TAO TE CHING -Rendered into Filipino (70-81)--Revised Version
LANDAS & KAPANGYARIHAN (70-82) Revised Version ni E. SAN JUAN, Jr. 70. Ang mga salita ko’y madaling masapol at madaling mailapat. Subalit walang sinuman, sa ilalim ng langit, ang nakauunawa dito upang subukan at isapraktika ito. Ang mga pangungusap ko ay tumatalima sa dalubhasang guro; Ang mga kilos ko ay ginagabayang mahigpit. Sapagkat hindi nauunawaan ng madla ang mga turo ko, hindi nila kilala ako. Iilan lamang ang may kabatiran sa akin; mabibilang ang nakikinig, kaya taglay ko pa ang katutubong dangal. Sa gayon, suot ng pantas ang maligasgas na sakong damit at kimkim niyang malapit sa puso ang tunay na hiyas. 71. Napakiwari mong hindi mo talagang alam—ito ay kahanga-hanga. Kung hindi mo tanto na hindi mo naiintidihan-- ito ay tiyak na kamalian. Walang pagkukulang na ganito ang pantas Sapagkat tanggap niya na ang kakulangan ay tunay na kakulangan. Sapagkat tanggap niya ang kanyang mga kakulangan, wala siyang kapintasan. 72. Kung ang tao’y walang takot sa awtorida...