ELEHIYA SA LEUVEN, BELHIKA
Iiwan mo lahat ng iyong minamahal; ito ang palaso na unang ipinawawalan ng busog ng pagkatapon….
--Dante Alighieri
Huli na raw ang lahat. Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita't pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.
Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.
Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable--Sayang, di biro, nakapanghihinayang.
Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik….
Huli na, nahulog na ang araw. Itikom ang labi, itiim ang bagang….
Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagtitiis--
Pahabol ay di na magbubuhol--Tapos na ang pagsisisi't pagpapatawad….
Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.
Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---
Mailap pa sa hibong nagpupumiglas--Saan ka nanggaling? Saan pupunta?
Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't tuhod, gumagapang mula sa guwang--
Maghulihan tayo ng loob, Estranghera, hinihintay ang ligayang walang kahulilip.
--E. SAN JUAN, Jr.
Comments