ANYAYA UPANG HUWAG MAPANGANYAYA

            ANYAYA UPANG HUWAG MAPANGANYAYA

Tila birong nahulog sa sulok ng hardin
Nagkandirit muna bago lumukso't lumipad ang anghel at naparam
Di sigaw kundi bulong:
                Bakit narito ka? Sinong tumawag?

Baka naman tagpo o yugto ito sa telenobelang pinakasasabikan
Niyari ang nangyari: sumaksi ang walang patid na prusisyon ng sakit, hirap,
Dusa pakataboy--
               bahala na, bathalang buwisit  lintik  kamiyerdahan--

Paraluman ng guniguni, nasaan ka't di mo kami iligtas sa iskandalo ng buhay?
Kumikirot ang sugat sa kuko, ramdam ito sa singit ng pangarap
Ngunit balewala sa iyo, nakikipag-otso-otso ka sa likod na groto ng Birhen....

Ilang mansanas ba'ng dapat ubusin upang matakasan ang balisang panaginip?

Mutya ng panganib, baliin ang buto ng pitso sa tamang kasukasuan
Bago maibasura ang kalansay sa mandarayang sirko't laro ng mundong hibang...
Sambitin ang mahikang kataga nang mabuksan ang pinto
At mapawi ang walang maliw na hilahil, ligalig, gusot at gulo sa panimdim....

Awit ng maya  huni ng bubuyog o paru-paro ay di makapawi sa kalam ng sikmura
At libog ng kaluluwang matinding nagnanais, umaasa, nagmimithi--
Isauli ang kawalang-malay upang makalag ang buhol ng parikala't bugtong....

Kung kakapit sa patalim, lalung mawawala ang lahat sa iyo  magwawala
Subalit kung bibitiw   pabayaan   iwalang bahala, makakamit ang lahat--

Bangungot lang ito, birong maalingasaw...

              Pagkamulat, batiin ang mutyang kumukumpas, kumakaway--

Yapusin at halikan ang paralumang  hugot ang duguang kris sa tagiliran.

           
                            --E. SAN JUAN, Jr.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.