KALIGRAMATIKANG SINING --E. San Juan, Jr.
KALIGRAMATIKANG SINING:
Daluyang Hinabi sa
Pasumalang Damdamin at Dalumat
1. Makulimlim sa Perlas ng Silangan abot-tanaw ng bulag na Lumad nagulat sa pagsabog
ng agilang misil kidlat ng bituin guhit ng kulog
2. Pagputok ng buwitreng drone paano ipaliliwanag sa nagdilim
na utak nina Burgos Cadapan Empeno Olalia Alejandro Kumander Posa
Itulad
sa bathalang nagbitiw ng lubid ng pangakong bumibigti
3. Sinikangan ng baril ang panga ng bilanggo bago buhusan ang
nakasaplot na mukha ng
binansagang
terorista Anong ibinabadya
ng masalimuot na bugtong ng
kasaysayan?
4. Mula sa usok ng masaker sa Mendiola 22 Enero 1987 nagkahugis ang mga kaluluwang nabitag
ng kapalarang naligwak
5. Salamisim mula sa duguang alkitran sa harap ng
Malakanyan multo ng lumipas lumuksong
kamandag sa
sayaw ni Salome gunam-gunam
ng pugot na
ulo ng propetang dinukot
at pinaslang
6. Di na daklot sa kamao ang tapyas na anting-anting tumikom-bumuka taktika’t istratehiya
ng pagkakataon di
masusubok ang bisa ng
baka- sakaling
hakbang sa isang pukol ng
dais
7. Sinampal
sinuntok sinipa tinadyakan di na latigo kundi batutang bakal bugbog makina
de koryente walang
tigil ang bulahaw
nakatutulig
8. Gumagapang sa singit ng budhi ng Buda ang hinuhang may batas
habeas corpus ngunit
nasaan ang bangkay ng mga
desaparesidos
9. Humihirit ang mga punglo sa Hacienda Luisita sumisingasing sa Bondoc at Basilan na-salvaged na
makatindig-balahibong guniguni
palpak
10. Inakbayan natin ang
dakilang paralitiko sa pag-akyat sa Makiling ngunit di nasubukan
ang
mutya lumpo pa rin ang
diwa ng mga kolonisado
11. Ipinagbibili ang kalikasan bilhin mo na ang mga pulong ito lunod sa polusyon
krimen lubog na sa kahayupan ng
kumprador at burokratang nakatuwad sa hukay talinghagang ipinukol ni Andres Bonifacio sa gabi ng himagsikan
12. Hinampas ang binti
tiyan pinalo ng baril ang
balikat ulo naluray ang laman nalinsad
ang buto sugatang katawang
ipinako nahulog
ang anong kahulugan?
13. Pahiwatig na
tumatagos sa pader ng bartolina humihiwa sa takip kortina harang pinto tarangkahang sumagip mula sa bingit ng
“hukay ng luwalhati’t pighati”
14. Untagin ang bulag at bingi kung saan dating gumagala ang mga tamaraw may
hinagap
ang mga naligaw na sinikap bumagtas
lumikha ng landas
15. ibinaon ang na-salvaged sa kung saang lugar upang pukawin sa mahiwagang kaharian
ang nagayumang Prinsesa ng mga anarkistang duling
16. Maging sa kahayupan
kalupitan kabuktutan
pwedeng malikhain ang imperyalistang
negosyanteng masugid kumiliti ng
kilikili ng madlang kapus- palad
na naligaw
17. Naglakbay sa Bohol upang tanawin ang teritoryo ng mga
Tarsier sinakop na rin
sila ihambing
ang tao’t hayop sa praktika ng pagkukunwari’t pagdaraya
walang muwang ang mga animal
18. Dumako sa Ilog ng Loboc kung saan lasing na lumangoy sina
Legaspi at Sikatuna mula sa kanilang sandugong pag-uulayaw aksidente o sadyang
dinaya?
19. Mamulat kaya ang mga natutulog na matsing upang mahuli ang
tumakas na
heneral pakawalan ang unggoy Ikulong ang pasistang militar at
mga kakutsabang trapo
20. Nakatiwarik
nakatihaya lugmok kung ano ang bukambibig siya rin ang laman
ng
nilaslas
na dibdib dasalin ang
“Bangon sa pagkakabusabos”
21. Katawan ay nakahulagpos ngunit kaluluwa’y nakapiit pa rin bihag ng gawi’t ugaling minana
sa magulang ninuno tradisyong sinapupunan ng
makiring hulagway
22. Gagambang humihiwa sa utak
ni Abu Sayyaf humahabi ng luningning silaw kislap apoy iwangki sa sinag ng drone misil
23. Kariktang di
matarok o masuyod habang natutunaw
ang yelong bundok at lambak
sa Arctic
at Antartica di masugpo ang
uhaw sa sindak na bumukal bumuhos
24.
Nakaligtaan nating dumalaw sa
Bilar sikaping matuto sa
halimbawa ng mga
alitaptap unti-unting tulala sa usok ng trapik
baka masulyapan sa
kanilang
paglipad ang kamaong naghagis ng dais
at malanghap ang bango ng
apoy ng iyong buntong-hininga
25. Apokalipsis ng lahing kaymanggi tugisin ang bathalang nagwala sa baybaying
di maabot
ng mga babaylan at diwatang ginahis ng drone
agila buwitreng mandaragit sa lupang
hinirang
26. Paglimiin ang ritwal ng basbas dait hipo kanti halik ng pag-asa
yapos ng busilak na
pangarap
pagbubulay-bulay bumibitay
sa baliw na makata
27. Buksan ang mata
ilong tainga umalsa bumalikwas sa hulmahang utak baklasin
ang rehas ipagdiwang ang buntis na
birhen ng Bicutan at Muntinlupa
28. Bumabangon ang nagliliyab na anghel ng mga anak-pawis bagwis ng salamisim Inihagis
ang perlas sa ulbo upang pukawin ang bayang lubog
sa pangako’t sa
panaginip Ipukol muli
29. Itaas hawiin ang
tabing kurtina belo takip
balatkayo Itulak ang
hadlang bakod harang balakid busal sa nguso walang himalang bato sa bunganga
ng
yungib
Comments