahabagat bahag-buntot ka't nagbalat-kalabaw
Tapos, saklap na tumingin sa salami't umastang astig pero ulol ka pala
Tapos, sumagap alimuom  muling sumugba sa ningas ng sinong Marian Rivera
Tapos, utasin ka nawa ng kupidong barumbadong ipinaglihi sa kiwing bubot
Tapos, humanap ka muli ng sirenang sasampal sa pisngi mong namamalahibo
Tapos, diniskaril ka ng iyong pagkatsonggo't siniklut-siklot ng modang petiburgis
Tapos, lintik na kaluluwang talusira't ayaw magtiklop-tuhod sa tinuling anito
Tapos, ubos-isip mong di ka na magpapaloko sa libidong kiniliti ni Lady Gaga
Tapos, kahit na pangit patikim ng putaheng hain ng guni-guning laging buntis
Tapos, tulak ng bibig  kabig ng dibdib   bastos  napaos   kapos  laos

Tuesday, April 29, 2014

Monday, April 28, 2014

SINING KONSEPTUWAL #2 ni E. SAN JUAN, Jr.

LAMUYOT NG LIBOG  -- 

tulang konseptuwal ni E. San Juan, Jr.

SINING KONSEPTUWAL NI E. SAN JUAN, Jr.

KUMPISAL KAY HEDY LAMAR  ni E. SAN JUAN, Jr.

Saturday, February 22, 2014

MAPAGPALAYANG PANITIKAN ni E. San Juan, Jr.

 MAKABAYANG PANULAT  ( Lektura sa Polytechnic University of the Philippines 2/22/2014)

-ni E San Juan,Jr.



Makasaysayang pagkakataon ito upang pag-isipan natin ang halaga ng makabayang panulat sa panahon ng globalisasyon, panahon din ng malubha't lumalalang krisis ng imperyalismong sumasakop sa buong planeta.

Panahon din ito ng paglantad sa "total surveillance" at "drone warfare" na isinasagawa ng US habang patuloy na pinatitingkad ang giyera laban sa "terorismo"--ibig sabihin, ang interbensyong paglusob at paglupig sa mga bayan at grupong kontra sa imperyalismo ng mga higanteng korporasyong nakabase sa US, Europa, Hapon--ang Global North at mga kaalyado nito.

Sa okasyong ito, ilang tesis lamang ang ilalahad ko upang ganap na talakayin natin sa Open Forum, sa pagpapalitang-kuro.

1.  Bagamat kunwaring may kasarinlang republika buhat pa noong 1946, ang Pilipinas, sa katunayan, ay isang neokolonya ng US. Lantad ito sa pagdepende ng oligarkong gobyerno sa poder militar ng US, at sa mapagpasiyang kapangyarihan nito sa WB /IMF, WTO, G-7, UN, at konsortiya ng mga bangko't nagpapautang na mga ahensiya.

2.  Sa pandaigdigang situwasyong ito, nakalukob tayo sa panahon ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal. Ebidensiya ang pagbagsak ng Wall Street, pangalawa sa nakaraang siglo, noong 2008. Mas maselan ito kaysa noong 1929. Napipinto pa raw ang isang mas mapanira't katastropikong pagbulusok sa hinaharap.

3. Bagamat ibang porma't paraan ang akumulasyon ng kapital, ng tubo, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon at transportasyon, sa tulong ng kompyuter at Internet, at konsumerismong namamalas na pangunahing aktibidad sa lipunan---laluna sa mga siyudad sa atin na siksikan na ang malls, trapik, gusaling "call centers," atbp--nakasentro pa rin ang sistemang global sa pagkamal ng nagmamay-ari sa surplus-value na nagmumula sa di-binayarang trabaho ng karamihan. Kasama na ang "service workers," OFW--mahit 12 milyong Pilipino sa Saudi, Hong Kong, at saanmang lupalop. Sa kanilang remitans nakasandig ang ekonomya ng bansa.

Sa ibang salita, ang tubo o kapital ng uring kumukontrol sa malalaking gamit/paraan ng produksiyon, ay hinuhugot pa rin sa lakas-paggawa ng mayorya, ang mga anakpawis, magbubukid, at mga propesyonal na bumubuo sa panggitnang saray, ang petiburgesya.

4.  Ang pinakaimportanteng katangian ng kapitalismo, ayon kay Marx, na siyang birtud na nagtutulak sa tinaguriang "modernization" at "development," at humuhubog ng kultura, lifestyle, at araw-araw na pamumuhay at ito: walang tigil na transpormasyon ng modo ng produksiyon, walang patid na pagbabago ng kagamitan at proseso ng produksiyon ng lahat ng bagay, at reproduksiyon ng relasyong panlipunan/ugnayan ng mga tao.  Ang rebolusyong ito ng "mode of production" na kailangan sa kompitensiya ng iba't ibang paksyon o grupo ng burgesya,  ang saligan ng modernidad sa estilo ng buhay, ng kultura. Sintomas ng pagbabago ay masisilip at makakapa sa dalumat ng ideolohiya.

5.  Ang panitikan ay isang porma ng ideolohiya, tulad ng relihiyon, politika, palaruan/palakasan, mass midya, atbp. Ang namamayaning ideolohiya saanmang lipunan ay instrumento ng naghaharing uri, sa atin ang oligarko, pyudal na maylupa, komprador-burokrata, na kumokontrol sa Estado, hukuman, at sandatahang puwersa nito.

Gayunpaman, sa panitikan bilang ideolohiyang tanghalan o teatro naisisiwalat ang tunggalian ng mga uri, ang iba't ibang hugis, anyo, at proseso ng mga kontradiksiyon sa lipunan. Ang dating at bisa ng literatura ay nakasalig sa malikhaing paghawak at paggamit sa wika.
Sa tawag nito ginagawang sabjek ang indibidwal na nagtataglay ng kamalayang magpasiya't kumilos. Nagkakamalay tayo sa loob ng teksto/diskurso, tumatalab ito sa ating interpretasyon at pagtatasa.

6. Sapagkat sa ordinaryong karanasan, ang tunay na pagtatagisan ng mga uri at sektor sa lipunan ay nakatago o natatabingan ng petisismo sa komoditi--ang buong mundo ng salapi, negosyo, pagpapalitan ng binili-ipinagbili--sampu ng mistipikasyon ng realidad dulot ng relihiyon, pyudal na gawi't paniniwala (demokrasya raw tayo)--katungkulan ng mapagpalayang awtor ang wasakin ang tabing na nagtatago sa katotohanan: ang paghahati ng lipunan sa ilang mayamang nagsasamantala, at karamihang aping binubusabos. Pagwasak ng mga ilusyon at kababalaghang pumapalamuti sa mandaraya't  mapanlinlang na burgesyang orden.

7. Paglimiin ang adhikain ng makabayang awtor: sikapin niyang ibunyag ang katotohanan ng neokolonya, ang patuloy na pagsunod ng oligarkong namumuno sa utos ng US at pagpapailalalim ng kapakanan ng taumbayan sa interes ng korporasyong global.

8.  Ang wika ng panitikan ay madugong larangan din ng paglalaban ng mga uri, ng burgesyang gamit ang Ingles bilang sandatang ideolohikal sa pagsuhay sa buong istruktura ng palsipikadong soberanya at walang hustisyang demokrasya.

Araw-araw, sa TV, Internet, pelikula, at iba pang midya, ang wikang ginagamit--na nakakabit sa mga imahen, dramatikong eksena, performance art, awit, at komplikadong salik ng pelikula, ang wika ang makapangyarihang umuugit ng mensahe na siyang nagtutulak sa ating kumilos, magsalita't gumanap ng isang tiyak na papel sa lipunan, partikular na ang maging konsumer at masunuring mamamayan. Mapang-akit at mapang-gayuma ang nangingibabaw na kakintalan, ang impresyon ng kapaligirin, na nakasaplot sa katotohanan-- kailangang hubarin ang balat-kayo, ang saplot ng pagkukunwari't panlilinlang ng burgesyang ideolohiya.

9.  Ang halimbawa ng AGOS SA DISYERTO ay isang katibayan na ang malikhai't mahusay na artikulasyon ng konsepto sa wikang umaabot sa nakararaming mambabasa--ang wikang sinasalita ng taumbayan--ang siyang mabisang kagamitan sa pagpukaw ng mapanuring kamalayan, ng mapagmalasakit na damdamin, upang makatulong sa edukasyon ng nakararami at mobilisasyon sa mga kolektibong proyektong makapagsusulong at makapagpapabuti sa pulubing kalagayan ng nakararami.

10.  Sa panahon ng globalisasyon, sa mas mabilis at mabilisang pagbabagu-bago ng lahat ng bagay, sa disyerto ng mall at mga "Global City" na itinatayo sa guho ng mga tahanan ng maralitang taga-lunsod at sa bukid na inagaw sa mga magsasaka, kailangan ang mapangahas at subersibong panulat upang tuklasin ang katotohanan at itanghal ito sa panunuri't pagkilatis, pagtimbang at pagpapahalaga, ng taumbayan. 

Mapanghamong tawag ito na hinihingi ng sitwasyon, isang pagkakataon kung saan ang diskurso ng manunulat, kritiko't guro ay makapagsisilbi sa tunay na ugat at bukal ng kanilang imahinasyon, ang simpleng araw-araw na buhay ng masang yumayari ng kayamanan ng lipunan, ang proletaryo't magsasaka ng bayang naghihimagsik.

Mabuhay ang masang lumalaban!--2/22/2014--ESJ###



Wednesday, January 01, 2014

MASAKER SA MENDIOLA--tula ni E. San Juan, Jr.

MENDIOLA MASAKER:  Labintatlong Katawang Bumabangon

--ni E. SAN JUAN, Jr.



LEOPOLDO  ALONZO

[22 Enero 1987: demonstrasyon ng mahigit 20,000 pesante't manggagawa
    sa harap ng  Malakanyang]

Ang kaisipan ay tandisang pagtutol sa kung anong katalahagan ang nakatambad sa harap natin...

Lupang makulimlim      di maabot-tanaw
ADELFA  ARIBE

[13 ang napatay,  105 ang nasugatan, nang paputukan sila ng pulis at militar ng rehimeng Cory Aquino]

Ang malalim na pagkabatid ay sumisibol sa pagpapakilala na ang mga nangyayari o mga  nadarama ay tumataliwas sa mga ideang ipinapataw ng rason o katuwiran.

Unti-unting nagkakahugis        labintatlong aninong naglalagalag

DANILO  ARJONA

[Wala kahit isa sa mga pumatay ang inaresto't ipiniit, o nilitis sa hukuman]

Magsimula tayo sa pagsalungat sa mga nangyayari, sa katalagahan.

Saksi sa pinaslang ay walumpung mamamayang sugatan

  DIONISIO  BAUTISTA

[Nobyembre 16, 2004: pitong mangagawang umaklas ang binaril ng militar at pulis sa isang piket sa Hacienda Luisita.  Utos iyon ng dating pangulong Gloria Arroyo, kasabwat ng angkang Cojuangco-Aquino]

Ang mga pangyayari sa ating karanasan ay mga baytang lamang ng isang
proseso o kalakaran na nagtatambal ng diwa at bagay, kamalayan at realidad

  ROBERTO  CAYLAO

[Oktubre 27, 2005: Nagpulong ang mga upisyal ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Barangay Mapalacsiao. Pinag-usapan kung ano ang gagawin pagkatapas paslangin ang kanilang presidente, si Ricardo Ramos, 47 anos.]

Ano ang kamalayang lumilikha ng nadaramang daigdig?

Humihirit ang punglo    sumisingasing ang hininga ng kaluluwang nalugmok

 VICENTE  CAMPOMANES

[22 Enero 1987--araw ng kasuklam-suklam na krimen....]

Sa idealistang pananaw, tawag sa kamalayan  ay Kaisipan, Rason, Espiritu--mga katawagang tumutukoy sa diwa ng tao sa  iba't ibang anyo ng pakikipag-ugnayan sa buhay.

Katawan nina Ricardo Ramos at mga kasamang bumabagtas sa dagat ng mga kontinente ng Aprika, Asya, Norte at Timog Amerika...
.       
RONILO  DUMANICO

[22 Enero  1987: araw ng kahapon, ngayon at lumipas...]

Ang kaunlaran ngayon ay nasusukat sa bilang.  Nahahadlangan ang  pagsulong mula sa kabilangan (kantidad) tungo sa kaurian (kalidad)---tungo sa paglitaw  ng mga bagong uri ng kabuhayan at bayong ayos ng katwiran at kalayaan.

Sigwa't kidlat ng diwang napiit, ngayo'y nakaigpaw

 DANTE  EVANGELIO

[22 Enero 1987    Sumpa o dasal?]

 Sa kabuuan ng pag-uugnay ng diwa at kapaligiran, ng kamalayan at pangyayari, matatanto ang katotohanan.

Butil-butil na pawis at luhang dumadaloy
    ang bumubuhos na "demokratikong tsunaming" tinukoy ni Ka Crispin Beltran nang ipabilanggo siya ng "reyna ng kadiliman"

 ANGELITO  GUTIERREZ

[22 Enero  1987      Dasal o sumpa?]

Ang lahat ng bagay ay nagkakatawan sa taong nagsisikap maunawaan ito at ng taong gumagawa.

Payo mo'y mas mabuting magsindi ng kandila sa halip na isumpa
                        ang nakapanghihilakbot na dilim--
Itanong natin sa naksubsob na bangkay sa sinusong lupa

 RODRIGO  GRAMPAN

[22 Enero  1987       Dasal at sumpa kapwa?]

Ang lahat ng bagay ay siyang nagsasalin ng nakalipas sa panig ng kasalukuyan.

Mungkahi mo'y magparaya, patawarin ang nagbubulag-bulagan '
                           o nabubulagan--mga sundalong sinuhulan o binayaran--
Itanong natin kina Alice Omengan Claver  at Rafael Markus Bangit--
                Sinikap nilang ilawan ang landas ng mga naliligaw....


BERNABE  LAQUINDANUM

[22 Enero  1987    Sumpa muna bago dasal?]

Samakatwid, lahat ng bagay ay nag-aari ng kamalayan sa buong balangkas at kalamnan nito.

Panukala mong humagilap ng batong kiskisan upang
                makalikha ng titis na siyang magpapaliyab sa parang...

SONNY  BOY  PEREZ

[22 Enero  1987   Kailan pa ang pananagutan?  ang hustisya?]

Hanggang ngayon, walang pang tunay na paghahati ng lupaing binuwisan ng dugo ng mga magsasaka sa Hacienda....

Mula ngayon, ang lahat ng kaisipang hindi saksi sa kamalayan ng radikal na kabalintunaan ng lahat ng umiiral na porma ng buhay ay isang kaisipang sahol at mapanlinlang.  Sa harap ng mga kontradiksiyon, tumututol ang kaisipan sa ngalan ng katotohanan.

Itanong natin sa mga nasawi kung anong titis  anong kislap
    ang inagaw sa paghagilap ng katarungan
                    apoy sa lambong ng bayang biyaya'y  lagim


ROBERTO  YUMUL

[22 Enero  1987  Kailan pa?]

Negasyon o pagtutol ay siyang pinakasaligang kategorya ng diyalektika.

Sinong ipagdarasal sa tanglaw ng kandilang naupos ang mitsa?

Mungkahi ni Ricardo Ramos na mas mabuting isumpa ang mga kriminal
            sa halip na magsindi ng ilandaang kandila sa harap ng altar

Payo ni Eden Marcellana na mas mabuting isumpa
    ang kabuktutang naghahari
                 at ipukol ang batong kiskisan sa mga salarin
    upang mahuli ang nakasisilaw na ngiti nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan,
             titis na inihagis sa pangil ng kadiliman--

Oo, mabuting magsindi ng kandila at isumpa ang kadiliman

Sa gayo'y maaaninaw natin ang galit sa sumabog na matang nakamulagat
    ng mga nasawi sa Mendiola--apoy na tutupok sa isinumpang kabuktutan.

Abot-tanaw na
            tumatagos sa karimlan ang hirit-ganti

Unti-unting abot-tanaw na natin
                            ng liwanag ng sumabog na utak
    at dugong dumanak sa larangan ng digmaan
           
        sa Mendiola,  sa bawat ika-22 ng mga Enerong walang salang darating....

Sunday, November 24, 2013

TULA--Depinisyon, halimbawa--ni E. San Juan


TULA




ABA

                                ALIMURA

                                                                                          ANAS

                                                           ALINGAWngaw
Ay      ay       ay





      L I 
              K A 
                        B O K