JOSE RIZAL AT KASAYSAYAN --E. San Juan, Jr.
JOSE RIZAL: PANGHIHIMASOK NG IMAHINASYONG PANGKASAYAYAN ni E. SAN JUAN, Jr. Palasak nang ituring sa kasalukuyan na ang paksang inihudyat ng pamagat ko sa lekturang ito'y gamit na gamit na, ibig sabihi'y nakasusuya kundi nakaaantok. Ako man ay sawa na sa mga panayam at talumpating nag-uumapaaw sa clicheng pumupuri sa kabayanihan ng "First Filipino" (bansag ni Leon Ma. Guerrero), mga gasgas na halimbawa at de-kahong pagtataguyod ng kumbensyonal na sukat ng kahalagahan ayon sa pamantayan ng dominanteng uri sa lipunan. Lihis sa nakaugaliang pagtatanghal sa kulto ni Rizal, sa panimula'y nais kong isusog ang ilang panukalang makasisilbing mapanghamong pambungad sa ilang repleksiyon ko tungkol sa tatlong sanaysay ni Rizal: "Liham sa Mga Kakabaihan sa Malolos" (1889), "Sobre la Indolencia de los Filipinos" (1890), at "Filipinas, dentro de Cien Anos" (1890). ...