LANDAS & KAPANGYARIHAN--Filipino Version of TAO TE CHING (1-10)


LANDAS & KAPANGYARIHAN

[ Salin ng TAO TE CHING ]


ni E. SAN JUAN, Jr.
[Revised Version]


1.

Ang Landas na naisasawika ay hindi ang walang pagbabagong Landas.

Ang pangalang naisulat ay hindi ang pangalang walang pag-iiba.

Ang walang pangalan ang matris ng langit at lupa.

Ang may taglay na pangalan ang siyang ina ng lahat ng nilikha.

Samaktwid, dapat itampok ang kawalan.

Laging walang pagnanais, makikita mo ang mahiwagang kababalaghan.

Laging nagnanais, mamamasid mo ang nakamamanghang paglalantad.

Itanghal ang umiiral kung nais masukat ang saklaw ng katalagahan.

Nagbubuhat ang wala’t mayroon sa isang bukal, ngunit magkaiba ang kanilang bansag;

Dilim sa pinakabuod, lumalabas na tila karimlan ang dalawang pangyayaring napakalalim.

Sila ang tarangkahan sa lahat ng hiwaga.

2.

Sa ilalim ng langit, alam ng lahat ang galing ng ganda bilang kagandahan ay nakasalalay sa kapangitan.

Batid ng lahat ang kabutihan ay may bisa lamang sapagkat nakasalalay iyon sa kasamaan.

Samakatwid, ang umiiral at kawala’y kapwa iniluwal nang magkasabay,

Ang mahirap at madali’y bumubuo sa isa’t isa.

Ang mahaba’t maikli’y humuhubog sa bawa’t isa;

Ang mataas at mahaba’y magkasapakat;

Ang tinig at tunog ay magkakatugma;

Harap at likod ay magkasudlong, may pagkakatimbang.

Sa gayon, ang pantas ay yumayari nang walang pagpupunyagi, nagtuturo nang walang salita.

Ang sampung libong bagay ay naisasakatuparan nang walang pagsisikap.

Lumilikha, ngunit hindi humihikayat,

Gumagawa, ngunit di nag-aangkin.

Naisasakatuparan ang anumang panukala; at pagkatapos iligpit, hindi tumatawag ng pansin.

Kaya ang mga natupad ay umiiral, taglay ang katutubong galing, at kusang namamalagi.

3.

Ang di pagbunyi sa may likas na galing ay gawing pumipigil sa away.

Ang di paghabol sa yaman ay patakarang humahadlang sa nakawan.

Ang di pagtanghal sa nakahuhumaling ay mabisang sagwil sa kalituhan ng diwa.

Ang marunong mamuno, sa gayon, ay may kakayahan sa pag-alis ng bagabag sa puso at sa pagbubusog ng sikmura,

Sa paglulumpo ng ambisyon at pagpapalakas ng mga buto.

Kung ang masa’y walang katusuhan at walang pag-iimbot, matitiyak na ang mga naglalako ng doktrina ay di manghihimasok at manggugulo.

Naiaakma ang pagkukusang-loob upang lahat ay maging matiwasay sa gayong pamamahala.

4.

Ang Landas ay isang hungkag na sisidlan; bagama’t ito’y ginagamit, hindi ito napupuno.

Ito ay walang sayod na pinagmumulan, ninuno ng ilanlibong nilikha!

Pinupurol ang talas, kinakalag ang buhol,

Pinapupusyaw ang silaw, pumipisan sa alikabok.

O lubhang nakalubog at sa malas ay halos hindi humihinga.

Di ko batid kung saan nagbubuhat ito.

Kawangis nito’y ang magulang ng mga bathala.

5.

Ang langit at lupa’y walang makataong pagkiling.

Tinuturing nila ang sampung libong bagay ay mga maniking dayami.

Ang marunong ay walang pinapanigan;

Nakaharap sa madla’t trato sa kanila’y mga maniki.

Ang agwat sa pagitan ng langit at lupa ay tila isang tubong hinihipan,

Ito’y hungkag ngunit di mawawalan ng hugis o manlulupaypay.

Maaaring pipiin, ngunit lalong bumibigay at humahaba.

Sangkatutak na salita ang binigkas, kung bilangin naman ay kulang.

Bagamat pagod at hapo, mananatiling nakatindig sa gitna.


6.

Hindi kailanman papanaw ang kaluluwa ng lambak.

Siya’y tinaguriang babae, inang puspos ng hiwaga.

Ang tarangkahan ng mahiwagang kababaihan ay binansagang “ugat ng langit at lupa”;

Hiblang hinimay sa katalahagan, tila bulang lumulutang;

Gamitin mo iyon, di mauubos, at laging nakalaan.

7.

Ang langit at lupa ay umiiral nang walang taning.

Bakit walang wakas ang langit at lupa?

Sapagkat sila’y hindi ipinanganak upang habulin lamang ang mapagsariling layon.

Tatagal sila magpakailanman.

Ang pantas ay nagpapaiwan at tumitiwalag, sa gayon siya’y nagpapasimuno;

Buhay niya’y di itinangi, ngunit iyon ay laging nakahanda;

Walang pagkamakasarili, at palibhasa’y masuyo’t mapagbigay, natatamo niya ang inadhikang kaganapan.

8.

Ang pinakamataas na kabutihan ay tulad ng tubig,

Sadyang nagdudulot ng buhay ang tubig sa lahat at di nakikipagtalo.

Umaagos ito sa mga pook na tinatanggihan at kinamumuhian ng madla, kaya nga malapit ito sa Landas.

Sa pamamahay, lumapit sa lupang kinalinga.

Sa pagninilay, sumisid sa pusod ng lawa;

Sa pakikipagkapwa-tao, dapat mabiyaya’t magalang;

Sa pakikipag-usap, dapat mapapagkatiwalaan;

Sa pamamahala, dapat makatarungan;

Sa pangangalakal, dapat may kasanayan at kakayahan.

Sa kilos, lapat sa pagkakataong itinakda ng kalikasa’t panahon;

Sa gayon, dahil hindi nakikipag-unahan, walang sisisihin, natutupad ang anumang balak.


9.

Mabuting huminto bago mapuno ang sisidlan sa halip na umapaw ito.

Kung labis na hasain ang talim, di magluluwat ay mapurol na iyon.

Kung ang silid mo’y siksik sa ginto at batong ihada, walang magbabantay doon at magtatanggol para sa iyo.

Mangurakot ng yaman at titulo upang magpalalo, bukas makalawa’y babagsak ang parusa sa ulo mo.

Lumigpit kapag tapos na ang mabuting gawa.

Iyan ang Landas ng katalagahan.

10.

Dala ang katawan at kaluluwang magkayapos, nagtatalik ang sanlibutan.

Maiiwasan mo ba’ng pagbukurin sila?

Tipunin ang katutubong sigla upang mapatingkad ang kalambutan nito.

Maari ka bang gumayak bilang isang bagong supling?

Hinuhugasan at pinaglilimi ang pinakalantay na ubod ng diwa,

Maari ka bang walang sira?

Minamahal ang lahat at pinaghuhusay ang pamamahala,

Maari ka bang umiwas sa mapanuring asal?

Binubuksan at ipinipinid ang tarangkahan ng langit,

Maaari ka bang gumanap sa papel ng babae?

Nawawatasan at bukas sa lahat ng pangyayari,

Maari ka bang walang ginagampanan?

Nanganganak at nagpapakain,

Nagbubunga ngunit hindi humahamig ng pag-aari,

Gumagawa ngunit hindi umaasa,

Tumatangkilik ngunit hindi nag-uutos,

Ito ang bininyagang birtud ng pagkatao, kagilas-gilas.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.