BUKAS, MAGKITA TAYO SA MAYNILA
ITAGA SA BATO
Ni E. San Juan, Jr.
Naghiwalay tayo noong Disyembre 1991 sa kanto ng Blumentritt at Avenida
Rizal.
Ka Felix Razon, natatandaan mo ba?
Bungkalin mo ang kalansay sa apog at lumot ng gunita
upang masapol ang katotohanang taliwas sa kabuktutang naghahari.
Inilantad mo ang kabulukan at pagtataksil ng gobyerno't militar
sampu ng pagpuputa ng mga premyadong artista't intelektuwal
kaya hindi nakapagtataka, hinuli ka't ikinulong, binugbog, ginutum
sa bartolina, kinoryente ang bayag, parusang maka-abo't-dili--
Diyos ng awa, sinong makapagbubulag-bulagan sa krimeng nangyayari
araw-araw sa bilanggong pulitikal? Sinong testigo ang magpapatunay?—
dahil (bintang nila) ikaw raw ay komunista.
Umaambong takip-silim
nang tayo'y maghiwalay, patungo ka na sa asilo ng Utrecht, Holland….
Samantala sa Isabela at Davao, timog at hilaga ng kapuluan, patuloy
ang paghihimagsik ng masa, ang "di-kagila-gilalas na pakikipagsapalaran"
ng karaniwang mamayan, katuwang ang mga kapatid sa Bagong Hukbong Bayan….
Ilang taon na ang nakapamagitan sa atin….
Makulit ka pa rin, sinusurot ang lahat ng kasuklam-suklam na kamyerdahan
Ngunit kaagapay ng iyong paglipat, napansin ko sa mga sulat mo
may bahid ng pagkainis, pagkasuya, pagtatampo, hinakdal--totoo ba ito?
sapagkat (wika mo) nakalimutan na ang sakripisyong naihandog mo sa bayan….
Yumao ka na, Ka Felix, naglagalag sa gubat ng mga lungsod, kaulayaw ang
mga ulilang lansangan at malungkot na katedral at palasyo sa Europa, habang
sa Nepal, Colombia, Mexico, Peru at iba pang bansa unti-unting sinasakop
ng mga komunista--mabalasik at matalisik--ang mga kuta ng imperyalismo
kaya kahit na walang makaalala sa iyong paglilingkod sa kilusan, di kailangan,
ipagbubunyi ang iyong katapangan at katapatan, kahit bawal ito at mapanganib….
Ka Felix Razon, saan ka man naroroon, dinggin mo ang pahimakas kong ito:
Alimuom at trapik ng nagsalikop na kalsada sa Blumentritt at Dimasalang
ang sumaksi sa ating huling pagniniig, at itong katagang hinugot sa alabok
ang magsisilbing memoryal sa iyong puntod o saan mang larangan ng pakikibaka,
nawa'y maging mabalasik at matalisik ang talinghagang naikintal ko rito—
pintig at pitlag ng panambitan,
nagpupuyos sa angil ng tagulaylay.
Comments