TUNGKOL SA USAPIN NG WIKANG PAMBANSA PARA SA PILIPINAS--ni E. SAN JUAN, Jr.
INTERBENSIYON SA USAPIN NG PAMBANSANG WIKA
(Panayam sa Ateneo University, March 12, 2008)
ni E. San Juan, Jr.
1. Sa kasalukuyang matinding sigalot sa bansa, anumang talakayan hinggil sa wika ay tiyak na magbubunsod sa isang away o maingay na pagtatalo. Kahawig nito ang usapin ng kababaihan. Laging matinik ang isyu ng pambansang wika, isang sintomas ng pinaglikom na mga sakit ng body politic. Tila ito isang mitsang magpapasabog sa pinakabuod na mga kontradiksiyong bumubuo sa istruktura ng lipunang siyang nakatanghal na larangan ng digmaan ng mga uri at iba’t ibang sektor.
2. Lalong masahol siguro kung sabihin kong nasa panig ako ng mga nagsususog sa isang pambansang wikang tinaguriang “Filipino.” Tiyak na tututol ang mga Sebuano, Ilokano, Ilonggo, mga alagad ng Taglish, o Ingles, o Filipino-Ingles. Ngunit hindi ito maiiwasan, kaya tuloy na tayong makipagbuno sa usaping ito upang mailinaw ang linya ng paghahati’t paglilinaw, at sa gayo’y makarating sa antas ng pagtutuos.
3. Saan mang lugar, ang usapin ng pambansang wika ay kumakatawan sa pagtatalo tungkol sa mga mahalagang usapin sa pulitika at ekonomya. Buti naman, hindi pa tayo nagpapatayan sa ngalan ng wika, tulad ng nangyayari sa India at iba pang bansa. Marahil, napapahinahon ang bawat isa kung Ingles, ang wika ng dating kolonisador, ang wika ng globalisasyon ngayon, ang ating gagamitin. Di ko lang tiyak kung maiging magkaunawaan ang lahat sapagkat ang pagsasalin o translation, kalimitan, ang siyang nagbubunga ng karagdagang gulo. Ngunit ang pagbaling sa Ingles ay pagsuko lamang sa dominasyon ng kapangyarihang global sa ilalim ng kasalukuyang hegemon, ang Estados Unidos. Ang makalulutas ng krisis, sa tingin ko, ay isang pakikisangkot sa nangyayaring labanang pampulitika at pang-ideolohya, laluna ang pakikibaka tungo sa tunay na kasarinlan at demokrasyang popular, sa gitna ng dominasyon ng mga mayayama’t makapangyarihang bansa sa Europa, Norte Amerika, Hapon, at iba pa.
4. Bagamat mula pa noong panahon ni Quezon hanggang sa ngayon, ang isyu ng “pambansang wika” ay naipaloob na sa Konstitusyon, bumangon ito muli na tila mga kaluluwang uhaw sa dugo. Maireresolba lang ang isyung ito kung may tunay na soberanya na tayo, at namamayani ang kapangyarihan ng nakararami, mga pesante’t manggagawa, at nabuwag na ang poder ng mga may-aring kakutsaba ng imperyalismo. Sa ngayon, walang kalutasan ito, sintomas ng bayang naghihirap, hanggang ang relasyong sosyal ay kontrolado ng naghaharing uri, laluna ng mga komprador at maylupang pabor sa Ingles, wikang may prestihiyo at kinagawiang wika sa pakikipag-ugnay sa kanilang mga patrong Amerikano, Hapon, Intsik at iba pa.
5. Sa halip na sipatin ang isyung ito sa kinagawiang empirical na lapit, tulad ng ginagamit ng mga postmodernistang iskolar, dapat ipataw ang isang materyalismo- istorikal na pananaw at ang diyalektikong paraan upang makalikha ng praktikang agenda na tutugon sa tanong kung ano ba ang wikang pambansang magsisilbing mabisang sandata sa mapagpalayang pakikipagsapalaran ng sambayanan.
6. Ang wika ay hindi isang bagay na may sariling halaga kundi bahagi ito ng kategorya ng kamalayang sosyal, isang kamalayang praktika—“practical consciousness,” ayon kay Marx—na gumaganap sa buhay bilang lakas ng produksiyon. Matutukoy lamang ito sa gitna ng isang partikular na mode of production sa isang determinadong pormasyonag sosyal. Hindi ito bukod sa pagtatagisang pang-ideolohiya. Kalahok ito sa pagbubuo ng integral state (konseptong galing kay Gramsci), tambalan ng lipunang sibil at lipunang pampulitika. Ang usapin ng wika ay di maihihiwalay sa yugto ng kasaysayan ng bayan, na laging komplikado at di-pantay ang pagsulong ng iba’t ibang bahagi---uneven and combined development. Samakatwid, sa ating sitwasyon, ang suliraning pang-wika ay di maihihiwalay sa programa tungo sa tunay na kasarinlan at kasaganaan, mula sa kasalukuyang neocolonial at naghihikahos na bayan.
7. Sa Pilipinas, ang lagay at papel na ginagampanan ng wika ay maipapaliwanag lamang sa pagsingit nito sa ugnayang panlipunan, sa kontradiksyon ng sumusulong na puwersa ng produksyon at namamayaning balangkas na pumipigil sa pagsulong ng buong lipunan. Ang katayuan ng wika ay nakabatay sa kasaysayan ng bansa, sa kolonyal at neokolonyal na dominasyon ng Kastila, Amerika at Hapon, at sa himagsik ng sambayanan laban sa pang-aapi. Ang mga katagang “nasyonal-popular” o pambansa-makamasa—na iminungkahi ni Gramsci—ang dapat ilapat sa nakararami na nag-aadhikang makapagpahayag ng kanilang pagkatao sa iba’t ibang paraan, tigib ng kontradiksiyon na bunga ng di-pantay at pinagtambal na pagsulong ng iba’t ibang sangkap ng kabuuang istruktura ng lipunan. Ang wika ay nakalubog sa daloy ng mga kontradiksiyon sa lipunan.
8. Kailangang idiin ang prinsipyo ng nasyonal-popular, pambansa-makamasa, ang bansa na binubuo’t pinapatnubayan ng masang walang pag-aari—mga manggagawa, magsasaka, at gitnang sangay (mga propesyonal, petiburgesyang uri, mga minorya). Kung hindi, ang bansa ay mabibigyan-kahulugan ng mga naghaharing uri, ang iilan na nag-mamay-ari, ang oligarkong tuta ng imperyalismo, mga ahente ng global finance-capital.
9. Ang bansang Pilipinas na may kasanrinlan at matipunong industriya ay isang proyektong di pa tapos, nagpapatuloy, laging iniimbento ngunit hindi sa anumang kondisyon. Ang pagiging Filipino ay isang proseso ng dekolonisasyon at demokratisasyong radikal, isang kaganapan na likha ng kolektibong pagpapasya, hindi indibidwal na kagustuhan. Ang proyektong ito ay hinuhubog at niyayari ng maraming lakas, ng minanang ugali at sari-saring idea at institusyon katutubo o hiram. Hindi ito nakatutok sa pagtatamo ng isang esensiya, kundi makikilatis ito bilang isang masalimuot na pagbubuklod ng dinamikong pakikisamang pampulitika at mga komitment. Ito’y isa ring estetikong kalakaran sa kontra-gahum na paglikhang makasining.
10. Sa loob lamang ng pangitaing ito, sa proyekto ng pagsisikap makamit ang tunay na pambansang kasarinlan at demokrasyang radikal makatuturang mahihimay ang problema ng pangangailangan ng wikang pambansa, isang wikang mabisang makapag-iisa sa masa at mga komunidad sa teritoryo ng Pilipinas, at makapagdudulot ng mabisang partisipasyon sa pagbuo ng isang gahum o lideratong moral-intelektwal ng masang manggagawa. Paano mayayari ang mapagpalayang gahum kung walang pagkakaisang kinakatawan ng/kumakatawan sa sariling wika ng komunikasyon at pag-iisip?
11. Ang layon natin ay hindi lamang kultural na identidad, o kasiyaang pang-kalinangan. Sa gitna ng komodipikasyon ng lahat, sa gitna ng laganap na konsumerismo at paghahari ng halagang-pamalit (exchange-value), ang reipikasyon at alyenasyon ng ugnayan ng mga tao ay siyang nagpapalabo sa usapin ng wika. Hindi malulutas ang mga tanong tungkol sa wika hanggang hindi nahaharap ang mistipikasyon ng pakikipagkapwa, na ngayo’y natatabingan at nalalambungan ng mga komoditi, bilihin, salapi, na tila siyang umuugit, nagpapagalaw, namamahala’t gumagabay sa lahat ng bagay. Ang mistipikasyong ito ay mawawala lamang kung mapapanaw ang paghahari ng global na kapital, ang patakaran na tubo/yaman muna bago kapakanan ng tao—na, sa ngayon, ay nagsasalita sa Ingles, ang wika ng kongkistador na pumalit sa mga Kastila.
12. Ang pagbuo’t pagpapayaman ng isang pambansang wika, Filipino, ay hindi nangangahulugan ng pagsasaisantabi o pagbabalewala sa ibang mga wikang ginagamit ng maraming komunidad. Ang pagpapalawig at pagsuporta sa mga wikang ito ay matutupad kung may basehan lamang: ang kasarinlan ng bansa batay sa pagpapalaya sa masa. Sa harap ng higanteng lakas ng kapitalismong global, maisusulong lamang ang proyektong nabanggit ko kung makikibaka tayo sa programa ng pagbabago tungo sa pamamayani, gahum, ng masang gumagawa. Ang wika ay maaaring maging mapagpalayang sandata kung ito’y binubuhay ng masa sa pang-araw-araw na kilos at gawa.
13. Ang wika ay isang larangan o arena ng tunggalian ng mga uri, ayon kay Mikhail Bakhtin. Naniniwala ako na ang usaping ito, kung ano talaga ang wikang pambansa, ay masasagot lamang sa loob ng proyektong pampulitika, tinimbang at sinipat sa isang materyalistiko-istorikal na pananaw. Ang wika ay praktipang panlipunan, isang produktibong lakas ng sambayanan. Nakapanahon ngang maintindihan natin ito ngayon kung matagumpay na madalumat at mapahalagahann ang kolektibong saloobin ng sambayanan, na ngayon ay naisasatinig sa anagramatikong islogan: ZOBRA NA, TAMA NA, EXIT NA! Samantala, panahon na ngayon at pagkakataong mapakinggan ang iba pang tinig ng madla rito sa makasaysayang hapong ito, una muna ang kasamang BL.--#
________
TUNGKOL SA AWTOR
Kilalang kritiko, makata at progresibong intelektuwal sa buong daigdig, si E. San Juan, Jr. ay director ng Philippines Cultural Studies Center sa Connecticut, USA at co-director ng Philippine Forum sa New York City, USA.
Natamo niya ang A.B. sa University of the Philippines at ang A.M. at Ph.D. sa Harvard University. Dating puno ng Departamento ng Comparative American Cultures sa Washington State University, kamakailan siya’y naging Visiting Professor of English and Comparative Literature sa Wesleyan University, Tamkang University (Taiwan), University degli studi di Trento (Italya); at 2003 Fulbright professor of American Studies sa Antwerp at Leuven, Belgium. Nailathala ng University of the Philippines Press ang apat na aklat niya: Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle; Toward a People’s Literature; Writing and National Liberation; at Allegories of Resistance.
Ang pinakahuling libro niya ay Racism and Cultural Studies (Duke University Press), Working through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice (Bucknell University Press), Himagsik (De La Salle University Press); In the Wake of Terror: Class, Race, Nation and Ethnicity in the Postmodern World (Lexington Books); US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave); Critique and Social Transformation (Edwin Mellen Press); Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo de Manila University Press); & Critical Interventions: From James Joyce and Henrik Ibsen to C.S. Peirce and Maxine Hong Kingston (Lambert Academic Publishing, Germany).

Comments