Wednesday, October 26, 2011

TRIBUTE TO ALEJANDRO G. ABADILLA, & A CRITIQUE--E. SAN JUAN, JR.




MEMORABILIA & SIPAT SA SINING NI ALEJANDRO G. ABADILLA, MANLILIKHANG MAPANGHIMAGSIK


ni E. SAN JUAN, Jr.



Mahigit na apat na dekada na ang lumipas pagkamatay ni Alejandro G. Abadilla (AGA ang maikling pantukoy ko rito sa awtor) noong 26 Agosto 1969. Bukod sa pamilya, kaunti lamang ang nakiramay, bagamat pinarangalan siya ng “Cultural Heritage Award” noong 1966. Hindi siya “National Artist.” Walang makatawag-pansing libing ang nasaksihan noon. At bihira lamang, sa pagkaalam ko, ang nagtanghal ng pagdiriwang sa malaking kontribusyon niya sa ating kultura liban na sa puta-putaking pulong ng mga masugid na alagad ng makabagong panulaan sa MetroManila.

Sa katunayan, sa milenyong ito ng Internet at globalisasyong neoliberal, maliban sa ilang akademiko, tiyak na wala pang 1% ng mahigit 99 milyong Pilipino ngayon ang may kabatiran tungkol sa buhay at panitik ni AGA. Bakit? Ang literatura ay kahuli-hulihang bagay na ipinapag-ukulan ng pansin ng sosyedad sibil at gobyerno sa tinaguriang “distribution of the sensibles,” (Ranciere 2004) ang paghahati ng mga nadarama’t nararanasan at pakikibahagi niyon sa mga mamamayan. Sino talaga sa lipunang nakapokus sa negosyo at paghahanap-buhay ang may malasakit sa kapakanan ng mga taong dalubhasa sa paglikha ng kagandahan? Pagkakuwaltahan ba ang produkto ng makata at pintor? Sino si AGA na dapat pagtuunan ng pansin? Sa dahilang ito, angkop na sipiin ko sa pambungad ang ilang datos na maaring mapulot sa cyberspace o Internet. Walang ibang pagpapatibay ng katotohanan ang mga sumusunod na ulat na magagamit bilang panimulang antas sa pananaliksik.

Interogasyon ng Awtor-- Nasaan, Kailan?

Sumilang si AGA sa Salinas, Rosario, Cavite noong 10 Marso 1906. Kahuhuli pa lamang noon kina Heneral Macario Sakay at Col. Lucio de Vega, na siyang nagpatuloy sa rebolusyon laban sa hukbong Amerikano pagkaraang sumuko si Aguinaldo. Patuloy pa rin ang gerilyang pakikidigma ng mga kawal ng Republika tulad ni Felipe Salvador (nahuli at pinarusahan noong 1910), nina Papa Isio sa Negros, at mga pulajanes sa Cebu (Constantino 1975). Pagkatapos ng haiskul sa Cavite City, nagtrabaho si AGA sa isang imprenta sa Seattle, Washington, USA. Pinamatnugutan niya ang seksiyong Filipino sa magasing Philippine Digest. Naging editor din siya ng Philippine-American Review at nagtayo ng Kapisanang Balagtas upang itaguyod ang wikang Tagalog sa mga kababayan roon. Bumalik si AGA sa Pilipinas, natapos ang BA sa pilosopiya sa Unibersidad ng Santo Tomas, at naging konsehal sa Salinas, Cavite, hanggang 1934, bago nabuo ang Philippine Commonwealth. Bukod sa nagsilbing ahente ng Philippine-American Life Insurance, si AGA ay kumita ng kabuhayan bilang katulong sa pangasiwaan sa iba’t ibang pahayagan at magasin. Nakalikom siya ng maraming antolohiya ng tula, kuwento, sanaysay, atbp., na siyang ipinagtawid sa buhay at kalusugan ng asawa’t walong anak.

Nabanggit din sa mga tala na naging gerilya si AGA noong panahon ng pananakop ng Hapon, at nakaranas siya ng pagmamalupit ng Hapon, kaya siya nabingi. Di kaipala’y bayani rin ang makata sa panahon ng karahasan, kung saan ang mamamayang tumututol sa poder ng status quo ay kabilang sa kolektibong lakas ng bansa, bagay na dapat mapaglirip upang hindi manatili ang maling pasiya na ang indibidwalismo ng makata ay walang kaugnayan sa kalagayang panlipunan. Sinapantahang iyon ay pansariling udyok o hilig na hindi maipapaliwanag sa paraan ng agham-panlipunan o agham-pampulitika. Kung hindi, paano maiintidihan ang programang “sining-para-sa sining” nina Oscar Wilde, Walter Pater at Theophile Gautier kung hindi ipapasok ang argumento na iyon ay reaksiyon nila sa utilitaryanismo at moralistikong puritan na laganap sa kapaligiran? Kailangan ang konteksto, lumulukob na balangkas, at pagkakaugnay-ugnay ng bawat sangkap at bahagi sa totalidad/larang (“field,” ayon kay Bourdieu [1993]) ng diskursong tinatalakay upang magkaunawaan at magkapagpalagayan.

Ang maikling karanasan ni AGA sa Amerika noong mga taong 1921-28 ang nagbigay sa kanya ng kamalayan tungkol sa industriyalisadong lipunan at kalinangang Kanluranin. Tandaan na ang kolonyang pag-aari ng Estados Unidos noon ay agraryo, mala-piyudal, laganap ang sinaunang animistikong paniniwala ng mga tribu na hinaluan ng medyibal na Katolisismong pang-madla. Ang milyung kinagisnan ng binatang AGA ay saklot ng pananampalatayang bulag, pagsunod sa doktrina ng simbahan, bagamat may hinagap na sa halaga ng karapatan ng bawat indibidwal salig sa katuwiran at rasyonalidad. Hindi pa nakapaimbabaw ang mga demokratikong prinsipyong ipinaglaban nina Rizal, Del Pilar, Bonifacio, Isabelo de los Reyes, at mga kapanalig na manunulat tulad nina Lope K. Santos, Antonio Abad, Faustino Aguilar, Severino Reyes, atbp.

Katapat ng lumang kultura ng kolonyang Pilipinas ang makabago’t teknolohikal na kalakal at industriya ng Amerika at Europa. Dominante ang siyensiya at pragmatikong pananaw. Bukod sa lumulubhang krisis ng kapitalismong pinansiyal na sumukdol sa pagbagsak ng Wall Street noong 1929, bumulas ang modernismong sining (futurism, surrealism, cubism) sa Europa at Amerika: noong 1922, nailathala ang The Waste Land ni T. S. Eliot, Ulysses ni James Joyce, at Jacob’s Room ni Virginia Woolf. Bukod sa abstraksiyon sa pintura at stream-of-consciousness, at iba pang avant-garde na estilo, ang teknik ng vers libre (simula kina Arthur Rimbaud at mga post-symbolist) ay nagkaroon ng sopistikadong kalaliman sa panulaan nina Ezra Pound, W.B. Yeats, Wallace Stevens, e.e. cummings at William Carlos Williams; at sa prosa nina Gertrude Stein, F. Scott Fitzgerald, William Faulkner, Ernest Hemingway at John Dos Passos. Sa katunayan, ang kilusang cubism ang siyang bukal ng paradigmang nagbibigay-kahulugan sa fragmentasyon, pagsasalisi ng imahen, pagbubuhol ng tayutay at talinghaga, at sari-saring pagsasaayos ng taludtod sa tula na bunyag sa Cantos ni Ezra Pound. Marahil, sa mga pakikihalubilo niya sa mga intelektwal at kolega sa Seattle, nasagap at naisadibdib (kundi naisaulo) ni AGA ang mga kaunlarang ito sa larangan ng sining at agham at manipestasyon nito sa araw-araw na gawain at kalakaran.

Danas at Dalumat

Nakatala pa rin sa mga makokonsultang Website ng Wikipedia (June 2011) at WikiPilipinas (July 2010) ang pagdakila kay AGA bilang “father of modern Tagalog poetry,” ayon kay Pedro Ricarte. Bakit? Dahil hindi siya sumunod sa nakaugaliang tradisyon, itinakwil niya ang de-kahong balangkas na klasikong panulaang itinakda nina Francisco Balagtas at Jose Corazon de Jesus, sampu ng ginagad na romanitikong pagpapahayag at melodramatikong pamantayan na humubog sa mga awit at koridong naimpluwensiyahan ng ebanghelistang Kastila.

Sa pagtataguyod ng “free verse,” na hindi gumagamit ng kinamihasnang pagbibilang ng pantig at pagsusunod ng tugma, ang “Ako ang Daigdig” (1955) ni AGA ang nagpasimuno ng unang pag-aklas o pagtakas sa tradisyonal na paglikha ng tula sa Tagalog. Kailangan ang kalipikasyon dito. Sa Inggles, maraming halimbawa ang naisipi ni Bienvenido Lumbera sa kanyang mahusay na pagsisiwalat na ang praktika ng malayang taludturan ay matagal nang ginamit sa mga tula nina Rafael Zulueta da Costa, Marcelo Gracia de Conception, at iba pa, na mga kapanahon ni AGA (1967). Litaw na alingawngaw iyon ng praktika nina Whitman, Carl Sandburg, Amy Lowell, Ezra Pound, atbp. Tiyak na hindi taga-hawan o “pioneer” si AGA. Matiyagang tinilakay ni Virgilio Allmario, sa kanyang pormalistang analisis sa Taludtod at Talinghaga (1985), ang uri ng paglihis ni AGA sa namanang ideolohiyang Balagtasista hinggil sa sukat at tugma, simula sa paggamit ng bokabularyong kolokyal o pampalengke. Ngunit walang paliwanag kung bakit ganoon ang istratehiya at taktika ng paglihis, kung bakit iyon ang napili sa mga alternatibong inihandog ng mga pagkakataong naganap.

Noong 1935, itinatag ni AGA ang Kapisanang Panitikan at naglunsad ng maraming kalipunan tulad ng Mga Kuwentong Ginto (1936; kasama si Clodualdo del Mundo); Mga Piling Katha (1954; kasama sina F.B. Sebastian at A.D. G. Mariano), Tanagabadilla (1964, 1965), at Parnasong Tagalog (1949; 1964)—ang huli’y naging mabiling teksbuk. Ang unang koleksiyon ng mga tula niya ay lumabas noong 1955, pinamagatang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula, na sumagisag sa kanyang ikonoklastikong rebelyon laban sa makalumang panukatan at istandard sa sining. May dalawang nobela ring natapos si AGA: Sing-Ganda ng Buhay (1947) at Pagkamulat ni Magdalena (1958, kasama si Elpidio Kapulong), isang utopiko’t satirikong akda na hindi pa nabibigyan ng karampatang kilates. Pinamatnugutan niya ang magasing Panitikan na nagpatuloy hanggang huling dako ng dekada 60.

Sa huling yugto ng kanyang pakikipagsapalaran, dito ko inabutan si AGA. Noong 1964, humiling siya ng introduksiyon para sa kanyang 1655 Piniling Mga Tula ni AGA, at iyon nga ang maituturing na siyang unang masusi’t masinop na panunuring nakasulat sa Inggles bago mailathala ang maikli ngunit matalas na kuro-kuro ni Bienvenido Lumbera sa Brown Heritage (1967). Kaipala’y wala pang ganoong katalisik na pag-hihimay ng panulaan ni AGA ang matatagpuan.

Laro ng Talambuhay

Sa okasyong ito, nais kong isingit ang ilang gunita upang mabigyan-konteksto ang sosyo-estetikong diskriminasyong sumusunod. Sa di ko matiyak na aksidente o sugal ng pagkakataon, nagkatagpo kami ni AGA marahil sa pamamagitan ni Roger Mangahas nang nagtuturo pa si Roger sa University of the East. Noo’y abala si Roger sa paghahanda ng antolohiyang Manlilikha at iba pang proyektong pampanitikan. Kababalik ko pa lamang mula sa pagtatapos sa Harvard University noong Hunyo 1965 at nag-umpisang magturo sa University of the Philippines, at minsan isang linggo sa Centro Escolar University. Kontribyutor din ako sa Free Press sa Filipino ni Ben Medina Jr at Graphic Weekly.

Kaya ang mga pook ng aming mga huntahan ay sa Mendiola, Legarda (kasama na sina Florentino Dauz, Teodosio Lansang, at iba pang kabalikat sa dating Philippine College of Commerce ni Dr. Nemesio Prudente); sa Espanya, Morayta, Quiapo, Sta Cruz, at mga restoran sa Soler at Florentino Torres sa Avenida Rizal. Sa puso’t budhi ng mga binatang alagad ng sining nakakintal ang masalimuot na pakikibakang sosyo-pulitikal ng bansa at matalas na paghihimay ng mga paraang magagamit upang malutas ang bawat suliranin sa gitna ng magusot at nag-aapoy na lansangan ng MetroManila.

Nasa sukdulang yugto na ng “Cold War” ang kasaysayang pandaigdig na ginagalawan namin noon, matapos magtagumpay ang Pulang Hukbo ni Mao Tsetung sa Tsina at ang gerilyang pangkat nina Fidel Castro at Che Guevara sa Cuba noong 1960. Limang taong pagkatapos nangyari ang nakaririmarim na masaker ng isang milyong “komunista” sa Indonesia sa kamay ng diktadurang Suharto at US-CIA. Noong 1966-67 ang pagpupulong ng mga kaibigang “panitikero” sa Soler, Sta. Cruz, at Quiapo. Matagal na ring nasugpo ang rebelyong Huk ng rehimeng Magsaysay kakutsaba ang CIA ni Edward Lansdale. At sa dilig ng alimbukay ng Rebolusyong Pangkultura sa Tsina sumibol at lumago ang nasyonalismong ipinunla nina Claro Recto at Lorenzo Tanada, na kalauna’y namulaklak sa “First Quarter Storm” ng 1969-70. Pumapasok na ang napipintong pagbulusok ng imperyalismong U.S. na sinikap igupo ang masang Biyetnam, na walang humpay namang nagtanggol sa kanilang soberanya hanggang matamo ang tagumpay noong 1973. Ang modernismong kanluranin ay naigpawan at nailakip sa bagong bugso ng postmodernismong nagpalabo na sa isyu ng identidad: kung ano ang pagkukunwari o pagpapanggap sa katunayan at realidad. Sa patlang ng mga pangyayaring nabanggit sumulpot ang postmodernong salinlahing kinabibilangan ko at mga kasama.

Muling Pagdalaw sa Nakaraan

Malaki ang agwat sa edad namin ni AGA, ngunit ang pook at lugar ng paghinog ng kamalayan ay iisa. Isinilang ako sa isang ospital sa Oroquieta, Santa Cruz, malapit sa Karerang San Lazaro (binuwag na’t pinatayuan ng SM at Ayala Condominium) at Simbahang Espiritu Santo, bago sumiklab ang WW2 nang si AGA ay naglalako ng insurance. Taga-Montalban Rizal, ang ama ko na naging kalihim ni Senador Eulogio Rodriguez; at ang ina ko’y may ninuno sa Cavite at Pampanga. Kapwa sila kasama nina Loreto Paras at iba pang manunulat sa Inggles sa U.P. sa Padre Faura noong mga dekadang 1930-1935. Dahil tubo sa Blumentritt at nag-haiskul sa Jose Abad Santos High School sa Reina Regente, malapit sa Binondo at San Nicolas, noong 1950-1954, kabisado ko ang entablado ng dulaang tanghalan ng mga diskusyon at pagpapalitang-kuro ng mga kaibigan at kakilala ni AGA. Aksidenteng gulong ng kapalaran at naging kaklase ko sa Andres Bonifacio Elementary School si Cesar Abadilla, anak ni AGA, kaya ng basahin ko ang Diwang Ginto at Diwang Kayumanggi, hindi na banyaga si AGA sa aking musmos na isip. Tulad ng “Ang Panday” ni Amado Hernandez, ang “Ako ang Daigdig” ay palaging paksa ng talakayan ng mga kamag-aral ko’t guro sa haiskul at unibersidad (tulad ni Franz Arcellana, propesor sa Inggles na unang pumuri kay AGA). Mahiwagang inog o sayaw ng kapalaran!

Sa makipot na sosyedad ng Maynila noon, maaaring kakilala ng mga magulang at kamag-anak ko si AGA. Kaibigan ng magulang ko si Ignacio Manlapaz, may-ari ng Manlapaz Publishing Company, na siyang taga-limbag ng mga klasikong akda nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda, at iba pang awtor. Naging kasama ko noong dekada 50 sina Roger Mangahas, Mauro Avena at iba pang kontemporaryong manunulat mula sa Arellano, Torres at Mapa High School. Nakilala ko rin sina Anacleto Dizon, Pedro Ricarte, Mar Tiburcio, Bienvenido Ramos, at iba pang kasangkot sa Liwayway at mga publikasyong nakasentro sa downtown ng Sta. Cruz. Sa pakikisalamuha ko sa mga manunulat sa Pilipino sa buong taon ng 1966-67, bukod kay Ka Amado V. Hernandez at mga kasapi sa KADIPAN (tulad ni Ponciano Pineda), ang pinakamatinding pakikisangkot ko sa nalalabing henerasyon ng mga “panitikero”—kabilang na sina Lamberto Antonio, Federico Licsi Espino, Pablo Glorioso, Teo Baylen at mga kasapi sa iba’t ibang pahayagan at imprenta—ay dumaan sa mga pahina ng magasin ni AGA, ang Panitikan.

Ang mga akdang natipon ko sa librong Ang Sining ng Tula (Phoenix Press, 1975) ay unang nailathala sa rebyu ni Abadilla, na mahalagang synergesis noon ng mga luma’t makabagong pananaw at mapangahas na saloobin sa sining at kalinangang Pilipino. Mabusisi, mapaglaro, ngunit malikhaing kolaborasyon ang nangyari. Katuwang ako ni AGA sa paglalathala ng ilang bilang ng rebyu at paglalako ng ilang aklat niya upang maipanustos sa mga pangangailangang pang-araw-araw.

Ang bunga ng pakikipagtulungan namin ni AGA sa isang taong iyon ay masisinag sa iskolastiko’t pedagohikal na komentaryo ko sa kanyang mga tulang nalikom sa Piniling Mga Tula ni AGA (Limbagang Pilipino, 1965). Ilan lamang tula ang hango sa naunang kalipunan, ang Ako ang Daigdig (Silangan Publishing House, 1955); ang bahaging “Trilohiya” ay nakaungos na’t nakasampa sa baytang ng postmodernismo. Bukod sa unang pagtambad ng kanyang radikal na pagbalikwas sa pahina ng Liwayway bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ayon kay Pablo Glorioso, ang panghihimasok ni AGA (dalawang taong matanda kaysa kay Jose Garcia Villa, kilalang ama ng modernismong literatura sa Inggles sa Pilipinas) ay nagsimula na sa paglalagalag niya sa Estados Unidos noong dekada 1920-28, at sumupling sa pamamahala ng “Talaang Bughaw’ noong dekada 30 nang siya’y bumalik sa Pilipinas—naitatag ang organisasyong Panitikan noong 1935. Nalinang, lumaki at umunlad ito sa kolaborasyon niya kay Clodualdo del Mundo sa unang antolohiya ng mga maikling kuwentong Tagalog noong 1936.

Paglalakbay ng Kaluluwa


Nagsimula ang “Talaang Bughaw” ni AGA noong 1932, ayon sa ilang tala, panahon ng mapusok ang debate tungkol sa independensiya nina Quezon, Osmena, Roxas, Sumulong—kabilang na ang oposisyon nina Benigno Ramos, Crisanto Evangelista, atbp. Noong 1931 pumutok sa Pangasinan ang insureksiyon ni Pedro Calosa at mga kolorum, na susundan ng rebelyon ng Sakdalista sa Mayo 1935 ng mga pesanteng inaapi sa timog Luzon. Nabuksan ang utak at damdamin ng mamamayan sa tagisan ng mga ideolohiya at prinsipyong pampulitika.

Nakakawing ang kamalayan ni AGA sa mga aktibistang intelektwal ng 1896 himagsikang nagpunla ng mga ideyang hustisya sosyal at demokratikong pagkakapantay-pantay na siyang klima ng kaisipan noong dekada 1930. Hindi maibubukod ang pananaw ni AGA sa henerasyong nakalipas. Ang aktibismong pansining ni AGA ay nagbubuhat pa noong panahon ng Ilaw at Panitik (1916-1935) nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes—ayon sa tala ni Teodoro Agoncillo—na tumalikod sa praktika ng naunang henerasyon nina Pedro Gatmaitan, Inigo Ed. Regalado at iba pa. Tulay si AGA mula sa mga beterano ng 1896 rebolusyon at sosyalistang intelektwal ng Komonwelt kasangkot sa Philippine Writers League (Salvador Lopez, Arturo Rotor, Manuel Arguilla). Samakatwid, ang pormalistikong pagbalikwas ni AGA ay may talaangkanang tiyak: iyon ay nagbubuhat sa katutubo’t haluang daloy ng ating anti-kolonyalistang tradisyon mula sa mga propagandista ng La Solidaridad hanggang sa kilusang makabaya’t demokratiko nina Angel Baking, Renato Constantino, Amado V. Hernandez, Monico Atienza, Jose Maria Sison, at mga pangkating tumatangkilik sa pagtatamo ng awtentikong kasarinlan, hustisyang popular, at pambansang demokrasya sa kasalukuyan.

Sa gayon, lumalabas na hindi idiosynkratiko’t namumukod ang tendensiyang pasalungat ni AGA. Bukod sa ilang negatibong katangiang nilagom ni Agoncillo tulad ng sentimentalismo, tuwirang pangangaral, at de-kahong pangungusap, makikita rin sa praktika ng kapanahon ni AGA ang malawak na guniguni at, kaugnay nito, “ang paggamit ng iba’t ibang sukat sa mga taludtod ng isang tula.” Sa masaklaw na pag-aaral, may masisinag na mapanlikhai’t eksperimental na simbuyong tumitibok sa mga tula nina Jose Corazon de Jesus at Cirio Panganiban, bago pa naging iskandalo ang malayang taludturan ni AGA. Ngunit kung hindi sa anyo, himig o istruktura, sadyang makabago ba ang tema ni AGA?

Kamakailan, naisusog na ang ideolohiya ng panitik ni AGA ay simple lamang. Ito ang layunin ng pagbuo sa sarili na siyang pinakamahalaga sa makata. Sa isang panayam noong Marso 2002, naimungkahi ni Virgilio Almario: “Katumbas ba ng kanyang sarili at pagsasarili ang damdamin na masugid ibantayog ang sarili laban sa lipunan?” Hindi anti-sosyal si AGA, lamang ay “naniwala siya sa pagiging payak na walang bahid na pagkukunwari at pagpapanggap” {Lazaro 2002). Hindi ang tema ng “pagsasarili” o autonomiya ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi bakit namamayani ang pagkukunwari at pagpapanggap? Tutol si AGA sa ipokrisyang gawi at mapangmatang ugali na namasid niya sa paglunsad ng Komonwelt ni Quezon at sa lipunan ng Republika noong dekada 50 at 60. Ngunit saan nagmula ang pagkukunwari? Bakit naging batas ng buhay panlipunan ang pagpapanggap? Ito ang hindi masagot ng akademikong kritisismong pinatnubayan ng diktadurang Marcos-E.U at kasalukyang status quo.

Ang proyekto ng pagsasarili ay hindi abstraktong pagsisikap na walang aspektong pulitikal sapagkat ang “sarili” o kaakuhan ay konseptong diyakritikal o diperensiyal. Ibig sabihin, nakalubog ang kahulugan noon sa multidimensiyonal na relasyong panlipunan o pakikipagkapwa, tulad ng salita o elementong kangkap ng sistema ng wika. Nakalubog din iyon sa tradisyong mapanuri at mapang-uyam ng kalinangang pandaigdigan. Mula pa nang batikusin nina Cervantes, Moliere, Voltaire, Anatole France, Rizal, Mark Twain at iba pang satirikong pantas, ang pagkukunwari ay bunga ng reipikasyon sa ekonomyang pampulitika ng burgesyang lipunan. Ito ay nagbubuhat sa labis na pagpapahalaga sa hitsura ng balat at paimbabaw na anyo, at pagtrato sa tao bilang isang nabibiling bagay. Ang pagsamba sa salapi at produktong itinitinda ay isang ugat, kaipala’y pinakamatibay na ugat, ng pagkukunwari at pagpapanggap, sampu ng kolonyalismong isip at ugali (kulturang kolonisado) ng mga kababayang naligaw ng mistipikasyon ng imperyalistang ipokritikal: demokrasyang pambalat-kayo, kalayaang huwad. Naisaad ko nga sa aking obserbasyon tungkol sa “kaletsihan” ni AGA sa aking 1964 introduksiyon: Ang mga “kaletsihan [ni AGA] epitomize the poet’s idiosyncracies in the blend of sympathy, sardonic burlesque, and sublime apostrophes that shade into the mock-heroic, or into saeva indignatio” ni Jonathan Swift (San Juan 1965). Hindi kaya ito ang kaibuturang ideya o paninindigang kinahumalingan ng mapanudyong sensibilidad ni AGA?

Oryentasyong Mapagbago

Ilagay natin ang tema ng pagsasarili at kaagapay na penomenong pangkultura sa konteksto ng kasaysayang sosyo-ekonomikal na siyang nagbibigay-katuturan dito. Sa gayon makabubuo tayo ng paghuhukom mula sa paglakip ng partikular na dalumat sa loob ng konseptong mapag-ugnay. Dapat pansinin na noong dekada 30 sumabog ang rebelyong Sakdalista laban sa sistemang kolonyal at naghaharing uri ng mga may-lupa’t burokratang kakutsaba ng imperyalistang dayuhan. Bagamat limot na ang subersibong nagawa ng mga mandudulang “seditious” (Antonio Abad, Aurelio Tolentino at Severino Reyes), pati na ang mga diskurso nina Isabelo de Los Reyes at Epifanio de los Santos, buhay pa rin ang diwa ng protesta’t paghihimagsik sa poetika ni Jose Corazon de Jesus, patibay nga ni Monico Atienza (1995) kamakailan. Binuhay ng Philippine Writers League nina Salvador Lopez, Teodoro Agoncillo, Jose Lansang at Amado Hernandez ang rebolusyonaryong tradisyon nina Rizal at Bonifacio, hanggang sa sakrispisyo nina Manuel Arguilla at iba pa sa kilusang gerilya laban sa Hapong sumakop sa bayan. Si AGA ay naging tenyente koronel ng isang pangkat ng mga gerilya sa Cavite at tiyak na naimpluwensiyahan ng mga makakaliwang partisanong nagtatag ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon. Alangang sabihin na tiwalag si AGA sa mga pangyayari’t pagtatalong ideolohikal ng panahong dinukal niya ang hiwaga ng identidad at integridad ng pagkatao.

Sa istorikal na pagtimbang, ang pagtutol ni AGA sa labis na pagka-alipin sa praktikang kumbensiyonal ng sining ay sintomas lamang ng tradisyong mapanghimagsik sa kasaysayan ng lahi. Hindi ito lihis, kakatwa, o natatangi. Nakaugat ito sa mobilisasyon ng masang proletaryo’t pesanteng bumalikwas sa kolonyalismong Kastila at sumunod na pagsupil ng unang Rebolusyonaryong Republikang lumaban sa humaliling karahasan ng imperyalismong U.S. Ang krisis ng bansa ay nakakintal sa krisis ng kalooban ng makata, sa hidwaan at alitan ng panloob at panlabas na dalumat ng artistang nakalukob sa lipunang kanyang ginagalawan. Kung hindi, mahirap maisakatuparan ang mithi ng makatang mabatid kung ano ang kunwari at ano ang wagas, kung sino ang nagpapanggap at sino ang talagang matapat, wagas at dalisay. Ayon kay Hegel, upang maging isang tao, dapat lagumin sa sarili ang kasaysayan ng lahi upang sa gayon, sinuman ay magiging “Tayo” bago makaabot sa antas ng “Ako” o kaakuhan (Zimmerman 1970). “Ako” at “ikaw,” tayo at sila, ay puno’t dulo ng isang sistemang diyalektikal ng anumang lipunan. Sa ganitong diyalektikong paraan lamang, sa turing ko, mabisang mailalarawan ang daigdig ng kaakuhan at kasiyaan sa sining ni AGA.

Kumplikado ang takbo ng kasaysayang pampulitika ng bansa. Bagamat napailalim ng oligarkong liderato nina Quezon at Osmena, ang rebolusyonaryong tendensiya ay lumitaw muli at nag-ibayo sa mga akda nina Benigno Ramos, Lazaro Francisco, Macario Pineda, Teodoro Agoncillo, Arturo Rotor at Salvador Lopez. Namulaklak ito sa mga nobela ni Amado Hernandez, at sa mga akda nina Efren Abueg, Ave Perez Jacob, Lualhati Bautista ng panahong bago ipataw ang diktaturyang Marcos-USA. Ang damdaming mapanuri sa status quo na kaipala’y nahihimbing pansamantala ay masiglang nagising at nagsumigasig sa pagbabanyuhay ng sining. Ang tulang “Ako ang Daigdig” ni AGA ay isang manipestasyon lamang ng pagsalungat sa namamayaning orden sa panig ng peti-burgesyang intelektwal na ginigipit din ng mga makapangyarihang negosyante, propriyetor ng mga asyenda, at burokrata-kapitalista. Hindi ito maiaalis sa walang humpay na tunggalian ng mga uri sa lipunang kolonyal at neokolonyal sa siglo ng matinding krisis ng monopolyo kapitalismo.

Palatandaan ng Sintomas

Sa unang paglilitis, ang panitik ni AGA ay singaw ng krisis ng buong lipunan, laluna ng mga naiipit na gitnang uri. Nakaukit doon ang krisis ng buong bansa. Sa tugon ni AGA kay Regalado noong Hulyo 8, 1944, sa sanaysay na pinamagatang “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan,” ang tema ni AGA ay hindi nihilistiko o tahasang pansarili. Wika niya na tumutugon lamang siya sa “di-pangkaraniwang kalagayan ng panahon,” at ang pagwawasak niya ng mga lumang kinagawian upang magbuo ng bagong balangkas at sa gayon “makilala natin ang sarili at mga katangiang katutubo nating mga Pilipino.” Lumalabas na ang “Ako” ay sumasagisag sa isang kolektibong konsiyensiya at paniniwala, hindi ng isang pribadong budhing nakabilanggo sa metapisika ng imahinasyon.

Mapinong naidaliri ito ni Nonilon Queano sa kanyang “Alyinasyon: Buod ng Panitikang Pilipino” (1972). Mabuting sipiin ang pagmumuni ni Queano:

Waring ang ako sa tula [‘Awit ng Sarili” ni AGA] ay ang makata mismo na naging kaisa ng daigdig ng sining at ng tula at maaring kaisa pa rin ng damdaming Pilipino: ang ako na pinaksa rin sa “Ako ang daigdig”….Sa ibang salita, kung ang damdamin ng makata ay mahagip ng damdaming Panlipunan—at mangyayari lamang ito kung ang lipunan ay magkaroon ng isang tunay na damdaming Pilipino—mawawala ang ikaw (the other) at mananatili na lamang ang ako (self) sa konteksto ng pagsusuring ito. (Sa pilosopiya ni Sartre, sadyang hindi nawawala ang “the other,” sapagkat ito ang nagbibigay-kahulugan sa “self” at vice-versa)….Ang predikamentong ito ng Lipunang Pilipino na inilarawan ni Abadilla ang siyang una-unang dahilan ng pagkakaroon ng mga akdang nagpoprotesta o rebolusyonaryo at ang alyinasyon ng isang tauhan sa isang katha ay mauunawaan sa kontekstong ito (1972, 118-119).

Nararapat bigyan ng angkla at konkretong saligan sa kasaysayan ang palaaral na lapit ni Queano. Ang kasarinlang inaadhika ng makata ay hindi pangungulila o katapatang pansarili lamang kundi pagkilala ng madla sa makatotohanang pakikitungo ng makata, dalisay na pakikipagkapwa-tao niya. Ang diwang iyon ay hindi maikukulong sa paglalaro ng mga salita, taludtod, talinghaga. Bagamat nagmumula sa guniguni, ang tinig at damdamin ng makata’y nakaugat pa rin sa mundong namamasid, nasasalat, naaamoy—sa mundong lahat ay kabahagi. Wika ang paraan tungo sa kasarinlan, komunikasyon ang sandata sa pagwasak sa pagkukunwari’t pagpapanggap, pagsasamantala’t lamangan (sa paksang ito, sangguniin si Berger 2001).

Walang sala, matutuklasang madali na nag-aangkin ng kolektibong pintig at hibo ang personal na pagsisikap ng makatang sumasalungat sa umiiral na orden. Walang ligtas sa ganitong pagtarok sa bawat penomenang sinusuri’t tinatarok ang halaga sanhi sa unibersal na saligan nito. Kung isusog na wala talagang saligang realidad o katotohanan, at lahat ay kumbensyonal na senyas o suhetibong interpretasyon lamang ng bawat indibidwal, ito ay nominalismo o relatibismo. Sakit ito ng lipunang sakim at materyalistiko, kanya-kanya ang banat at kahig; bawat tao ay lobo o mabangis na kaaway sa isa’t isa, ayon kina Hobbes at Nietzsche. Ito ang namamaraling ideolohiya ng postmodernismo. Ang kaakibat na nominalismo nina Derrida, Rorty, Deleuze at iba pa ay kamaliang alibugha’t taksil, sagabal sa kilusang mapagpalaya. Sa paglilimi sa mga naisakatuparan ni AGA, kailangang iwasan ang nominalismo’t positibismong pagkiling. Kung hindi, walang salang mananatili ang status quo at ang kasawiang itinataghoy ni AGA at binabatikos ng mga modernista.

Pagninilay sa Kariktang Sawi

Bumalik tayo muli sa paksa ng sining ng panulaan. Sang-ayon ang lahat na ang tugma at sukat, ang retorika ng mga Balagtasista, ay hindi permanenteng katangian ng tula. Singaw at bunga iyon ng kondisyong umiiral sa bawat yugto ng kasaysayan. Ang mga iyo’y istorikal at kontingent na bagay. Sa katunayan, pakli ni AGA, “ang mahalaga ay ang kalamnan,…ang damdaming matulain—yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig.” Dagdag pa, ang talagang mahalaga ay ang “daloy na panloob,” ang intwisyon at dalumat ng pagkatao. Ano iyon? Tila mistipikasyon at kababalaghan ang paliwanag. Iyon ay “ang pagkakaisa at natural na pagkakasundo ng kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata, sa isang dako, at ng mga salita bilang sangkap o mabisang sangkap sa pagpapahayag ng kagandahan sa kabila tungo sa ipapagkakahulugan nito sa damdamin ng mambabasa” (1992, 229). Ibig sabihin: dapat magkaroon ng kaisahan ang anyo at kalamnan ng tula, isang organikong banghay o tinaguriang “kongkretong unibersal,” sa terminolohiya nina Coleridge, Hegel at Benedetto Croce—mga pantas na tumatangkilik sa Platonikong doktrina ng mga Ideya/pormang transendental. Subalit bakit nagkaroon ng pagkakahiwalay ang wika at ang paksaing isinasakay sa wika? Bakit naging sagabal o sagwil ang paraan ng pagpapahayag?

Lumalabas na ang teorya ng panulaan ni AGA ay kumbensiyonal, hindi malayo sa didaktikong plataporma ng mga tradisyonal na makata na nakatutok din sa reaksiyon ng mambabasa. Sa kontra-intwisyong palagay, Iyon nga ang lohika ng tulang pambigkas, ng balagtasan, kaiba sa tulang limbag o binabasa. May problema sa wika, sa isang panig, na pwedeng lunasan sa paraang ginawa nina Mallarme at Valery: “purify the language of the tribe,” o padalisayin ang lengguwahe ng komunidad. Sa kabilang panig, walang maasahan sa mangmang na awdiyens o walang-pinag-aralang mambabasa. Palasak na ngayon ito sa “reception” at “reader-response theory” na nagmula pa kina Longinus at Edgar Allan Poe sa Kanluran. Ang pagkakaisa ng laman at anyo, damdamin/ideya at salita/pamamaraan o estilo, ay pangkaraniwang doktrina rin sa romantikong pilosopiyang inilunsad ng mga Alemang sina Kant (di-kinukusang tangka, “purposiveness without purpose”) at Goethe --hindi si Rousseau, sa maling palagay ni Ricarte (1970).

Sa huling taya, ang saligan ng estetika ni AGA ay metapisikal o abstraktong haka-haka tungkol sa katauhan ng makata na naitapon mula sa kabihasnan, buhat pa nang maglaho ang mahiya at engkanto. Sapagkat hindi na sinasangguning “shaman” o propeta ng barangay ang manunulat ng makabagong panahon, ipinangalandakan niyang siya ay pambihira, natatangi, may walang kaparis na kakayahan. Narito ang namamayaning gabay ni AGA: “Kailangan sa tula upang maging Tula ay ang kakanyahang sarili (personal identity) ng makata. Ang kakanyahan o kakanyahang sarili, ay madadama sa tula sa pamamagitan ng palapahamang nakapaloob, yaong kawing-kawing na perlas ng kaisipan at karanasan, yaong buong larawan ng isang pagkatao na iba kaysa isang laksa mang kapangalan niya” (1964, xii).

Samakatwid, susi sa kabatiran ng halaga ng sining ang sikolohiya ng awtor, hindi akda o nalikhang bagay. Biglang pumalit ang sikolohiya sa estetikang sukatan. Ngunit ang sikolohiya ay agham na pangkalahatan, sumasaklaw sa lahat ng tao, humahanap ng mga unibersal na prinsipyong mailalapat sa maraming halimbawa. Kaya ang sikolohiyang panukat ay hindi maaaring magdulot ng pangangatwirang limitado sa isang personal na karanasan lamang tulad ng inaangkin ni AGA. Palpak ang sikolohiyang idealistiko sa tungkulin ng pagpapaliwanag. Lumalabo ang paglilirip ng kritiko. Iyon ang problema sa dualistiko’t ideyalistikong pagtingin ni AGA: hindi maisudlong ang loob at labas, ang ako at ikaw, ang kamalayan at kapaligiran. Tugon dito ay walang iba kundi ang dialektikang pagkabit at pagtuhog ng teorya at praktika sa kilusang mapanghimagsik ng buong bansa, isang kolektibong palatuntunan.

Ang Pananagutan ng Artista

Mahihinuha na nakasentro na tayo sa personalidad o karakter ng manunulat. Naimungkahi ng maraming pantas na ang birtud ni AGA ay nakasalalay sa “payak at hubad” na pagkatao niya—kung ikokompara sa mga kapwang nakakubli’t nakalilinlang. Ito ang malikmatang “Beautiful Soul” ni Hegel, kawangki ng nakalalasong gayuma ng relihiyon. Ang estetisismong ito ang siyang kinatakutan at kinamuhian ni Soren Kierkegaard bilang malubhang salot, at sa ibang dahilan, kinondena rin nina Nietzsche at iba pang idolo ngayon ng postmodernistang akademya. Himatong na ang “payak at hubad” na pagpapalabas sa sarili ay isang dulang ginaganap, halatang isang drama o artipisyal na pagtatanghal, hindi talagang bukal at walang muwang. Hindi maisasaisantabi ang puna na batbat ng paradoha at kabalintunaan ang teorya at praktika ni AGA.

Ang pagbubunyag ng katotohanan ay mahuhugot sa perspektiba ng materyalismong istorikal. Matagal nang naipaliwanag ni Marx na ang pagkatao ay nakasudlong at nakabuklod sa totalidad ng relasyong panlipunan. At kung ang lipunan ay nahahati sa magkakatunggaling uri at dominante ng komoditi-petisismo sa siglo 20, basag at watak-watak ang indibidwal na pagkatao. Walang hugis o kasiyaan ang karakter ng tao. Alyenasyon, pagbabalatkayo, pagkukunwari, at hidwaan ang namamayani. Sa gitna ng ganitong krisis, lumalaban ang makataong artista sa ganitong bulok na sistema ng lipunang inuugitan ng paghahabol sa tubo at yaman bunga ng pagsamantala at pagwaldas sa buhay ng libu-libong mamamayan. Giyera ng mga bansa’t estado ang resulta nito. Sa masahol na situwasyong ito, nagpupumiglas ang makatang makatao, makatarungan, at may pag-ibig sa kalayaan at karapatang panlipunan.

Tulad ng mga kaisipan nina Balagtas hanggang kina Regalado, Del Mundo at Almario, hango ang humanistikong simulating ito sa Kanluran. Sa hiwatig ko, may etika ng pakikiramay ang ating mga ninuno—sining at gawain ay magkaisa sa komunidad bago sumipot ang paghahati ng lipunan sa nagsasalungatang uri (Thomson 1947). Ngunit, sa malas, wala pang nakalagom ng ganitong ethos sa katutubong estetika sa mga epiko ng Igorot o ibang grupo ng mga Lumad. Kung mayroon man, gagamit iyon ng mga teorya nina Claude Levi-Strauss at mga dayuhang narratologist at lingguwist. Ang siyentipikong metodo ng materyalismong istorikal ay magagamit sa ermenyutikong pagpapaliwanag sa galing ng katutubong sining at kultura.

Tungo Sa Tambalang Kaganapan

Kung ilalagay sa perspektiba ng pilosopiya ng Kaliwanagan sa Europa, tulad ng mga ideya ni Friedrich Schiller, ang panulaan ni AGA ay kasanib sa sentimentalistiko o modernistang kategorya ng sining, hindi sa “na├»ve” o realistikong kuwadro (1973). Kakaiba sa realistikong pananaw ng artistang nakaluklok sa pusod ng kalikasan at katugma ng kaisahan roon, ang modernistang artista ay nakagumon sa kamalayan-sa-sarili, tiwalag sa inspirasyong natural, hiwalay sa kalikasan, laging nag-aalinlangan, balisa, laging nagtatanong. Ito ang sitwasyon ng alyenadong makata sa lipunang biniyak ng alitan ng mga uri, mula pa noong siglo ng mga pang-aalipin ng Romano at Griyego hanggang sa piyudal at kapitalistang yugto ng kasaysayan. Habang ang tradisyonal na sining ay gumagagad sa realidad sa estilong obhetibo, ang modernistang sining ay nagnanais na makamit ang malahimalang ideyal.

Walang pasubali na ang sining ni AGA ay modernista sa pagkabuklod sa suhetibong kamalayan. Nakasingkaw iyon sa ideyalistikong hangarin na mararanasan ang pagbubuo ng katauhang nadurog ng magulong lipunan. Layunin ni AGA, tulad ni Schiller, na mapag-isa ang realistiko at modernistang bahagi. Hayag na ito ang marangal na adhikain ng indibidwalismong simulain ni AGA—ngunit iyon ay balak o tangka lamang. Nagtagumpay ba siya?

Subaybayan natin ang kapalaran ng mithiing ito sa hinaharap na mga pag-aaral. Samantala, imumungkahi ko na hindi maisasakatuparan ito hanggang hindi napapalitan o nababago ang umiiral na kapaligiran sanhi sa alyinasyon at dehumanisasyon. Walang maaaring magkamit ng personal na katubusan ang sinuman kung walang kalayaan at demokratikong pagkakapantay-pantay sa buong lipunang kinabibilangan niya. Ito ay mahigpit na batas ng pangangailangan na siya ring landas tungo sa ganap na kalayaan at paglinang sa nasugpong potensiyal na humanidad ng bawat nilalang.

Pumagitna tayo sa maselang problema ng makabagong artista sa neokolonyang bansa. Iakma natin muli ang paradigmatikong suliranin sa tanong na ito: Makakamit ba ang tunay na integridad ng kaakuhan ng makata sa proklamasyon lamang at pribadong paghihimutok o pang-uuyam? Sa paraan ng paulit-ulit na hamon sa sugapang lipunan at pagtakwil sa anumang ugali o nakabihasnang praktika? Naligaw na ambisyon ito. Maski sa nobela ni AGA at E.P. Kapuong, Pagkamulat ni Magdalena (1958), utopikong pagbubulay-bulay lamang ang bunga ng walang pagsusuri sa pinagmulan ng antagonismo ng indibidwal at lipunan sa kasalukuyang panahon. Lubhang malaki ang agwat ng kamalayang rebelde at kalagayang bumabagabag dito sanhi sa walang diyalektikang ugnayan ng magkalabang puwersa. Hindi makaalpas sa guwang o banging kinabuliran.

Ang sining o kagandahan ay mahigpit na kasangkot sa kalayaan. Sa akdang “Letters on the Aesthetic Education of Man” (“Tungkol sa Edukasyong Pang-estetika ng Tao”), susog ni Schiller (1962) na kung walang turo o araling nakasalig sa sining na hulmahan ng kagandahan, hindi makakamit ang kalayaan at, kaakibat nito, ang minimithing pagpapahalaga sa integridad ng bawat nilikha. Sining ang mediyasyon, ang pangatlong elementong uugit ng pagbabagong katugma ng proseso ng buhay. Ngunit kay AGA, ang kontra-matulaing insurekto, kalayaang personal muna bago kagandahan para sa lahat. Ngunit ang kagandahan ay bunga ng rebolusyonaryong transpormasyon ng buhay. Hindi ito katumbas ng ginhawa o pangmadaliang aliw ng katawan. Paano nga maiuugnay ang mga magkatunggaling kategorya ng isip at kalikasan, ng katwiran at damdamin, kung mananatili sa isang dogmatikong posisyong suhetibismong nakalutang lamang sa panaginip at sinusulsulan ng mapanggayumang hibo ng pangarap?

Kulang O Sobra: Tungo sa Paghuhukom

Hindi katakataka na karamihan sa mga pagsusuri at pagtimbang sa panulaan ni AGA ay walang muwang, malabo, tigib ng kontradiksiyon at simplipikasyon. Hindi ito paghamak sa mga pagsisiyasat at pananaliksik ng mga kolega’t kompatriyota. Repleksiyon lamang ito ng masalimuot na tagisan ng puwersang pampulitika sa panahon ng kolonyalismo at ng Cold War (1947-1992). Nag-umpisa ito sa kilatis ni Clodualdo del Mundo noong 1959. Sa pagsipat ni Del Mundo, ang tula ni AGA, “Ako ang Daigdig,” ay “hindi sumasalang sa tibukin ng pusong marunong dumama at umunawa” sapagkat walang konkretong halimbawang ipinapakita, walang simbuyo ng kalungkutan o kaligayahan. Halatang walang lasa ang inihaing putahe ni AGA.

Binalewala ni Del Mundo ang tema ng “kahalinturang pansinukob” (1992, 237) na sa tingin niya ay buod ng “maputlang larawang-diwa sa berso ng isang namimilosopiya.” Lantad na naghahanap si Del Mundo ng mga katangian—mala-Bathalang mga damdamin, atbp.--na ipinagpasiya niyang kinakailangang salik ng tula. Tulad ng ibang mga kritikong nabanggit, hindi binigyan ng kontekstong pangkultura o panlipunan ang tula, bilang isang partikular na artikulasyon lamang sa mayama’t masaklaw na arkibo ng panulat ni AGA. Romantiko rin si Del Mundo, subalit nanaig ang prehuwisyo na ang timbre ng titik at himig ng taludturan ni AGA ay hindi kumikilala sa huwarang itinakda ng tradisyon.

Sumunod naman si Pedro Ricarte sa pormalistiko’t suhetibong kuro-kuro. Tinuligsa niya ang hinihingi ni Del Mundo na tumpak na reaksiyon ng mambabasa sa mala-Bathalang personalidad ng makata. Ngunit ang bigat ng kaigtingan ng mga parirala at tayutay ay nagbubunsod lamang na husgahan ang tula bilang isang romantikong paglalahad. Tama si Ricarte na hindi rebelde si AGA sa porma—nagsimula na noon pa sina Benigno Ramos, Jose Garcia Villa at iba pang manunulat sa Inggles—ngunit baluktot na argumento ang gawing “tagapaghayag ng paniwala at damdamin at karanasan” ng sambayanan si AGA. Ano ang katibayan noon? Sa pangakalahatan, ang petiburgesyang hinagpis ni AGA ay bahagi ng protestang daing ng sambayanan; sa aktwalidad, iyon ay sintomas ng alyenasyon ng isang pangkat na naipit at nagipit sa puwang ng naghaharing komprador-burokrata-kapitalista at nilulupig na masang yumayari at gumagawa.

Ang krisis ng bayan noong panahon ng Liberasyon at pakikibaka ng Huk ay saksi sa laganap na gutom, pandarambong ng may-lupa, at pagmamalabis ng pamahalaang alipin ng US monopolyo kapital. Nawala sa malay ng kritiko ang komplikadong tagisan ng mga lakas sa lipunan. Nawala rin ang masalimuot na problema hinggil sa katungkulan o papel na ginagampanan ng sining o kultura bilang ideolohiya ng kolonyalismo. Sa wakas, natulak si Ricarte na walang rasong ipataw ang primitibismo (suryalismo, hindi primitibismo) ni Rimbaud kay AGA, na hindi naman sumubok sa droga o nagpuslit ng mga nakaw na sandata sa iba’t ibang lupalop ng daigdig. Ang ganitong eklektikong panunuri ay nakaliligaw, laluna’t babanggitin pa ang mistikal na “collective unconscious” ni Carl Jung na siyang huwad na kalutasan sa malubhang alitan ng mga kaluluwa (1970, 349). Pasismo at diktadurya ng militar at oligarko ang labas nito.

Sa kabilang dako, sanhi marahil sa iskandalo ng “book-burning” ni AGA noong 1935 sa Plaza Moriones, Tundo, naging bantog si AGA sa gitna ng usaping pagsulong ng panitikan. Walang alingawngaw iyon maliban sa ilang pulong o sirkulo ng mga mangilan-ngilang pantas at paham. Nalathala ang mapangahas na tulang “Ako ang Daigdig” sa Liwayway noong 1940, bisperas ng giyera. Sumunod ang pamamatnugot ni AGA ng maraming kalipunan ng mga sanaysay, maikling katha, at laluna ang Parnasong Tagalog (1950, 1964). Kinilala si AGA bilang isang puwersa sa kultura. Sapagkat napuri ni Francisco Arcellana si AGA na kawangki nina Walt Whitman at William Carlos Williams, tumanyag at dumakila ang kanyang katayuan. Pinahalagahan ni Arcellana ang paglabag sa “insularity” o pagkamakipot ng pananaw ng mga manunulat sa katutubong wika.

Dahil dito, pinuna ni Almario ang “kaisiping sungyaw” (2006, 300). “Reperensiyang Kanluranin” ang masamang dapat iwasan, utos ni Almario, Nabunyag ang ironya at siste ng iskolastikong panunuri: ang pamantayan ni Almario, taliwas sa kanyang intensiyon, ay pormalistikong paghimay sa imahen, retorika, bilang ng pantig, atbp. Isang kontradiksiyon sa tangka ni AGA. Upang maging hindi tigang at lubhang makitid ang talaan ng kanyang karera sa sining, dinagdagan ng kaunting paunlak sa ilang siniping alusyon sa kasaysayan; halimbawa, ang pagbitiw ni AGA sa Liwayway nang magkabanggan sila ng editor na si Jose Esperanza Cruz. Konklusyon ni Almario sa orihinalidad ni AGA: “…ginamit lamang ni AGA ang wika ng himagsik laban sa mga Balagtasistang tagapagmana ng alaala ng Himagsikang 1896” (2006, 314). Ngunit deklarasyong walang pagpapatibay ito, tangka o intensiyon lamang, babala ng maaaring gawin ngunit hindi pa aktwalidad. Natalakay ko na ito sa itaas at sa ibang pagkakataon (San Juan 2000,2006).

Ating Layon: Himaymayin at Pagkabitin

Sa kabilang dako, bukod sa pansin ni Queano, dapat mabanggit ang puri ni Jose Villa Panganiban kay AGA, isang “makatang nakasaklang sa tula—sa tulang masuri, malaman, mapanudyo…sa ibabaw ng lahat ay tapat-na-loob at maka-katotohanan” (1965). Maingat at masaklaw na perspektiba ang nailahad ni Efren Abueg sa kanyang introduksiyon sa ikatlong edisyon ng Parnasang Tagalog 1973) ni AGA na kanyang pinamatnugutan. Idiniin ni Abueg na ang paghihimagsik ni AGA laban sa romantisismong hango sa pilosopiya ni Rousseau ay hindi lamang pagtakwil sa eskapistang paksa at mapagdiktang porma ng panulaan nina Lope K. Santos, Florentino Collantes, atbp. (Batay sa bagong pannanaliksik, hindi na maisasangkot sina Jose Corazon de Jesus at Amado V. Hernandez sa ganitong paglalagom.) Salungat sa nasiping puna ni del Mundo, iminungkahi ni Abueg na “hindi ang sentimental na pagpukaw sa damdamin ang layunin ni Abadilla kundi ang pagdidili-diling hubad sa emosyon at pangangaral” (1973, 35).

Bagamat tinuligsa ni AGA ang “demo-kapitalismong buhay,” dagdag ni Abueg, hindi rin maigpawan ni AGA ang indibidwalismo nina Rousseau at D.H. Lawrence. Ngunit sa palagay ko, ang kabaguhan sa nilalaman, hugis, pananalita ay hindi inangkat mula sa Amerika kundi reaksiyon ito ng petiburgesyang uri sa kolonisadong sitwasyon. Ang uring intelihensiya sa Pilipinas ay naipit at nagipit sa pagitan ng oligarkong may-lupa’t burokratang pangkat na minamaniobra ng gobyernong Amerikano at ng pesante’t manggagawamg uri na noo’y unti-uniting bumabangon muli sa pagkagulapay ng kilusang mapagpalaya sa pagkalipol sa mga Sakdalista noong dekada 30 at pagkatalo ng Huk noong dekada 50 at 60. Kaya dalawahin ang tendensiya ng sining ni AGA: kalangkap ng mapanlabang paghihimagsik ang pag-atras at pagsuko sa pangungulilang tumatalikod sa karahasan at kapangitan ng mundo.

Ang indibidwalistikong ilusyon ng makatang hiwalay sa nakararaming masang nilulupig ay bunga mismo ng burgesyang kaisipan at gawi sa pamumuhay. Sa pagsusuri ni Christopher Caudwell as kanyang Illusion and Reality (1937), ang ugat ng nominalistikong modernismo ay nasa paniniwala na ang esensiya o kaibuturang buti ng isang tao ay wala sa lipunan kundi nasa kanyang kaluluwa, sensibilidad, o budhi. Hindi batid ng makata na ang birtud ng sining niya ay nagmumula sa lipunan, gaano man kabulok o kagulo ito; ang wika, talinghaga, retorika, sagisag o haraya, ay bukal sa daigdig ng lipunan—yaong mga tendensiya, lubog na pangyayari, prosesong humihingi ng pag-unlad at paglago, na katambal ng kamalayan at praxis sa bawat karanasan ng tao sa mundo. Hindi nasakyan ni AGA ang diyalektika ng laman at kaluluwa.

Ilang huling panukala. Bukod sa istorikal na pagkilatis sa sining ni AGA, kailangang gamitin ang prinsipyong diyalektikal na naimungkahi nina Georg Lukacs, Ernst Bloch at Bertolt Brecht (1996). Naipahiwatig na ito sa pag-aaral na nabanggit dito. Umaapaw sa sapin-saping kontradiksiyon ang katayuan ng makata sa kapitalistang orden, laluna sa kolonyang teritoryo tulad ng Pilipinas. Pinapatnubayan ang lahat ng kaabalahan (pribado man o pampubliko) ng dualistikong metapisika at mekanikal na pag-iisip ayon sa makitid na pragmatikong pang-industriyal. Watak-watak ang damdamin, isip, gawa, hangarin at mithiin. Anarkismo ng pamilihian o palengke ang naghahari, kanya-kanya, digmaan ng mga uri at dinamikong sektor ng lipunan. Komodipikasyon at reipikasyon ng lahat ang namamayani na nagtungo sa pagbulusok ng Wall Street noong 2008 at ang pagsilakbo ng kilusang “Occupy Wall Street” na siyang tugon sa “Global War of Terrorism” ng imperyalismo ng U.S., Hapon at Europa.

Imbentoryo at Prospektus

Lumalabas sa gayon na ang arketipikong pagbalikwas ni AGA—minsan pang idiin dito sa pangwakas na obserbasyon--ay sintomas ng komodipikasyon ng tao at digmaan ng bawa’t isa sa kapitalistang larangan. Hindi namumukod si AGA kina Jose Corazon de Jesus o Amado Hernandez, na kapwa naimpluwensiyahan ng tradisyong inumpisahan ng Aklatang Bayan (1901-1916) at nagpatuloy sa Ilaw at Panitik (1916-1935). Dahil sa tulak ng kilusang pangmasa, lahat sila ay napilitang magbago upang maging makatuturan sa karaniwang mambabasa (anupa’t ang panitik ng halos lahat ng manunulat sa Tagalog ay inilathala sa magasin at diyaryong pang-masa). Ang hikayat ng pagkapopular ay nagbunsod sa kanila sa direksiyong realistiko’t mapanuri, nakikiramay sa madla, bagamat sa kawalan ng organisadong liderato ng rebolusyon, nagpatuloy ang indibidwalisko’t anarkistang pagkiling. Ito’y hindi sa kagustuhan nila kundi sa determinasyon ng mga puwersang obhetibo ng kasaysayan kung saan nakatago ang mga posibilidad sa transpormasyon ng buhay at istruktura ng lipunan.

Dahil salat pa sa tradisyong diyalektikal at materyalistikong pangkasayayan ang ating mga iskolar ng bayan, walang masusi at matatag na pagsulong pa hanggang ngayon tungo sa mapanuring analisis sa totalidad at integridad ng ating kultura. Pagpupunla lamang ang sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, at mga proyektong nailunsad nina Bienvenido Lumbera, Maria Lourdes Reyes, Soledad Reyes, Rose Torres-Yu, Roland Tolentino, at iba pa. Patunay rito ang eklektiko’t neoliberal na mga akdang nakalahok sa iba’t ibang antolohiya (halimbawa, sa Kritisismo [1992]). Pangkaraniwan lamang ito.

Sa kasalukuyang panahon ng imperyalismong kampanya laban sa “terorismo” (sa ibang salita, mga kaaway ng monopolyo-kapital), kaagapay ng krisis ng kapitalismong global, laganap pa rin ang pragmentasyon at paksyonalismo. Hindi matatakasan ito. Ngunit dapat sunggaban ang pagkakataong ito para mailunsad at mapaigting ang malawak na mobilisasyon ng masa. Bawat etnikong grupo ay may sariling tatak ng kanyang indihenismo; walang mapag-ugnay na nasyonalistikong palatuntunan o programa ang nagbibigay-direksiyon sa puta-putaking proyektong tila mga produktong inilalako sa globalisadong megamall. Ganito ang pagsusuma ni Jenifer Padilla sa “Kalagayan ng Sining at Kultura sa Panahon ng Globalisasyon”: “Pinatitingkad ng globalisasyon, kulturang popular, korupsyon at panunupil at pasismo ang dominanteng kulturang kolonyal, burgis at piyudal. Ang ganitong kalagayan sa kultura ay sumasalamin sa malakolonyal na estado at malapyudal na ekonomya ng bansa. Naisasalarawan ng kulturang ito ang tumitindi at mas sopistikadong pagsasabwatan ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo—ang tatlong ugat ng kahirapan sa Pilipinas” (2011).

Bukas ako sa anumang mungkahi at pagwawasto mula sa mga kapanalig. Ulirang paghawan ng landas ang mga komentaryo nina Abueg at Ricarte. Pinapanagimpan pa ang darating na henerasyon na may kakayahang lumikha ng isang malalim, masaklaw at makabuluhang pagsipat sa buong korpus ng panulat ni AGA. Limot na si Del Mundo, ngunit tila humantong naman sa pagsamba sa isang idolo ang ilang pag-aaral tulad ng kay Pat Villafuerte: ang mga tula ni AGA ay “kawing-kawing na mga perlas ng kaisipan at karanasang tinuhog ng makalupa at maka-Bathalang damdamin” (1984, 200). Sandali lamang, pwede bang maging makabago tayo tulad ni AGA (o ng kanyang awtentikong pagkatao) at huwag suubin ang tila tradisyonal na sining ng dating suwail, ang mapangahas na makatang lumabag sa batas? Kabalintunaan ang ihalal na ikon o idolo si AGA, tulad ng balighong pagsamba ng mga Rizalista sa bayani. Walang mabuting parangal kay AGA kundi ang pagtutol sa ganitong kahangalan.

Ilang salitang pangwakas at probokasyon para sa patuloy na pagpapalitang-kuro at argumentasyon. Sa pakiwari ko, sa unang yugto ng milenyong 2000, hindi na kailangang ipagtanggol si AGA sa malisya’t personal na pagtatasa. Sa kabilang dako, kailangang umigpaw tayo sa pormalistiko’t nominalistikong pananaw— subhetibo versus obhetibong tingin—upang itaguyod ang isang diyalektiko’t materyalistikong panunuri. Makakamit natin ang isang diyalektikong sipat sa masinop na pagsubok ng komunidad. Natatandaan kong naipayo ko kay AGA (circa 1966-67) na buksan ang Panitikan sa mga aktibistang unyonista at mga katutubong saray—may kaunting himutok siya kay Ka Amado Hernandez noon. Wala siyang tutol, kaya lamang limitado na talaga ang kanyang kaalaman at kaisipan noong 1966, tatlong taon bago siya pumanaw.

Sa malas, wala pang masugid at matiyagang lumalapat ng isang sukatang nagtuturing sa sining bilang kagamitan sa pangkabuhayan, sa mungkahi ni Kenneth Burke. Sapagkat sa kabila ng masalimuot na pagkakaiba ng karanasan ng tao sa mundo, marami ring pagkakawangki sa sitwasyon ng mga lipunan, kaya makaiimbento ng mga istratehiyang makapagpapahalaga at makapagpapakahulugan sa mga malulubhang problema sa buhay. At sa gayon, mabigyan iyon ng kalutasan (1994). O kaya mailapat ang diyalektika ng partikular na karanasan at unibersal na pamantayan upang matuklasan ang larawang tipikal, tulad ng inilahad ni Marx at Engels sa pagsusuri sa mga akda nina Balzac, Ibsen at iba pa. Sangguniin din ang ilang akda nina Raymond Williams, Pierre Bourdieu, Fredric Jameson, at Terry Eagleton upang makapulot ng ilang panukala’t tagubiling magagamit sa transpormatibong praxis ng gawaing pangkalinangan. Hindi na kailangang banggitin dito ang mga naunang pagsisikap nina Bienvenido Lumbera, Soledad Reyes, Nicanor Tiongson, Rose Torres-Yu at iba pang kasama sa proyektong ito.

Nabanggit ko rin kay AGA noong magkasama kami ang mga aral at proposisyon ni Georg Lukacs (1986), progresibong pilosopo sa Ungria. Payo ni Lukacs na laging isaisip ang totalidad, ang diyalektikong paglalangkap ng laman at porma upang itakwil ang impresyonistikong paniwala na ang sining ay tinig lamang ng isang personalidad o kaluluwa, sapagkat ang wika—ang mga tanda o senyal na bumubuo nito—ay semiotikang paglikha ng kahulugang unibersal sapagkat iyon ay tumutukoy sa mga prinsipyo o batas na nagpapagalaw sa mga partikular na bagay, tao o pangyayari. Ang tipikal na paglalarawan ng tauhan o pangyayari ang layunin ng manunulat. Ang katotohanan ay bunga ng semiotikong proseso ng senyas o tanda (sign), referent o kalagayang pumapaligid, at interpretant (konsepto o kahulugan sa kamalayan), ayon sa teorya ni Charles Sanders Peirce (San Juan 2010). Kaya ang diyalektikong katunayan ng porma sa sining ay laging kaugnay ng galaw at pagsulong ng buhay ng tao sa lipunan. Kaya hindi maibubukod ang dinamikong repleksyon ng buhay sa sining mula sa pagpili ng panig, ng pagpapahalaga o etikal na pagpapasiya. Magkasiping ang etika at estetika sa pulitikang paghubog ng kagandahan, natatanging matris ng kalayaan at sandigan ng kaligayahan.

Huling Eksena sa Dula ni AGA

Sumusungaw sa gunita ngayon ang larawan ni AGA (circa 1966) sa isang restawran sa Avenida Rizal, malapit sa Carriedo. Nagbibili, pinagbibili. May listahan ang mapaglarong utak ng awtor, binabalasa ang kanyang mga pautang sa gunita na dinadaliri habang humihigop ng kape. Samantala, isang sipi ng bagong isyu ng Panitikan ang nasa harap ko. Bilang, salita, titik, tasa ng kape, plato ng pansit, anghot, usok ng sigarilyo sa bawat panig, kalansing ng salapi sa cash register sa likuran, kindat ng makiring waytres, busina ng diyip at sigawan sa kalsada--ito ang literary salon o arena ng pakikibaka ni AGA, ang bukas at tambad na talyer o laboratoryo ng tula, ng pagninilay at ng pagpapaimbulog ng guniguni. Dito rin hinihimas ang buntis na pusod ng kritiko at manlilikha, pinipilit mapagtalik ang katawan at kaluluwa, ang loob at labas, upang makabuo ng kahulugan at katuturan para sa kapwa nilalang.

Ang maikli ngunit maigting na kolaborasyon namin ni AGA, na hindi laging mahinahon at palaging matiwasay at maluwalhati, ay mahuhugutan ng ilang himatong na habilin. Una, ang petiburgesyang alagad ng sining ay maaaring maging malikhaing katulong sa nagkakaisang-prente ng kilusan para sa pambansang demokrasya, at dapat silang igalang at pahalagahan gaano man limitado ang kanilang kakayahan o kaalaman. Pangalawa, ang suliranin ng sining ay suliranin ng mga nagtutunggaliang ideolohiya (praxis at institusyon) sa lipunan. Kung nais baguhin ang takbo nito, dapat baguhin ang kondisyon o situwasyong sanhi nito. Maipapataw ang aksiyomang ito hinggil sa usapin ng relihiyon. Pangatlo, umiwas sa pagtingin sa problema ng sining o ng lipunan bilang personal o pribadong usapan.

Lahat ng ito ay kasangkot sa mga problemang may unibersal o pangkahalatang implikasyon. Itakwil ang makitid na tsobinismo o rasismo, ang saloobin o ugaling atin-atin lamang (pantayong pananaw!), kaagapay ng kosmopolitanismong umaayaw sa nasyonalismong ibinabandila ng pakikibaka. Laluna ngayon, sa globalisasyong pinamumunuan ng malupit na goberyno ng Estados Unidos at mga kaalyadong kapitalistang lakas, kailangang matatag na itaguyod ang progresibong demokratikong prinsipyong mapanlaban at mapagpalaya sa bansa, at sa gayon, sa artista, sa manunulat, sa lahat ng manlilikha. Mabuhay si AGA at ang kanyang naitulong sa ating pakikibaka tungo sa kalayaan at—kapanabay nito—sa kagandahan!

MGA SANGGUNIAN

Abadilla, Alejandro G. 1992. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan.” Nasa Kritisismo, ed. Soledad S. Reyes. MetroManila: Anvil.
-----. 1964. Parnasong Tagalog. Malabon, Rizal: Dalubhasaang Epifanio de los Santos.
Abueg, Efren, ed. 1973. Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla. Manila: MCS Enterprises.
Agoncillo, Teodoro. 1970. “Pasulyap na Tingin sa Panitikang Tagalog.” Philippine Studies 18.2 (April): 229-251.
Almario, Virgilio. 1985. Taludtod at Talinghaga. MetroManila, Philippines: Aklat Balagtasyana.
----, 2006. Pag-unawa Sa Ating Pagtula. Manila: Anvil.
Atienza, Monico. 1995. BAYAN KO: Mga tula ng pulitika at pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus. Quezon City: UP College of Liberal Arts.
Berger, John. 2001. “The Hour of Poetry.” Nasa sa Selected Essays. New York: Vintage International.
Bloch, Ernst. 1996. “Marxism and Poetry.” Nasa Marxist Literary Theory, ed. Terry Eagleton and Drew Milne. New York: Blackwell.
Bourdieu, Pierre. 1993. The Field of Cultural Production. New York: Columbia University Press.
Brecht, Bertolt. 1996. “A Short Organum for the Theater.” Nasa Marxist Literary Theory, ed. T. Eagleton and D. Milne. New York: Blackwell.
Burke, Kenneth. 1994. “Literature as Equipment for Living.” In Contemporary Literary Criticism, ed. Robert Con Davis and Ronald Schleifer. New York: Longman.
Glorioso, Pablo. 1973. “Si AGA sa Parnasong Tagalog.” Nasa Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla, ed. Efren Abueg, 1-6. Manila: MCS Enterprises.
Lazaro, Lea. 2002. “Ang daigdig ng tula ni Alejandro G. Abadilla.” The Varsitarian LXXIII, 9 (25 March). literary/ang_daigdig_ng_tula_ni_alejandro_g_abadilla>
Lukacs, Georg. 1986. “Art and Objective Truth.” Nasa sa Critical Theory Since 1965, pinamatnugtan nina Hazard Adams and Leroy Searle, 791-808. Tallahassee: Florida State University Press.
Lumbera, Bienvenido. 1967. “Alliance and Revolution: Tagalog Writing During the War Years.” Nasa sa Brown Heritage: Essays on Philippine Cultural Tradition and Literature, pinamatnugutan ni Antonio G. Manuud. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Padilla, Jenifer. 2011. “Kalagayan ng Sining at Kultura sa Panahon ng Globalisasyon.” Polyeto ng Amado V. Hernandez Resource Center. Quezon City, MetroManila, Philippines.
Queano, Nonilon. 1972. “Alyinasyon: Buod ng Panitikang Pilipino.” Nasa sa Tungo Sa Paglikha ng Panitikang Pilipino, pinamatnugutan nina Edberto Villegas at Nonilon Quezno. Baguio City,Philippines: Beguio Empire Printing Press.
Reyes, Soledad. 1992. Kritisismo. Pasig, MetroManila: Anvil Publishing, Inc.
Ricarte, Pedro. 1970. “Alejandro G. Abadilla.” Philippine Studies 18.2 (April): 323-349
San Juan, E. 1965. “The World of Abadilla.” in Piniling mga Tula ni AGA. Manila, Philippines: Limbagang Pilipino.
----. 2000. Himagsik: Tungo sa Mapagpalayang Kalinangan. Manila: De La Salle University Press.
---. 2006. “Ilang Panukala sa Panunuring Pampanitikan.” Nasa Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas, ed. Rose Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press.
----. Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston. Saarbrucken, Germany: Lambert Publishing.
Schiller, Friedrich. 1962. “Letters on the Aesthetic Education of Man.” In Modern Continental Literary Criticism, ed. O.B. Hardison, Jr. New York: Apleton-Century-Crofts.
-----. 1973. “Esthetic Play and Human Liberation.” Nasa sa A Modern Book of Esthetics, pinamatnugutan ni Melvin Rader. New York: Holt, Rinehart and Winston Inc.
Thomson, George. 1947. Marxism and Poetry. London: Lawrence and Wishart Ltd.
Torres-Yu, Rose, ed. Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Quezon City: University of the Philippines Press.
Villafuerte, Pat Villasan. 1984. “Ang Daigdig ng Tula, ang Daigdig ng Makata at ang Daigdig ng Kaakuhan ni Alejandro G. Abadilla sa Ako ang Daigdig at iba pang tula.” Nasa sa Panunuring Pampanitikan: Mga Nagwagi sa Gawad Surian sa Sanaysay, ed. Ponciano B. Pineda. Maynila: Surian ng Wikang Pambansa.
Wikipedia 2011. “Alejandro G. Abadilla.” Huling nirebisa 23 June 2011.

WikiPilipinas 2010. “Alejandro G. Abadilla.” Huling nirebisa 12 July 2010.

Zimmerman, Robert L. 1970. “Levi-Strauss and the Primitive.” Nasa sa Claude Levi-Strauss: The Anthropologist as Hero, pinamatnugutan nina E. Nelson Hayes at Tanya Hayes. Cambridge, MA: MIT Press.

No comments: