PATUNGONG ANTARTIKA (rebisado)--E. SAN JUAN, Jr.

PATIANOD SA AGOS NG  DAGAT PATUNGONG ANTARTIKA



Ayon sa pantas, walang bago sa ilalim ng araw, ang nagawa'y gagawin muli
    at ang nangyari na'y masasaksihan muli, lahat ay nasa kahinugan.
Ano pa ang isasakatuparan sa gulang na ito?
Buhay ay isang biro, magaan o mabigat, mapait o maanghang....
Ang katalagahan ay di kapani-paniwala, kakatwa, nakamamangha.

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa kalikasan ang mga inulila't        iniwan.

Matanda ka na't maraming kapanahon ay lumisan na, tumugpa na
    patungong Antartika.
Kaya di katakatakang umarte kang baliw, hibang, kulang-kulang....
Nakapaligid ang mga multo ng lumipas, mga kaluluwang nanunukso.
Humihingi ako ng sagot ngunit di ako binigyan....

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa babaylan ang mga inulila't     iniwan.

Hinanap ko ngunit di ko natagpuan--baka pinuslit ng tusong 
mangkukulam
O ng aninong kaharap ko sa salamin, kakakambal o katukayo....
Kung nagkasala, patatawarin ka raw, 'yon ang dinig ko. Baka chika-chika       lamang. Alingawngaw sa hinukay na burol.
Baka ulol akong nagbibilang ng puting buhok sa aking ulo?

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa manggagaway  ang mga inulila't     iniwan.
Nakaukit pa ba sa himaymay ng iyong budhi ang turo ng banal na pastol?
Sa pagsisiyasat sa katotohanan, maghanda sa di inaasahan at di inaakala
Sapagkat lubhang mailap tila bula, bihirang matuklasan;  sakaling mabunggo
Sa pakikipagsapalaran, lubhang nakasisindak--

OK, handa ka na ba, salamangkero ng panaginip at talinghaga?
Di bale na, umalis ka man o dumating, patuloy ang pag-inog ng mundo--
Isang birong di mo masakyan,  ngayon at sa oras ng iyong pagkawala....
Totoo, tunay, lumulutang sa pusod ng malumot na dalampasigan.

                                ---E. SAN JUAN, Jr.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

USAPING PANGWIKA--diskurso ni E. San Juan, Jr.