NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI!--Kritika ni E. SAN JUAN, Jr.
INTRODUKSIYON SA NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI ni E. SAN JUAN, Jr. Sa pulutong ng mga kabataang manunulat noong dekada 60 hanggang sa huling dako ng dantaong nakalipas, si Efren Abueg ay namumukod sa kanyang mapanghamong sosyo-realistikong sining. Mapanuri at progresibo, ang mga akda niya ay nagsilbing sandata sa kolektibong pagpupunyaging matamo ng sambayanan ang pagkakapantay-pantay, katarungan, dignidad ng bawat tao, at tunay na kasarinlan ng Pilipinas. Isang halimbawa ng mapagpalayang sining ni Abueg ang nobelang ito na lumabas sa Liwayway noong 1985-86. Bantog na si Abueg simula nang gantimpalaan ang kanyang nobelang Dilim sa Umaga (1967) at kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel" (1967). Nailimbag kamakailan ang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2004) na kabahagi ng isang epikong panorama na- nag-umpisa sa Apoy sa K...