TUNGO SA ANTARTIKA--tula ni E. San Juan, Jr.
DESAPARECIDONG PATIANOD SA DAGAT
PATUNGONG ANTARTIKA
Ayon sa pantas, walang bago sa ilalim ng araw, ang nagawa'y gagawin muli at ang nangyari na ay masasaksihan muli, lahat ay nasa kahinugan.
Ano pa ang isasakatuparan sa gulang na ito?
Buhay ay isang biro, masela't mabigat, mapait at maanghang....
Ang katalagahan ay di kapani-paniwala, malimit nakamamangha.
Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa kalikasan ang mga '
inulila't iniwan.
Matanda ka na't maraming kapanahon ay lumisan na, tumugpa na
patungong Antartika.
Kaya di katakatakang umarte kang baliw, hibang, kulang-kulang....
Nakapaligid ang mga multo ng lumipas, mga kaluluwang di makatulog.
Humihingi ako ng sagot ngunit di ako binigyan....
Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa babaylan ang mga
inulila't iniwan.
Hinanap ko ngunit di ko natagpuan--baka pinuslit ng tusong mangkukulam
O ng aninong kaharap ko sa salamin, kakakambal o katukayo....
Kung nagkasala, patatawarin ka raw, 'yon ang dinig ko. Baka chika-chika lamang. Alingawngaw sa sepulkro.
Baka ulol akong nagbibilang ng puting buhok sa aking ulo?
Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa manggagaway ang mga
inulila't iniwan.
Nakaukit pa ba sa himaymay ng iyong gunita ang payo ng pantas?
Sa pagsisiyasat sa katotohanan, maghanda sa di inaasahan at di inaakala
Sapagkat lubhang mailap, mahirap matuklasan, at sakaling mabunggo,
Nakagugulat--
Oy, kailan ka aalis, gerilya ng panaginip at pakikipagsapalaran?
Di bale na, umalis ka man o dumating, patuloy ang pag-inog ng mundo--
Isang birong di mo masakyan,
ngayon at sa oras ng iyong pagkawala.
---E. SAN JUAN, Jr.
Comments