DIWATA BABAYLAN
Ni E. San Juan, Jr.
Nasilayan kang nakahiga sa bato ng dalampasigan
Balatkayong hinubad hinimay ng amihang bumubulong--
Malikmata? O singaw ng magayumang pangako’t pag-asa?
Nasilip ko sa hiwa ng dibdib ang silahis ng matang nilambungan….
Alimpuyo ng damdamin sa Oktubre ng ulilang kaluluwa
Kalansay ng naglahong aliw “sa pagkatimawa ng mga alipin”—
Bulang kislap sa guniguni ang lumagos sa hiblang hawla ng iyong buhok
Kapagkwa’y lumusong ka sa lagim at dahas ng ligalig
Binalangkas ang gubat at bundok, kaulayaw ang masang dumamay
Mabighaning paraluman, saang likong landas ka naghihintay?
Mula sa usok ng nagliliyab na lungsod bumangon ka
Yakap ang katawan ng mga dukha’t aliping pinagsamantalahan--
Sa guho ng lungsod nalugmok ang gunita ng tipanang inaasam….
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot, pulang tala’y nakatanod
Patnubay sa tadhanang iniluwal sa matris ng budhi’t utak--
Silakbo ng pangarap sa Nobyembre ng nagluksang kaluluwa…
Mapanuksong paraluman, saang likong daan ka nag-aabang?
Sabik kong matagpuan ka muli sa duguang batong kinabuwalan
Masulyapan ang hubad na paang binasbasan ng hamog
Namilaylay sa labi’y di pahimakas kundi pagbating humahamon—
Mailap na bagwis ng babaylang kay bangis, pumalaot ka na
Kapiling ang mapagpasiyang kaluluwang nakipagsapalaran
Sinuyod sa buhangin ng dalampasigan ng ating tipanan
Ang bakas at sagisag ng panaginip ng pagbabagong-buhay.

Comments