LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (11-20)
LANDAS & KAPANGYARIHAN (11-20)
[Revised Version]
ni E. SAN JUAN, Jr.
11.
Tatlumpung rayos ng gulong ang kabahagi sa pag-inog nito.
Ang walang lamang lugar ang siyang dahilang nagagamit iyon.
Humubog ng palayok mula sa luwad;
Ang agwat ng kawalan doon sa loob ang siyang sanhi ng pagkasangkapan nito.
Yumari ng pinto at bintana angkop sa isang silid;
Ang luwag at butas nila ang siyang dahilang magagamit ito.
Samakatwid, ang nakapaligid na bagay ay nagdudulot ng kabutihan
Ngunit sa kawalan matutuklasan ang halaga ng kagamitan.
12.
Binubulag ang mata ng limang kulay.
Binibingi ang tainga ng makakikiliting ingay.
Pinamamanhid ang dila ng limang lasa.
Ginigiyagis ang puso ng aliw ng pangangabayo at pangangaso.
Nililigaw at nililinlang ng mga mamahali’t bihirang bilihin ang pag-unlad ng katauhan.
Salungat doon, ang pantas ay pinapatnubayan ng kung ano ang likas na saloobin at hindi kung ano ang napapanood;
Pinababayaan ito’t pinipili iyon.
13.
“Ang pagtanggap ng tangkilik ay nakapangingilabot na kahihiyan.”
“Ang pagtanggap ng papuri ay kasawiang masahol tulad ng ating katawan.”
Ano’ng ibig ipahiwatig nito, ang papuri at tangkilik ay nakahihiya’t nakakagulat?”
Ang pagtatangi ay nakapagpapababa ng uri.
Huwag mabahala sa tila nakasisindak na lugi o tubo.
Sinasabing ang kabutihang-palad at kasawian ay nakatatakot sa malas.
Ano’ng ibig ipaabot ng araling “tanggapin ang ang malaking kasawian” bilang bahagi ng buhay?
Sapagkat katawan ay humihinga, dinaranas ko ang kasawian.
Kung walang katawan, paano magdaranas ng hirap o sakit?
Kung ikaw ay maingat sa iyong katawan kaysa pag-atupag sa kapritso ng madla, mapapangalagaan mo ang kapakanan ng sinumang itinalaga sa iyo.
Isuko mo ang sarili nang may pagpapakumbaba; sa gayon, mapapagkatiwalaan kang kumandili’t kumupkop sa lahat ng nilalang.
14.
Tingnan mo, hindi ito mapapansin—ito’y mailap.
Dinggin mo, hindi ito maririnig—ang pangalan nito’y pambihira.
Dakmain mo, hindi ito mahuhuli—ito’y malihim.
Mahirap lubusang maintindihan ang tatlong itong walang katakdaan; kaya tuluyang magkahalo’t nagiging isa.
Mula sa itaas hindi ito maliwanag, mula sa silong hindi ito madilim.
Mahigpit na magkasiping, hindi mapagtiyak; bumabalik ito sa kawalan.
Ang anyo ay walang hugis, ang imahen ay walang larawan.
Tinatawag itong malabo at walang katiyakan.
Tumindig sa harap nito, di mo makikita ang ulo; sundan ito, di mo masusulyapan ang dulo.
Higpitan ang hawak sa nalilikhang Landas ngayon upang masakyan ang katuturan ng mga pangyayari sa kasalukuyan
At sa gayon matatarok ang sinapupunan nito, ang tinaguriang binunot na “sinulid ng Landas.”
15.
Ang mga matandang guro ay matalisik, dalubhasa, sanay at bihasa;
Ang lalim ng kanilang kaalaman ay di masusukat.
Sapagkat di masukat ang kanilang diwa’t budhi, magkasya na lang tayong ilarawan sila.
Laging bantulot, tulad ng mga taong tumatawid sa ilog sa tag-lamig;
Laging handa, tulad ng mga taong pinakikiramdaman ang kilos ng taksil na kalaban sa paligid;
Mapitagan, tulad ng mga panauhing inanyayahan;
Bumibigay, tulad ng yelong malapit nang matunaw;
Payak, tulad ng isang di-pa nililok na tipak ng kahoy;
Malawak, tulad ng mga bangin at yungib;
Mapusok, tulad ng alimbukay ng tubig.
Sino ang makapagpapahinahon sa marahas na agos?
Sino ang mananatiling walang imik upang ihanda ang mabagal na pagluwal ng buhay?
Ang mga alagad ng Landas ay di naghahangad ng labis na kasaganaan.
Sapagkat di nais magpakapuno, maari silang manatiling lihim, hindi tapos, gulanit.
16.
Sikaping alisin mo ang lahat ng bagay sa iyong loob.
Hayaang manahimik at panatilihin ang walang-tinag na kapanatagan sa loob.
Umaakyat at bumababa ang maraming bagay habang minamasdan mo ang kanilang pagbabagong-buhay.
Bumubukadkad at nagbubunga, kapagkwa’y humahapon sa kinasibulan ng lahat.
Bumabalik sa sinapupunan, ito’y kaluwalhatian na siyang pagdiriwang ng kalikasan.
Ang itinadhanang pagbabago ay walang taning.
Ang pagkaunawa sa katalagahan ay liwanag ng kamalayan.
Ang di pagkawatas sa katalagahan ay walang taros na nagtutulak sa kapahamakan.
Nasa puso ang katalagahan, ikaw ay mapagpaubaya.
Kapag mapagpaunlak, ikaw ay makatarungan.
Kapag makatarungan, pangangasiwa mo’y matatag at marangal.
Sapagkat malinis ang budhi, makakamit mo ang kabanalan.
Sapagkat banal, ikaw ay ibinuklod sa Landas; kasanib sa Landas, tinutunghayan mo ang walang kawakasan.
Bagamat pagpipistahan ng uod ang katawan, walang kapahamakang darating sa iyo.
17.
Ang pinakamagaling na pinunong hinahangaan ay halos di kilala ng sambayanan.
Susunod sa pagtangi ang kapanalig niyang malapit na kanilang ipagbubunyi.
Kahilera ang mga taong kinatatakutan nila.
Sa huli, ang mga upisyal na kinapopootan ng madla.
Sa panunungkulan ng pinunong hindi lubos na mapapagkatiwalaan, namamayani ang paghihinala.
Walang lingat, mahinahon, tinatasa niya ang kanyang pangungusap.
Pinagliban ang di-kailangang mungkahi at itinatampok naman ang ilan.
Pagkatapos maisakatuparang mahusay ang kailangang gawin, bubulalas ang sambayanan: “Natupad natin ito sa sarili nating pagsisikhay!”
18.
Kung ikaw ay tumalikod sa dakilang Landas,
Kagandahang-loob at mabuting pakikipagkapwa-tao ang bumubungad.
Kapag tumambad ang katusuhan at pakulo ng utak, umpisa na ang garapal na pagkukunwari.
Kapag walang pagkakasundo ang ugnayan sa pamilya, ang pagmamahal sa magulang at pagkamatulungin nila ay sumisipot.
Kapag laganap ang sigalot at namamayani ang gulo sa lipunan, naglipana ang mga mabusisi’t pakialamerong upisyal ng gobyerno.
19.
“Itakwil ang pagkamarunong, ayawan ang mandarayang iskolar;
Higit na makabubuti ito sa bawat mamamayan.
Itakwil ang pagkamakatao, iwaglit ang moralidad,
At sa gayon, mananaig muli ang pag-ibig sa magulang at kagandahang-loob.
Itakwil ang katusuhan, ibasura ang pagkalamangan;
Maglalaho ang mga magnanakaw at mangungulimbat.”
Bilang mga simulaing pumapatnubay, ang tatlong ito ay di sapat bilang turo ng kabihasnan.
Kinakailangang masipat ang katayuan ng bawat isa.
Piliin ang payak at yapusin ang pangkaraniwan;
Sawatin ang kasakiman at bawasan ang mga hibo’t nagtutukso.
Burahin ang isinaulong doktrina nang sa gayo’y humupa ang kabaliwan.
20.
Mayroon bang pagkakaiba ang mapitagang pagsang-ayon at marubdob na pagtutol?
May pagkakaiba ba ang tinaguriang maganda at iyong pangit?
Iyon namang kinauululan ng madla, di ba hintakot sila?
Laganap ang lagim, walang lubay ang kahangalan.
Maraming nalulugod, tila nasisiyahan sa piging na pagsakripisyo sa kapong baka.
Sa tag-sibol may nagpapasyal sa liwasan at umaakyat sa terasa.
Nangungulila ako, tangay ng agos, walang iniwang tanda o bakas.
Walang muwang, wangis isang bagong silang na sanggol bago matutong ngumiti.
Mapanglaw, tila walang tiyak na pupuntahan.
Ang madla’y may ari-ariang higit sa kanilang pangangailangan, ngunit ako’y namumukod na dukhang lubos.
Puso ko’y hibang, di alam kung saan napadpad.
Malinaw ang ulirat ng karaniwang mamamayan; sa gitna nito, ako lamang ang nagugulumihanan.
Ang iba’y pihikan at sanay sa kamunduhan, ngunit ako nama’y tanga.
Ako’y inaanod palayo tulad ng alon sa dagat, nawindang, walang direksiyon, wari’y habagat na walang humpay.
Lahat ay may inaatupag; kakaiba ako, walang pinag-aralan, walang kahina-hinala.
Iba nga sa lahat ang pangangailangan ko, dahil sa pinaparangalan ko ang inang magiliw kumanlong at magpasuso.
Comments