KAMERA--ILUSYON O KATOTOHANAN: Sining at Agham ng Potograpiya--E. SAN JUAN, Jr.

NAKITA MO BA?  ILUSYON AT KATOTOHANAN NG KAMERA'T POTOGRAPIYA

ni E. SAN JUAN, Jr.
Direktor, Philippines Cultural Studies Center, Connecticut, USA

Ngayong halos lahat ay gumagamit ng cellphone na may kamera,  lahat ay nasanay sa akalang pagkinunan mo ng foto ang tao, pangyayari o tanawin, nahuli mo na ang katotohanan.  Ang kamera ay hindi nagsisinungaling. Ito ang palasak na opinyon. Ang kamera ay mapapagkatiwalaang saksi o testigo sa anumang bagay.

Tingnan dito sa Internet Website ang mga litrato ng boksing "Manny Pacquiao versus Juan Manuel Marquez ." Sa foto ng suntok ni Marquez, narehistro ang impak ng galaw sa mga mukha ng dalawang magkalabang boksingero.  Kakabit nito ang caption at balita tungkol sa imahen. Sino ang magsasabing mali o hindi totoo ang nangyari?  Hayan ang katibayan, ebidensiya.   Knockout si Manny, hatol ng institusyon.  Ayaw kang maniwala?

Buhat nang maimbento ito noong siglo 1900, ang kamera ay naging mabisang instrumento ng industriya at Estado. Nadiskubreng mas sopistikado nang maimbento ang pelikulang may tinig. Mabisang gamit ito laluna sa seguridad, paghuli ng kriminal at pagkontrol sa madla sa imigrasyon, at sa digmaang inilulunsad ng kapitalismong bansa sa kolonisasyon at kasalukuyang globalisasyon. Hindi ito laruan lamang o personal na kasangkapan. Kumikita at pinagkikitaan ito. Midya ng telebisyon at pahayagan, laluna ang Internet, ang tumutubo sa advertaysing ng mga produkto at pagsilbi sa kompitensiya ng mga korporasyon at kasabwat ng gobyerno sa pagtataguyod ng interes ng mga kapitalista. Ang isang foto, wika nga, ay katumbas o mas mahalaga kaysa ilanmilyong salita.

Ang kamera ay para sa may mata, natural, pero bakit madaling namamalik-mata o naloloko ang madlang nanonood? Ilang demonstrasyon. 

Narito ang kuha ko ng isang bulag sa Puerto Prinsesa, Palawan, sa loob ng model penal colony noong Enero 2011. Di sinasadyang snapshot ito. Nakikihalubilo ang bulag, alam kung saan pupunta. Nakapaligid ang mga turista, di pansin ang bulag, taglay ang awtomatikong kilos kahit na nakakakita. Walang pinagkaiba ang bulag at normal na tao. Kumpara sa bulag na nakatira roon, walang muwang ang mga turista tungkol sa sitwasyon at kasaysayan ng bilangguan na iyon, na itinayo ng Amerikanong gobyerno noong 1904 upang ireporma ang tradisyonal na disiplina sa mga katutubong katawang di pa nagagabayan ng iisinaloob na batas at regulasyon ng modernisadong lipunan.

Ngunit bakit mag-aaksaya ng panahon sa isang sulyap sa isang bulag na di naman natin kilala? Tiyak na maikling eksena lang ito sa mahabang naratibo ng paglilibot ng may kamera. Tignan naman ang susmusunod na larawan: snapshot ng isang performer, "fire-eater" sa Chinese New Year Festival, Pebrero ng taong ito. Kuha ito sa Ongpin, Maynila. Wari baga'y itinanghal ang pangyayaring ito para irekord ang pagkain sa apoy ng mga binayarang gumaganap sa pista. Ngunit ang tahasang layon ay lumikom ng ambag, salapi, abuloy. Isang "happening" na nakikita sa mga karnabal, sirko, palabas sa di pangkaraniwang okasyon. Totoo bang kumakain ng apoy? Iyon ang mapupuna sa biglang tingin. Subalit di ba ilusyon lamang iyon? Ang apoy ay di naman nalulunok, ibinubuga lamang ng bunganga, pero kumbinse na tayo, tunay na kahanga-hanga. 

Sa huling pagturing, ang paksa ng foto ay hindi ang gumaganap kundi ang buong sitwasyon ng mga nanonood at pinapanood: ang ispektakulo mismo. Ang pagdiriwang ng Chinese New Year Festival, na kostumbreng ethniko, ang kwadro o paradigmang nagdudulot ng saligan ng rasyonalidad sa panggagagad ng kamera.  Ito ang mimetiko't riyalistikong aspeto ng potographiya, ayon kay Roland Barthes. Ito ang punksiyong instrumental, kaagapay ng expresibo o makasining na aspetong masusing sangkap sa proseso ng komersiyalisasyon.

 Sa masinop na pag-aaral ni Barthes sa sining na ito sa librong Camera Lucida, nailahad niya na may dalawang katangian ang potograpo. Isa ang "studium," kumbensyonal na detalyeng may kahulugang bigay ng lipunan, ng nakaugaliang praktika sa buhay. Halimbawa ang kahulugan ng "fire-eater" ay nakakabit sa lugod sa kawiliwiling tagpo, kabisado na ng lahat. Batid rin natin na ang "bulag" ay dapat huwag ibukod, ituring na ordinaryo, sa gayon di na dapat itampok. Sa kabilang dako, sa dalawang foto, may mga bagay na kapansin-pansin: ang motorsiklo at nagmamaneho, mga lobo at babaeng nakadilaw, sa kuha sa Chinatown. Sa unang larawan naman, paglimiin ang ngiti ng bulag, ang lalaking nakabaling sa may puno. Tawag ni Barthes sa mga napiling detalyeng ito ay "punctum" (literal na kahulugan: sugat). Wala ito sa kumbensiyonal na kodigo, kaya mahirap masuri kung ano ang implikasyon at hiwatig nito. Tumutulay ito sa bahaging natural at bahaging artipisyal o sosyal. Sapagkat hindi naiuugnay sa aprubadong interpretasyon, may subersibong ambil at konotasyon ang mga ito.



Sa huling larawang kuha sa Ilog Loboc, Bohol (Marso 2012), nakahinto pansamantala ang turistang barko upang panoorin ang mga nagsasayaw. Isang komersiyal na negosyo ito para sa mga turista. Kapansin-pansin: isa lamang ang nakatingin sa balsa o 'raft for livelihood." Ang babaeng bughaw ang damit na natigil sa pagkaiin ay nakatingin sa ibang dako, pati na ang lalaking nasa gitna. Tayo lamang (o ang potograpo) ang nakapokus sa nagsasayaw ng tinikling. Ang mga mukha ng mga tumutugtog at sumasaliw ay may mahiwagang "halo" o sinag. Ang kumbensiyonal na kahulugan nito, ang "studium," ay simple: pagtatanghal ng katutubong kultura na kaakibat ng reputasyon ng Loboc bilang isang pook ng mga mahuhusay na musikero't mang-aawit. Ngunit iba ang isinasalaysay ng foto na yugto sa isang dula o naratibo ng ating bansa.

Sa kabilang dako, ang "punctum" ng "Donation Box," ang buhok ng babaeng kumakain sa kaliwang panig ng larawan, ang lalaking katulong na walang pakialam sa sayawan at tugtugan--ano ang pahiwatig ng mga ito?  Di ba kahina-hinala na ang foto ay magkakaroon ng salungat at di-makatugmang mensahe. Tila taglay ng mga snapshots ang istrukturang ito.  Para bang sinasabing "totoo ito" pero "hindi lahat ay katotohanan." Pwedeng bulag ka kahit may mata, at hindi lahat ng ilusyon ay realidad. At hindi lahat ng katalagahan ay maikikintal sa larawang kuha ng kamera o nalikhang imitasyon. 

Iminumungkahi ko rito ang isang makataong responsibilidad  sa pagsipat sa lahat ng kulturang aktibidad at karanasan: Kailangang mag-isip, sumuri, maging palatanong. Huwag tanggapin ang anuman nang walang pasubali o kritika.  Analisahin at hamunin ang katuwiran ng awtoridad. Ang nakikita mo ay hindi sumasaiyo, hindi para sa iyong interes o kolektibong kapakanan,  kaya dapat mag-ingat at laging gawing problema ang nangyayari sa kapaligiran at sa naipataw o minanang balangkas ng iyong buhay. Baguhin ang diwa, kaisipan, buhay. Ito marahil ang una at huling aral na mahuhugot sa pag-aaral sa sining at mekanismo ng potograpiya, ng kamera, sa kasalukuyang panahon.--XXX

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.