UMBAY TUNGO SA TAGUMPAY
UMBAY PATUNGONG TAGUMPAY
1.
Unti-unti umaambon dumagit ang naglambiting
ulap sa panimdim
Patak-patak napigtal ang pangakong nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang umaasong tala sa takip-silim ng pangarap
Dahan-dahan ang pakpak ng guni-guni’y lumilim
humimlay sa iyong bisig
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
2.
Umuulan nang ikaw’y umalis, nakisilong sa mutyang humarap sa panganib
Umaapaw ang batis, lumalagos sa pader ng tadhanang walang mukha
Nagpasiya ka, bulong mo’y dasal na tumalab sa kilabot at hilahil
Unti-unti humupa ang antak ng pagsusumamo, kamao’y bumuka’t bumigay
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
3.
Dahan-dahang tumikom ang labing bumigkas ng pagbati sa nagtanang panaginip
Tigil na ang pangungulila-- Sa wakas ng sigwa, gumigising ang bangkay sa ating pagdamay
Tigil na ang pagtitiis-- Dumulog sa lambing at bagsik hugot sa katawang inialay
Kumanlong sa gunita ang kaluluwang bumabangon, nakaumang ang dibdib sa pagsubok ng umaga.
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
--ni E. SAN JUAN, Jr.
Comments