JOSE RIZAL AT KASAYSAYAN --E. San Juan, Jr.
JOSE RIZAL: PANGHIHIMASOK NG IMAHINASYONG
PANGKASAYAYAN
ni E. SAN JUAN, Jr.
Palasak
nang ituring sa kasalukuyan na ang paksang inihudyat ng pamagat ko sa lekturang
ito'y gamit na gamit na, ibig sabihi'y nakasusuya kundi nakaaantok. Ako man ay
sawa na sa mga panayam at talumpating nag-uumapaaw sa clicheng pumupuri sa
kabayanihan ng "First Filipino" (bansag ni Leon Ma. Guerrero), mga
gasgas na halimbawa at de-kahong pagtataguyod ng kumbensyonal na sukat ng
kahalagahan ayon sa pamantayan ng dominanteng uri sa lipunan. Lihis sa
nakaugaliang pagtatanghal sa kulto ni Rizal, sa panimula'y nais kong isusog ang
ilang panukalang makasisilbing mapanghamong pambungad sa ilang repleksiyon ko
tungkol sa tatlong sanaysay ni Rizal: "Liham sa Mga Kakabaihan sa Malolos"
(1889), "Sobre la Indolencia de los Filipinos" (1890), at
"Filipinas, dentro de Cien Anos" (1890).
Panimulang Imbentaryo
Sa pagtaya ko, tatlo ang mahalagang naisakatuparan ni Rizal
sa kanyang maikling buhay bukod sa pagsulat ng dalawang nobelang Noli at Fili
at ang tatlong akdang nabanggit ko.
Una, ang pagtatatag ng Liga Filipina. Nais kong idiin ang detalye na sa una at kahulihulihang
pagpupulong ng nasabing organisasyon, may dalawang taong nakadalo roon na sa
pagbabalik-suri sa kasaysayang sumaksi ay nakabago ng repormistang layunin
noon. Sila sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, ang una'y sumasagisag sa
pagsilang ng himagsikan at ang huli sa pansamantalang pagpanaw nito sa pananakop ng Amerikano makaraan
ang Digmaang Filipino-Amerikano (1898-1902).
Kahit
anupaman ang pasaring tungkol sa pagkarepormista ni Rizal--alinsunod sa
panunuring inumpisahan ni Claro Recto hanggang kina Renato Constantino at Jose
Maria Sison--kung walang Liga, wala ring Sigaw ng Balintawak at karamay nito,
wala ring Malolos, Balangiga, Sakay, Isabelo de los Reyes, Crisanto
Evangelista, at ang tradisyong mapanghimagsik na laging tutol sa umiiral na
sistemang walang katarungan, pagkakapantay-pantay, at di-matatawarang
kasarinlan.
Pangalawa,
isang huwarang simbolo ang pagsasakatuparan ni Rizal sa paglatag ng sistema ng
distribusyon ng tubig sa Dapitan, lugar ng kanyang pagtapon. Ang
"NAWASA" ng pook na iyon ay isang proyektong pangkomunidad, hindi
indibidwal na gawain. Masisinag natin doon ang isang diwang mapanlikha at
kolektibistang oryentasyon ng pangitain. Mapipisil din doon ang impluwensiya ng
mapanuring agham, ang udyok ng kaluluwang mapagbago, sabayang mapagsira't
mapagbuo. Ito rin ang udyok ng pagsulong tungo sa isang kaayusang demokratiko,
makatarungan, makatao, malaya--ang rebolusyonaryong simulain at paninindigan ng
1896 Himagsikan.
Pangatlo,
munti man ngunit makahulugan: ang isang maikling katha ni Rizal hinggil sa
paggamot sa mga kinulam na pinamagatang [sa Ingles] "The Treatment of the
Bewitched," naisulat sa Dapitan noong 15 Nobyembre 1895. Nais kong sipiin
ang isang talata mula sa ulat na ito na may mensaheng palaisipan na dapat
linangin:
Ang manggagaway [o mangkukulam] ay siyang tampulan ng
kahirapan ng pagkawalang-muwang at kalupitang pangmadla, siyang scapegoat ng
kaparusahan ng Maykapal, ang katubusan ng mga tulirong nagpapanggap. Sa banal na kagalingan ng tao ay
katambal ang ganyang kasiraan. Nais ipaliwanag ang lahat at hugasan sa dugo ng
iba ang kanyang karumihan. Ang babaing manggagaway ay sa karaniwang tao at sa
mapagpanggap kung ano ang demonyo sa mga bathala, ang pakikipagsabwatan kay
Satanas noong Siglo Medya, ang pagdanak ng dugo, mga kapalaluan at kahibangan,
at iba pang kalapastanganan sa iba't ibang panahon: itong babae ito ang
paliwanag sa di-matarok na pagdurusa ng lahat.
Ayon kay Cesar
Majul, pantas na awtor ng The Political and Constitutional Ideas of the
Philippine Revolution
at dating guro ko, ang kaisipang pampulitika ni Rizal (tulad ng kina Emilio
Jacinto at Mabini) ay bunga ng ideolohiya ng Kaliwanagan [Enlightenment] sa
Europa. Bagamat ito'y tama sa
pangkahalatang interpretasyon, kulang ito sa kontekstuwalisasyon na dapat
talakaying maigi. Totoo, hiram nga ang balangkas ng kaisipan ni Rizal. Ngunit
nagkakatalo hindi rito kundi kung paano ito ginamit, kailan at saan, sa anong
natatanging pagkakataon nailapat ang kaipala'y idealismong metapisikal ni
Rizal. Hindi maibubukod ang kaisipan sa partikular na pangyayaring kumatawan
dito sa kasayayan. Idiniin ni Majul ang paninindigan ni Rizal tungkol sa
pangangailangan ng kahalagang moral, katalinuhan, dalumat ng personal na
dignidad, at disiplina ng katuwirang ipinataw sa mga likas na gawi o simbuyong
natural. Katumbas iyon ng adhikain ng Liga: samantalang itinatanghal ang
pangangailan sa industriya at pagtutulungan ng kapwa, ipinagbubunyi nito ang
mga katangiang intelektuwal at moral ng tao.
Bukod sa
milenaryang pagturing ni Padre Florentino (sa Fili) na ang kalayaan ay hulog o
interbensiyon ng langit, ang pinakatanyag na ideya ni Rizal na ipinapalagay na
katibayan nga ng kanyang repormista't mapagbigay na pilosopiya ay nakapaloob sa
patalastas niyang ika-15 ng Disyembre 1896. Nailahad ni Rizal doon na sa kabila
ng kanyang paghahangad sa kalayaan ng bayan, naniniwala pa rin siya na ang kondisyong
karapat-dapat bago makamit ang kasarinlan ay ang karanasan sa edukasyon ng
sambayanan. Sa paraan ng kaalaman at industriya, magkakaroon ng indibidwalidad
ang bayan at magiging karapat-dapat sa kalayaan. Kung walang pagsasanay sa mga
kabutihang panlipunan [civic virtues], walang katubusan. Iyan ang pinakamatigas
na saloobin ni Rizal.
Mula Kaliwanagan Hanggang
Praktikang Mapagpalaya
Maitanong
natin: saan at paano sisibol ang mga kabutihang panlipunan kung walang kalayaan
ang tao? Ang isyung matinik ay kung anong papel ang gagampanan ng mga kabutihang
nabanggit sa laro ng nagtatagisang lakas sa partikular na yugto ng ating
kasaysayan. Marahil matitiyak natin ang direkysiyong pagbubuhatan ng sagot ni
Rizal sa pagsubaybay sa proseso ng pag-iisip na mapupulsuhan sa tatlong akdang
pupunahin ko ngayon.
Sa simula, nais kong
imungkahi ang proposisyon na sa sistema ng pagdiskurso ni Rizal matatagpuan
natin ang mga salik ng pangitaing istorikal at materyalista. Ang pangitaing
ito'y nagkakabisa sa pagkilos ng isang diyalektikal na metodo: ang buhay sa
lipunan ay nakabatay sa analisis ng mga samutsaring kontradiksiyon sa isang
takdang yugto ng kasaysayan. Ang pinakatampok na kontradiksiyon ay kaugnay ng
balangkas ng panlipunang relasyon ng mga uri at ng anyo ng produksiyon ng mga
kinakailangan sa buhay, na siya ring katambal ng reproduksiyon ng ideolohiya at pulitikang sumasaklaw sa
buong sistemang kinapapalooban ng labanan ng mga pangkat at grupo batay sa
kasarian, uri, etnisidad, at iba pang kategoryang pangkultura. Sa kabuuan, ang
kontradiksiyon ng mga lakas pampulitika ang nagtutulak sa pagsulong ng
kasaysayan mula sa larangan ng nesesidad tungo sa larangan ng awtonomya.
Makikita
natin ang diyalektikong analisis sa akdang "Sa Mga Kababayang Dalaga sa
Malolos." Mahigpit na
nasakyan ni Rizal ang mga lakas pangkasaysayan na yumayari sa karakter ng tao.
Inilagay niya sa gitna ng diskurso ang impluwensiya ng ina sa anak, ang
lantarang pakikisalamuha nito sa sanggol. Narito ang orihinal na mga
pangungusap ni Rizal:
ang babaing tagalog ay di na payuko at luhod; buhay na
ang pag-asa sa panahong sasapit....
Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga'y dapat ang babai
magtipon ng yamang maipamamana sa lalaking anak.... Gawa ng mga ina ang
kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwala ng kanilang
masintahing pusu, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang anak ay
mapakagagaling. Ang kagulanga'y
bunga ng pagkabata, at ang pagkabata'y nasa kandungan ng ina. Ang inang walang maituro kundi ang
lumuhod at humalik ng kamay, huag mag antay ng anak na iba sa dungo o
alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak daluro o pagatpat o pangatong
lamang....
Sa
paghatol ni Rizal, lubhang napakabigat ang katungkulan ng ina. Di maikakaila na
kapwa magulang ay "binigyan ng Dios...ng sariling isip at sariling loob
upan ding mapagkilala ang liko at tapat," pahayag niya. Subalit--sumbat ng
ulirat natin--bakit ang babae lamang ang nakasangkot sa gawaing reproduksiyon?
Ang ganitong kakulangan ng tesis ni Rizal ay nakatali sa kanyang pagsunod sa tradisyonal
na paghahati ng gawaing sosyal/seksuwal sa itinakdang kategoryang panlalaki at
pambabae. Sang-ayon si Rizal sa pananagutan ng ina sa mga bagay sa tahanan, sa
pag-aalaga sa bata at pangangasiwa ng mga domestikong suliranin.
Mapapansin
ang isang malubhang kakulangan ng analisis dito. Nakabilanggo ang kamalayan ni
Rizal sa idea ng komplementaridad o paglalapat ng dalawang papel ng kasarian:
isang pambabae, isang panlalaki. Dahil dito, ikinulong ni Rizal ang mga dalaga
sa larangang pantahanan na kusang hindi pinahahalagahan ng isang patriyarkong
orden. Sa kabilang dako, ang mga lalaki ang nagtatamasa ng monopolyo sa
larangang pampubliko ng ekonomiya, politika, at lahat ng usapin sa lipunang
pangkomunidad (civil society). Hindi maitatakwil ang ganitong paniniwala sa
"normal" (hindi napagkayarian lamang) na paghahati ng gawaing
sosyal/seksuwal ay siyang garantiya ng pananatili ng kapangyarihang patriyarkal
at pagmamalabis ng kalalakihan sa daigdig.
Kasarian at Katuwiran
Maipapasubali
naman na batid din ni Rizal ang pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae sa
kanilang kakayahang tumupad sa "utos ng rason." Lagpas pa nga sa
karaniwang karanasan ang bisa ng makatwirang dunong ng kababaihan, kaya angkin
nila ang pribilehiyo sa pagpapalakad at pangangasiwa ng mga institusyong
pang-edukasyon. Ang kagalingang ito ay hindi natural o itinadhana ng anatomya
ng katawan, bagkos natamo sa pagsisikap. Dito pumapasok ang diwa ng kasaysayan
na tila nagkalaman "sa lakas at loob ng babaying tagalog." Paliwanag
ni Rizal: "Talastas ng lahat ang kapangyarihan at galing ng babayi sa
Filipinas, kaya nga kanilang binulag, iginapus, at iniyuko ang loob, panatag
sila't habang ang ina'y alipin ay maaalipin din naman ang lahat ng mga anak.
Ito ang dahilan ng pagkalugami ng Asia." Paglimiin natin ang argumento ni
Rizal. Sapagkat "ang babayi
sa Asia'y mangmang at alipin," sa halip na "maaya't marunong, dilat
ang isip at malakas ang loob" na siyang namumukod na katangian ng mga
babae sa Europa at Amerika at siyang saligan ng kanilang kapangyarihan.
Ang
pag-unlad ng personalidad, samakatwid, ay nakasalalay sa katayuan ng
kababaihan. Bagamat opinyon ni Rizal na ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa
katwiran, umaasa pa rin siya na isasauli ng Diyos ng katotohanan "ang
dilag na babaying tagalog, na ualang kakulangan kundi isang ma-ayang sariling
isip, sapagkat sa kabaita'y labis." Sa gayon, ang kinakailangan ay hindi
kabaitan kundi kaisipang malaya, kasarinlan, at higit sa lahat, katapangan.
Hindi tumigil sa Rizal sa matalinghagang panghikayat sa mga babae na
"huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso" upang
sa gayon ay maturuan ang anak "sa pagiingat at pagmamahal sa puri, pagibig
sa kapua, sa tinubuang-bayan."
Ang
kasukdulang aral na indinulog ni Rizal--"Ulit-uliting matamisin ang
mapuring kamatayan sa alipustang buhay"--ay siyang pinakamaigting na
taktikang nagbubuwag sa rasyonalismo ng Kaliwanagang Europa. Pinabulaanan ang
metapisika ng batas ng autonomyang pang-indibidwal at kalkulasyong rasyonal
nang biglang ipasok ni Rizal ang halimbawa ng mga babae sa Esparta. Ano ang
intensiyon nang samantalahin ni Rizal ang pagtutok sa di-kristyanong asal?
Sipiin natin ang ulirang aksiyon inilarawan ni Rizal:
Ang manga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kaya nga't
iginalang ng boong Grecia ang babaing Esparta. Sa lahat ng babai, ang pula ng
isa, ay kayo lamang na taga Esparta ang nakapangyayari sa lalali. --Mangyari
pa, ang sagot nang taga Esparta, sa lahat ng babai ay kami lamang ang nagaanak
ng lalaki. --Ang tao, ang wika ng mga taga Esparta, ay hindi inianak para
mabuhay sa sarili, kundi para sa kaniyang bayan.
Pagkatapos
usalin ni Rizal ang mga prinsipyong hango kina Kant, Rousseau, Voltaire, at iba
pang paham ng Kaliwanagan, na napagtining sa pitong aral na inilahad niya sa
huling dako ng kanyang liham, nagtatapos si Rizal sa isang obserbasyon na tila
kabaligtaran. Ang instruksiyon
niya ay may himig maka-ina. Sapagkat ang tao ay hindi makatwiran sa kanyang
kalikasan, kinakailangan ang katusuhan at realismo. Diyalektikal ang kaisipang
nagpapatotoo rito: "Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan, ito'y isang
kasalanan kung nagpapaunlad ng paniniil; walang mang-aalipin kung walang
alipin... Ang tao'y sadyang masama na laging nagmamalabis kung nakakatagpo ng
mga masunurin!" Sa sitwasyong umiiral, naaangkop ang pagpaplanong
istratehikal at kolektibong pagpapasiya.
Lumilitaw
ang diyalektikong sensibilidad sa takbo ng pangangatwirang pumapatnubay sa
panguna at pangalawang panukala niya. Ang pagtitimbang ng mga lakas at interes
na nagtatagisan sa lipunan ay pagsapul sa kontradiksiyong makina ng kasaysayan.
Ani Rizal: "Ang ipinaguiging taksil ng ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan
ng iba." Dugtong pa: "Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kulang ng pag
mamahal sa sarili at nasa labis ng pagkasilaw sa umaalipusta." Hindi ba
umaalingagaw rito ang pinakatanyag na aral ni Rizal na walang tiranya kung
walang nagpapabusabos?
Pagkatao at Kasarinlan
Subaybayan
natin ang daloy ng materyalismong istorikal sa polemika ng "Sobre la
Indolencia." Dito matutunghayan natin ang dinamikong pakikihamok ng mga
lakas ng kalikasan at ng kasaysayan. Ang palipat-lipat na pagtining ng
kamalayan ni Rizal sa dalawang kategoryang ito ang nagsasadula ng masalimuot na
paglalakbay ng kamalayan ni Rizal mula sa materyalismong mekanikal na mana sa
mga siyentipikong batas ng mga konkretong bagay na natuklasan noong Muling
Pagkabuhay (Renaissance) at sumunod na Rebolusyong Industriyal. Sa gitna nito,
malakas pa rin ang mga labi ng kosmolohiyang sakramental na dulot ng pag-aaral
ni Rizal sa mga institutusyong ginagabayan ng mga prayle at ng Simbahan. Walang
pag-aalinlangang naging tanghalan ang buhay ni Rizal sa pag-ikot ng
magkakasalungat na puwersa sa kasaysayan ng kolonyalismo at nasyonalismong
katugon nito.
Sa dalawang akdang lumabas
sa La Solidaridad
masasaksihan natin ang pagluwal ng isang bagong saloobin sa lipunan. Ito ay
isang matipunong transpormasyon ng lahat ng mga bagay-bagay sa loob ng
pangkasaysayang balangkas, isang lantay na pagpapagalaw ng lahat ng mga
pangyayari sa makasaysayang pagpapakahulugan. Sa mediyasyon ng diwang istorikal
napapaugnay-ugnay ang kalikasan, aksiyon ng tao, at mga praktikang palaos na,
yaong mga dominante, at yaong sumisibol pa lamang. Sari-saring tendensiya ng
isip at gawa ang nabibigyan-katuturan sa isang malawak na kabatiran na siyang
kumakatawan sa progresibong situwasyon ng demokratikong intelektuwal na
katutubo sa kolonya, ang mga ilustrado ng kilusang pamproganda.
Di maikakaila na tumupad
si Rizal sa kanyang prinsipyong itinagubilin sa patnugutan ng La Solidaridad: huwag magsinungaling, laging
responsable sa katotohanan at matapatang pakikipagkapwa-tao. Kaya nga't
tinanggap ni Rizal na ang katamaran ay isang katangiang masusubukan sa mga
indibidwal na nilalang sa panahong iyon sapagkat ito'y isang pangkahalatang
predisposisyon. Nagsimula si Rizal sa pagtalakay ng ipotesis tungkol sa bisa ng
kapaligirang pisikal, laluna ang init ng klima. Subalit hindi sapat
maipaliwanag ng batas ng kalikasan ang asal ng tao:
Ang tao ay hindi hayop sa gubat, hindi siya makina, ang
pakay niya ay hindi lamang makapaglikha ng bagay salungat sa mga hakahaka ng
ilang Kristiyanong puti na nais alipustain ang may-kulay na Kristiyano bilang
isang uri ng lakas-pantulak na medyo mas matalino at hindi mahal kaysa
bapor. Ang pakay ng tao ay hindi
mang-aliw sa damdamin ng iba, ang hangarin niya ay humanap ng kaligayahan para
sa kanyang sarili at kapwa sa paraan ng pagtahak sa landas tungo sa kaunlaran
at lubos na kagalingan.
Sa
pagsisiyasat ng mga kagamitan mula sa masalimuot na karanasan upang maisulong
ang situwasyong materyal at intelektuwal, nababago ng sangkatauhan ang mga
batas ng kalikasan. Samakatwid, ang kalikasang ito'y hindi katalagahan,
manapa'y hilaw na sangkap na mahuhubog at maisasaayos upang tumugon sa
kagustuhan at pagnanais ng tao.
Istratehiya at Taktika ng
Talakayan
Ang
ganitong paggalugad at pagsasaliksik sa daigdig ng kasaysayan ang namamaraling istratehiya sa diskurso ni
Rizal. Ang mapagpasiyang hakbang na pagtuligsa sa esensiyalismong dogma ng
mapanlupig na Kastila ay nasa paglalarawan ng kolonyal na lipunan bilang isang
katawang sinalanta ng malubhang sakit. Ang naghihingalong pasyente'y maaaring
magkaroon ng "8 milyong pulang korpusel," at sa gayon, maitatanong
kung ang ilang puting korpusel sa katawang nasakop ay sapat na upang malutas
ang problema ng katamaran?
Dagling
maniubra ni Rizal mula sa pagdalumat ng anatomya tungo sa isang perspektibang
istorikal: "Ang katamaran sa Pilipinas ay isang masumpunging sakit, ngunit
hindi ito minamana. Hindi laging ganyan ang mga Pilipino, dili nga ba't saksi
ang mga mananalaysay ng mga sinaunang taon pagkaraan ng pagkatuklas ng mga
pulong ito." Kasudlong nito ang isang paglalagom ng mga testimonyo ng
ilang istoryador--mula kay Morga, Chirino, Colin, Pigafetta, Gaspar de San
Agustin, at iba pang kalahi. Lahat ay sama-samang nagpapatunay sa industriya,
mapanlikhang talino, sipag at sigasig ng mga katutubo bago lumunsad ang mga
Kastila. Hindi lamang sagana sa yaman ng likhang-sining at pangangalakal,
manapa'y ang kagitingan sa digmaan, kahusayan sa paglalahad, at pati na
pangungulimbat sa karagatan ay nagpapatibay sa tesis na sa Pilipinas bago
dumating ang konkistador, nangingibabaw sa mga kalipi ang matipunong
pakikisalamuha, kilos, galaw, walang humpay na gawaing lumilikha ng mariwasa't
maginhawang kabuhayan.
Ang laman ng sanaysay
(bahaging III and IV) ay binibuo ng polemika ni Rizal laban sa pagmamayabang ng
Kastila sampu ng naitalang mga rasistang palapalagay. Ang pinakabuod na
argumento ay nakatuon sa kalupitan ng mananakop, ang ganid na kasakiman nito sa
pangangalap ng kayamanan hanggang umabot sa antas ng pagkaduhagi ng mga
katutubo at pagkahirati sa kondisyon ng pagdarahop at pagkadayukdok. Ineksamen
ni Rizal ang katawan ng lipunan, ang binansagang body politic. Ikinintal sa
mapa ng kanyang diskurso ang magkakatunggaling bisa ng mga pangyayari,
pagsisikap ng tao, mga pangangasiwang nagpapahirap sa mamamayan, maling
pamamalakad ng gobyerno, upang maibulalas ang retorikal na tanong: "Paano
nga ba naipalit ang tamad na Kristiyano sa masipag at matalinong di-binyagan ng
sinaunang panahon?"
Masinop
na idinaliri ni Rizal ang mga digmaang mapangamkam na naglustay ng moral at
materyal na lakas ng sambayanan, ang makasirang paglusob ng mga pirata at
pagwaldas ng yamang lokal sa pagtatanggol ng mga barangay. Dagdag pa rito ang
napakabigat na buwis na ipinataw ng rehimeng dayuhan. Lahat ng ito'y negasyon
sa anumang karapatan sa pagpili ng mabuting gawain. Tuwirang nalugmok ang bayan
sa kapalarang ikinahihiya: "Nagtatrabaho ang tao para sa isang layunin.
Alisin mo ang layuning ito mawawalan ng sigla ang tao."
Bagaman
malaon nang humupa ang digmaan, ang pirata, ang pagpipilit na ilahok ang mga
katutubo sa hukbong mananakop, nagpatuloy pa rin ang katamarang asal dahil sa
mapang-aping pamamaraan ng administrasyong kolonyal. Kinulapulan pa iyon ng mga
kabuktutan ng prayle. Binatikos ni Rizal ang masamang halimbawa ng mga
maykapangyarihan na nag-astang mga bayaning may angking amor propio ng mga
kabalyero ng Siglo ng Pananampalataya. Sila ang kumutya sa gawaing pisikal.
Bukod sa ilang puna sa sugalan, pinuna ni Rizal ang pagwawaldas ng yaman sa mga
pista, ritwal ng simbahan, pagmamalupit ng pamahalaan, kawalan ng awa o
damdamin para sa mga mamamayan. Natatangi sa lahat, dapat isaisip ang edukasyon
ng taong ninakawan ng sariling puri at pagmamahal sa sarili: "Idagdag sa
kawalan ng materyal na tubo ang kawalan ng moral na hikayat at makikita ninyo
na ang taong hindi tamad sa bayang ito ay marahil isang baliw o kaya'y hangal
na hampas-lupa."
Kalikasan at Kasaysayan
Sa
perspektiba ng kasalukuyang panahon, kapansin-pansin ang pagsisiyasat ni Rizal
tungkol sa matatag na pagkatao ng Pilipino sa gitna ng ilang siglong
pambubusabos hanggang maging mala-hayop ang hugis niya sa mga banyaga.
Napaglirip ni Rizal na hindi nakitil ang pinakabuod ng pagkataong namalagi sa
nagaping nilalang, isang dalumat na napukaw tila ng kilalang parabula ni Hegel
ukol sa amo at alipin sa Penomenolohiya ng Diwa. Mangyaring tinaya ni Rizal ang
kanyang idealismo sa isang hindi masugpong bagay na nagpupumiglas pa rin:
"...ang katutubo'y umaangal; nasa dibdib pa rin ang mga adhikain, siya ay
nag-iisip at nagsisikap bumangon, at doon nga magsisimula ang gulo!"
Samakatwid, sa harap ng pagbabago, paghinto, pagputol, mayroon pa ring
nagpapatuloy, ang sub-istratum na tinawag ni Marx na "species-being,"
alalaong baga'y ang potensiyal para sa kolektibong pagbuo sa identidad ng
komunidad. Matatamasa ito (pakiwari ni Rizal) sa pamamagitan ng edukasyon, at
pangalawa, sa pag-imbento ng "pambansang damdamin," ng pambansang
identidad.
Sa huling
daloy ng retorika ni Rizal, matutuklasan natin ang intuwisyon ng diyalektika.
Nakapaloob iyon sa paglinang sa laro ng mga kontradiksiyon, sa magkasalungatang
bugso ng mga pagnanais, pangarap, at panaginip ng mga pulutong ng tao. Iyan ang
umuugit sa kamalayang mapanuri't mapag-ugnay. Ibinanghay ni Rizal ang saligan
sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong simulain. Ang bukal at matriks ng
tendensiyang ito ay nakapaloob sa samutsaring kontradiksiyon ng mga puwersang
iniluluwal ng kasaysayan:
Katakataka ba na sa malupit na pagsupil sa talino at
simbuyo ng katutubo, na dati-rati'y matuwid at laging maaasahan--na siyang
isiniwalat ng nakalipas na panahon at ng kanyang katutubong wika--ito ngayon ay
isang masa ng mga kontradiksiyong karumal-dumal? Ang patuloy na pagtatagisan ng
rason at tungkulin, ng organismo at ang kanyang mga bagong simulain, ang
digmaang sibil na gumugusot sa kapayapaan ng kanyang budhi sa buong buhay niya,
ay nagbubunga ng paralisis ng kanyang lakas. Kaagapay ng masamang klima, ang
pangmatagalang pag-aatubili at mga pag-aalinlangan sa utak ang siyang
pinagbubuhatan ng katamaran.
Palibhasay
may panimbang pangmoralidad na ipinanday ng Kaliwanagang nagbunga ng
Rebolusyong Pranses, pinakaimportante ang kalayaan kay Rizal. Maituturing na
ito ang una sa dalawang gamot sa istorikal na sakunang humaplit sa katawan ng
polis. Ang pangangailangan sa
kalayaan ay siyang nagpupunla ng binhi ng rebolusyon--sa tahasang
interpretasyon, ang "rebolusyon" ay pagbabalik sa orihinal na
kondisyon na naiwan datapwa't naiparangalan sa gunita ng mga ulat na nahimay na
sa umpisa ng diskurso. Subalit ang pagbabalik-tanaw na ito ay hindi pagsagip sa
luma o pagligtas sa inutil kundi paghabi ng panibagong buhay, paglikha ng
kinabukasan.
Sintomas
ba ito na bumalik ang romantikong idealismo ni Rizal? Sa palagay ko'y hindi sapagkat kung may bahid man ng utopya
dito o pangako ng kaluwalhatian, ito'y kalangkap sa liberasyon ng diwang
mapanlikha ng masang ngayo'y namumulat at unti-unting umaakmang paliparin ang
rebolusyonaryong ispiritung handa nang pumalaot sa himpapawid. Ang ispiritung
ito ay nagpapahiwatig ng sigla ng katawan at katalinuhan ng magkabuklod na
bisig ng mga mamamayan.
Bagaman
ang kritika ng mga inhustisyang naitala ay humihingi sa wakas ng kalayaan at
edukasyon, ang pinakamatining na paglirip niya ay nakatuon sa kawalan ng
damdaming pambansa. Ito ang pinakamaantig na susog ng diskurso ni Rizal.
Pagpapatibay ito na ang paggiit niya sa talinghaga ng katawan ng komunidad, ang
body politic, ay testimonyo sa kanyang taktika na bigyan-diin ang materyal na
interes ng tao. Ang tinutukoy dito ay hindi nag-iisang taong nangungulila sa
kahiwalayan kundi ang pinagsamang lakas ng bansa: "Ang tao sa Pilipinas ay
indibidwal lamang, hindi siya kasapi ng isang bansa. Pinagbabawalan siyang
gamitin ang karapatang sumapi sa asosasyon, kaya mahina at lupaypay siya."
Sa malubhang sakit na ito, ano ang karampatang lunas?
Ang
diyalektikong lapit ni Rizal ay may limitasyong bunga ng mga partikular na
pangyayari sa kanyang buhay. Mababanggit natin ang pagtapon niya sa Dapitan, at
bago rito ang kahirapang dinanas ng kanyang ina at pamilya sa Calamba nang
sila'y itaboy ng mga prayleng nag-aari ng lupang sinasaka. Huwag ding kalimutan
ang delikadesa at komplikasyon ng pakikitungo ni Rizal bilang anak na lalaki at
isang ilustrado sa gobyerno at prayle, kadahilanang kapwa nagpaigting sa pagdurusang nag-umapaw. Timbangin natin
ang bigat ng mga ito sa konteksto ng kanyang pag-aaral, ang pagkaalam sa
iskolastikong diyalektika ng mga klasikong pilosopo na sina Herakleitos, Plato,
Aristotle hanggang sa mga neyoPlatoniko, Descartes, Spinoza, at Leibniz. Isaalang-alang din natin ang agham
pangkalikasan ng mga Siglo 17 at 18, laluna na ang pagkatuklas sa kalkulus na
diperensiyal at integral (Leibniz, Newton) at mga ispekulasyon hinggil sa
pagkakaisa ng infinite at finite, ang mga kosmolohikal na ipotesis nina Kant at
Laplace na siyang naghiwatig na ang kalikasan ay may buhay sa panahon, na ang
kalikasan ay may tanging kasaysayan.
Sa kanyang mga
pananaliksik sa Europa, walang atubiling naisadibdib ni Rizal ang mga turo nina
Kant, Fichte at Hegel. Mabibilang na rito ang teorya ni Kant tungkol sa
antinomya ng rason, ang hinagap sa nagtutunggaliang lakas ng kamalayan nina
Fichte at Schelling, ang kontradiksiyong nakalatay sa kapaligiran. Sa "Sulat
sa Mga Dalaga ng Malolos" at sa "Sobre la Indolencia," masinop
na hinimay ni Rizal ang mga kontradiksyong bumabalot sa mga ideya, saloobin,
damdamin, at pangarap ng tao. Kontra kay Hegel, isinusog ni Rizal na ang mga
pagbabago at transpormasyon sa lipunan at katalagahan ay hindi kagagawan lamang
ng konsepto, manapay tunay na pagsulong ng mga lakas ng libu-libong tao sa
realidad.
Sinikap
ni Rizal na lagumin ang materyalismo ng Kaliwanagang Pranses, laluna ang
sosyalismong pala-utopya ni Saint-Simon, sa kanyang pagsubok mabatid ang sanhi
ng katamaran (daw) ng Pilipino. Lumalabas na ang karakter ng tao ay nakasanib
sa uri ng organisasyon ng lipunang kinabibilangan nito. Ang nagbabagong
balangkas ng lipunan ay nagbubunyag ng mga batas ng pagkilos, mga itinakdang
determinasyon ng kaunlaran. Ang mga penomenang istorikal (pati ideolohiya,
porma ng estado, mga iba't ibang institusyon) ay kalangkap at katugma sa isang
takdang antas ng pagsulong ng bawat lipunan sa kasaysayan. Ito ang prinsipyo ng
istorikal na artikulasyon ng mga proseso sa lipunan bilang
labis-na-determinadong pangyayaring kadalasa'y napapagkamali sa isa't isa: ang
mga bagay na sumusupling sa pinakasasabikang hinaharap, at ang mga labi ng
dating kalagayan.
Propeta o Riyalistikong Pantas?
Sa aking diskriminasyon,
"Filipinas, dentro de Cien Anos" ay siyang pinakamabuting huwaran ng
materyalismong istorikal na mapapakinabangang oryentasyon sa panitik ni Rizal.
Ang huwaran ay may kinalaman sa proyektong paghugot ng balangkas ng panahong
darating mula sa laro ng mga kontradiksiyon ng nakalipas at kasalukuyang
karanasan. Ating tandaan na ang proyektong ito ay produkto ng krisis sa buhay,
tulad ng mga pagtuklas ng bagong katotohanan nina Copernicus, Descartes,
Darwin, Marx, Freud, at Einstein. Naganap ito sa pagitan ng pangalawang paglalakbay
ni Rizal sa Europa noong Pebrero 1888 at ang kanyang pagtapon sa Dapitan
(1892-96). Nagkasudlong ang
kritika at praxis upang lumikha ng isang rebolusyonaryong etika. Ang etikang
ito ay nakaugat sa prinsipyo na may palaging pagbabago sa mundo--halimbawa,
paglaki ng bilang (quantity) tungo sa pagpalit ng porma o hugis (quality)--na
umaabot sa antas ng pagsalungat sa nakaraang yugto ng pagsulong. Palatandaan
ito ng isang lukso sa pag-unlad, hindi lamang pag-uulit ng sinaunang kalagayan.
Mababanaagan
ang ganitong takbo ng isip ni Rizal sa unang hati ng pangatlong akda,
"Filipinas, dentro de Cien Anos." Pambungad na tema niya ang ganitong
aksiyoma: "Kung walang di-matitinag na kondisyon sa kalikasan, sa
kabuhayan pa kaya ng sambayanan na may angking katangiang laging kumikilos at
gumagalaw!" Subalit ang kilos sa kasaysayan ay hindi pasulpot-sulpot at
walang katiyakan, manapa'y sumusunod sa pagpapatining na mga kontradiksiyon, sa
paraang isinaad ni Lenin sa "batas ng pag-iisa at hidwaan ng mga magkakasalungat,"
na siyang puwersang nagtutulak sa pagtutuhog ng mga sangkap at pagbabagong-anyo
ng iba't ibang narasyon ng kasaysayan.
Sa umpisa'y nirebyu ni
Rizal ang mga unang dekada ng pagsakop ng Espanya. Ang kapuluan ay nabawasan ng
tao, namulubi at naunsyami, tuluyang nawalan ng pagtitiwala sa nakaraan, walang
hinagap sa kasalukuyan at walang tinitingala sa hinaharap. Tiyak na ito nga'y
naratibo ng kabulukan at paghihingalo, ng pagkakawatak-watak ng dati'y integral
na kaluluwa ng sambayanan. Gayunpaman, sa lalim ng pagkaalipusta mailuluwal ang
katumbalik na kilos--ibig sabihin, sa pagkontra sa kalagayan iyon makukuha ang
tiyak na katubusan sapagkat, ani Rizal, "may mga tao na sa bingit ng
kamatayan ay nasasagip ng malabayaning lunas." Sa pagkakalumagak sa
negasyon-sa-sarili at panlulupasay bumubukal ang isang di-inaakalang silakbong
kabaligtaran: ang kapasiyahan ng kolonisadong tao "na pag-aralan ang
sarili at mabatid ang kanyang sakuna." Kinulapulan ng takot at gulo, ang pang-aapi at pagmamalabis
ay siyang gumagatong sa apoy ng pagtutol at sa lagablab ng insureksiyon.
Sa
pangalawang hati, inihambing ni Rizal ang Pilipinas noong tatlong siglong
nakaraan sa kasalukuyang kinalalagyan, kung saan "nahulog ang mga
maskara." Hanggang
pinangangalagaan ng mga Malayo ang kanilang maramdaming pag-ibig-sa-sarili,
uubusin niya ang lahat ng makakaya at isasakripisyo ang buhay upang makamit ang
ninanais na kabutihan. Hinulaan ni Rizal na daragsa ang isang popular na
pag-aalsa hangga't hindi nagpapaunlak ang pamahalaan at nagdudulot ng puwang sa
agos na hindi mapipigil. Noong sinaunang panahon, ang pag-aklas ay lokal at
hindi batay sa pangangailangan ng buong lahi. Itinatanong ni Rizal: "Ano't
kung ang kilusan ay magmula sa daing ng sambayanan?" Isang bagong elemento
ang naitambad: "ang diwa ng bayan ay napukaw ng isang laganap na
kahirapan, isang karahasang sumaklot sa lahat ang siyang nakapagbuklod sa mga
naninirahan sa buong kapuluan." Nakatulong din sa pagkakaisa ang mga
bagong teknolohiyang gamit sa komunikasyon, at sa bisa niyon ay naiintindihan
ng mga tao ang pagkakatumbas ng kanilang mga pagdurusa at pagsisikap. Sa gayon
natarok ni Rizal ang signipikasyon ng bansa bilang "pinangarap na
komunidad," ang damayan ng bawat isa. Hindi mahaharang ng pagdarahop ang
mga pagbabagong humihingi ng ganap na kalayaan. Ang tensiyon ng mga puwersang
magkakontra ay siyang humuhubog sa karakter ng nesesidad, ng tadhana: "Sa
madaling sabi, ang pagsulong at etikal na pag-unlad ng Pilipinas ay natitiyak
na, iniutos iyon ng tadhana. Para sa bagong tao, isang bagong sistema ng
lipunan."
Reporma o Rebolusyon?
Ang
pangatlong bahagi ng diskurso ni Rizal ay gumagalugad sa mga possibilidad ng
mapayapang repormang hulog sa itaas. Ito baga'y tanda ng isang dagling sinupil
na pantasya? O manipestasyon ng isang nakagawiang paglilirip?
Unawain natin ang direksiyon ng tugon ni
Rizal sa mga taong sumurot sa diumano'y utopyanismong sumusulpot kapag
bumabaling ang gunita sa nakalipas: "Subalit malaon nang naiwan ang bayan
ng Utopia [inimbento ni St. Thomas More]; ang pagpapasiya at budhi ng tao ay
nakagawa na ng mas kagilagilalas na himala, at nakapawi na ng pang-aalipin at
parusang kamatayan sa pakikiapid--mga bagay na imposible sa bayan ng Utopia
mismo!" Batid ni Rizal na
hindi mangyayari ang mapayapang repormang ipinagdarasal niya (at ng mga tauhang
tulad ni Padre Florentino), mahangay karahasan ang susupil sa mga nanglilimos
ng reporma. Sa kabatirang ito masasapol ang retorikang pangmediko ni Rizal, ang
laging pagsambit ng sakit ng katawan kaalinsabay ng kutob ng panganib na hindi
magagamot ng siyensiya ang kondisyong yaon. Kaya nga inuntag niya ang mga
mambabasa na huwag tumalikod sa nakapanghihilakbot na pangamba bagkus tuwirang
makipagbuno sa kung anong nakagigimbal na hiwagang naghihintay sa kaibuturan ng
impiyerno. Ang mala-Virgil na patnubay rito ay walang iba kundi yaong partido
ng mga propagandista (Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, atbp.) sampu ng
kanilang kapanalig sa Pilipinas.
Sa huling
dako ng akda, ang pinakamapangahas, naroon ang hula ni Rizal na ang
"dakilang Republikang Estados Unidos ng Amerika" ay hindi maaring
manghimasok. Hindi sapagkat hindi pahihintulutan ng tradisyong makarepublikano
ang pagsakop sa Pilipinas. Mali si Rizal, alam natin, batay sa kakulangan niya
ng pag-aaral sa batas ng takbo ng kapitalismo patungong imperyalismo. Sa
katunayan, ang kamalian ni Rizal ay bunga ng kanyang matimtimang pagnanasang
makalaya ang bayan, ayon na rin sa mga batas ng kalikasan at etika na ang isang
bagay na hindi likas sa katawang kinasisidlan ay hindi mananatili roon--malao'y
maninira iyon sa katawan kung hindi matanggal, dili kaya'y mabaon doon at
tuluyang maburol sa pusod ng organismo. Gayunman, hindi patalistiko si Rizal.
Naniniwala siya na may bisa ang lakas-paggawa ng tao. At alinsunod sa edukasyon
ni Rizal, umaayon ito sa romantikong boluntarismong hawa mula sa aktibistang
idealismo ng Kaliwanagan sa Europa.
Humahantong ngayon ang pangkasaysayang
pamantayan ni Rizal sa mapagbuong sintesis ng kritika, praxis, at obhetibong
analisis. Mababanaagan ito sa deklarasyon niya: "Isang
pinakamakapangyarihang bathalang kilala ng daigdig ang nesesidad, at ito ay
resulta ng mga pisikal na lakas na ginagabayan ng mga etikal na lakas."
Kaya nga't kahit tinatanggap ni Rizal ang ginagampanang papel ng suwerte at mga
di-kinukusang pangyayari, pinagpapayuan niya tayo na huwag masyadong magtiwala
sa pagbabaka-sakali. Aniya,
"may matatagpuan tayong lohika sa takbo ng kasaysayan na mahirap masinag
at unawain, lohikang umuugit sa mga estado at mga sambayanan." Dahil dito,
si Rizal ay rebolusyonaryong bihasa sa birtud ng isang realismong mapag-ugnay,
isang siyentipiko't mapanaklaw na pangitain, na kawangki ng materyalismong
pangkasaysayang nalinang nina Marx, Engels, Lenin, at napagyaman din naman sa
ating katutubong tradisyon ng populismong radikal mula kina Bonifacio at Sakay
hanggang sa mga kampon nina Isabelo de los Reyes, Pedro Abad Santos, Amado V.
Hernandez, Felixberto Olalia, at iba pa.
Ang masigasig na
pagsusumamo ni Rizal na dapat pansinin ng Espanya ang daing ng anim na milyong
Pilipino, kung hindi'y baka umigting ito sa kapusukan ng galit, ay nagkakaroon
ng balintunang katuturan. Ang kahulugan ng mga salita'y dumarami, umaapaw,
dumudulas at nakalulusot sa kulungan ng dogma. Sa aking pagmumuni, ang buong
sanaysay ni Rizal ay hindi paghingi ng reporma kundi isang pagsisiwalat na
nakahulagpos na ang Pilipinas mula sa kapangyarihan ng Espanya, na natitiyak na
ang pagsiklab ng rebolusyon, at ang masang Pilipino ay pumasok na sa arena ng
kasaysayang pandaigdig. Ano ang
katibayan dito? May isang bahagi
sa dakong huli ng sanaysay kung saan mawawatasan ang pagkasal ng imahinasyon at
realismo, alaala at paghahangad, sa isang pagkakataong binasbasan ni Ernst
Bloch ng pariralang "gunita ng hinaharap." Ang mga salita ni Rizal ay
naglalarawan ng panahon kung kailan malaya na ang Pilipinas, salamat sa
pagsusumikap at madugong sakripisyo ng mga taong sisibol sa lupang magiging
landas ng pagsulong, bubungkalin ang lupang minana sa mga magulang at anito at
lilikha ng kayaman mula sa masaganang kalikasang nag-aalay ng biyaya sa lahat;
at sa gayon ang pangkabuhayan ay sadyang magiging maaliwalas at totoong malaya,
ang lahat ay lilipad na tulad ng ibong nakawala sa hawla at ligtas na ngayon,
tulad ng bulaklak na bububuka upang ilantad ang kagandahan at ikalat ang
halimuyak, at lahat ay malalango sa kapayapaan--maligaya, masigla, laging
nakalaang magbigay, at bukod sa lahat, mapangahas.
Probisyonal na Lagom at
Pagkilatis
Mula
sa ganitong nakabibighaning tanawin, ano ngayon ang mga aral na makukuha sa
diskurso ni Rizal?
Una, ito
ang laro ng kontradiksyon na siyang matris ng pagsulong. Magugunita ang
pagtatambal nina Ibarra at Elias sa Noli--dalawang tauhang kumakatawan sa
magkasalungat na saloobin, gawi, isip, damdamin, at pagnanais. Ang paghawak sa mga kontradiksyon sa
lipunan, ang pagtatagisan at pagsasanib ng mga iba't ibang lakas, at ang
pag-angat nito sa isang mataas na palapag ng katalahagan--ito ang ulirang
pamamaraan o metodo ni Rizal. Hindi
ito laos na mga turo na empirikal ang pinagbasehan at patutunguhan, o
salawikain na pagpupulutan ng mga halagang ituturing na esensiya ng
kapilipinuhan tulad ng uso ngayon. Wala sa ilang datos o laman, kundi sa porma
ng pag-iisip at pag-analisis nakasalalay ang matibay na handog ni Rizal sa atin.
Isang
halimbawa ang kritika ng indibidwalismo sa Fili: "Ano ang ginagawa ninyo
alang-alang sa bayang nagbigay sa inyo ng pagkatao, nagbibigay sa inyo ng buhay
at nagdudulot ng mga kaalaman? Hindi ba ninyo nalalamang walang halaga ang
buhay na hindi iniuukol sa isang balak na dakila? Isang maliit na batong
natapon sa kaparangan na hindi naisasangkap sa alin mang gusali."
Sapagkat
masalimuot ang "gusaling" natukoy, ang panitik ni Rizal ay masalimuot
din, tigib ng sapin-saping kontradiksyon na nagsasalamin sa mga magkakaibang
lakas sa buhay niya, lipos sa samutsaring panig ng katalagahan. Ang istratehiya
ng pangangatwiran, retorika, kasaklawan, at bisa ng paghimay at pag-uugnay sa
lahat ng elemento ng buhay ay maaaring maging sandata ngayon upang maintindihan
ang mga batas ng pagsulong at pagkilos na siyang humuhubog sa ating
kapaligiran, sa rebolusyonaryong transpormasyon ng ating buhay. Wala nang mas
kapakipakinabang at makabuluhang labi ni Rizal kaysa dito.
MGA TALA
1
Konsultahin ang libro niya: The First Filipino: A Biography of Jose Rizal
(Manila: National Historical Commission, 1969).
2 Ang komentaryo ni Renato Constantino ay
nasa libro niya: Dissent and Counter-consciousness (Quezon City: Malaya Books,
Inc., 1970), mp. 125-46. Ang tradisyonal na atitudo kay Rizal ay makikita sa
mga librong ito: Armando Malay, Jose Rizal: The National Hero of the
Philippines (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1961); Data
Papers, International Congress on Rizal, 4-8 December 1961 (Manila: Jose Rizal
National Centennial Commission , 1961); Leopoldo Y. Yabes, "Rizal,
Intellectual and Moral Leader," na nasa Alejandro Roces, patnugot, A Rizal
Anthology (Manila: National Heroes Commission, 1964), mp. 3-49. Ikompara ang
mga ideya ni Nick Joaquin, A Question of Heroes (Makati: Ayala Museum, 1977),
mp. 51-74.
3
Salin ng awtor mula sa Ingles ni Encarnacion Alzona, Miscellaneous Writings of
Dr. Jose Rizal, vol. VIII (Manila: National Heroes Commission, 1964), p. 178.
Ang orihinal sa Kastila ay nasa Rizal (Manila: Comision Nacional del
Centernario de Jose Rizal, 1961).
4
Maiging nakasaad ang tesis ni Majul sa artikulong ito: Cesar A. Majul,
"Three thinkers: how they moved men and events," Archipelago I, 11
(Nobyembre 1974): mp. 8-13.
5
Hindi binago ang baybayin ng mga salita na ayon sa ortograpiyang ginamit ni
Rizal sa orihinal. Tingnan sa Jose Rizal, A Letter to the Young Women of
Malolos, pinamatnugutan ni Teodoro M. Kalaw (Manila: National Library, 1932),
inilathala muli sa Jose Rizal, Political and Historical Writings of Jose Rizal
(Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1962).
6
Wika ni Simoun sa Kabanata VII ng Fili. Konsultahin: Jose Rizal, El
Filibusterismo, salin nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado, at Dionisio
San Agustin (Maynila: Manlapaz Publishing Co., 1965), p.49.
7
Salin ko ito mula sa bersiyong Ingles ni Charles Derbyshire na nakasama sa
libro nina Gregorio Zaide at Sonia Zaide, Jose Rizal: Life, Works and Writings
of a Genius, WRiter, SCientist and National Hero (Manila: National Book Store,
1984), mp. 333-64.
8
Habang matiyagang kinokopya ni Rizal ang Sucesos ni Antonio de Morga sa aklatan
ng British Museum, si Friedrich Engels ay madalas nasa London at baka
nagkasalubong sila ni Rizal, palibhasay malapit ang dating bahay ni Engels sa
natirahan ni Rizal sa Primrose Hill. Namatay si Marx noong 1883;
kilalang-kilala siya sa British Museum mula pa noong 1849. Baka sa luklukan din
ni Marx sa British Museum namalagi si Rizal noong 1888-89? Siguradong mga hilaw
na materyales ito para sa isang nobela.
9 Sa
pagsubaybay ni Fr. Jose Arcilla sa buhay ni Rizal, si Rizal ay hindi na
repormista ng taong 1890-1891 nang matalo ang kaso ng mga taga-Calamba. Tingnan
ang Fr. Jose Arcilla, Rizal and the Emergence of the Filipino Nation (Quezon
City: Ateneo University Office of Research and Publication, 1991), p. 234.
Ikompara ang opinyon ni General Jose M. Alejandrino, The Price of Freedom
(Manila: Solar Publishing Corp., 1986), mp. 1-14.
10
Tingnan ang tala ng interbyu kay Rizal ni General Jose Alejandrino sa kanyang
libro: The Price of Freedom (Manila: Solar Publishing, 1987), mp. 3-4.
11 Ang "Filibusterismo," salin
nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado at Dionisio San Agustin (Maynila:
Manalapaz Publishing Co., 1965), p. 48.
12 Nais kong ipagunita sa mambabasa na
ilang akda ko ang tumatalaky sa kabuuan ng praktika at teorya ni Rizal.
Tunghayan ang mga ito: The Radical Tradition in Philippine Literature (Quezon
City: Manlapaz Publishing Co., 1971), mp. 7-47; "The Human Condition," Rizal: Contrary Essays,
pinamatnugutan nina Petronilo Daroy at Dolores Feriaÿ(Quezon City: Guro Books,
1968), mp. 175-94; Toward a People's Literature (Quezon City: University of the
Philippines Press), mp. 20-66; at History and Form: Selected Essays (Quezon
City: Ateneo de Manila University Press, 1996), mp. 26-37.
Kung nais masundan ang iba
pang anggulo sa panitik ni Rizal, maimumungkahi ko ang aklat ni Soledad Reyes,
patnugot, The Noli Me Tangere A Century After: An Interdisciplinary Perspective
(Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc., 1987).
Comments