TRANSISYON
TRANSISYON: ANG UNA AY HULI.....
Kahapon, sa "Last Will and Testament" ng yumaong awtor Benjamin Appel, nakasulat ang habiling "Huwag gumastos sa punerarya, sunugin ang labi at
itapon sa gubat o dagat." Simple lang.
Samantalang nagbabala na ang rehimeng Aquino ng CyberCrime Law
Bukod sa nakasusukang krimeng hagupit sa bayan: 114 biktima ng Extrajudicial killings, 127 ng bigong pagpatay, 70 ng tortyur, at 12 ng sapilitang pagkawala (dokumentado ng KARAPATAN).
Nakahalang ang mga kalansay at duguang bakas ng biktima sa tarangkahan ng Malakanyang.
Wala pa akong nilagdaang "Huling Habilin" ngunit taas-kilay na
ang pagmamatyag sa bumubulwak na putik sa angkla bago ilaglag ang layag....
Naudlot ang pangakong ipadadala ko ang protesta sa pagkapiit nina Alan Jazmines at iba pang bilanggong pulitikal...
Napaliban ang pag-uwi namin mula sa Ransom Center kung saan nakalagak ang
mga papeles ni Benjamin Appel, awtor ng "Manila Diary" at "Fortress in the Rice" at istoryador sa grupo ni Paul McNutt sa bisperas ng pagsasarili ng bansa noong Hulyo 4, 1946.
Nabagabag si Appel sa isyu ng kolaborasyon at sa nakaririmarim
ng sitwasyon ng nakararaming mamamayan pagkatapos ng WWII.
Samantala ang teroristang banta ng Estado kina Ericson Acosta at mga magulang
at di-matingkalang balakid sa gulong ng hustisya--di ito eksena sa Bourne Legacy o sa anupamang pelikulang opyo ng masa, ang relihiyon ng palengke, bangko, pulitika, negosyo--
Siyanga, ipagpaliban na ang punerarya.... Aasikasuhin pa natin ang hinihingi ng hustisya.
Matindi ang hiyaw ng mga pamilya ng biktima, nagpupuyos, naghahanda
ng titis at uling para sa malaking sunog
na siyang liligpit sa labi ng bulok na sistema.
--E. SAN JUAN, Jr.
Comments