TAO TE CHING / DAO DE JING --in Filipino/Tagalog (Chapters 1-8) by E. SAN JUAN, Jr.
TAO TE CHING / DAO DE JING / LANDAS AT KAPANGYARIHAN NG KALIKASAN ( Kabanata 1-8) Salin ni E. SAN JUAN, Jr. 1. Ang Taong naisasawika ay hindi ang di-nagbabagong Tao. Ang pangalang naisasambit ay hindi ang pangalang walang pag-iiba. Ang kawalan ng pangalan ang simula ng langit at lupa. Ang umiiral ang ngalan ng ina ng sampung libong bagay. Samaktwid, dapat itampok ang kawalan. Laging walang pagnanais, makikita ang hiwaga. Laging nagnanais, mapapansin ang gilas ng landas. Itampok ang umiiral kung nais sapulin ang saklaw ng landas. Nagbubuhat ang wala’t mayroon sa isang bukal, ngunit magkaiba ang taguri, Dilim sa kadiliman, lumalabas na tila karimlan ang dalawang napakalalim. Sila ang tarangkahan sa lahat ng hiwaga. 2. Sa ilalim ng langit, alam ng lahat ang lakas ng ganda bilang kagandahan ay nakasalalay sa kapangitan. Batid ng lahat ang buti ay kabutihan lamang sapagkat nakasalalay iyon sa kasungitan. Samakatwid ang umiiral at kawala’y kapwa iniluwal nang magkasabay, Ang mahirap a...