LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (41-50) --E. SAN JUAN, Jr.
LANDAS & KAPANGYARIHAN (41-50)
Salin ng Tao Te Ching ni E. SAN JUAN, Jr.
41
Naulinigan ng matalinong paham ang tinig ng Landas at masigasig na sinikap isapraktika ito.
Nabalitaan ng karaniwang palaaral ang tungkol sa Landas at nilalaro itong patumpik-tumpik.
Ang hangal na iskolar ay nakasagap ng balita tungkol sa Landas at walang patumanggang humalakhak.
Kung walang halakhak, hindi ito karapat-dapat maging Landas.
Kaya dinggin ang kasabihan:
Ang maliwanag na daan ay nagmumukhang makulimlim.
Ang pagsulong ay tila pag-urong.
Ang patag na daan ay tila mabako.
Ang matayog na birtud ay tila lambak na walang halaman;
Ang puring wagas at busilak ay tila madungis.
Ang mariwasang birtud ay tila gulanit;
Ang matipunong birtud ay tila mabuway.
Ang tunay at matimtimang birtud ay tila ipinagkanulo.
Ang huwarang parisukat ay walang sulok.
Ang mahusay na kasangkapan ay bumubuntot sa iba pang kaabalahan.
Mahirap marinig ang pinakamatinding tunog;
Ang dakilang larawan ay walang hugis.
Nakakubli ang mapagpalang Landas at walang pangalan ito.
Walang pasubaling ang Landas lamang ang mahusay magpasinaya at mabisang gumanap sa ikatutupad ng anuman.
42.
Iniluwal ng Landas ang isa, at ang isa ay nagsilang ng dalawa.
Dalawa’y nanganak ng tatlo, at ang tatlo ay nagluwal sa lahat ng nilikha.
Kanlong ang yin at yakap ang yang ng lahat ng bagay sa mundo.
Nakakamit ang pagkakasundo sa paghahalo ng lakas.
Suklam ang mga tao kung tawagin silang “ulila, “dukha,” o “kulang-palad.”
Ngunit ganito ang paglalarawan ng mga hari’t panginoon sa kanilang sarili.
Sapagkat, kung tutuusin, ang isa’y nananalo sa pagkatalo at nawawalan sa pagkakaroon.
Kung ito ay itinuturo ng iba, itinuturo ko rin pagkatapos suriing maigi:
“Ang punong malupit ay mapapariwara sa kalunos-lunos na paraan.”
Pagtuunan ng pansin itong buod ng aking pagtuturo.
43.
Ang pinakamalambot na bagay sa sangmaliwanag ay nanaig sa pinakamatigas na bagay sa ilalim ng langit.
Ang walang laman ay nakapapasok saan man walang puwang,
Kaya nga danas ko ang kapakinabangan ng walang pag-aabala.
Ang pagtuturo ay walang salita at ang pagtatamo ng hangarin ay walang kailangang sikad.
Sa tanod ng langit, iilan lamang ang nakawawatas nito.
44.
Kabantugan o pagkatao: ano ang higit na makabuluhan at lubhang kanais-nais?
Integridad o kayamanan: ano ang mas mahalaga?
Pagkatalo o pagkapanalo: ano ang mas nakapipinsala?
Sinumang nagpapakaulol sa pagsamba sa mga bagay-bagay ay lubhang magdurusa.
Sinumang nagtitipon ng maraming ari ay magdaranas ng mahapding pagdarahop.
Sa gayon, sinumang batid na sapat na ang kanilang aria-arian ay hindi mapapahiya.
Sinumang bihasa na alam kung kailan dapat tumigil at magpalubay ay makaiiwas sa gulo.
Patuloy siyang magtatamasa, ligtas sa panganib.
45.
Lumilitaw na hindi talagang walang mali ang mga naisakatuparan.
Gayunman, kung gamitin, hindi iyon lumalampas sa taning ng kanyang kabuluhan.
Ang sukdulang kasaganaan ay tila kahungkagan,
Ngunit kung ipanustos, iyon ay hindi lubos na malulustay.
Ang magarang pagkatuwid ay mukhang baluktot.
Ang magaling na utak ay mukhang tanga.
Ang mahusay manalumpati ay tila pumipiyak.
Ang mapusok na kilos ay dumadaig sa kalamigan.
Ang kahinahunan ay dumadaig sa kaalinsanganan.
Katahimikan at pagkawalang-kibo ang nag-aayos ng lahat ng bagay sa daigdig.
46.
Kung ang Landas ay laganap sa sansinukob,
Hinihila ng mga kabayong pang-karera ang pataba at ikinakalat iyon sa bukid.
Kung ang Landas ay hindi umuugit sa sansinukob ,
Ang mga kabayong pandigma ay ipinapastol sa labas ng pader ng lungsod.
Wala nang mas masahol na sakuna kaysa ang walang hunus-diling pangangamkam ng ari-arian;
Walang mas mabagsik na kapahamakan kaysa sa pag-iimbot na nagbubunga ng hapis.
Sa gayon, sinumang alam kung ano ang husto ay laging may sapat na panustos na makalulugod sa buong buhay niya.
47.
Kahit hindi ka lumalabas, maari mong maunawaan ang buong daigdig.
Kahit di ka tumanaw sa bintana, maaari mong mamatyagan ang kalakaran ng langit.
Kung mas malayo na ang naabot mo, mas makitid ang iyong kaalaman.
Kaya nga ang pantas ay hindi naglalakbay, ngunit naiintindihan niya ang kapaligiran.
Nalalaman niyang lubos kahit nakabaon lamang sa ordinaryong tanawin.
Abala sa karaniwang trabaho, naisasakatuparan niya ang anumang kinakailangan.
48.
Sa pagpupunyaging maging paham, sa bawat araw may bagay na nakakamit.
Sa pagtalunton sa Landas, sa bawat araw may bagay na nawawaglit.
Unti-unting nababawasan hanggang makaabot sa yugtong tumutupad nang walang pamimilit.
Kahit hindi gumagasta ng lakas, walang hindi naisasagawa.
Sa pamamahala, laging ilapat ang paraan nang walang panghihimasok; laging magpaunlak na lahat ay sumunod sa sariling kalikasan.
Huwag manghimasok at sa gayo’y mapagtibay na karapat-dapat ka sa pag-ugit sa lahat.
49.
Walang pansariling hangad ang pantas.
Taos-pusong nauunawaan niya ang mga pangangailangan ng madla sapagkat umaayon sa kanyang damdami’t kaisipan.
Mabait ako sa mga taong mabait.
Mabait din ako sa mga taong kriminal.
Nangyayari ito sapagkat taglay ng birtud ang masaklaw na kakayahan.
May tiwala ako sa mga taong mapapagkatiwalaan;
May tiwala din ako sa mga taong sukab;
Sapagkat taglay ng birtud ang lumalagong pagtitiwala.
Nahihiya’t nagpapakumbaba ang pantas, kaya maligalig ang panimdim.
Tinitingala siya ng madla at pinakikinggan.
Sa harap ng lahat, umaasal siya upang patawanin ang madla tulad ng isang nakangiting paslit.
50.
Sa pagitan ng pagsilang at kamatayan, tatlo sa sampu ang kaakbay ng buhay;
Tatlo sa sampu ang kadaupang-palad ng kamatayan,
At ang mga taong bumabagtas patungo sa kamatayan sapagkat hindi makabitiw sa kasalukuyan ay tatlo rin sa sampu.
Bakit ba ganito?
Sapagkat mahigpit ang kapit nila sa pinakagarapal at bulagsak na gawi.
Ang taong sumusunod sa matinong pamumuhay ay maaaring maglagalag nang walang takot kahit kaharap ng mabangis na tigre o hayop sa gubat.
Hindi siya masusugatan sa labanan.
Walang katawan na matutusok ng sungay ng hayop,
Walang bahagi ng laman na matutuklaw ng kuko ng tigre.
At walang puwang na sisingitan at paglalagusan ng sandatang matalim.
Bakit ganito?
Sapagkat wala siyang agwat o pagitang makalupa na mapapasok ng pumapaslang.
Comments