ALAY SA PAGLIKHA NG BUKANG-LIWAYWAY (KUMPLETONG LIBRO)
ALAY SA PAGLIKHA NG BUKANG-LIWAYWAY
KALIPUNAN NG MGA TULA (1960-1999)
ni E. SAN JUAN, Jr.
Ars Poetica
Sapagkat hindi ako makapagpigil
sa tukso ng iyong katawan
wala nang salitang may bisa pang
makahadlang
Disyembre 1998/Enero 1999
Larong Sumasagisag sa Kung Ano
Kumukulong asero sa pagitan ng iyong mga hita
ang sindak ng kaisipang
mamatay ikaw habang ako’y
patuloy na nakalublob sa putik ng
ordinaryong pantasya.
Nabuntis ang guniguni sa paghahangad, pagnanais, paghingi—
Kabalintunaang sumabog sa lamig ng marmol ng sining.
Magdudulot ba ng lason ng inmortalidad ang dila mo?
Lusawin mo ang pilak ng paradoha ni Zeno:
palasong nabitiwa’y walang indak ni galaw—
Tunawin mo ang gintong ngiping
ninakaw ng mga ibong mandaragit sa sementeryo
at patuluin ang dagta
sa singit ng alaalang
naging bakal.
Marso 1998
Ayon Kay D.J. Alvaro
Gusto raw niya ng lalaking medyo bastos, “maginoo pero bastos”
Naamoy nating rehimen ng “Women’s Lib” ngayon, hindi bomba
ng diktadurang Marcos
at mga sumunod….
Ingat lang, payo ng kasama, sapagkat
di ko alam na di na pala uso ang “old-style macho….”
Sino nga bang gago ang gumagaya pa sa estilo ni Apolinario Mabini?
Barkadang garapal, walang biro, astang maton ng mga vigilante at militar—
padalus-dalos—
O Maria Clara, ikaw ay “bagong bayani” na, OCW domestic,
alila ng buong mundo!
—pero kung di ka guwapo, isinakripisyo pa ang talino?
Ay, sotang bastos, pinggang bastos—baka naman napasubo lamang si
Donya Alvaro?
dahil sa tukso ng estilong pagrebelde sa sangkatutak na
ipokrisya
(huwag nang gamitin dito ang seduction theory ni Freud)—
Charinggola!
Kahit ako mag-ingat umiwas sa palpak na tiradang ito, di ko maisip, D.J.,
kung paano may pusong tigmak sa toyo,
walang kabatiran
sa kung ilang balde ang iinumin bago maging lasenggo
o kaya’y makaturing kung sino ang dapat
mapagkakatiwalaan…
Hintay muna, sabik kong masakyan ang himig mo, D.J.,
at makipagsabwatan
sapagkat wala akong nasabi mong talino o kisig—
kabalyerong walang kabayo—
Dahil may kaunting pagkabuwang, talagang gusto ko
ang babaeng nambabastos sa pagtugis at paglipol sa mga
walanghiyang politiko
na ubod nang “pagkamaginoo!”
Oo, gusto ko rin ng kasamang
di pa-charming lang sa araw at magdamag
kundi may angking utak at tapang at tigas ng determinasyon
upang magkatuwang kaming
makibaka upang supilin
ang mga nangungurakot “sa loob at labas ng bayang sawi—”
Totoo ito, ‘alang biro,
ang pusong walang talino ay saksakan ng pagkaromantiko,
alipin na kunwari’y sobrang barako,
“el Jefe Maximo” o “Numero Uno”
tulad ng mga alipuris nina Madame “Iron Butterfly” at Tita Cory—
kaya ingat lang, D.J., walang “medyo bastos”
(anumang kasarian)
na magtatanggol sa iyo
hanggang sa ang patriyarkang “puso” ay di nasusugpo
ng feministang talino.
The Philippine Collegian, 1998
Paghuhunos-diling Karnal
Dumapo sa noo ng kaluluwa ko ang iyong ngiti—parang basbas ng hamog sa umaga.
Ginahasa’t pinatay ang ilang babae sa Marikina kamakailan.
Anong tukso ang nagkubli sa gilid ng iyong bibig?
Nakalupasay sa bangketa ang mga pulubi; sa estero lumulutang ang bangkay ng isang sawimpalad.
Naglipana ang shabu at droga sa lungsod, patuloy ang kidnapan at nakawan at patayan.
Pagmasdan ang luntiang paruparo sa balikat mo.
Ilang piyon ang natabunan ng Cornerstone for Progress sa isang konstruksiyon sa San
Antonio Village, Makati?
Milagro sa gitna ng gabing hubad sa tala.
Nasunog ang ilang purok sa Bicol sa mortar, kanyon, at bombang napalm ng militar
pagkaraan ng engkuwentro sa NPA.
Sa lilim ng neyon sa Abenida Rizal nasulyapan ko noon ang ngiti mong
nakintal sa alaala.
Tinitingnan noon, ngayo’y tinititigan.
Minasaker ng AFP ang ilandaang tao sa Isabela at Cagayan, pinaghinalaang mga NPA.
Pagaspas ng kulambong puti, ginapang ako ng ngiping anong talas.
Humalimhim sa lambong ng luha ang ngiti mong haliparot.
Palaboy sa kaharian ng pantasya, saan ang tungo mo?
Pinagbubugbog ng pulis ang mga trabahador na nasa piketlayn sa Siemens Factory at
inaresto ang marami.
Namugad sa gunita itong labi ng panahon, matingkad hanggang sa pagtikom ng iyong
mga labi.
Himutok: walang matimtimang birhen…
Lanta na ang bulaklak ng gilagid mo. Hoy, gising na.
1997
Megamall sa Metro Manila
Buhay alamang, isang kahig at tatlong tuka.
Pinuputakti ang balintataw mo ng sanlaksang bilihing istetsayd kahit di mo batid ang
signipikasyon ng commodity fetishism.
Pakiramay na sa walang pera.
Maunlad na raw ang bayan. Utang natin ito sa mga “bagong bayani”—mga domestik
(Overseas Contract Workers) sa Hong Kong, Singapore, Saudi at diyan sa Subic,
Alabang, at tabi-tabi.
Wala nang barikada bagama’t patuloy ang pagngangasab ng mga buwaya sa katihan.
Abot din ng baho ng Ilog Pasig ang mga boudoir sa Malakanyang.
“Utang na loob” at “hiya” ang susi daw sa karakter ng Pinoy.
Pinanonood sa sine ang kagila-gilalas na karambulan nina Schwarzenegger, James Bond,
Bruce Lee at Sigourney Weaver.
Baka mahamugan ang bumbunan mo ng tadhanang iginuhit.
Sa ikauunlad ng bayan, FREE TRADE ZONES at credit cards ang kailangan.
Lagot na…. Salimbugaw—paglukso’y patay.
Upang masubukan kung tubog sa ginto, maghuramentado ka sa Jollibee.
Saanmang gubat may ahas, aprubado ng World Bank at International Monetary Fund.
Sa madlang humuhugos sa eskaleytor, atungal-baka at hingal-kabayo ang nakikisalamuha
sa antena ng iyong budhi.
“Itsura mo, mukhang hampas-lupa.”
Sapagkat tumaas raw ang GNP, di na kailangan ang NPA. Dumarami ang biktima ng
pagsosona ng militar habang sa Muntinlupa nabubulok ang mga bilanggong politikal.
Sagad-butong utang sa labas, paano ang utang na loob?
Ngunit hanggang ngayon wala pang dilihensiya, pare ko. Palpak ang estratehiya.
Nakamotorsiklo na ang pangarap.
Ingat pa ba rin? Sa kalingkingan lamang ang sakit pero….
“Walanghiya’t ‘dinamay pa ako.”
Kung apaw na sa takalan, kailangang kalusin.
The Flame (UST), 1997
Abo ni Crisanto Evangelista
Pagkatapos paslangin ng mga Kempetai sa Fort Santiago
Bungong itinapon sa kung saang gubat
Bakit?
Matang binawian ng baybay-dagat
Bungangang ninakawan ng batis
Bakit?
Ilong na naging balon ng mga panaginip
Taingang naligaw sa karimlan ng pagtitiis at pagdurusa
Paano nagkaganito?
Kailangang magtanong
Hindi dapat sumalangit ang kaluluwa ni Crisanto Evangelista
Sapagkat kailangan pa siya rito sa lupa
Uhaw sa dugo’t pawis ng pag-ibig
Gutom sa nitrohena ng katawang inaruga ng masa
Gutom at uhaw sa katarungan at pakikipag-kapwa-kasama
Sino ang makakatugon?
Mula sa guho ng Intramuros
Mula sa nilaslas na lalamunan nina Salud Algabre at mga Sakdalista
Bakit?
Mula sa ginahasang babaeng gerilyang Hukbalahap
Paano nagkaganito?
Mula sa sumabog na puso’t katawan ng mga pulang mandirigma
Sino ang makasasagot?
Baybayin ang gubat, taluntunin ang batis at daluyong ng luha
Baybayin ang titik ng paghihimagsik
Mula sa nilambungang langit ng pagdadalamhati
Hanggang sa dalampasigan ng iyong pagmamahal
Waring buntalang sumusukat sa himpapawid
Inihahasik ang pag-asang bumukal sa balon ng kamatayan
Apoy ng binhing sumagitsit sa bungo’t kalansay ng mga komunista
Nagsauling pagdapo sa iyong mga labi
Nagsaabo paghaplos sa iyong dibdib
Sa iyong tanong umusbong ang sagot:
“Sumalupa nawa ang kaluluwa ni Crisanto Evangelista.”
The Varsitarian, July 1997
Palaisipan
Sa susog ng bulalakaw
bumangon ka
sa arko ng malikmatang hitik ng implikasyon
lagpas ng tanghaling tapat
hinimay ang bahagharing hinabi ng aksidente suwerte bathalang Fortuna
sapagkat sa hibla ng pagkakataon nakasalalay
ang katarungan…
Abot-tanaw ang pagpapasiya ng dapithapon, samakatwid
ang awtor ng
Noli me tangere sa Dapitan
Bawat argumento ng pagbabanyuhay ay hinugot, isinuksok sagad-buto
Buntala sa pagitan ng dalawang susong
pumaimbulog
sa aporia ng babalang huwag, “huwag mong salangin!”
Sangkwaltang abaka ang hinubad
bagama’t ang talim ng pangangatwiran
ay kinalawang sa hamog
basbas
ng kung anong pakpak ng teorya sa praktika
Takipsilim ay disiplina sa iyong balintataw
Sa sintesis ng pag-uugnay
matatagpuan ang hayop na gumagapang
sa pusod ng di-sinasadyang interbensiyon (tulad nito)—
salamangkero ng buwan at araw!
pagluhod ng gabi
kaya sa huling pagdiskriminasyon
ang pananagutan mo
ay malupit na biro ng bahagharing
naging balatkayo.
Enero 1996
Lagalag sa Makati
Alumpihit sa umaatikabong trapiko, wala ka pang trabaho at ilang buwan nang pasabit-sabit lamang.
Nagbibilang ng poste’t bituin, inaabot ng siyam-siyam.
Sumasala sa oras, narinig mo ang Like a Virgin ni Madonna.
Bulate sa tiyan o sa lupa? Batid mo ang likaw na bituka ng mga mariwasa, pero ang payo
nila’y mangisay ka muna.
Mailap sa himas kung nagigipit….
“New World Order” na raw kaya balewala na ang iyong ngitngit. Kaladkarin mo ang
baro’t saya habang nagpupuyos—
Pinagtakluban na ng tala at putik ang pamumuti ng iyong mga mata.
Nakasupalpal sa pusod ang makinasyon ng burgesyang lipunan ngunit ano’ng magagawa?
“Mama, palimos nga.” [Sa malas, malas.]
Kapos-palad, kumain-dili, habang nagpipista ang mga bantay-salakay ng “demokrasya.”
Bagama’t laylay-dila na, hindi lamang lawit ang pusod o tumbong.
Sa talampakan mo’y nakintal ang hiroglipiko ng mga ginisa sa sariling mantika
habang tinutukso ka ng katas-Saudi.
“Magkano ba, Miss?” [Kalakalin ang sarili upang di magdildil ng poot.]
Natisod sa damo, baka ang talas mo’y sa bato tumalab. Ingat lang….
Ayaw mong magkamot ng tiyan. Malalamangan ba ng pagong ang unggoy?
Kalansay ng mga tangke at mga buto ng pumatay at namatay ang naghambalang sa
disyertong inaangkin ng Kuwait at Iraq.
Kasarinlan? O pagsasarilinan?
Pumalaot ka sa Ayala Avenue, pikit-matang nilulunok ang bayag sa lalamunan.
Hipong tulog na tangay ng agos….
Humahagibis ang tren sa Dr. Zhivago pero hanggang Tutuban lang tayo.
Sa bartolina ng panaginip sumisingit at lumalagos ang amoy ng pulbura.
Walang itulak-kabigin ang pagtitiis, kumapit na lang sa patalim.
1996
Salamisim: “Sa Gitna ng Paglalakbay….”
Ilang milyang distansiya ang niyebe sa tuktok ng Dolomiti
mula rito sa Piazza Dante Alighieri
datapwat
ang balat ng leeg mo’y mainit sa hipo ko
Anong destinasyon kaya ang mahuhulaan
sa bituka ng mga kalapating umiikot
sa naghahamong palad ng makata?
Babaylan ng taglamig, Giovanna, pinagdugtong mo ang konsepto at talinghaga
ngunit
saan kayang bilog ng impiyerno ako isasadlak
ng nagsalupang anghel?
Apoy sa utak (bagwis ng metamorposis)
sa pagitan ng pag-ahon
at paglusong, walang gabay na pantas sa paglalagalag
kundi si
Antonio Gramsci
(nakaluklok sa yelong purgatoryo ng bilangguan)
tanging patnubay sa laberinto ng komunistang hardin
subalit sa agwat mula sa niyebeng nakatiwangwang
at nagliliyab na karsel—
palayain mo, Giovanna, aking mutya!—
sa puwang na iyon
hinagkan kita, niyapos, kinulong sa aking bisig
habang naglalagablab ang rebolusyon sa Sierra Madre
(rumaragasang dingas ng paraiso sa iyong dibdib at buhok)—
umalon, humupa—
hanggang sa magkatupok-tupok
ang kapital ng budhi’t tubo ng bait
sa iyong mga halik.
1 Mayo 1995
Trento, Italya,
Nganga’t Apog, Pagdamutan na Sana Ninyo
Nakatanghod ang ngusong nagtuturo, nabulusok tayo sa kangkungan ng pagluhod sa
mga among puti.
Sayang ang 1896, ang 1996? Kailan pa?
Nagbatak ng puso’t kaluluwa pero hanggang doon lamang sa bingit ng alanganin.
Patuloy ang pista sa mga boardroom ng mga korporasyon sa Makati.
Nag-aatubili ka pa, ang ampalaya ay di magiging arnibal.
Pagkatapos mabimbin nang mahigit sampung taon sa Muntinlupa at katakut-takot na
gulpi, natuklasang walang-sala sa krimen ang mag-amang Amado at Eugenio
Imperio.
May impaktong bughaw na tumatawid sa tulay.
Tutubuan ka ng ugat kung puro ka dasal at kumpisal sa mga idolo ng mapagsamantalang
orden.
Mula sa baho ng kubeta sa pabrika magbubuhat ang propeta ng konsumerismo.
Pati kangkong ay mahal na, kaya talbusin mo ang rosas ng mga romansa sa telebisyon at
pelikula.
Nakasumpong ng buto sa ulilang eskinita, akala mo’y biyaya ito ng gobyerno’t simbahan.
Dyugdyugan na lang tayo.
Sanggol na tatlong buwan pa lamang, nakasuso pa sa dibdib ng inang tinadtad ng bala ng
mga sundalo sa Surigao.
Kung mahulog ang bituin sa pusali, sino ang pupulot?
Dinuduro tayo ng mga multo nina Flor Contemplacion at mga pinaslang na OCW.
Ayon sa isang dating aktibista, kasaganaan sa lahat ang dulot ng globalisasyon ng
kapital. Biro ba ito o insulto?
Asong payat, kakaning pulgas.
Espesyal daw ang luto ng adobong kangkong sa Hotel Shangri-la pero may busal ang
iyong bibig.
Kung maraming nagsakripisyo ng buhay upang mabuksan ang landas, naroon ang
direksiyon.
Pangit ang nguso mo.
1995
Proyekto sa Konstruksiyon ng Iyong Gagampanang Papel
Bagama’t gumuho na ang bantayog sa EDSA, sa matris ng pakikibaka pa rin inaasahang
lilitaw si Laura.
Kapag may karayagan, may kabaligtaran.
May sapot ka sa utak kaya paano ka lulusot sa butas ng karayom?
Tila pipi o bingi ang lahat pagdaan ng balang at limatik.
Kung hindi makasisira, hindi rin makabubuo.
Pinagtampuhan na tayo ng mga bathala habang kumikindat sa dilim ang alitaptap ng mga
Megamall at mga tourist hotel.
Dilat ang mata, panis ang laway.
Ipukol ang asido ng pangarap sa tubong sinamsam ng mga kapitalistang dayuhan at
kakutsabang komprador.
Pinutol ang kapos at sa labis nagbigay ng panustos.
Palalong lipad daw ng batong ibinalibag sa langit habang puro lobo ng pangako ang
inihulog ng Estado.
Ano’ng dala ng magkasintahan kundi tutong sa kamay at alikabok sa paa?
Tulak ng bibig, kabig ng dibdib ang kayod ng matsing na utak.
Kunwari’y may karapatan ka pang marinig sa gitna ng propagandang nakatutulig.
Namaluktot ka sa ilalim ng kumot ng langit, nangangapa.
“Putulin ang sobra, dugtungan ang kapos,” bulong-bulong mo.
Baligtad ang bulsa, alsa-balutan, ihagkis ang asido ng mga kaisipang ito sa politika ng
katarantaduhan.
Daig ng paraan ang lakas kung may sumusukat ng kolektibong talino.
Oy, napansin mo ba? Hindi na paos ang boses ko.
Hindi sa lungga ng karayom kundi sa bunganga ng baril.
Laura, diwata ng katarungan: Pamana mo’y isang itim na latigo.
Abril 1994
Ayaw Ko Na ng Luha sa Pagbabalik
Sa gitna ng tulay
nilalambungan ng kidlat sa katahimikan
nakabulagta
Hindi na kailangan ang luha ng pagpapaliwanag, sayang lang
sapagkat walang mangangahas
yumapos sa karimlan.
Oo, hindi biro.
Kumakaway ka pa raw…
Abo sa palayok na nadurog, kapagdaka’y tinangay ng agos—
Iyan na ang kahulugan, hindi na kailangan ang interpretasyon o komentaryo—
Hubad ang ating katawan ngayon
at sa kinabukasan…
Nilamon ng dilim, pagkatapos iniluwa
(Anong tatak sa batong Rosetta, anong sekretong naburol sa time
capsule sa Times Square?)
Sa tadhana ng na-salvaged iginuhit, pinagparte-parte ng mga trapo
ang ninakaw nina Imelda at Ferdinand…
Kailangan pa ba ang malalim na analisis?
Sa balat ng biktima, walang mensaheng mabasa o marinig
Sa simbahan ng iyong guniguni, yapos mo ang iyong sariling gayuma ngunit walang
nangungulila
Hinulugang taktak!
Mula sa bunganga hanggang sa tainga, nakabulagta pa rin…
Magpaliwanag ka man, huli na.
Bakit ka pa aasa sa himala ng halik?
Sino ang mangangahas bumati sa tukso ng pagbabalatkayo?
Sa gitna ng tulay, gunita ng dayaan at kasinungalingan at ilang libong pangako. Itigil na ang luha.
Ang kahulugan niyan: BAWAL UMIHI SA PADER.
Bukas, kung kasama pa kita, pangahasan nating ilunsad
ang pait ng mga duguang labi
sa dalampasigan….
Abril 1993
Zaratustra, Jeproks lang
Balitang ito’y di nasagap sa CNN kundi sa chikachika ng mga SINdikato
—ibinunyag na patay na ang “Maykapal”
(pagpapatiwakal ng utopya sa imburnal ng Apokalipsis)
Pag-isipan mo:
Ang alikabok ay walang panghihimasok sa dasal.
Ang proposisyong ito’y
mailap ang lohika, tuso sa imahinasyon
ni Nietszche….
Sa Rizal Park, nabulabog ang dayukdok na sikmurang
umapaw sa
doktrina ng mga kongkistador at alipures ni MacArthur.
Bula, lobo, alitaptap na bunga ng iyong buntonghininga—
Suriin mo:
ang identidad ay simulakra lamang ng pagsinkronisa
ng iyong kamay na
di pa nakaabot ay nakadampot na
at utak na nagpapanggap na siya’y bulkang
Pinatubo…
[ “Kapal lang ng mukha, pare ko….” ]
Ibasura na ang sibilisasyon ng IBM / MERCEDES BENZ / TOYOTA !
Baliw, aliw, liwaliw—iyan ang sayaw
sa ulo ni Marquis de Sade
habang sa kulungan ng ulirat
nakasungaw
ang pangil ng mga ideang hinasa
sa dibdib ng Birheng
naghihintay sa labas ng Winter Palace
pinagburulan ng mananakop (daw)
habang nag-aabang ng huling sasakyan patungong
(DETOUR)
1993
Prolegomenon
Walang garantiya na magkikita muli tayo sa nagkrus-na-daan sa Blumentritt
enigmatikong engkuwentro
(nagiba ng LRT ang dating “hideout” natin)
kinaladkad ang kaluluwa
sa lagusang nanghihinayang, humahangos—
Naglipana ngunit mailap ang mga aninong lumapit, lumayo.
Mabagsik pa sa kamatayan
ang paghihiwalay natin!
(Ngunit butil ng asing nalusaw
ay hindi nawala kundi nagbago lamang ng porma)—
agham ng transpormasyon
dalubhasang uhaw, binabad sa anestesiya
upang maiwasan
ang pagkaagnas at pagkabulok ng laman
dahil hindi raw makahulagpos mula sa materya
ang espiritu, sa matris ng ekosistema
ng pagkatao,
doon nabubuo/nawawasak
Ang pinakamapagbigay ang nakadadaig
sa pinakamahigpit ang hawak
(tubig na lumulusaw sa kongkretong muhon)
Ang pinakamalambot ang tumatagos
sa pinakamatigas,
mahinhing pagsuko ang dumudurog sa pader—
Hindi mistipikasyon ang pagnanais kahit tuyo na ang batis
(nagsausok na alimuom
nawalay na ulap ay nakiramay)
Pagbasbas ng asido, urong-sulong ang kamaong pumapanday
Subukan ang katawan—
estratehiya ng tamis at hapdi ng pagtatalik
upang makaiwas sa gahasa ng kababalaghan—
zigzag ng pagkakataong di na mauulit
habang ikaw’y umaalis…
Isaksak mo ang heringgilya ng paglimot sa pigi ko, sa aring ninakawan ng bangis—
Kilabot ng Itim na Nazareno ay napalis ng birheng
sinuob ng singaw ng asido.
Sa paglisan mo
nanginig ang latigo’t nahulog ang lambat
nakakawil doon
ang walang takdang paghahangad
—agham ng pag-iiba at pagbabago
(umaangil ang pananabik, nagpupuyos, nanggigigil)
Bumabangon
sa doble-karang langib ng pagsisisi ang lunggati balak mithi
Gumigising
ang kawalan at lumilitaw kung saan ka naroroon…
Tumatagos sa iyong dibdib ang mga aninong sumayaw sa agos ng kontradiksiyon
Elemento ng kalikasan
ang umaalalay sa bawat metamorposis
ng kapaligiran
(nag-aapuhap ng bubot na hinagap
kahit maasim o mapakla)
kaya subukan
ang taktika ng pag-uugnay
ng pagtitimpi at pagpipigil.
Sa paglapit ng bunganga at bunga
doon sumusungaw ang kaalaman, sa pagitan ng
pagmimithi at pagtatamo,
sa dalawang sungay ng pagpapasiya
“Paalam” ay gumitaw sa pawis luha dugong sumagitsit
sa ugat ng naghihingalo—
huwag lumingon!
Uod sa utak ay lumutang-lutang
nagpapaalala na walang permanenteng aksiyoma ng katotohanan
ang makapipigil sa pagmudmod ng abo sa pulot-pukyutan
Samakatwid sa operasyon ng diwa
malambing ang dahas ng pagtatagpo ng pangarap at gunita
doon sa dating tag(p)uan natin sa Blumentritt
na ang maskara at mukha’y nagsiping sa alkemiya ng diyalektika
at ang pagkakataon ay nag-alay
ng maso’t karit sa pagkatao
Magpakailanman! Oo/hindi
sa di-tinatangkang pagtutugma ng paghandog at pagtanggap
ang inkarnasyon sa hiwa’t alay:
ako/ikaw.
Disyembre 1992
Sana’y Di Na Dapat Maulit Muli
…pagkaraan ng mahabang pagsasalaysay
ng ginawang pagmamalupit ng mga sundalo ng diktaduryang
Marcos
na naging vigilante ni Tita Cory—
pagkoryente sa maselang bahagi ng katawan
pagduro ng sigarilyo
sa suso
walanghiyang paglapastangan
pagbugbog pagpalo
wala Oo wala
hindi makagalaw ang nalamog na katawan at napasang mukha
nausal na lamang
kagat ang labi
hindi
sana’y hindi na dapat maulit ito muli
hindi na sana
ngunit paano, Oo, paano nga ba mangyayari ito
kung sarili lamang ang kausap?
Setyembre 1988
Paghagilap sa Pintakasi
Sigaw sa hatinggabi,
nakalukso sa barbed wire ng bilangguan
sa Camp Crame o Fort Bonifacio….
Natatandaan ko ang bilin mo pagkatapos ng dalaw:
“Kung may pag-asa, may kinabukasan”
…bulaklak na dinilig ng pawis at dugo, saang lupalop ng
panaginip ka
mamumukadkad?
Bawat kilos at bigwas ay pakikipagsapalaran
Umusal ang hangin…. babala kaya ng sigwang darating?
habang nalulusaw ang kandila sa sariling init
mga katawang kumalas at nagliyab sa mitsa ng pagbabalikwas
ngayo’y upos sa pusali, inutil—
sumunggab sa bulang sumalimbay, naglaho
Bulag ba’t bingi ang kapaligiran? Di sapala
Sinong makahuhuli sa pulang talang naligaw?
Umiwas sa sundalong guwardiya, nasulyapan ko—
Hayun!
iglap ng buntot ng kometa sa bubungan
tuloy naibulalas sa isang bulong:
“Oo, tiyak na mamamatay ka, walang alinlangan,
kasaysayan ng ganugamong walang saysay—
Sayang ba?”
(Sinariwa ko ang gunita ng mga kontemporanyong kaibigan sa U.P. Diliman: sina Max
Ramos, Jr., Ishmael Bernal, Ernesto Manalong nagpatiwakal,
at ang bohemyo ng Sampaloc, David Bunao, sinaksak
sa Cubao isang gabing umuuwi—
Utang na loob limusan….
(isang kisap-mata sa pagitan ng dilim at liwanag)
Bawat galaw o sambit ay pakikipagsapalaran
Napigtal sa kalendaryo ng pagsubok ang di inaakala
Umaabot pa rin ang kindat ng mga bituing naging uling
Punitin ang talukbong!
Silakbo ng damdamin ay bunga ng kabalighuan
ngunit ang pangangailangan ay hindi nanlilinlang
at ang konstruksiyong rasyonal ng utak
ay simbuyo ng pangarap, daluyong ng pagnanais at pagmimithi
Huwag mag-alala, bayad na lahat ng utang natin
bagama’t hindi tayo patatawarin ng daragsang galit at poot
Hiyaw sa hatinggabi—
ilan libong kaluluwang
pinagsamantalahan, inalipusta
gapos ng dalamhating ipinagkaloob sa sumpang umigkas
siphayong mandarambong
na walang takas sa daungan….
Saksihan sa gitna ng lupit at lagim:
pulbos ng bulaklak na nagsasabog ng kinabukasan
saanmang lugar mapadpad
Nasipsip na ang katas ng ating pag-asam,
naiwa’y sapal na lamang
kaya humakbang kahit alanganin nagbabasakaling
mapiit ang tusong realidad
at makahulagpos sa engkanto ng talinghaga,
ng pangako’t pag-asa….
Nakubli ng usok ang paliparan, may bukas pa kayang nag-aabang?
Hintay—
Oo, tiyak na papanaw kang walang bakas, nakasubsob sa riles ng tren.
Ano ang isinisiwalat ng mga buto’t balat ng mga kasamang naumid?
Salain ang butil sa ipa, ang katotohanan sa pusod ng kabulaanan
na lagpas sa ating kabatiran.
Wala pa tayong talino upang iguhit
ang hanggahan ng pagnanais at paghahangad—
Bumingaw ang kidlat!
ugong ng kulog….
saksi lang ang guniguni
Bawat kilos at bigkas ay pakikipagsapalaran
Kung may panganib, mayroon ding tagapagligtas
habang sa kaligiran nagmamasid ang mga mata tainga bibig
inaantabayanan
Sa bukana ng piitan, nagulantang ka —
bumalikwas ang ulap
lumitaw ang buwan
pagkasuklam mo’y nahalinhan ng pananabik, nagbabakasakali
lukob sa puso ang biling “Kung may pag-asa….”
Kusang ipinagkaloob ang halimuyak ng buwan sa langit
kahit walang tiyak na kalalabasan
maliban sa prinsipyo ng taghoy sa karimlan
ng isang kaluluwang kaakbay mo
sa pakikipagsapalaran.
1991
Sa Kuko ng Guniguni
Sugapa sa panagimpan, nais mong lumikha ng walang kamatayang obra maestra.
Kumakamot sa libis, paluhod ang akyat mo tungo sa tore ng gintong pagoda.
Anong gubat ng hiwaga ang nakakulong sa utak mo?
Habang tinutugis ang Ibong Adarna, nasugba ka sa liyab ng insureksiyon laban sa talinghaga.
Agiw sa sungay ng hayop sa altar. Kutob ko’y bungang-tulog lamang ito.
Patuloy ang pagsasanay ng mga gerilya sa paghawak ng AK-47 at paggamit ng mga sandatang na-salvaged sa mga napuksang militar.
Kilala mo ba ang anino mo?
Pangil na sumusungaw sa durungawan, galamay na gumagapang sa hagdan.
Doon nangyari ang sakuna. Aserong tanikala ang nabunyag pero walang umangkin ng pananagutan.
Kanino ang awa at kanino ang iwa?
Ang kuwago ni Minerba’y lumilipad paglatag ng gabi, nakikipagtipan sa mga manananggal.
Inalimpungatan lamang. Sala sa init, sala sa lamig.
Sa likod ng pagoda, napagmasdan ang nilaspag na nimpang lulan ng kabayong puti.
Alam kong binagtas mo ang disyerto ng alyenasyon upang ikawing ang banta at pakana at buhulin ang mga kontradiksiyon.
Sumangguni sa babaylan ng mga puta, dalubhasa sa panaginip.
Isang bilanggong takas ang nakasumpong sa buwang nakapuslit sa loob ng hawlang kawayan.
Ang seremonya ay idaraos sa ospital na pinaliligiran ng alambreng tinik.
Anong pahiwatig ng gurlis sa pisngi ng paraluman?
Oras ng bangungot….
Sa atay ng panimdim gumigising ang mga saksi at mga biktima.
Hindi mo matiyak ang mga mukha sa salamin pagkapatid ng bagting.
Makapangyayari ang apoy ng bukang-liwayway.
1990
Pagtatalik
Panukala ni Baruch Spinoza na ang katawan ay may angking birtud
at kapangyarihang di pa natin natatarok
masalimuot
subalit
may mga dogmatikong batas na naghahati (e.g. “anti-miscegenation law” sa
Estados Unidos noon), dagdag pa, Manong,
ang digmaan ng uri, kasarian, raza
Lamang lumikas sa budhi’y nawaglit, natalikdan
sa kulto ng “commodity fetishism”
Kontradiksiyon ang batayan ng katotohanan, alam mo ba?
Tulad ng dibdib mong nakaangkla sa metapisika
(“sa ikauunlad ng….libog daw ang kailangan?”)
Nakatali sa patibong ng diyalektika ang mga kaluluwang nagtatalik
sa palikuran
Magkahiwalay ngunit magkasiping ang tesis at antitesis
Samakatwid:
Saliksikin sa kalikasan ang salik
ng pagbabaka-sakali—
Wika nga: SUBspecies AETERNITATIS, kasama….
Oo, kasarinlan/kalayaan—seksing-seksing kambal!—ay matutuklasan
sa durog na salaming
hinuhubog ng kalansay
ni Benedict Spinoza.
1986/1987
Pagmumuni-muni ng Isang Nangungurakot sa "Smokey Mountain"
Tapos na raw ang rebolusyon, ayon kay Tita Cory--
Natapos sa EDSA
Natapos na ba rin ang pangako't panaginip?
Mga pagnanais
pagnanasa
paghahangad
pagmimithi
Magkanong kayamanang ninakaw ni Imelda ang nasamsam ng ng PCGG?
Nagparte-parte na ang mga humalili
Naghati-hati na ang mga milyonaryong nasa poder
Salvaging dito
sona doon
Ay, kurakot pa rin!
Si Cardinal Sin naman ay nakatuklas daw
ng birhen
sa komunistang Rusya (bago pa nagwala si Gorbachev)
Biglang taas ang presyo ng langis
Biglang taas din ang tubo ng mga dayuhang korporasyon
Ay naku--
Gaano na katayug ang iyong pangarap?
Sa Cubao, Sa SM City, patuloy ang nakatutulig na disko--
Apaw ang mga sinehan
Sabi nga ng 'sang Amerikanong turista:
"Lubog na lubog na'ng Pinoy sa konsumerismo..."
Konsumisyon?
Anong kapal ng alikabok
nakadurumal na carbon monoxide sa EDSA
Gumagapang, lumulusot ang baho ng Pasig sa Malakanyang
Amoy ng mga bulok na bangkay ay abot din sa Hacienda Luisita
at sa Forbes Park
Ay naku, padre:
Kung hindi mo na matiis ang paghihirap mo,
ang gutom at paghihikahos ng iyong asawa't anak
isakatuparan mo ang inyong mga panaginip--
Sobra na, di palitan natin--
Salvaging ang kailangan...Nag-uumpisa pa lamang daw....
Sumama na tayo.
MIDWEEK, Disyembre 23, 1987
Mabuhay Ka, Kasamang Emmanuel Lacaba
(Nabuwal sa Mindanao, Marso 18, 1976)
Sumabog ang puso mo.
Niyanig ang bilangguan ng mga panaginip,
“Huwag mag-aksaya ng panahon, magtatag”
Umalimbukay sa piitan ng dibdib ang kung anong damdamin
Nabaklas ang galit,
sumugba,
naglatang,
Titis na humalik sa mitsa ng iyong pag-ibig sa bayan.
Sumabog sa buong kapuluan ang iyong kagitingan—
Nakipil sa gunita ang pagkilala natin
Ngunit ngayon lamang nabunyag ang iyong katauhan
Kimkim ang lungkot
“Huwag mag-aksaya….”
Nakimis sa puso,
Nakuyom sa selda ng utak
ang alab ng iyong paniniwala
Nagliyab
sa titis ng iyong pagtutol,
Sumabog ang apoy ng iyong pag-aalay
upang lumaya ang bayan.
Sumiklab ang pusok,
Niyanig ang bilibid ng mga pangarap
Ugong ng putok
umaalingangaw
sa bawat bungo’t sikmura—
“Huwag mag-aksaya ng panahon o luha, lumaban!
Ilan libong titis ang magsisindi sa mitsa ng ating tagumpay—
Mga mahal ko, magdiwang!”
Bawat puso’y sumasabog.
Kung Ikaw ay Inaapi, Pebrero 1986
Tala ng mga Pagninilay ni Kasamang Solita Esternon
Tila baga aninong nanunubok, naninilip sa puwang ng
rehas na bakal
Matagal na ring nanliligaw—
Kaibigan, ang pag-ibig ko’y naisanla na sa paglilingkod sa bayan.
Ikapat na taon na ngayong nakaluklok sa poder ang
diktadurang E.U.-Marcos.
Sa isang paghahamok napatay ng PC ang ilang kasama, pati
na’ng kaisang-dibdib
Para akong nakunan
Nahulog ang sanggol mula sa matris
Kay hapdi ng tinik sa balakang—
sana’y natimbuwang na rin doon.
Nahuli ako, ibinilibid, itinakdang bitayin.
Salamat, kaibigan, sa iyong inialay na pagsinta. Ako’y
nagluluksa
“Di magtatagal…” dasal mo.
Bilin niya bago pumanaw:
“Huwag magdamdam, kung sakali… Pighati’y
parang usok sa himpapawid…”
Anong antak ng subyang sa dibdib—
Makapal na ang kalawang sa bayoneta ng diktadura sa
ikapat na taong ito.
Kaibigan, karangalan ko ang iyong inihahandog na pagsuyo
subalit
Ang buhay ko’y kasal na, kasiping na ng sambayanan.
Hindi na akin ito. Ito nga’y isang pananagutan, isang
katungkulang
Nag-aatas tuligsain, lipulin, iburol ang mga kampon ng
Imperyalismo--
Salamat, kaibigan, ang pagmamahal mo’y asawa ng
hapdi at antak ng sugat.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1986
Ang Bituin at Araw Niya Kailan Pa Ma’y Di Magdidilim
(Dalit ng Isang Pinoy sa Hawaii)
Habang umaawit sila ng “O beautiful for spacious skies”
Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay
Habang nagsasaya sa Philadelphia ang uri nina Ford,
Dupont, Rockefeller
Sa manlulupig di ka pasisiil
Habang ipinagbubunyi nila ang barkong Olympia ni
Dewey sa daungan
Ginugunita kita, O aking pag-ibig, sa iyong
pagkasadlak at pagkalugami
Siyam na taon dito sa E.U., napigtal at nawalay sa iyong
piling
Siyam na taong pinagsamantalahan
araw-araw ng liping mapanlupig
Ang kislap ng watawat mo’y
Siyam na taong natiwalag ngunit nakisangkot at nakilahok dito sa
tunggalian ng mga uri
Tagumpay na nagniningning
Upang sa wakas sa puso ko, nagpupumiglas, kita’y mailuwal
Subalit paano kita makakalimutan, aking mahal, paano?
Lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta
Dugo’t laman ko’y nakabilanggo sa pusod ng iyong
pakikibaka’t pagbabalikwas
Ang tanikala ng imperyalismo ang nagkasal sa ating gabi at
bukang-liwayway—
Buhay ay langit sa piling mo
Yakapin mo ako, tanging pag-asang iniirog,
sa ating paghihimagsik!
Aming ligaya na pag may mang-aapi
Noong musmos ako sa paaralan inutusan kaming awitin ang
“God Bless America”
Ngayon sa bibig ng aking mga anak namumutawi
ang hamon ng “Internasyonal”
Ang mamatay nang dahil sa iyo
Yapusin mo ako, O Pilipinas kong minamahal
Kung Ikaw ay Inaapi, 1986
Ipagbunyi si Ka Ben Gulla, Bayani ng Uring Anakpawis
Pinatay nila si Ka Ben, lider ng unyon sa Bataan Cigar & Cigarette Factory.
Matagal naming hinintay siya sa napagkayariang pook,
ngunit hindi sumipot.
Binulabog kami ng mga pulis, tinakot ng mga sundalo.
“Saan tayo tutungo ngayon? Anong direksiyon?”
Liku-liko ang daan patungong Novaliches,
Baku-bako ang kalye patungong Novaliches.
Sumandaling naghiwa-hiwalay
pagkaraa’y nagpulong sa napagkasunduang lugar
Kung nasa gilid ng bangin, kakapit ba sa patalim?
Nagtalakayan kami nagpalitang kuro
Hinalukay, ginalugad
Oo, suriin natin, sisiyasatin
Hinalukay sa burol ng gunita
ang kanyang habilin:
“Ang landas sa katubusan ay nakaguhit sa ating palad
Ating tahakin, bagtasin ito—“
Sa bawat hakbang nalilikha ang landas
Sa bawat dagok, sa bawat bigwas ng kamao—
Liku-liko ang daan patungong Novaliches
Baku-bako ang kalye patungong Novaliches
Pinaslang ng diktadurang Marcos-Estados Unidos….
Sa patnubay ng lideratong pinili namin, napagpasiyahan
sa halip na ipagluksa ang pangyayari—
ang isang hakbang
sa martsa ng ating pagsulong
Ipagdiwang natin ito bilang isang katibayan
Na tayo’y may kapangyarihan:
nasa sa ating kamao ang ating tadhana’t kapalaran
Samantalang
Sinusuri ang guhit sa palad ng mga kamaong magbubukas ng kapalaran
Napagkayarian naming tahakin,
bagtasin,
taluntunin
ang liku-likong landas, ang baku-bakong daan
Sa mabisa’t makabuluhang pag-ugit at paggabay
Ng maraming kasama’t bayaning tulad ni Ka Ben Gulla.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1985/86
Para Bang Walang Nangyari
Dinakip sina Pete Lacaba at Levy Balgos de la Cruzæay,
nakatutulig ang mga tili! æalun-along parusa
Ngunit para sa mga intelektuwal na naglulukso mula
sa Pierre Cardin Boutique hanggang kubeta ng Malakanyang
Para bang walang nangyari
Para bang bingi
Pinagbubuntal si Judy Taguiwalo, pinagkokoryente si Nonnie
Villanueva sa istakeyd
Ngunit para sa kagalang-galang na mahistrado o obispong
sigurado na sa nitso ng paraiso
Para bang walang nangyayari
Para bang bulag
Pinupuri nina Corpus, Ople, Sicat at mga teknokrat ang
“malahimalang” GNP
Habang ang “grasya” ng Bagong Lipunan sa ilanlibong sakada
ay pinagtalupan at kung anong darakæ
Para bang walang nangyayari
Hindi na makalasa
Sa Cotabato nangabubulok ang mga bangkay ng sundalong PC
at AFP sampu ng mga upahang tagapayong Amerikano
Habang ang mga heneral sa Crame’y nagmamadyong, naglalasingan
Para bang walang mangyayari
Hindi na makaamoy
Kung Ikaw ay Inaapi, 1984
Ang Teorya ay Nagiging Materyal na Lakas sa Sandaling Maunawaan at Maisapraktika Ito ng Masa
Bago nagpantay ang dalawang paa
Bago nagahis ng mga berdugo ng kaimbian at kabalakyutan
Bago nawalat ang kabalintunaan sa ulirat
Bago pumanaw ang kariktan ng mga bulaklak sa parang
Bago naglaho ang lambing ng mga awit ng mga minamahal
Bago napawi ang usok ng pulbura punglo dinamita
Bago nawala ang kamalayan ng mga kalansay
Mabalasik Marubdob Matimyas Mabalasik
Masuyong halik ng hangin sa noo ni Joaquin Hibid
Mapanggayumang haplos ng hangin sa pisngi ni Eugene Grey
Sa pagbabago ng buhay nababago rin ang mga ito
Marubdob
Mabalasik
Matimyas
Kung Ikaw ay Inaapi, 1984
Ang Tagumpay ni Maria Lorena Barros
Punglong sumabog—
Simbuyo ng paghihimagsik!
Ipinagkaloob mo ang iyong metalikong kaluluwa
sa dapog ng Rebolusyon.
Di kailangan ang uling ng pagdadalamhati
Di dapat mamighati.
Tilamsik ng dugo!
Sa sugatang himaymay ng iyong dibdib umapoy, sumigid
Ang umaasong adhika:
Kaluluwa mo’y masong dudurog sa tanikala ng kadiliman.
Sumagitsit, napugnaw—
Sa lagim ng iyong pagkatupok, titis ng hininga mo’y
Di tumirik, di nagsaabo….
Ang pasiya mong lumaban
Ay nagbagang tinggang umagnas, lumusaw sa anumang balakid.
Kailangang magpatigas
Dapat maging bakal--
Hindi ginto o pilak—
Ang kaluluwa upang sa sumusugbang lagablab ng pag-usig sa kabuktutan
Pandayin ang katawan ng ating pagnanais
Pandayin ang pinakamimithing kalayaan
Pandayin ang liwanag ng kinabukasan
Kung Ikaw ay Inaapi, 1983
Mula Bakun Hanggang Lupao
Anay sa punsong dati’y nahihimbing
Sa Hacienda Luisita nagulantang ng Claymore mine at armalayt—
Kailan ba, Mahal, ang pagtitipan natin sa Maliwalu?
Nagkatawang-lupa ang multo
Nagkalaman ang mga anino sa guniguni
Huwag kalimutan
Laging tandaan
Sa Escalante’y muling nagtalik tayo, Mahal….
Subalit napukaw sa panaginip, natiwangwang
Ngipin
sa susong nasubukan
sa pagbangon
Sa dugo mo’y nagising
mga anino ng kaluluwa
Habang may disko’t kasiyahan sa Hacienda Luisita
Natiim sa bagang ang dasal ng mga piyon at sakada—
Alaalang bumabangon sa pagtitipan
ng pagnanais at pag-asa
Nalimutan mo ba ang puso sa Maliwalu?
May bulkan ba’ng tanda sa Mendiola?
Ay naku, sa gunita ko’y nakatihaya ka, naghihintay,
Mahal kong naiwan sa Namulandayan.
Kung Ikaw ay Inaapi, Agosto 1982
Ang Kinabukasan ang Siyang Nagbukas, Magbubukas
Ang kinabukasan ang siyang nagbukas, magbubukas
ng daan sa inyo—
Anumang tabing sa bukang-liwayway—inyo’t akin—ay mawawakasan
Anumang bilanggo o piitan—
Oo, buksan ninyo!—
ay matatakasan—
Sa lakas ng magkabuklod na bisig, mawawalan
maaalisan ang naghahari
at nagmamay-ari
ng kapangyarihan
Ang kinabukasan ay maaaring yariin sa pusod ng kay-lalim na
kawalan
Saanman ang mga inaapi’y magnanasang makawala
sa piitang walang ibubukang katuparan,
makaalpas sa kanilang kawalan,
sa lagim ng pagkakahiwalay—
Baklasin, mga kasama, ang tanikalang bakal na batas
ng kay-lupit na kabuktutan!
Buklatin, baklasin—
Bawat patak ng dugo noo’y nagbukas sa tabing ng kahapon ninuman
Bawat patak ng pawis ay magbubukas ng bilangguan saanman.
Bawat patak ng luha’y maglulusaw sa bukbok ng
kabuktutang walang malulusutan—
Buksan natin
Habang may angking teorya’t praktikang sandata ng kilusan
Habang may kolektibong disiplina ang masang tumatakas,
lumalabas sa kulungan
ng gabing hindi
maiwas-iwasan….
Mabubuksan ang anumang napinid na pinto,
nasarang durungawan,
natagong landas,
nakubling lagusan—
Buksan natin
Sapagkat ang pinagsamang lakas ay siyang pag-asang yumayari
sa daan
kung saan
ang kinabukasan ay ngayon, ngayon
Sa bukas na yapos,
ay!
lubos-lubusang agos
ng iyong pagbubukang-liwayway—
Kung Ikaw ay Inaapi, 1981
Ang Tadhana ng Tao ay Tao Rin
I
Ating parangalan ang taong nagtatanong at nagsisiyasat
bagamat ito ngayo’y labag sa batas
laluna ngayong ito’y pinagbabawalan,
mga pagtatanong na ang tanging tugon ay bayoneta o punglo,
halimbawa:
Kung bakit, sa kabila ng proklamasyon na malusog at maunlad
daw ang ekonomiya batay sa laki ng dolyar sa Bangko
Sentral
ang presyo ng bigas, gulay, langis, atbp. ay lubhang napakataas
habang ang suweldo’y nakalugmok,
kasalatan ng mamamaya’y walang katumbas.
Pigil ang galit at himutok, nagtatanong si Nelia Sancho:
“Bakit sa kabila ng pangangalandakang may kalayaan na sa
pamamahayag
Ang mga Polotan-Tuvera-Valencia-Tatad pa rin
ang nagkakakahol?”
Pigil ang pagkapoot at lumbay, nagtatanong si Fidel Agcaolli:
“Bakit sa kabila ng pamamaraling nalutas ang problemang
pang-agraro sa bisa ng utos ng diktador
wala pa kahit isang magsasaka ang nagkakaari ng
kanyang lupa?”
Pigil ang pagkasuklam at lungkot, nagtatanong si
Mila Astorga-Garcia:
“Bakit sa kabila ng pagbibidang wala nang krimen, pribadong
armi, ismagling at korupsiyon sa gobyerno,
Patuloy ang lagay at nakawan, at naglipana sa mga sugalan at
putahan ang mga heneral, komprador, teknokrat….”
Sa kanilang pagtatanong natuklasan nila ang mga kasugatan
sa loob ng bilangguan.
II.
Koro ng mga Nagtatanong:
May dalawang uri ng tao: ang mapang-alipin at aliping walang
muwang.
Ikaw, Kababayan, saan ka nabibilang? Katapat raw ng langit
ang pusali—
Palitan, baguhin mo ang iyong buhay; kailangan ito.
Ang tao’y maaaring mamatay sa sakit, aksidente, katandaan—
Maaaring mamatay sa dahas ng naghaharing uri—
Ikaw, Kababayan, piliin mo ang iyong kamatayan.
Sapagkat nais mong mamuhay nang malaya hindi isang
kasangkapan ng nambubusabos.
Itinutok ang dulo ng baril sa noo mo at ikaw’y nanahimik.
Ngunit bakit ka hindi natakot sa iyong buhay na inapi’t
inalipusta?
Ikaw, Kababayan, bakit ka nasisindak sa gutom at karukhaan
Gayong lalong nakapangingilabot ang iyong kaduwagan?
Huwag matakot sa kamatayan,
Matakot sa buhay na walang katuturan.
III
Walang bagay na maituturing na marangal o mahalaga
kung ito’y hindi nakapagbabago ng buhay sa mundong ito—
kailangan nito yaon.
Ipapayo namin sa inyo, mga Kababayan,
huwag bulag na mangarap sa isang paraisong hulog ng langit.
Huwag umidlip upang sa panaginip malasap ang kaluwalhatiang
biyaya ng panahong darating. Gumising ka,
bumangon. Sa gulo’t panggigipit, sa gusot at ligalig,
magsikap hindi lamang maging mabuti—di sapat iyan—
kundi mag-iwan din ng isang mabuting daigdig
kaya pumanaw ka man, wala kang pagsisisi sa iyong nagawa’t
naisakatuparan
upang makalikha ng bagong buhay
para sa iyong mga anak at kasamang iniwan.
IV
Masungit man o maaliwalas ang panahon,
walang pangyayaring
hindi sinisiyasat ng taong nagtatanong. Masinop na pinag-aaralan ang salita’t gawa
ng bawat nilalang, masusing sinusubukan
ang ugali’t minanang gawi, matamang sinusuri
ang makabagong asal at moda, pakulo o palabas ng
nagmamay-ari—
Ipinalalagay na mahiwaga o katakataka
ang karaniwang bagay…
Sa taong nagtatanong
ang mga payak at normal na kilos ng mga panginoon ay
kahina-hinala—
Pinagmamatyagan,
nagpapasubali….
Inuusisa ang hulo’t luwasan
laluna ang malimit mangyari
tulad ng salot, pagtaas ng presyo ng bigas, pagmasaker sa
taumbayan, pagparusa at pagpatay
sa mga taong pinaratangang “subersibo”—
Pinag-aaralan kung iyo’y kababalaghan o kalakaran
Tinitiyak kung iyong mga langaw na umaaligid sa bangkay
ng mga asendero’t komprador ay tunay, hindi
palsipikado.
Ating parangalan ang taong nagtatanong
Kahiman nasa piitan siya o sa isang walang panandang puntod
o nasa gubat sa Isabela o nasa bundok sa Bikol o nasa
baybayin ng Samar o Jolo
o nasa lungsod ng San Francisco, London, Paris, Tokyo, Singapore,
saan man siya naroroon, hahanapin natin siya
sapagkat ang mga tanong niya
ay sandatang kailangan upang baguhin ang ating daigdig
sampu ng ating pagkatao.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1981
Komunikasyon para sa Isang Pulang Mandirigma
Dinakip, ginahasa ang panaginip mo sa ulilang selda….
Binilanggo ang iyong pangarap, binusalan ang bibig
Ngunit sa dibdib mo’y damdaming naghuhumiyaw:
“Kung saan may pang-aapi, doon matindi ang pagtutol.”
Ipiniit ang puso mo’t inihiwalay, inkomunikado:
Binarahan ang lagusan: ipininid ang pinto: ipiniring ang mata:
Anumang butas o puwang—subalit nakasingit pa rin ang pagsinta:
“Kung saan may pang-aapi, doon marubdob ang pagtutol.”
Bagama’t ilang libong milya ang layo mo mula sa aking yapos
Magkalapit pa rin tayo: nakuyom sa dibdib, nagkahulihang-loob,
Ang iisang layuning kumakasal sa iyong panaginip at ang aking pag-asa:
“Kung saan may pang-aapi, doon matindi ang pagtutol.”
Nag-usling sungay ng baril sa tarangkahan, tumutusok—
Katawan mo’y inipit ng pader at barbed wire, subalit
Anong lapit mo sa akin, bawat hipo’y nawiwikang
“Kung saan may pang-aapi, doon matindi ang pagtutol.”
Pinagbigkis, pinagsiping ng iisa’t namamagitang pagmamahal
Kahit walang puwang sa tanikalang gumagapos sa hininga;
Sa labi mo’y nabuksan ang bilibid, pag-ibig mo’y tumakas—
Ay, anong tindi ng pagtutol—
kay-tindi!
ay likas, likas sa wakas…
Kung Ikaw ay Inaapi, 1980/1981
Kung Sakaling Walang Nakiramay sa Iyo, Kababayang
Ben Pancovilla, 38 taong gulang, magsasaka, taga-Maragusan,
Davao del Norte,
dinakip at binugbog ng PC,
Inakusahang kasabwat ng mga gerilya, binintangan
bagamat talagang walang muwang,
walang kinalaman
Abril 1976 noon
pinaghahampas ang ulo sa pader, binuntal,
tinadyakan
nagkabali-bali ang buto ng braso’t binti
nilumpo
ng diktadurang Estados Unidos-Marcos
kahit walang kaalaman o pakikialam,
nagkasira-sira
Inilagak sa Davao City Mental Hospital sa iba pang pangalan
Asawa mo’y buntis noon
tuluyang nakunan
Nobyembre 1976 noon
Isang bangkay sa morge ang natagpuan,
kapagkuwa’y ibinurol—
walang umangking kamag-anak, ulilang
walang kamalay-malay,
talagang walang muwang,
walang kinalaman…
Ben Pancovilla, 38 taong gulang, magsasaka, taga-Maragusan,
Davao del Norte,
hindi kita kilala
datapuwat kung wala kahit isa mang kaluluwang
nakiramay
ngayon ang laman ng tulang ito’y kaalaman at kamalayan
ng bawat mambabasa.
(Nagtatanong ang asawa mo sa mga kapwa-Pilipino):
“Ikaw, Pilipinong walang imik at may sariling bait
“Ikaw, Pilipinong masunurin sa batas at malinis ang budhi
“Ikaw, Pilipinong kaipala’y nakikiramdam, nag-iisip—
“Ano’ng gagawin mo—?
Pagkat ikaw ang susunod….”
Kung Ikaw ay Inaapi, Agosto 1980
Pahimakas ng mga Kasama para sa Isang Nasawing Gerilyang Bayani ng Anakpawis
Hindi, hindi ito matatanggap
Abo ng pagsisisi
Apdo ng panghihinayang
Nagpupuyos
Nailugmok ng pasistang dahas ngunit hindi sumuko
Hindi siya duwag
Palalampasin ba ito?
Hindi tayo duwag
Papayagan ba ito?
Hindi, hindi matatanggap
Ang kabuktutan ng imperyalismo
Ang kasinungalingan ng diktadura
Ang krimen ng uring nagsasamantala
Huwag
Huwag tulutang manaig
Huwag
Huwag bayaang manatili ang ganitong sitwasyon
Tanggapin
Apdo ng pagpapakasakit
Abo ng galit at ngitngit
Matinding-matindi
Tanggapin
Oo, tanggapin
Pulút ng pakikiisang-dibdib sa masa
Pulút ng pag-asa
Pulút ng pagbabagong-buhay
Ay, anong tindi!
Kung Ikaw ay Inaapi, Mayo 1979
Panimdim ni Felix Razon sa Times Square, New York, sa Panahon ng Taglamig
Nilambungan ng pag-aalinlangan natigatig
samantalang sa gubat sa Bikol tinutugis kayo ng mga galamay
nina Rockefeller, Dupont, Ford na pumapaligid sa akin ngayon
dito sa bituka ng hayop
nilunok ng agam-agam lukob ng kaba’t pagkabalisa
Biro mo, sukat na lang isakdal ang Pinoy sa tangkang nakawin ang Empire State Building
O kaya’y ipuslit ang Statue of Liberty
Saplot ng pagkaligalig nagugulimahanan tila
habang kumikinang ang lulho ng Exxon IBM Chase Mangattan Tiffany
na lumulon sa diwa
ngunit sa luningning ng dagitab-neon ilang katawan ng mga lasing ang nakalupasay
sa bangketa ng Broadway?
Nakaririmarim sa pusod ng pinakamakapangyariahng “superpower” sa buong mundo
ngunit hindi nakapagtataka
sapagkat ito ang katotohanan ng imperyalismong antas ng kapitalismong naisiwalat ni Lenin--
Kayamanang sinamsam sa pawis at dugo ng mga trabahador sa
Bombay Buenos Aires Capetown Bangkok Djakarta Manila
Walanghiya!
Anong bikig o tinik itong nasa lalamunan?
Alumpihit
Pangambang bumabagabag
nag-aalala nag-aalaala
Nagunita ko tuloy kayong nagdaramayan kayong nakandalupasay sa bayang nilisan
sa hagupit ng buntot ng halimaw
Bugso ng poot biglang dumagsa
sa ligamgam ng pagdadalawang-loob
Ay, kasuklam-suklam
Mula sa sikmura ng bakulaw ng Imperyalismo
Ngayon na, Oo--
Idura ang pag-aalinlangang
Iluwa ang agam-agam
Isuka ang pagdadalawang-loob
Iluwa! Idura! Isuka!
Disyembre 1976
Ang Minahang Numero 3 ng Benguet Consolidated
Isang araw noon ng Disyembre. Nakaririmarim.
(Wala sa balita ito.)
Walumpu’t limang minero ang nagtipan sa tadhana.
Bagamat tapos na’ng kanilang kayod. Di na nila nakita
Ang araw na lumitaw, pagkat naglaho sila sa pusod ng lupa.
(Koro)
Minahang Numero 3—anong hiwaga ang mamamatay-tao
Sa lunggang ito? Ilan pa kayang buhay ang mababaon dito
Bago iwaglit ito sa tubo ng kapitalista?
Usok ang pumaimbulog mula sa minahan. Anong lalim ng pagkasawi!
Hindi matatarok ito tulad ng impiyernong pagkalugi.
Walumpu’t limang minero ang nawala… Isipin,
Anong paghihimagsik ang nalukob sa matris ng lupa?
(Koro)
Ilang putok ng dinamita ang yumanig sa lupa
Ngunit noong araw na iyon ng Disyembre, nalibing sila
(Walang balita sa diyaryo).
Ngayon nagugunita namin, ay!
Hinukay sila ngunit walang natagpuan sa libing kundi
Uling o karbon.
Wala roon, Oo nga, nakaririmarim…
Wala ito sa balita tulad ng pagkahulog ng sanggol—
Sa lungsod, may walumpu’t limang aninong gumagala sa gabi.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1979
Kapiling Ninyo Kami, mga Kasama, sa Patuloy
na Pagsulong ng Pakikibaka
At bakit iiyak sa kalagitnaan ng landas?
Romulo at Ruben Jallores: Humahagibis sa dapithapong binagwis ng karit
Ang tiling nagluwal sa inyo
Sa tala ng kadakilaan.
Narito kami, mga kamay na umaalalay, yumayapos, umaalo. . . .
At bakit hihikbi o hahagulgol sa kalagitnaan ng landas?
Ernesto at Antonio Tagamolila: Humahagibis sa gabing binagtas ng maso
Ang sigaw na nagluwal sa inyo
Sa bituin ng kaluwalhatian.
Narito kami, mga bisig na humihipo, humahaplos, yumayakap. . . .
At bakit luluha at mananaghoy sa kalagitnaan ng landas?
Kasamang Jallores at Tagamolila: Narito kami, mga kamay na umid, walang imik
Ngunit dumadagok, bumibigwas
Sa buong magdamag
Upang pagkatapos yariin ang ilan libong maso’t karit
Sa apoy ng inyong kabayanihan
Likhain ang ating bukang-liwayway
Ito’y landas na gawa natin—tayong lahat,
kapiling sina Kasamang Jallores at Tagamolila.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1978
Panambitan
Huwag mong isiping ang nais ko lamang ang iyong pag-oo
Pinangos ko na, nginudngod
ang kasakiman ng pagkatao
Huwag mong isiping ang gusto ko lamang ang init ng yapos at tamis
ng halik
Itinakwil na ang pribadong pag-aari
Iwinaksi ang bulaklak ng panaginip
Huwag mong isiping ang hangad ko lamang ang iyong malambot
at mapanggayumang katawan
Mapanganib ngayong magbunyag
sa singit ng doble-karang himala
Huwag mong isiping ang nais ko lamang ang iyong malambing na bulong
at nakalalangong ngiti
Singaw ba, kabag o utot ng budhi
itong kaluluwang kinadyot at nilupig?
Huwag mong isiping ang hangad ko lamang ang iyong himas at hipo
Nais nilang kapunin ako
di na ako magkukulong sa Platonikong ulbo
Huwag mong isiping ang gusto ko lamang ang iyong mabangong suso’t hita
sa bawat hindot ng tadhanang pinataw
kahit bugaw ay magbabalikwas
Oo, isipin mo kahit ayaw mo
Isipin mong nais ko hangad ko gusto ko ang lahat ng iyong ipinagkait
Ay, anong pait!
nakapangingiwi
Oo, iwaksi itakwil
habang ang matalas mong ngipi’y nakabaon
sa aking leeg
Kung Ikaw ay Inaapi, 1976; 1977
Pagninilay ni Federico Angel sa Harap ng Golden Gate Bridge sa San Francisco Tungkol sa Balita na Isang NPA Gerilya ang Napuksa sa Dipamong, Echague, Isabela
Umaambon noon
Nasugatan ka sa isang ambus
Nanuot sa buto ang kirot
nakuyom
dugo’y pumulandit
Pag-asa’y tila
isang naudlot o naimpit na tinig
Ilang libong milyang dagat at bundok
ang nakapagitan sa atin
Ngunit anong talim
ang humihiwa sa aking dibdib?
Nasaid na ang luha
Sa ungol ng hangin
pangako’y kulog
Umaambon noon
Sandaling interogasyon
ugong ng putok
Pulso’y humupa
Nanginig
kumislot ang labi mo
May itinapon sa hukay
Tila nalunod ang bulong at anasan
Sino kang nalugmok?
Hindi kita kilala
ni sa pangarap ni panaginip
Di kita nasulyapan
o nasilayan man lamang
hindi
Sinong nakasaksi?
Marahil ang hanging
pangako’y kidlat
Umaambon noon
May kaluluwang tumutulay
sa mga dagat at bundok
Marahil kamukha mo
ang mandirigmang Palestino sa Karameh
O kamukha ka
ng isang rebelde sa Mehiko
o Timog Aprika
Kahit delubyo ay bababa rin
Masasaid ang pagtitimpi
Pagtitiis ay mauubos
pagsusumamo’y
matatabunan ng dagat
At bundok
hanggang bulong mo’y
maging dagitab-tilamsik
Lulan ng bagyong dumaragundong!
Tila ako nabulusok
Sa isang hukay
at sa pagkakahulog
umaalingawngaw ang sigaw
Mula ba sa Karameh
Mehiko
Timog Aprika
o Isabela?
Kung Ikaw ay Inaapi, 1976
Kantata para kay Liliosa Hilao
(Si Liliosa Hilao ay isang matalinong aktibista sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, ikapitong anak ng isang mangingisda sa Bulan, Sorsogon; pangulo ng pamahalaang pang-estudyante sa Pamantasan, patnugot ng Hasik; minarder ng diktadurang E.U.-Marcos)
I.
Hindi, hindi isang piging o pagsusulat ng sanaysay o pagguhit ng larawan o pagbuburda
Dalawampu’t tatlong taong pinasuso sa iyong nilamuray
` at sinunog na dibdib
ang isang mithing hinadlangan—
Pilit na isinubo ng PC sa iyong bunganga ang asido—
di ostiya o kamanyang, hindi.
Dalawampu’t tatlong taong idinuyan sa warak na pisngi
at hiwa-hiwang bisig
ang isang hangaring sinagwilan—
Nagpatiwakal ka raw sa pag-inom ng lasong di nektar o pulut–gata,
hindi.
Dalawampu’t tatlong taong kinandong sa iyong bugbog
at nilamog na hita
ang isang pagnanasang sinagkaan—
dahil daw sa atake sa puso, dahil sa narkotiko, dahil
sa kung anu-anong kadahilanan.
Dalawampu’t tatlong taong inaruga sa sinapupunan ng iyong
napunit na katawan
ang isang pithayang hinarang—
anumang sagabal, balakid o sagwil ay hindi na ngayon makahahadlang
sa bangkay ni Liliosa
na ngayo’y isinilang.
II.
Hindi maaaring gayong kahinhin, gayong kahinay at kalumanay
Abril 4, 1973
sa iyong silid sa tahanan sa Project 4
sa tulong ng traydor na bayaw, si Capt. Rogelio Roque, CIS
pinagtulungan ka ng mga ahente ng Constabulary Anti-Narcotics Unit:
sina Lt. Castillo, Lt. Garcia, T/Sgt. Sagun,
sundalong George Ong, isang Ester ng WAC, at ang kanilang hepe,
si Col. Bienvenido Felix.
Hindi gayong kahinahon, kabait, kagalang, katimpi, kamapagbigay
Mula 9 ng gabi hanggang 1:30 ng umaga
Abril 5, 1973
pinagtulungan ka nila—himalang pagtulong!
Sa Camp Crame sa loob ng dalawang araw, napag-alamang
isa ka nang bangkay
saplot ng gutay-gutay na damit, gapos ng sapin-saping bendaha,
bituka’y tinanggal, braso’y pinagtuturukan ng karayom.
Sa ganitong masahol na pagtatangkang linlangin ang madla
maski mga madre ng Good Shepherd Convent ay nasindak,
nagimbal sa kung anong hayop na pakana ang inihanda…
“Mga tao ba itong may budhi? may sariling bait?”
Hindi pa sapat iyan.
Sa kung anong tusong idea, nagpadala si Col. Felix ng 2,000 piso
sa pamilya ni Liliosa.
Suhol?
Ambag?
Gantimpala?
O walanghiyang biro?
III.
…isang pagbabangon, isang marahas na kilos
Habang nagsasaya ang diktador at mga alipuris sa bulwagan ng palasyo
kumikirot ang nasikil na gunita
Habang nagbababad sa luho ang mga Enrile at teknokrat sampu ng kanilang mga alila
sumisigid ang damdaming may balakid
Habang nagpapasasa sa poder ang mga heneral, komprador, ahente ng korporasyong
dayuhan
sumisidhi ang nahadlangang guniguni
na ginagamit ng isang uri upang ibagsak ang isa pang uri
Nagkubli ang araw
nagisna’y gabing pusikit
bumuhos ang ulan
umalimbukay ang alon
sumambulat ang ulap
nabulabog ang mga bituin
Silakbo ng buhawi
alimpuyo sagitsit
daluyong ng agos
Pumaimbulog ang diwang nangulimlim
Pumailanlang ang nagsalabat na yagit at dumi
Humugos
ang mga pita’t lunggati
pagnanais at pangarap
ang nasa’t layon
adhika’t panaginip
upang dumaloy at magkatipanan
sa guhit-tagpuan ng dalawampu’t tatlong pangako’t
dalawampu’t tatlong katuparan.
IV.
Anong mahapding ulos ang bumaon sa tadyang na di ko matarok?
Anong malupit na kuko ang lumaslas sa ‘king lalamunan?
Anong mabagsik na subyang ang humihiwa?
anong ugit na mapusok?
(Humahagikgik ang naglambiting buwitre sa likod ng lila’t sutlang tabing)
Pinipigil ngunit nagpupumiglas
Nagpupuyos
Nagngingitngit
Sa tiwangwang na lupa ng asendero, ihasik ang binhi
ng nagbabagang sugat
Sa sinabotaheng makina sa pabrika, ihasik
ang silab ng luha
ihasik ang titis ng naglalatang na galit
sa pusod ni Reyna Imelda
Ihasik ang liyab ng poot
sa mga bilangguan at sementeryong pangala’y
“Bagong Lipunan”
Sa darang ng dusa’t pagpapakasakit naipunla sa bango’t laman ng bayaning ito
sisibol ang apoy ng panatang nasugpo
ang adhikang nasupil
ang pagnanasang nabigo
Matutupok nito ang bulok na balangkas ng mga uring mapangamkam
at sa pugad ng sigang lumalagablab
sa lunday ng rumaragasa’t lumalagong sunog
babangon ka, Liliosa,
sa payapang pusod ng sigwang sakdal rahas.
Kung Ikaw ay Inaapi, Setyembre 1975
Hindi na Kailangan ang Elehiya
(Tungkol sa isang pangyayaring naganap sa Paraiso, Tarlak, Tarlak, noong 23 Abril 1973, ika-8 ng gabi)
Hipuin ang duguang labi
Haplusin ang pisnging walang imik
Nakadilat ang sugat sa kanilang mga dibdib,
nang-uusig
Putangna
Nakadilat ang sugat sa kamay
at bisig nagsasakdal
Dampian ng umaasong halik, dampulay
ng luhang kumukulo
Putangna
Lukob sa dibdib
isang pangakong mataimtim
mabagsik
Todas na kayo, Tenyente Catalan at
labinlimang alipuris ng diktadurya:
Kubkob ng bisig
katarungan
kalayaan
mananaig…
Bago kayo ihilera sa pader, sundalo ng
mga uring mapagsamantala,
Ikintal ito sa inyong utak:
Malamig pa sa talim ng karit ang mga kuko
ni Nestor Espinosa
Matigas pa sa ulo ng maso ang kamao ni
Ding Perez
Matalas pa sa katusuhan ng mga negosyante
sa Makati Stock Exhange
ang duguang ngipin
ni Eddie Aquino
Magdasal na kayo
Kung Ikaw ay Inaapi, 1975
Pagsasanay Hinggil sa Suliranin ng Kontradiksiyon
(Tula sa Sampung Pagbabalatkayo)
I
Ngayo ay panahon ng sawimpalad at kulangpalad sa Bagong Lipunan:
Panahong ang kasawian ay nasa pagkukulang ng lakas
Panahong ang hungkag na sikmura’y busog sa kasayahan
Panahong ang pulubi’t dukha’y siyang nagpapayaman
sa nagmamay-ari.
II
Nagpoproklama ang diktador ng demokrasya’t kalayaan
Samantalang bawat Pilipinong nag-iisip ay pinaparusahan
Nagpoproklama ang diktador ng katotohanan
Samantalang sinumang tumutol ay kinukulata at binubusalan.
III
Noon sa kalsada ng Diliman dugo ng aktibista’y tumagas,
Ngayon sa bukid sa Bikol mga asendero’t sundalong nakabulagta;
Noon sa lansangan sa Tondo dugo ng manggagawa’y lumagaslas,
Ngayon sa buong kapuluan naghaharing-uri’y napapariwara.
IV
Nagpoproklama ang diktador ng hustisya at pagkakapantay-pantay
Samantalang sila’y nagpapasasa sa mga casino at mga putahan;
Nagpoproklama sila ng pakikipagkapwa-tao at katapatan
Samantalang ang balita’y binabaluktot, buong gobyerno’y
minamaniobra.
V
Sa pansamantalang kahinaan naroon ang karahasan ng diktadura
Maaaring ang mga taong walang makain ay mamamatay, o sa gutom
Sila’y makapapatay. Sa kahinaan naroon ang lakas
Kayat ang nakapinid na Bagong Lipunan ay walang kinabukasan.
VI
Tayo ang maggigiba, magwawasak, magguguho sa orden ng Bagong Lipunan
Nagpoproklama ang diktador ng kasarinlan at kaunlaran
Samantalang bawa’t Pilipino’y parang putang binibili ng yen o dolyar.
Ang mga bilangguan ay magluluwal ng mga taga-tibag noon.
VII
Sapagkat ayaw nating magtiis at magpakumbaba na lamang
Ayaw nating mautus-utusan ng nagmamalabis, o masikaran,
Tindig, angat-ulong ilantad ang kamao! Isakdal
Ang mga komprador at lahat ng uring nagsasamantala!
VIII
Sila’y kaaway na malupit, mabangis, di mapapatawad
Sila’y kaaway ng Pilipinong may kakayahan at pangangailangan
Sila’y kaaway ng batis, halaman, hayop, at buong kalikasan
Imperyalismong walang awa o habag, di natin mapapatawad.
IX
Kung ang radyo, TV at ngiti ni Imelda’y nagsisinungaling
Kung ang dasal ng obispo’t hatol ng huwes ay nagsisinungaling
Kung ang pagtatapat ng gobyerno ay pulos kabulaanan
Ang katotohanan ay nakakamit lamang sa kuko at ngipin.
X
Ngayon ay panahon ng pagsosona, pangungulimbat, pagmasaker,
Nagpoproklama na ang pangangailangan ay nasa sariling kakayahan
Samakatwid ang kasalukuyan natin ay ating kinabukasan
Sa bisa ng ating kakayahan makakamit ang mga pangangailangan.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1973
Orientasyon & Direksyion: Materyales sa Pagyari ng Bukang-Liwayway
Pumalaot na kayo sa dagat na tinawid ng mga bayaning
Magtanggol Roque Rolando Olalia Frank Fernandez
Lulan ng agos pumipihit gumugulong
Sa inyong paglalakbay layag ninyong pulang tala ang patnubay
sa halip na buwan ng pangako’t pagtitiis
Hayo na
Sa lunday ng takipsilim lumalapag ang hamog dumadaong ang ulap
alabok naging putik naging bato
Umaakyat ang alimuom mula sa baybayin
O buwan ng paglilingkod at pagsusuri
Gumigitaw sa gunita ang apoy ng barikadang itinayo’t iginupo
sa Mendiola Baguio Legaspi Cebu Iloilo Davao Zamboanga
Hayo na
Pumalaot na kayo sa pag-inog ng buntala sa ating nilikhang kasaysayan
Sa dugo’t pawis nalulusaw ang luwad
Nangalunod na sa lusak ang mga sirena ng kaakuhan at pagkamakasarili
Mula sa pampang di na masilo ang tanglaw ng bituing
naagnas naglaho
Di malurok na lagim
O dambuhalang gabi ng pagkapariwara
Hayo na
Lumipad na
pumaimbulog ang bulalakaw sa buong kapuluan ng Pilipinas
kung saan may mga lihim na batis na bumabalong
tumatagistis
Bato ng pader ay matutunaw sa unti-unting patak ng luha’t pawis
….sa gilid ng mga bangin sumusungaw ang bilog ng silahis
na parang bula sa arko ng bahaghari ang inyong paghihirap
Hayun!
Sa gitna ng along gumigiling
sinasalunga ng mga naglagalag
Kumakaway ang umaga
Hayun--
Sa dalampasigan naanod ang kanilang gaod at sagwan
Hayun--
Nakasisilaw na liwanag
1981
24 Marso 1970
Walang himalang nangyari sa araw na ito. Hindi nagpatiwakal ang Presidente. Sa Wall Street bumaba ang presyo ng IBM, Standard Oil, GM, Dow Chemical… Walo ang napatay na CIA sa Mekong Delta, ayon sa balita sa TV. (Damn damn the Filipino… Underneath the starry flag)
Naibalita rin na ang IR-8, mirakulong palay, ay makalulutas sa problema ng gutom at paghihikahos sa Pilipinas. Ang mga kompanya ng “fertilizer” ni Rockefeller ay natutuwa (Civilize him with a krag) Lupang hinirang, duyan ka…
“Austerity ang kailangan,” pahayag ni Senador Dukot bago lumipad sa Hong Kong, Tokyo, rawn-de-world daw, tangay ang kaban ng bayan. Ang utang ni Mang Tolome ay binayaran na: parang ipinagbili ang dalagang anak, maninilbihan sa kasa ng asendero. Tumaas ang presyo ng langis at gasolina. Tila nakangiti pa rin ang taong nakadipa sa tres por kuwatrong tabla sa simbahan ng Quiapo. Di pansin ni Mang Tolome ang mga linta, lamok, ahas sa pilapil… (And return us to our beloved home)
Malamig pa rin sa Helsinki’t Vladivostok. Kailan pa ma’y di magdidilim… Ayon sa CEPO, 5% lamang ng tao rito ang nakikinabang sa umiiral na sistema… Sa Muntinlupa patuloy ang pagbugbog at pagmasaker. Ang parnaso ni Charlie Chaplin ay hindi pa nagiging bulkan. Lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta… ’Sang kahig, ’sang tuka si Dorong Duling sa piyer… habang ang mga oligarko’y nagpopropaganda ng “People’s Capitalism.” Tsismis ng “Society Page”: Isang milyung piso raw ang halaga ng singsing ni Imelda.
Kasalukuyang binabasa noon ni Pastor Mesina, isang estudyante sa U.P. ang siniping pangungusap: “Tunay ngang anuman ang gawin mo sa isang bato, hindi ’yan magiging manok pagkat hindi ’yan itlog.” Patuloy ang pagsipsip ng mga linta sa binti ni Mang Tolome. May binaril na tatlong Negro sa Mississippi, ayon sa Times. Sa Tarlac isang kompanya ng PC ang inambus ng NPA, wala raw natira sa PC. Mainit pa rin sa Kalimantan Utara, sa Mozambique, sa Bolibya… Sa Malacañang pinag-uusapan ang pagpapatuloy ng Laurel-Langley Agreement, ngunit may mga demonstrasyon sa tarangkahan at ang Metrocom ay handa nang bumaril… Ang ligaya, na pag may nang-aapi…
Nagpupulong ang mga trabahador sa pabrika upang umaklas, gumawa ng barikada, magprotesta. Gayundin ang mga drayber. Di makatulog si Mang Tolome nang gabing iyon, naisip niyang kakausapin ang mga kasamahan bukas, at siya’y nagplano. Nagpupulong ang mga magbubukid, mga mangingisda, mga istebedor…
Sa Tundo, naiisip ni Ka Amado ang mga pangyayaring iyon, kaharap ang pahayagan, di alumana ang paninikip sa dibdib pagkat sanay na siya riyan—ilang taon nga ba siya sa bartolina?—at matatag na nagbabalak ng gagawin bukas na bukas rin sa pambansang pagbabalikwas….
1 Mayo 1971, 1972
Panata ni Ho Chi Minh
53 kilometro ang tinahak ni Ho bago marating ang
bilangguan sa Tienpao. Doon walang mahigaan sa magdamag
kundi sa putik ng pusali, kaya sa paghihintay niya
sa umaga’y nabuo sa isip niya na:
Ang katawa’y nakapiit ngunit ang kamalayan ay malayang
nakapaglalakbay sa labas.
Ang mga kapinsalaang ito’y isang pagsubok sa katapatan ng
taumbayan.
May dangal ang bayan kung ito’y tutol sa kawalan
ng katarungan.
Kung wala ang ginaw at lagim ng panahon ng taglamig,
hindi maaaring magkaroon ng init at kaluwalhatian
ang panahon ng tagsibol.
Kapighatia’y napalamig
at nagpatigas sa akin
at ang diwa ko’y ginawang bakal.
1 Mayo 1971, 1972
Ang Pasyon ng Isang Manggagawa
Crisanto Evangelista, silakbo ng Indyo! Anong mangkukulam
Ang nasa utak mo?
Nilalang ikaw sa poot, galit, higanti laban sa mayayaman.
Ituring mong biyaya iyon. Di dapat paglamayan
Ang pangungulilang naburol. Tadhanang kamataya’y
Angkinin mo pagkat ikaw’y nilikha sa siglong nagdilim—
Sa inunan mo’y sinuob, sumiklab ang huling pagtutuos.
Itigil mo ang prusisyon ng mga Pilipinong alipin—Wasakin mo
Ang diyos ng mga kapitalistang sakim!
Kahiman ikinulong ka sa bartolina ng Fort Santiago, sa dibdib mo’y
Naglagablab ang luwalhati ng kinabukasan,
Apoy ng luksang hinagpis—
Nagngingitngit, nagpupumiglas
Ang dugo sa ugat ng damdaming hinasa sa pagdurusa’t gutom…
Pinaglumot na ang marmol na bantayog ng mga bayaning huwad
Sa Hacienda Luisita, Canlubang, at iba pang kuta
Ng mapagsamantalang klase.
Crisanto Evangelista,
Silakbo ng Indyo! Birtud mo’y kakulangan at katuparan
Ng mundong ito. Sa bisig mo sasabog ang tagumpay ng masa.
1 Mayo 1971, 1972
Labindalawang Oras sa Tayug, Enero 1931
I
Sa dakong silangan ng Pangasinan, ilang sandali bago lumilim ang pulang araw. Nagpulong ang mga magbubukid upang pagpasiyahan ang kapalaran ng propitaryo.
Ang paninikil, panghuhuthot, pagsasamantala, pagmamalupit ng imbing propitaryo.
Humalimhim na ang mga Don at Donya sa munisipyo, ngunit sa pader ng sementeryo masisinag pa rin ang nag-usling sungay ng mga nakasugang kalabaw….
II
“Nasaan ang bagong Herusalem ng Guwardiya de Honor? Nasaan sina Baltazar, Claveria, Maria de la Cruz habang nagugutom ang inyong mga asawa’t anak? Panahon na!”
Isang lalaking tubo sa Bauang, La Union, ang nakatayo sa gitna ng pulutong. “Alalahanin niyo ang binigting si Felipe Salvador! Pinaratangan ng imperyalistang Amerikano at tutang Konstabularyo—binitay si Felipe Salvador….”
III
“Pero buhay pa rin ang Kasamang Ipe!” bulalas ni Pedro Calosa.
Nang siya’y nagsilbing upahan sa tubuhan sa Hawaii, nasaksihan ni Pedro ang pagmamalabis ng mga Amerikano at panlilinlang sa mga Pilipino. Nagtatag ng Unyon, “Ang simula ng Progreso.” Namuno ng aklasan, at dahil doo’y nabilibid. Pagkatapos ay ipinatapon—sa sariling bayan.
IV
Sariling bayan? O kolonya ng U.S.?
Isang araw, nagpakita sina Rizal, Bonifacio, Kasamang Ipe. Inatasan si Pedrong bumuo ng isang samahang pambansa. Isanlibo’t dalawandaang kasapi noong 1928. Itong dahilan kung bakit siya’y dinakip ng Konstabularyo, itinali sa isang puno, binugbog, kinulata. Dumura ng dugo’t sumumpa: “May araw din kayo!”
V
Natagpuan ng taumbayan ang duguang mukha at katawan ni Pedro Calosa. At sila’y nag-isip, nagbalak….
VI
At nangyari nga: nagpulong ang masa sa Tayug, Enero 10, 1931. Umaalma ang kabayong Liwayway sa lilim ng kawayan. Nanunuwag ang mga kalabaw sa dilim.
VII
“Palitan, baguhin ang inyong daigdig upang mabago ang inyong buhay. Kailangan ito!” sigaw ng mga magbubukid.
“May dalawang uri ng tao: ang mga propitaryo at ang kanilang pinagsasamantalahan—tayo. Kailangang magbangon!” sigaw ng mga trabahador sa gilingan ng bigas.
“Walang maituturing na mabuti o maganda o marangal sa mundo kung hindi ito magagamit sa pagbabago ng ating kabuhayan. Ito ang pangunang kinakailangan!” sigaw ng mga babaeng nagpapasuso….
VIII
Ala-una ng Enero 11: Sinunog ang mga bahay ng dalawang pulis sa munisipyo ng San Nicolas.
IX
70 lalaki, 14 babae—walang itinalang pangalan ang ulat ng Konstabularyo. Sinalakay ang himpilan ng PC, ginupo ito, winasak ang muog ng sistemang walang katarungan, ginawang abo. Napatay ang mga upisyal, 8 sundalo ang nakatakas.
Samantala, ang mga burgesyang duwag ay tumakas ding parang mga daga….
X
Ala-una’y medya: Nagwagayway ang bandilang pula ng mga rebelde sa munisipyo. Sa madugong sikat ng araw, pinagmisa ang tagumpay sa kumbento. Ala-sais medya ng umaga hanggang alas siyete kinabukasan: digmaan ng dalawang klase sa Pilipinas.
XI
6 ang napatay ng mga upahang sundalo ng propitaryo. 44 ang nahuli, pinaghahanap ang mga sugatan.
Sa huling oras, lumabas ang isang babaeng may dalang bandila patungo sa bantayog ni Rizal sa plasa. Ngunit kalagitnaan pa lamang, ilandaang punglo ng imperyalismong Amerikano ang gumahasa sa kanyang katawan.
58 lalaki, 13 babae ang hinatulang mabilanggo. Hustisya ng Papet na Komonwelt.
Tinanggap ni Pedro Calosa ang apatnapung pagkabilibid habang ipinataw niya ang sentensiya sa Estado: “Ang lakas ng masa ang sagot sa dasal ng mga kasike’t komprador, sa dasal ng mga tuta sa gobyerno….”
Tunay ngang ang armadong gerilya ang marapat na sagot sa kasamaan ng naghaharing uri.
XII
Sa piging ng bagong taon, ang siklab ng pulbura’t usok ng nagliliyab na mga gusali’t kamalig ang siyang nagbudbod ng kapaitan at kaasiman sa pagkain ng mga propitaryo’t mayayamang pamilya sa Tayug, Pangasinan.
Noon ay ika-11 ng Enero 1931.
1 Mayo 1971, 1972
Iukit Ito sa Lapida ni Ka William Begg, Internasyonalista
Sa kanyang maikling buhay isang libong taon ng pakikibaka
Hindi lamang isang tao kundi ng buong sambayanan
Sa kanyang munting puso isang libong pintig ng tagumpay
Hindi lamang isang bansa kundi ng buong sangkatauhan
1972
Awit ni Mary Gonzalez
Ako’y si Mary Gonzalez, Miss Philippines, Miss World, etcetera.
Asawa ni Don Buenavista Tambobong de Tuason,
Angkan ng mga ilustrado’t siyam-siyam na “Mayroon”—
Kaiingat kayo, pero unang tumakbo raw’y si Romulo.
Ako’y si Mary Gonzalez, hija ni MacArthur at Blue Ladies.
Ayoko na sa Hiroshima, My Lai, Wall Street, Culi-Culi;
May napalm, misils, dasalan at tuksuhan din sa ismagling,
Puslit ni Bocalan si Lucila Lalung nabitin, Ay!
Ako’y si Mary Gonzalez, musa ng Monkees, UIOG, PC, pulis.
Martial law matira’y matibay, mahal kong Sugar-Daddy….
Sa Biyetnam nagbuwis tayo ng buwisit, bullshit!
Umurong tuloy ang bayag ni Fred Borgia, walastik!
Ako’y si Mary Gonzalez, Amor ng salagubang at tikbalang.
Pag-ibig? Isang bote, ’sang tapon. Delikadeza?
Kopra, asukal, mina: pag-aari ba’y nakaw, kasalanan?
Mabuhay ang suhol at lagay! Kasiping ko’y mayamang Bumbay.
Ako’y si Mary Gonzalez, nabili sa Treaty of Paris—
Victory Joe! Polo servicio, kursilyong supot, pangit!
Nagpakipot si Markesa Villaverde pero, atsay, dehin
Bakya ito kundi “class,” hoy! Itanong kay Mr. Tydings-McDuffie.
Ako’y si Mary Gonzalez, dating kabit ni Don Sacco Vanzetti.
Puwit ko raw’y gilingan-de-motor, aray! Aruy! Nakapanggigigil…
Batu-bato sa langit, tamaan ay dapat magalit.
Nanay ku! singlamig ng lapida ang balakang ni Padre Alipuris.
Ako’y si Mary Gonzalez, queridang may dalawang pusod,
Siyento porsiyentong tubo sa monopolyong krudo.
Indyong intelektuwad, no kuwenta, porke himod sa Malakanya’t
Kongreso.
Mga bantay-salakay, alsa-balutan, saling pusa sa Hollywood.
Ako’y si Mary Gonzalez, Madame X ng Manila Stock Market.
Panahon pa ni Mahoma ang kumpisal ng bugaw ng CIA….
Buhay oligarko, pag lukso’y patay. Nagbabakasakali, sa
kangkungan?
Bukas pulutin si Zobel y Soriano sa orinola o kubeta.
Ako’y si Mary Gonzalez, bunging halakhak ni Pigafetta.
Sa bumulagtang status quo, walang kababalaghan.
Profit sharing? Free Enterprise, puhunang panlahat sa sikmura
’Nak ng puta, wala na bang diyos o batas kundi pera?
Ako’y si Mary Gonzalez, dyaheng Miss Sri-Vishaya o Miss
Madjapahit—
Susmaryosep! Ikaw ba’y si Mary Gonzalez din? At ikaw din?
I Mayo 1971, 1972
Kalatas Mula sa Barikada ng Kasaysayan
Ang lahat ng bagay sa mundo’y gawa’t kaloob sa lahat ng tao
Kaya walang katuwiran ang “pork barrel,” suhol, pagmamalabis—
Ang pabrika’t bangko ay pag-aari ng bayan. Sinong nang-agaw?
Tugisin ang traydor, mga negosyanteng nagkamal ng salapi!
(Bulong ng bungo ni Ricardo Alcantara)
Panahon na upang usigin ang mga pulitikong nagsanla sa bayan—
Panahon na upang isakdal ang mga kasike’t komprador at mga
kasabwat—
Panahon na upang supilin ang mga among magnanakaw—
(Bulong ng bungo ni Fernando Catabay)
Ang hindi kakampi’y kalaban. Walang lagi sa gitna ng hagdanan.
Ikaw ba’y tumulong sa magbubukid o sa mandarambong?
Ikaw ba’y nagkunwaring mangmang, nagbulag-bulagan
Sa kawalanghiyaang naganap, nagaganap, at lumalaganap?
(Bulong ng bungo ni Felicisimo Roldan)
Kung may nag-aangkin nitong lupa’t ani, pabrika’t kamalig,
Tumindig siya’t ilantad ang mukha! Wala siyang ligtas
Sa mga anak, asawa’t kapatid, kapanalig ng mga kalansay na
narito.
(Bulong ng bungo ni Bernardo Tauza)
1 Mayo 1971, 1972
Ang Kundiman ni Apolinario de la Cruz
(Alay sa 33 Martir ng Lapiang Malaya noong tag-init, 1970)
KALIWANG BINTI: Ubos na’ng pagtitimpi, said na’ng pagtitiis, tapos na’ng paghuhunos-dili. Buong-buo ang aking panatang tinipon at pinagyaman ng masa….
KANANG BINTI: Huwag maghiwahiwalay—magbuklod!
KATAWAN: Bakit kayo natatakot sa kamatayan!
Nasisindak kayo sa paghihikahos ng nakararaming kapwa sa paligid niyo
Nagugulat kayo sa gutom
Nasusuka kayo sa kahayupan ng nagugutom at pati rin sa mga hayup na siyang dahilan ng kagutuman
KALIWANG BRASO: Hindi nakatatakot ang kamatayan—
Katakutan niyo ang buhay na walang katuturan!
KANANG BRASO: Ngayong binabantaan tayo ng baril, granada, dahas—
Magpasiya tayong simula ngayon
Hindi tayo mangingilabot sa harap ng kamatayan
Kundi
Sa harap ng buhay na walang dangal, walang pakinabang!
ULO: Kaya tagubilin ko sa inyo:
Pag-ingatan niyo’t sikaping pag kayo’y lilisan na sa mundong ito, kayo’y hindi lamang mabuti sa inyong sariling palagay
kundi
kayo’y nag-iiwan din ng isang mabuting daigdig.
HABOL NG TATLONG PARING ANTONIO PIERNAVIEJA, AGAPITO ECHEGOYEN, AT DOMINGO CARDENAS:
Sa sigla’t masidhing pagnanais ni Apolinario de la Cruz, sinikap niyang mabago ang mundo. Nguni, kabalintunaan, siya ang nabago: biniting patiwarik. Nilapa, kinatay. Ipinaghiwahiwalay. Divide et Impera?
Anong higanti ang nagnanaknak sa dibdib? Biniyak ng lintik ang kampana, hiniwa ng karit ang tinapay sa altar. Ang maso ng panday ay nakaumang sa galamay ng mga mapang-aping kasike.
Kami’y nagkamali. Bakit natin itinuro sa mga mangmang na Indyo ang aral ng Diyos na mapaghiganti’t mapanibughuin, Diyos na walang patawad? Bathala ni Soliman at Bonifacio, saklolo!
1 Mayo 1971, 1972
Laban sa Lepanto Consolidated Mining Company
Kailan puputok ang bulkan? tanong ng nagsasayaw sa Malakanyang.
Nagpupumiglas ang diwang siniil at pinagsamantalahan
Sa halagang
Cash Dividends paid P225,605,816.80
Nagpupumiglas ang kamalayan sa matris ng minahan
Sa halagang
Stock Dividends Paid P55,122,232.82
Kabag sa tiyan? Baka salapi? Isuka, itae mo!
Ginto pilak tanso dugo ng minero’t trabahador asawa’t anak
Sa halagang
Total Cash and stock dividends paid: P280,734,049.92
Ginto sa bala pilak sa patalim tansong bombang iuumang
Sa puwit ng Onorableng Direktor at Opisyal ng Lepanto Consolidated
Mga bangkay na ititinda sa halagang ’samperang muta
Total Net Profit: P331,127,347.67
at mga kamaong nagbabantay.
1 Mayo 1971, 1972
Ben Tre, Biyetnam
“It became necessary to destroy the town
to save it—“ sabi ng isang U.S. Army Major
(Time, 16 Pebrero 1968)
Mula sa Zurich hanggang Susquehanna, may naggalang hayup na kulay puti.
Tila mahiwagang titik sa telegrama ng Dalai Lama ang naligaw
sa Western Union: Song My, Man Quang, Ben Tre….
Suriin mo ang ngipin ng kulog sa Mai, dinggin ang kulog ng Mekong.
Bago magdasal masdan sa salamin kung singkapal ng 1,000 dolyar
ang ’yong mukha, berdugong heneral.
Ungol ng sundalong Philcag: “ ‘San sakong sibuyas upang tumapang
ang ’yong kainin, ’padre….”
Dilihensiya sa giyera’y pensiyon, medalya, kongrats ng Apo.
Sagot naman ng GI: “Libre pa’ng aluminum na kabaong, o kung
suwerte’y tukod.
Wheelchair na de-motor, yapos ng mga Daughters of the American Revolution.”
Mula sa Abisinya hanggang Zanzibar, anong kilabot itong bombang
napalm, Made in U.S.A.?
Sa Beverly Hills ng Hollywood lumapag ang bangkay ni Nguyen Van Troi.
Di na puwedeng magbalik sa Talisay, naroon ang Dole, United
Fruit, Nippon Inc., Panamin….
Sumadsad ang mga barangay sa estero ng Tundo. Walang utopya
sa Arayat o Ayala Blvd., Hen. Lansdale.
Supot ka man o tuli, puti o itim, di bale porke di marunong gumalang
o magpasintabi ang bala ng Vietcong.
Umuwi sa Macabebe ang Philcag: bulag, pilay, may tagasubo pa.
Sinabuyan ng panlasong kemikal ang mga nakatiwangwang na
bukirin sa Dienbienphu, Haiphong, Hanoi—
Ang racket ng Operations Brotherhood ay naging mabantot na
singaw ng nawakawak na libingan.
Mga sibat at palaso ng mga gerilya ang tumutugis sa armadong
makina ng imperyalistang umuurong, sumusuko….
Nakapuslit sa Kustoms ang Dalai Lama, nakabalatkayong si Tan Malaca.
Himala!
Hinahanap ni Nixon, Abrams at Westmoreland ang “Ako” sa
naglundagang numero sa New York Stock Exchange.
Pero sa hanay ng GM, Standard Oil, Dupont, Xerox, GE, Dow
Chemical, nagulat sila nang bumulaga ang katagang “Ben Tre.”
I Mayo 1971, 1972
Enero 30, 1970
Nang gumising si Magat Batungbakal sa pananaginip ng Casbah at mga babaing hubad, pakembot-kembot, nagsasayaw ng tarantula’t nakasingkaw sa mga toro sa bayan ng Cockaigne, napansin niyang hindi nasugpo ng tulog o guniguni ang kalam ng kanyang sikmura.
Anong kinang, ganda, dikit, kaluwalhatian ng panaginip. Tira na naman! Baho ng basura sa paligid. Bumulagta ang katotohanang wala siyang pagkain o salaping pambili ng maipapasak sa lalamunan pagkat welga ang unyon, tigil ang pabrika, walang mahiraman. Ang Presidente’y may pangako—“Democratic Revolution” daw—nakakain ba ’yon? Hndi na kailangan ng Diyos… nariyan ang Metrocom, sundalo, pulis—naglipanang langaw, mga asong ulol. Rebolber, suhol para di mangamote… Naisaloob ito ni Magat, palingun-lingon sa lansangan.
Naglakad siyang walang laman ang tiyan sa Quiapo, Santa Cruz, papuntang Sampaloc. Sandata, hindi bayoneta ng PC kundi kalam at panaginip. Hindi puwedeng upuan ang bayoneta… Sa paligid hantad ang paniniil, dahas ng kahirapan, sakit, gutom, kamangmangan habang nakaluklok ang mga dakilang amo sa “air-conditioned” Mercedes-Benz at Cadillac patungong Villa Armahedon…. Dapat yata’y magwelga ang buong bayan, naisip niya. Karumal-dumal, balakyot ang gobyernong kontrolado ng mga sakim, magnanakaw, mga “exploiters” na lumalamon ng laman ng mahihirap. Pilbaks, Molotob, barikada, baril—o kamatayan sa gutom?
Di nakuhang magpasiyang umuwi si Magat Batungbakal sa may riles ng tren upang doo’y magdasal ng grasya o biyaya ng langit. Biyaya nga ng imperyalista ang gutom, naisip niya habang nagsisiyasat sa isang basurahan. Hangad ni Magat ang kasaganaang nakikita sa Makati, Forbes Park, at iba pang pulo ng mga dayuhan. Kaninong bayan ito? Nangarap na naman siya. Umasa….
… sa wala! Kaharap niya ang mga pulis, mga pasistang tuta ng Kano—sigaw ng mga trabahador at magbubukid: “Rebolusyon!” Kasuklam-suklam nga ang kilos ng Estado ng mayayaman. Kailangang kausapin ko ang mga kasama’t magpasiya kung anong gagawin…
Napadpad si Magat Batungbakal sa Mendiola. Hindi niya kinukusa. Nangungutya ang tadhana? Tinitiis niya, ngunit sa dibdib nagpupumiglas ang galit at udyok… Mga pulitikong walanghiya, humahalik sa talampakan ng Kano. Ang mga burgis na liberal naman (Oy, uliran, huwaran: alisin ang kulaba sa mata! Kung di ukol, di bubukol? Kung di ukol, puro bukol!)—mga oportunistang lahat. Sa ilalim ang kulo…
Harang, bomba! Putukan. Kasindak-sindak. Ingay sa likod niya—lindol? Napalingon siya. Parang may kumagat sa batok niya, sa ’sang iglap napawi ang uhaw, gutom, kirot ng laman. Kumiwal ang lansangan. Napawi ang panaginip sa dambana ng Piccadilly Circus. Matutuwa ang mga SSB ng status quo, mga raketir at oportunistang sumusunod sa takbo ng agos ng estero. Kailangan pang ipagbili ang kaluluwa’t dignidad upang umiral ang kawalanghiyaan.
Marahil, aking mambabasa, ang kaluluwa ni Magat Batungbakal ay nasa Casbah na ngayon at nagsasayaw ng tarantula, kasiping ng mga malalambing na puta. Sa katunayan, itinulak ang kanyang pasang katawan sa maruming kanal at pagkatapos ay inilulan sa isang trak ng basurang patungo sa Morge. Nag-iisa siya. Tila walang kasamahan. Wala bang makikiramay? Bakit? Bakit kayo walang kibo?
1 Mayo 1971, 1972
Manipesto ng mga Sakada
Ngayon ang pagkamulat sa pagkagulantang
Pinakyaw na nila ang buhay at karangalan at puri
Pinakyaw ng kontratistang walanghiya
Ani nati’y siphayo’t pagkadusta
Ngayon ang brasong matigas at kamaong tingga
Matalim na karit sa kandong ng giliw
Nagbabagang maso’t hubad na gulok
Higpitan ang hawak sa baril at patalim
Ngayon na ang pagtutuos ng bakal at apoy
Kamalayang napukaw sa hiyaw ng gutom
Kaisipang bumagtas sa pusod ng sanggol
Malupit, mahapdi—ngunit bakit tinitiis?
Ngayon na ang sandata’t balang may kamandag
Sa hiwa ng araro tanikala’y di mapapatid
Mga kabuktuta’y gumagapang na walang imik
Hindi, hindi ito maaring lumampas at lumabis
Ngayon ang lamyos ng baril sa sugatang dibdib
Sa asyenda’t sentral sa Kongreso’t Malakanyang
Aapaw ang dugo’t lulutang ang bangkay
Mga pulitiko’t oligarkong walang ligtas
Ngayon ihanda ang masinggan dinamita’t mortar
Walang mabisang lunas sa ating kahirapan
Walang ibang daan tungo sa pangakong katuparan
Kilos, mga kasama, at lubusang makibaka
Ngayon sindihan ang mitsa ng pagbabalikwas
Walang sukong palusob laban sa imperyalista
Anong halaga ng buhay sa luwalhating matatamo?
Tayo o sila? Anong tamis ng pagpapasiya
Ngayon na, mga kasama, ang oras ng liberasyon
Tindig sa pagkalugmok, ibangon ang bandilang pula
Sa patnubay ng armas at tilamsik ng pulbura
Sa wakas ang tagumpay at kalayaang minimithi.
1 Mayo 1971, 1972
“Mabuhay ang Berdeng Rebolusyon”
Sigaw ng Tansong Buda
Noon, ang propaganda ng “Dahil sa iyo” ang lumunod sa ungol ng
mga sakada;
Ngayon naman, gawing hardin daw ang bawat sulok ng Bessang
Pass—
Anak ng tinapa, ’bigan, huwag kang magalit. Puwit ko’y tumatawa.
Huwag mong hatulan ang tao ayon sa kanyang salita kundi ayon
sa kanyang nagawa.
Wika ni Voltaire: “Bawat tao’y dapat maghardin upang maayos
ang lahat.”
Pero kung inagaw ang ’yong lupa? Nagbibiro ang burgis na
mapagsamantala.
Walanghiya! Walang hardin dito kundi gubat ng mga tutang
hayop ng imperyalista!
Huwag mong hatulan ang tao ayon sa kanyang salita kundi ayon
sa kanyang nagawa.
Noon ang “surplus property deal,” Tambobong-Buenavista,
“racket” sa backpay….
Ngayon ang lagay, ismagling, Bahamas-Benguet, nakawan ng mga
buwaya sa Kongreso’t Malakanyang—
Anak ng tupa, hindi laging mga tsonggong walang buntot o mga
baboy-ramo ang masa
Huwag mong hatulan ang tao ayon sa kanyang salita kundi ayon
sa kanyang nagawa.
’Pag may tinanim daw may aanihin. ’Tang na, ’Padre, yaong isinaing kong bigas
Nang maluto’y iba ang kumain! Mayroon daw milagrong IR-8 kasaganaan
At lahat ng Pilipino’y magiging kapitalista, may “profit-sharing”
din pati kina Dante’t mga kasama
Huwag mong hatulan ang tao ayon sa kanyang salita kundi ayon
sa kanyang nagawa.
Ngayon naman, ang “Green Revolution,” talo pa raw ang bomba,
Red Book o US-AID dolyar—
Habang sa bawat demo mga mamamayang binabaril, kinakatay--
Sino ngang maniniwala kung si Buda’y ginto, tanso, putik “dahil
sa…” dahas ng naghaharing kabuktutan?
Berde o pulang rebolusyon: Hatulan niyo, aping manggagawa’t
magbubukid, at isagawa ang inyong pagpapasiya.
1 Mayo 1971, 1972
Panambitan ni Soren Kierkegaard Kay Regina Olsen
Sa dilim, mga matang walang tangka
Bulong na walang pakana
Hanggang ikaw’y nagnanais
At ako’y nagmimithi
Mabagsik, malupit ang libog
Walang panganib*saklolo!
Naglundong mga pakpak
Anong isinisiwalat?
Nawakawak ang pugad, sumidhi
Mga hayop sa hininga’y naglambitin*
Sa buhawi ng iyong buhok,
Maaanod, lulubog...
Sa kasinungalingang-gulang ko
Gumitaw ang tuksong sumudsod, nag-udyok*
Sa lamang nakubli ng katotohanan
Nabunyag ang kaluluwa*
Butiki sa dibdib mo’y gumapang
Sa susong kay tarik, Ay!
Kahit na mabulusok
Kahit na magkadurug-durog
Upang lumipad sa ’yong himpapawid
Nakangangang bangin
Sisisid... lilitaw...
Lalabas ikaw ikaw ikaw*
1 Mayo 1971, 1972
Analekta
’Pag ang tubig ay maingay, tawirin mo’t mababaw.
Ngunit nang lumusong sila sa ilog Sumukbaw, ang mga bangkay
ng Huk ay naging tulay mula sa ngayon hanggang sa kinabukasan.
At ang tubig ngayong dumadaloy sa estero ng Canal de la Reina’y
angkop na pabangong pangwisik sa “Pers Ledi” at mga bugaw.
Ang tubig ay malamig ngunit daig pa ang apoy kung magalit.
Bumalong ang katas ng ilanlibong panaginip sa mga ugat
at litid ni Kumander Verdad. Nagtigis ng dugo, natigmak
ang lupang uhaw… at sa bawat bahid ng dugo, binalangkas
ng mga gerilya ang landas ng gubat. Nagpakulo ng tubig
upang masagip ang naghihingalo….
’Pag ang tubig ay matining, arukin mo’t malalim.
Sa kalagitnaan ng mahabang martsa, naitanong mo: “Malayo pa ba
ang ilog Tatu?” Ikaw’y nananaginip. Ang parnaso ng pag-ibig
ko’y naging bulkang umigting, pumutok*
Nagsimula tayo sa ating paglalakbay*ito’y katalagahang hindi
maglalaho, magunaw man ang daigdig. Ano’t lumuluha ka?
Hindi bale, kahit bato man ay maagnas sa bawat patak….
Magpakalabu-labo man, pilit na lilinaw.
Sa alimpuyo ng galit, sagitsit ng pagmamahal. Liwayway,
ang lalim ng iyong panata’y nasasalamin sa iyong mukhang nilait,
kinutya, hinamak, subalit sa kabila ng lahat ay nakatitig ka pa
rin sa tagumpay na unti-unting bumabanaag, sumisilang….
Kayat kung ang hinaharap ay maulap at may nagbababalang sigwa,
magdiwang tayo. Ang luha mo’y naging mabangong hamog ng umaga.
1 Mayo 1971, 1972
Babala ng Isang Trabahador
Galing kami noong gabi sa aklasan, sa picket-line sa pabrika….
Sa daang patungo sa Sapang-Palay,
Hinarang kami ng mga sundalo*tila Monkees o Metrocom*
Ako’y biglang sinikmuraan*
Sagitsit ng M-16, ilang kasama’y nabuwal:
Mga aping pinatay ng mga alagad ng batas.
Nabubulagan ba ako?
At wala bang halaga ang buhay ng tao? Lintik ’lang ang walang ganti.
Sabi mo, kapatid ko, na dapat magpatawad
Sapagkat ang budhi’y bulaklak ng kaluluwang may dangal
At ang pagmamakaawa’y dilig na ulan sa tigang na lupa
Kaya
Patawarin ang mga may-aring nagmalupit, nanakot, nang-api, nagmalabis
Patawarin ang oligarkong nanlinlang, nanghuthot
Patawarin ang politikong nagsamantala*
Hindi
Ayaw ko
Sa bawat hiwa ng latiko’t hampas ng baril sa likod ko
Sa burol ng tatlong anak kong namatay sa gutom at sakit
Sa pagkagahasa sa asawa ko’ng lumuhod at nagmakaawa*
Maaaring may luhang mahulog o pilitang mapigtal sa pikit na mata….
Habang
Ang balaraw na ito’y itinatarak sa dibdib ng mayamang amo,
Ang baril na ito’y sumasabog sa bungo ng pulitikong kriminal,
Ang kamay na ito’y bumibigti sa leeg ng negosyanteng dayuhan,
Oo,
Ang taong walang pagnanais maghiganti ay walang gunita ni damdamin
Samakatwit hindi tao.
Natatandaan kong maigi, nakakintal sa alaala ko,
Sinong makalilimot?
Bangkay man ako, nariyan ang ilang libong kamalayang may sandata
Naghihintay ng pagkakataon ang pagkatao
Nagbibilang….
Nagmamanman….
Nakatungod ang taynga sa hudyat ng oras, sa babala ng duguang gulok.
1 Mayo 1971, 1972
Anti-Dostoevsky
“Lagi nating iniisip na ang eternidad ay isang ideyang di matatarok, isang bagay na lubhang malawak. Bakit kailangang maging ganoon? Sa halip na pakiwaring ito, ano’t kung sa walang anu-ano’y matagpuan mo ang sariling nakaluklok doon sa isang makipot na silid, isang napakasikip at napakaliit na paliguan sa malayong pook, nanlilimahid, at naglipanang gagamba sa bawat sulok. At yaon ang eternidad na sinasambit ng mga paring manloloko…”
(Sinipi mula sa THE BROTHERS KARAMAZOV)
At kung matuklasan mo na ikaw pala’y nasa silid ng CIA sa Malacañang?
1 Mayo 1971, 1972
Grapiti sa Isang Mapanghing Pader ng City Hall
“Ang Indio’y duwag at sin cojones,” bida ni Magalyanes.
“Siyanga?” sumbat ni Lapu-lapu.
“Permanenteng kolonya ng Espanya sa Pilipinas,” proklama ni Despujol.
“Senga?” tugon nina Rizal, Bonifacio, Luna.
“Ang United States ang hari sa bahay ng Pinoy,” sigurado ni Lawton.
“Singaw?” supalpal ni Heneral Geronimo.
“Ang Pilipino’y mangmang at di magbabago,” ismid ni Taft.
“Siyanga?” hamon nina Mabini, Sakay, Balgos, Capadocia….
1 Mayo 1971, 1972
May Utang na Loob Ba sa Labas ng Hukay?
(Nagtatanong ang multo ni C. V. Francisco)
Si Botong Francisco raw’y santo
Sabi ng isang art-kritiko
Pagkat ang huli’y maraming utang sa una
At si Botong ay patay na.
Mabuting tao ka raw, mababang-loob
Nang gerilya ka’y isang taong maginoo
Ngayon ang mayama’y nagligid
Sa iyong kabaong na nakapinid.
Huwag matakot sa engkanto
Mag-ingat sa kapitalistang may balatkayo
Patron daw sila ng kultura
Patron din ng kabuktuta’t kasamaan
Masdan mo sila mula sa ’yong glorya
Puro tikbalang ang nagsasayaw ng tinikling
Pagkat iya’y mga oligarko’t komprador*
Mga pulitikong mapanlinlang.
Pati pa yaong miyural sa Maharnilad
Ay may mukhang itinapal
Upang ang Meyor at kanyang asawa’y
Magkaroon ng samperang glorya.
Umakyat (daw) si Botong sa langit
Walang huling paalam o Adios sa nang-umit
Sa Angono’y may hayop na naggala*
Si Botong ba’ng nagpakawala?
1 Mayo 1971, 1972
Mga Samutsaring Cogitationes ni Senyor Izquierdo Posibilidad
Maaaring patayin ang lahat ng Pilipinong naghihimagsik,
Maaari rin namang patayin ang mga humahadlang sa paghihimagsik.
…Pagdating sa dulo, ikiskis mo sa pader Tsip!
Ang mga kawawang puta sa Clark Field, Olongapo, Savoy, Hilton
Ay nakasuga sa dolyar. “Revolution” ng puso, Neneng?
Ang buslong sisidlan ng sinta’y ninakaw ni Holman*
Baligtaran lamang hanggang wala kaming Armalite.
Maaaring matahimik ang bukid tulad ng Stonehill Memorial,
Maaari ring iburol doon ang mga asendero, komprador, kapitalista.
Gumising ka Neneng sa Forbes Park, Canlubang, Intercontinental*
Hayan ang tong, kickback, padulas ng moro-morong pulitiko.
Sa Biyetnam gumagapang ang gerilyang sentawro….
Kapus kapalaran kung walang bagong hukbong bayan,
Humanap ng ibang S.O.P. ang imperyalistang gahaman.
Maaaring hindi nga nagbabago ang kalikasan. Sirena ka
Kagabi, sa araw’y birheng nakaluhod at nagdarasal.
Bagamat ang baril ng Kano’y pito at sundang ng tuta’y siyam,
Ikaw’y may golpe-de-gulat sa pagitan ng ’yong mga hita.
Lakarin mo Neneng ang dulang, ihian ang pork barrel;
Ang mga buwaya sa Kongreso’t Malakanyang at mga hayop sa armi*
Pag ikaw’y nagsaing, asahan mo’t pagkaluto’y iyan ang kakain.
Maaaring ang lagay ng pamumuhay ang nagtatakda sa karakter ng tao,
Maaari namang baguhin at gawing makatao ang lagay ng pamumuhay.
Ginto ng Parakale mawala ma’y hindi bale sa taumbayang pulubi
Pagkat sa barikada dala-dala’y buslo ng bala’t dinamita*
Hayan ang bugaw ng pulis, heneral, tumaba sa trabaho ng puta;
Hayan ang mga negosyante sa Makati, ang mga alila ng simbahan
Pagdating sa dulo, Neneng, bigyan mo ng tadyak sa bayag!
1 Mayo 1971, 1972
Ang Tagumpay ng Aklasan: Bahagi ng Isang Dula
(Sa pagdiriwang ng Ikalawang Anibersaryo ng Komuna sa Diliman)
1 Manggagawa
Suriin ang kahapon, ngayon at kinabukasan ng bawat uri ng tao.
Mga kasama, ang kaisipan niyo’y malayang mamumukadkad at magbibigay-lakas sa lahat.
2 Manggagawa
Suriin kung anong kabuluhan, halaga o saysay ng iyong kabutihan.
Kung mapatay ang isang maginoong tao o yaong taong tumanggap ng kanyang biyaya’t kawanggawa’y mapatay, anong silbi ng isanlibong grasyang handog ng langit sa bangkay?
3 Manggagawa
Kung kayo’y mayroon, mawawala iyan. Kung wala, anong mawawala sa inyo kundi ang inyong kawalan?
1 Manggagawa
Ang malaki’t mayaman ay hindi mananatiling malaki’t mayaman sa habang panahon;
Ang maliit at mahirap ay di laging mahirap at maliit sa habang panahon.
2 Manggagawa
Ang gabi’y may labindalawang oras, kapagkuwa’y dumarating ang umaga.
Ang panaho’y nagbabago. Ang gawa ang siyang lumilikha ng kalikasan ng tao.
3 Manggagawa
Kung kayo’y mayroon, mawawala iyan. Kung wala, anong mawawala sa inyo kundi ang inyong kawalan?
1 Manggagawa
At laging isapuso: Ang mga grandeng plano ng makapangyarihang uri ay nauunsyami, nauupos*
Nagwawakas din ang kanilang kalupitan
Hindi sa dasal o pagkukusa ng kalikasan
Kundi dahil sa ating paghihimagsik at pagpawi sa kanila!
2 Manggagawa
Kahiman magsahayop silang parang mabangis na tigre o maninilang ahas, walang saysay iyon*sila’y mapapawi.
Kahit delubyo’y nasasaid, natutuyo.
Lakas lamang ang may bisa kung ito’y pagtatanggol sa katarungan ng masa;
Tao lamang ang may halaga kung siya’y naghihimagsik!
1, 2, 3 Manggagawa (sabay-sabay)
Kung kayo’y mayroon, mawawala iyan. Kung wala, anong mawawala sa inyo kung hindi ang inyong kawalan?
At kayo’y magkakaroon.
1 Mayo 1971, 1972
Ang Katotohanan ay Hindi Isang Birhen Kundi Isang Putang
Mabibili sa murang halaga, kasama pang libre
Ang sipilis o gonorhiya para sa torong may salapi’t amor propio*
Iya’y kailangan upang lumaya sa kasuwapangan at kasakiman.
Isang puta, Oo, na siyang alaga ng mga may-ari ng asyenda,
Korporasyon, bangko; mga taong nagdarasal at nagkukursilyo*
Sila’ng sumusunggab, naghuhubad, sumisipsip, kumakain…. kumakatay*
Sila rin ang mambabato….
Huwag, huwag kang yumuko’t sumulat sa buhangin. Sayang lang.
Pagkat sa salapi lahat ng birhe’y puta, lahat ng puta’y birhen
Sa Manila Stock Exchange. Ang katawa’t kaluluwa’y
Itinitinda, inilalakong hubad upang makilala ng lahat
Ang katotohanan sa pagitan ng mga hita*
Iyan ang magpapalaya sa iyo sa katunayang nagbalatkayo*
Libog mo’y walang kabulaanan o pagkukunwari;
Sa higaan kasiping mo ang sariling nabili’t hinihindot.
1 Mayo 1971, 1972
Ang Biktima ng mga Upisyal ng AFP at PC
“Ang hustisya ay angkin ng may poder”
--Trasimako, sa Ang Republika ni Plato
Sa umpisa’y pinagsasampal at linuraan,
Pagkatapos binugbog, nilamog at pinagtatadyakan*
Sa kalingkingan, sa singit tinuhog*
Di mo matiyak kung tao pa ’yon o animal….
Nakasisindak ang pangyayari, dapat may managot niyan.
Nasaksihan ko, nakita mo. Sinong magsisinungaling?
Wika ng Heneral: “Ano’ng tao? Ewan. Alam ko kung magkano siya,
O kung paano utasin sa lalong ekonomikal na paraan.”
Nakatusok sa kanyang bayag ang kawad-koryente*
Nakabibinging tili, parang kinakatay na baboy sa Dibisorya.
May tangka pang dukutin ang mata, putlin ang taynga….
Ng pobreng bihag na Komander (daw) ng Huk.
Mga Ginoo: Marami kayong magagawa sa tulong ng bayoneta
Pero di niyo puwedeng upuan ’yan. Diyos ng pipi’t bulag,
Bakit ko ibabaling ang kabilang pisngi? Ngayon ko lamang
Nabatid: Hindi ko pala mahal ang lahat ng tao.
Anong kasalanan o krimen ng taong luwa ang dila’t naghihingalo?
Anong paratang at pinarurusahan nang gayon na lamang?
Di man lamang makapagpaliwanag, makapagtanggol?
Anong mararamdaman ng manhid na laman
O ng malamig na bangkay kaya? Walang pagmamaliw ang kirot….
Ang landas ng bulalakaw ay iginuhit sa ’ting palad.
’Padre, tama ka: ang sumpang katarungan ngayon
Ay pag-aari ng malakas at makapangyarihan.
Samakatwid magtiwala sa bisig, punglo, armas
Pagkat ito lamang ang kinikilalang karapatan ngayon;
Sa bunganga ng baril iluluwal ang ating kapalaran.
Kababayan, ano’t nagdarasal at nagpapatawad?
Hindi ka Kristo. Huwag mong tulutang mangyari ito.
Ang binhi’y namamatay upang sumupling sa kinabukasan.
Di dapat magdawalang-loob, maawa o mahabag
Pagkat ito’y katotohanan. Malagim? Nakasusuklam?
Huwag, huwag mong ipahintulot ang kalupitang ito*
Ikintal sa gunita ang durog na tadyang ng magsasaka*
Ikintal sa alaala ang warak na mukha, sabog na bituka*
Ang langit sa sugatang puso’y nagsisikip.
Idinadamay kayo nito kahit na kayo’y tulog, gising o walang malay
Pinagpalang magbubukid, ikaw ang sugo ng tadhana’t
Sagisag ng tagumpay. Nasa pinagbuklod na armas ang katubusan,
Kaya paliguan ang kaluluwa ng graba’t alkitran.
1 Mayo 1971, 1972
Ito ang Bangkay ni Arthur Garcia
Sino ang bumaril, sino’ng lumagot sa kanyang hininga?
Sino’ng kriminal ang pumaslang?
Sino’ng walang budhing Pilipino ang gumawa ng kasuklam-suklam
na pagtataksil sa kanyang kapatid?
Mga asenderong nagsasamantala sa mga sakada’t piyon
Mga kasikeng mapag-imbot, kontratistang suwapang
Mga komprador na nang-aapi, naninikil, yumuyurak sa karapatan
ng mga trabahador at magbubukid
Mga heneral, pulitikong magnanakaw, mga nagmamalabis na upisyal*
Ikaw, ano’ng ginagawa mo’t nangyayari ang mga kasamaa’t
kalapastangang ito?
Ikaw na nagdarasal, nagsisimba’t nangungumpisal palagi:
Ano’ng halaga ng iyong “Diyos” kung ang mga krimeng ito ay laganap?
Bakit ka mangmang? Bakit ka nagkukunwari sa harap ng diyos
ng oligarko’t dayuhang imperyalista?
Bakit parang hindi ka taong may damdamin at may pusong
nagmamalasakit?
Ito ang bangkay ni Arthur Garcia, bayaning Pilipino.
Masdan mo ang basag na ulo, ang wasak na dibdib, ang nilumpo’t
dinurog na katawan.
Tingnan mo ang duguang bibig, ang biyak na sikmura, ang puwit
na pinagmamasinggan*
Tingnan mo ang matang nakadilat sa ulap at sa maluwalhating Silangan-
Hayan:
Unti-unting gumagalaw, humihinga, nagkakamalay….
Iyan ang iyong kapalaran, ang iyong tadhana
Sa lupang nilupig ng mga asendero’t komprador-kapitalista
Kung ikaw’y hindi magbabalikwas, lalaban,
Hahawak ng baril at magtatanggol*
Ikaw, Arthur Garcia, ay hindi bangkay
kundi apoy at pulbura ng aming pag-asa’t pagmimithi.
1 Mayo 1971, 1972
Incipit Vita Nova
(Himig Martsa)
Lalapag tayo sa gitna ng Abenida Rizal
Bababa tayo mula sa tuktok ng Sierra Madre
Di natin kailangan ang Kombensiyong Konstitusyonal
Hanggang tayo’y may M-16 at AK-47
Paalam, Sierra Madre! Tayong nabuwal sa dilim
Ang bukang-liwayway ng katubusan ng bayan
Naiwang titis sa parang ay sisiklab, mag-aapoy
Tumakbo ka na, Buffalo Bill, hanggang sa Kalamazoo
Araw ng hatinggabi’y tatanglaw*Mabuhay!
Umuwi na ang pastol sa Extremadura
Anong kuwenta sa ’min ng buhay nina Zobel y Ayala
Soriano Lopez Elizalde*walang kuwenta
Usigin ang oligarko, CIA, U.S. imperyalismo
Usigin ang komprador, kasike’t kapitalista
Umuwi na ang pastol sa Guadalajara*
Patungo tayong Malakanyang at Bagumbayan*
Anong kuwenta ng buhay na walang kalayaan?
Isakdal ang lapastangang mayayaman
Sinong testigo? Ang bayang api, inaliping taumbayan
Sinong tagahatol? Bungo ng ama’t ina, asawa’t kapatid
Bababa tayo mula sa tuktok ng Arayat
Paalam, Sierra Madre, lumaban hanggang magtagumpay!
1 Mayo 1971, 1971
Awit sa Pagbabalikwas
Saksi ako ng mga kasuwapangan at kasakiman ng mga pulitiko-*
Saksi ako ng simbahang yumaman sa paghihirap ng mga sumasamba*
Saksi ako ng mga nobena, pista ng mga santo’t kung sinong demonyo*
Naubos na ang aking pagtitiis, pagtitimpi
Natuyo na ang luhang nananalangin
Nasaid na ang pagtitiyaga, ang pag-asa
Wala nang hihintayin pa o titingalain…
Kaya, mga kasama, magsayaw kayo sa tuktok ng bulkan
Lunukin ninyo ang apdo ng pakikipagsapalaran
Ngayon kailangan ang matigas na paghatol
Kailangan ngayon ang mahigpit na pagpapasiya
Di na dapat magdalawang-loob; sagad na sagad na*
Wala nang mawawala pa sa inyo o sa atin, wala na.
Samakatuwid, panahon na ang pagbabalikwas at pagbabago kaya mga kasama:
Palitan mo ang uri ng iyong pamumuhay at pakikipagkapwa-tao,
Palitan mo ang uri ng sosyedad na kinabibilangan mo,
Palitan mo ang mga kasangkapang humahadlang sa iyo.
Kumikilos, gumagalaw, sumusulong ang mga lakas sa kasaysayan--
Palitan, baguhin: iyan ang kailangang hindi mapapalitan.
1 Mayo 1971, 1971
Ang Paghihimagsik ng mga Anakpawis
(Laban sa ESSO, Shell, Mobil Oil, Goodyear, Bank of America at
Iba pang Galamay ng Imperyalismong U.S.)
Ilang baldeng gasolina pulbura’t posporo, Esperanza.
Kailangang umapaw ang dugo sa hukay ng mayamang nagtaksil*
Kailangang lumitaw ang mga anino’t maglamanlupa*
Kailangang magliyab ang gubat sa paligid ng mga asyenda*
Ilang baldeng gasolina pulbura’t posporo, Esperanza.
Habang tumataas ang presyo ng bigas, tuyo, kangkong,
Napupuno ang pagtitiis…. Lintik lang ang walang ganti!
Silaban ang pabrika’t bodega. Sunugin ang kamalig!
Sa bunganga ng baril, Esperanza, iluluwal ang aking pag-ibig.
Mga pinya ng Dolefil, asukal, kopra, abaka, mina*
Dinggin mo’ng dagundong ng hukbong magbubukid-trabahador*
Sa alimbukay ng panahon sasabog ang ating kasaysayan*
Sa bunganga ng baril, Esperanza, iluluwal ang aking pag-ibig.
Guguho ang gusali’t paraiso ng mga oligarko. Mabubura
Ang kanilang pangalan. Lulubog sa putik ang bangkay ng eksplotador.
Mapapawi ang lahing mambubusabos at mangungulimbat.
Ilang baldeng gasolina, pulbura’t posporo, Esperanza.
Sinumang magbili’t bumili ng buhay ng manggagawa’t magbubukid,
Magdasal na siya sa harap ng pader sa oras ng paghuhukom*
Sa bunganga ng baril, Esperanza, iluluwal ang aking pag-ibig.
1 Mayo 1971, 1971
Nagtatanong ang Anak Kung Bakit Kinakailangan ng Rebolusyon sa Kasalukuyan, Tugon ng Ina:
Bakit kinakailangang kumain at tumae?
Bakit kinakailangang matulog at managinip at gumising?
Bakit kinakailangang may bubungan sa ’yong ulo kapag umuulan
O kapag matindi ang sikat ng araw?
Bakit kailangan ang tubig kapag nauuhaw?
Bakit kailangan ang damit sa pang-araw-araw?
Bakit kinakailangang umibig at magmahal?
Bakit kinakailangang humanap ng gawai’t magpalaki ng anak?
Bakit kinakailangang magparaos ng libog?
Bakit kinakailangang mag-aral at mag-isip at tumutol?
Bakit kinakailangang ipanganak at huminga?
Bakit kinakailangang maghimagsik at lumaban?
Anak,
hindi pangangailangan ang mga ito kundi
siyang galaw at kilos ng katotohanan:
Ako, ikaw, tayong lahat….
1 Mayo 1971 at Iba pang Tula, 1970/1971
Si Grakus Babup, Komunista
Ay hindi nag-alay ng mira
Walang manggang idinulot sa Papa sa trono ng Roma
Wika ni Hegel: Humagilap ka muna ng pagkain at damit, pagkatapos
Darating sa iyo ang kaharian ng langit…
Ay hindi nag-alay ng insenso
Libre ang tatlong dipang hukay para sa kanyang bangkay
Duraan pa ng burgesyang nagkrus habang ang ispiritu
Ni Grakus Babup ay umutot nang kay lakas*
Ay hindi nag-alay ng ginto
Kundi gawa ayon sa kanyang kakayahan upang makamit sa pagluwal
Ng bagong orden ang kanyang pangangailangan:
“Sarili ko’y tanging alay*”
Bulong ni Grakus Babup, Komunista.
1 Mayo 1971, 1970
Salamat, Salamat
Natatandaan mo pa ba ang iyong kamusmusan?
Ikot, karnabal.
Sirkero, tigil na! Lukso’y ihinto sa isang piramido.
Sa rurok nahuhulog, nalalagas
Ang mga talulot: Pananalig. Pag-ibig. Pag-asa.
Bingaw na kopita ang idait sa labi.
Ang bunso ng ating ama ang espiritung sumalupa;
Siya ang bayani, hinlog na bunga
Ng buto at laman. Ang bawat bagay—
Bato, ibon, bulaklak, bahay—
Ay buong-buo sa kanilang sarili,
Ang kanilang kakanyahan ay kakayahan at kasiyahan.
Tumakas ka ngayon sa bilangguan ng dibdib,
Sa yapos ng tadyang. Humarap ka sa ilang,
Sa litaw at tambad na parang
Sa bukas na kawalan na laging iniiwasan
At laging nagdudulot ng pahimakas.
Ligaw na nanligaw sa buhay, tagasubaybay—
Bigyan ito ng ningning at luwalhati,
Ipagdiwang ang narito ngayon. Ang grasya
At glorya ay nasa loob sa labas ng sarili:
Ibinibigay ito. Kusang idinudulot. Sadyang inihahandog.
Oo, kusang iniaalay sa iyo, sa iyo.
Makata, Hunyo 1969
Nasaan Ka, Kasamang Amado Guerrero
(Nagtatanong si Fausto Dimasalang, “old timer” sa San Francisco, nagbabalak magbalik-bayan)
Nasa sikmurang hungkag ng magbubukid
sa Isabelang inagawan ng lupa ng diktador
Nasa buto ng trabahador sa Maynilang
binibigti araw-araw ng mga komprador
Nasa bisig ng minerong Igorot na
pinagsamantalahan ng korporasyong Amerikano’t Hapon
Nasa puso ng gerilyang Mora sa Jolo na
pagkatapos makapuksa ng ilang sundalong AFP ay ginahasa’t pinatay
Nasa dibdib ng paring bilanggong
kinulata’t pinagkokoryente ng mga upisyal na graduweyt ng Police Academy
sa Washington, DC, USA
Nasa utak ni Juan Escandor, rebolusyonaryong intelektuwal, biktima
ng “salvaging” ng diktaduryang Estados Unidos-Marcos
Nasa lalamunan ng mga limahid na musmos na nangungurakot sa mga basurahan
sa Tondo
Nasa dugo ng estudyanteng sumanib sa Bagong Hukbong Bayan
Nasa pawis ng mga makinistang itim sa Pittsburgh, Dakar, o Johannesburg
Nasa kamao ng mga istebedor sa Roma, Rio de Janeiro, o Kalkuta
Nasa libag ng mga magsasaka sa Dachai at mga manggagawa sa Pyongyang
Nasa uha ng sanggol na unti-unting hinuhugot, basbas ng dugo*dugong pumupulandit
Oo, nasa binhing itinanim ng bawat anakpawis saan mang lugar sumisibol at lumalago,
bumagyo man o bumaha, habang nagliliyab at naglalagablab
ang pulang tala
saan mang lugar
Kung Ikaw ay Inaapi, Marso 1969
Ang Patalastas sa Babae
Ang gabi’y liwaliw ng silahis sa silangan—
talang nalagas sa puntod;
magbubuko kaya ng pangako?
Nagulumihanan ka,
anino ng sugo’y magilas
ngunit nanggilalas ka nang ikaw’y hagkan
sa panimdim . . .
Halik ng bulong at dampulay
sa dulo ng bagwis ng kung anong anghel--
ang dapyo sa puri na di pa dumaranas
kahit panaginip
ng isang pag-ibig
o tukso
ng salamisim.
Lumulukso ang sanggol!
Sa tuwa’t hinagpis!
Sa sabsaban pa lamang
nagugunita na ang krus na darating.
Ngayon ikaw, ina, na siya ring hinugot sa tadyang
ay buntis,
puspos ng diyamante sa alabok;
lahat ng kasalanan
ay natutop sa isang ngiti.
Gumiti ang pawis ng sugo,
nakabadya sa iyong mukha
ang di-maikubling pagkaunawa
at nauliningan mo ang kalatas
“Lililiman ka ng Kaliwanagan.”
Makata, Enero 1969
Sining
Ako. Tahanan. Saan? Hanapin, hanapin.
May guwang sa lupa, may bitak, biyak
Pagkaraan ng lindol; ngunit sa ilalim
Ng sahig na walang hanggan
Umaagos ang kristal na tubig.
Tulay. Punongkahoy. Tore. Tapayan.
Tarangkahan. Nasaan ang tahanan?
Bukas na bunganga mata ilong
Bukas na taynga: bukas, buksan—
Ang pintuan ng bukang-liwayway.
Manyika. Duyan. Ina. Daan.
Gubat ng mga ugat. Ang mina sa silong
Ng bulkan ang kinabukasan!
Lahat ay maghihilom, titikom
Sa bawat halik ng bagay na nadarama.
Nahawing kurtina sa hardin
Ang iyong pagmulat sa pagsulpot ng tubig
Sa bukal at hugas ng hangin sa tuhod;
Hayan ang kamatayan, angkinin mo. Sa likod
Pagbukas: Mabuhay! Kapalaran
Sa pagbubukas ng mundo dumarating,
Nagpapaalam sa bawat baling ng ulo
Ngunit bumabati sa biglang pahimakas.
Makata, 1969
Maliwalu, Lupang Tinubuan
I
Kinalawang na ang masinggan sa pilapil
Malumot na ang mga bungo ng iyong ama’t ina
(O impakto de sangre ng mga nasawi!)
Kumikinang ang bagong hasang gulok at sundang
Sumisingaw ang bagong pulbura sa lalamunan
(Nagpupuyos, nagpupuyos ang isang libong paghihiganti!)
Sa iyong kandungan: patalim, punglo, dinamita….
Bawat mata’y may titis ng luhang umaaso.
Wala akong pangalan, ikaw’y wala sapagkat
Tayo’y mayroong kawalan: ano pang kailangan?
Mapapawi, mamamatay, masusupil, mawawasak, makikitil
(O dagundong ng digmaang malupit)
Tayo’y magtutuos sa gitna ng abong duguan….
Tayo’y mabubuhay sa apoy, sa liwanag ng dilim.
II
Dugo sa bigas ang namulaklak sa pusod ng gubat.
Ipagdiwang natin, Giliw, ang pagbubukang-liwayway!
Napirasong laman sa “barbed wire” ng Bilibid*
Magbabangon lahat, lalaban. Mababago lahat.
Pagpasiyahan mo: mga inang nagdurusa, gutom na sanggol*
Lahat ay nagdarasal sa araw ng katubusan*
Uusigin ang mga kriminal, isasakdal ang lapastangang mayaman
Mga kasikeng mapag-imbot, mga berdugong sandatahan*
Ang Malakanyang ay gagawing Museo, ang Forbes Park isang palaruan;
Bawat simula’y may wakas, ugat ay may bunga;
Mga kapatid, magbagon! Ngayon na at magpakailan pa man!
Mga pulubing manggagawa, inaliping anak-pawis*
Ipagdiwang natin ang kalansay ni Pedro Abad Santos*
Itinakda ng kasaysayan ang katarungang matagumpay.
Mabuhay ang bangkay ng pag-asa’t pagmimithi!
Magkikita tayo, Giliw, sa Tierra Virgen ng himagsikan.
Maliwalu, 1969
Pagbati’t Pahimakas sa Pagitan ng Dalawang Sungay
Ang panibugho ko’y isang karayom na naglagos sa litid ng iyong lalamunan.
Sa altar ng guniguni, hilaw na arina’y umaalsa…
Pigain mo ang suka ng ilang libong pagsisisi!
Ang patawad ko’y nakangangang sugat na nakalantad sa iyong dibdib.
Nahihinog ang prutas sa dilim; namumulaklak ang abo sa lupa….
Sa puntod binhi’y nagbunga ng tinik sa laman*
Ang pag-ibig ko’y naghilom na hiwa ng nagbabagang punyal sa iyong pusod.
Maliwalu, 1969
Mga Obserbasyon ni Okam
(Analohiya: Kung Ilang Anghel ang Makasasayaw
ng Boogie-Woogie sa Ulo ng Ispile)
Biglang dagok ng martilyo*
Agridulse? glorya ng hayop?
Natutop, bumalikwas
Ang saksi sa tipanan.
Bulaga! Sa santuwaryo
Halikan ang napakong “ako” *
Anong buti ng sama?
Hagkan mo ang araw.
Walang kulto ni himala
Sa kalbaryo o sabsaban*
Nabibingit sa hukay
Sa labi’y katotohanan.
Pagtatapat ba’y pagtataksil?
Nakangangang sugat*
Nagdalawang-loob ikaw
Nang kayo’y mag-isang dibdib.
Sa talim ng tarik, itakwil
Ang babala ng lagim;
Isang kisap-mata’y lumikha
Ng paraisong nawala.
Hulog, kahulugan*
Itiim ang bagang;
Dayukdok, isagad sa dulo*
Walang patawad ang martilyo.
Maliwalu, 1969
Gayuma ng Balighong Talinghaga ni Hieronymus Bosch
Nagdilim ang hininga: nagsikip ang paningin:
Sa alambike namulaklak ang sodyak:
Sumulak ang lamig: natunaw ang init:
Umusbong ang bituin sa guhit ng palad.
Nagsilang sa pagburol ang ulap ng bangin,
Sa balangkas ng kristal umikot ang diwa:
Oo mo’y naghindi, salungat na sang-ayon:
Buod ng diyamante’y uling na karbon.
Sumalupa nawa ang kaluluwang nag-ugat
Sa katawang hinubog ng aninong lumipad*
Anong pait ng takipsilim sa daan ng palad!
Dinggin mo’ng silahis sa matang tumitirik.
Maliwalu, 1969
Sa Kaarawan ng Manlalakbay
“Sumalupa nawa ang manlalakbay.”
Kulimlim sa dagat-baybayin. Nakahiga ako
Sa isang hiram na banig: nandayuhang ibon….
Sa along luksa, lumukso-tumalong
Sigaw ng mangingisda’y alaala ng panahon.
Lumutang ang alapaap sa himlayan ng ilog
Na ngayon sa uhaw ng bagwis natuyo;
Dumaloy noon sa katanghalian
Isdang lumubog sa dilim ng kailaliman.
Sa bundok na yaon, ano kayang suso
Ang uusod-usod sa araw’t magdamag?
Naaaninaw ko pa sa butas ng bubungan
Ang pulo ng bituin sa kaluwalhatian.
Kinalawang na ang labaha ko…
Sa tuktok na yaon, maningning na tala’y
Nasa sa mata rin ng ulilang tutubi
dito sa lantang bulaklak nagkukubli.
“Sumalupa nawa….”
Maliwalu, 1969
Pakiramdaman
Ang masa ng arina’y sa sulok humihinga,
Sa hardin ng guniguni’y gumigising ikaw.
Saang himalayan hilaw na karne’y sumisingaw?
Sa harap ng altar may aninong nagdarasal.
Sumungaw ang belong itim sa kristal na tasa*
Nagimbal ang kandila! Sa kalulwa pumitlag!
Habang ang susi’y sa bawat luhod sinusubok,
Ang dibdib ng mutya’y nahuhubdan sa ’king loob.
Nabasag ang kristal: gutom sa piging lumabas*
Bakas ng dugo’y bunyag sa tiwangwang na banig;
Sariwang hamog sa gabi’y lubhang tumilamsik,
Anong lihim ng alak at matamis na halik?
Maliwalu, 1969
Mga Tauhan sa Dulang Siniyasat ng Dilim
“Sino ang maysala?” Lumipas ang sandali
ng dilim sa liwasan. “Aywan ko, aywan….”
Sayang. Doon nagtipan ang dalawang tinig
sa tabing ng palihan:
“Bahala na.” Sayang.
Sa bahag-haring tulay ang ulilang daan;
nakatanikala sa lambong ng paalam.
“Nasumpungan*A, anong pait!”
Nasaplutan ang ulap ng dugong bumukal
sa sumpa ngayong ulila sa pag-asa:
Sayang. Nasa sa pag-uugnay
ang kinabukasan, sa kubling tipanan;
Ugong ng lamok ang nagbabantay
sa ulingang dapog: dalawang bangkay.
At tuwing mapipigtal ang hamog sa mata,
Mauulinigan ang dagok ng panday.
Maliwalu, 1969
Virtu at Ekstasis
Sa dayami nakahimlay ang palakol. Anong hugis ng agiw
sa ulap? Nakapaligid dito sa naghihingalong baga ng siga
sa nagkurus na daan na dati’y tipanan ng mga usang kulay-bughaw
ang ating anino. Namasdan ko ang hunyango sa paanan mo.
Ang buwan ay lamparang tanglaw sa payapang gilingan. Nagtago
ka sa minanang bahay sa tabi ng guhong simbahan, kaharap
mo’y pader at halamang bakod na sadya mong inangkin.
Nag-alay ka ng kamanyang sa isang bathalang iyong sinamba’t
sinalamin habang ako’y nakatanod sa isang pugita
na tanging palamuti sa utak. Anong ingay sa silong?
Sa pader nakintal ang hugis na karit na tila baga sungay*
sa putik na ulbo, anong bisa ng lilik?
Iguhit mo sa puting dahon ang asin at tinapay ng muling
pagkabuhay. Kailan ko ba napagmasdan siya? Sa ulilang bintana
ng bahay na bato, nasulyapan ko ang isang babaeng hubad, buhok
niya’y nakalugay; dilaw na pitsel, hilaw na suha ang nasa
tabi ng kanyang higaan. Tila buntis, naglilihi….
Anong nektar ng luntiang prutas ang bumabalong ngayon sa kahinugan
ng panahon? Sa harap ng siga gumapang ang hunyango.
Anong mahiwagang mithiin ang nagkubli sa sipres ng nagkurus
na daan?
Sa puting dahon tanging gumagalaw, nanunubok ang mga kuko
ng gagamba.
Maliwalu, 1969
Ang Kapangyarihan ng Pangyayari
Ang tugtog tinig tawa
Bulong lumagong anasan
Ingay biglang iyak
Taginting ng hikaw sinsing
Ang pumukaw sa paghimbing
Yabag ng tadhanang papalapit
Hininga’y kay bigat naninikip
Sigaw at bigwas sa ulo’y
Dumapo tili’t kalabog
Lumagapak humagulgol
Ingay putak unga’t irit
Mga balatkayo ng daigdig
Yabag ng tadhanang papalapit*
Hininga’y kay bigat naninikip
Kumaluskos ang anino
Sa silid*
Ang sakunang nakapako
Kumalansing ang salapi
Tunog ng pagtitiis
Yabag ng tadhanang papalapit
Hininga’y kay bigat naninikip
Pintong sarado’y bumukas
Bagwis ng dilim lagaslas
Hanging bumubulahaw
Sumisipol ang batis
Palatak tuminis
Yabag ng tadhanang lumalapit
Hininga’y anong bigat, sumisikip
Di pa bingi ikaw, tahol
Sa panimdim huni ng ibon
Sa loob bumubulong
Ang pagdurusa’t pag-ibig
Bingi ma’y nakaririnig:
Narito na! Tahimik….
Maliwalu, 1969
Ang Pagsisiyasat sa Alpha Centauri
… At lumusong ako sa liblib na parang ng mga buwan at araw
mula sa Apolo 169
sa tanglaw ng isip aking inaninaw ang daigdig ng tao
sa buntot ng lagim ng kabuktutan—
Moscow Washington Tokyo Berlin
Paris Manila London Roma Johannesburg Melbourne Beijing
nag-iisang Adang namimighati
pagkat ako’y iniluwal sa bangis
ng mga bombang pumutok (atomika, hidrohena, mga misil…)
sa usok ng ikatlong digmaang pandaigdigæ
O Parmenides! Plato! Hesukristo! Buda! Siba! Allah!
Nabaliw lahat ang mga diyos
at tao lamang ang siyang may-likha
ng tinaluntong landas tungo sa ilang
ng Alpha Centauri, 7000 A.D.
Maliwalu, 1969
Ang Pagsisiwalat ng Kahulugan
Dinamo. Kimera. Sampal. Halik.
BARAKUDA!
Humulagposæ
Sa sugat bumuhos
ang gatas
ng kamalayan:
Apoy
Apog NAKAGIGIMBAL?
Apoy
Ang makina ng guniguni:
Bulalas!
A
BA
KA
DA
Maliwalu, 1969
Apres Vous Le Deluge
Sa estero nagbalatkayo ang anghel mong bugaw, Barbara. Sa
palengke nabili kita, sa tanglaw ng neyon sa otel, sa tulay
na agiw sa lagusang hinabi ng libog at kati ng seks.
Sa tagong panig ng bulwagan, di kita nakitaæBarbara ng nagdurugong
rosas sa leeg, dibdib at balakang; malagkit ang titig mo…
Dahop sa yapos, halik, pakikipag-ugnayan.
Anong patalim
ang nasa dila mo?
Nahulog ang tanglaw sa putik ng pusali. Naghubad ka. Bumuka,
namukadkad ang ganda mo nang ang hita mo’y nag-arko sa ’king
nagbabagang katawan. Naghalong alak at alabok ang gabi.
Hintakot na hipo sa ’yong puson ang napigtalæ
Saliksikin
ang piramido, ang templo sa Indiya, ang Grand Canyonæ
Sa burak ng guniguni naglinaw ang damdamin.
Ugit ng araro’y sumilip…. Dalit, pisil, hilot, himas…
Tumusok, sumaksakæNangunyapit ikaw, nagbuhol tayo at tuluyang
nahulog sa malalim na bangin ng pag-iisa.
Puputok na ang uhay
sa dulo ng tangkay, Barbaraæ
Sumidhi, sagitsit ng dugong bumugso.
Sa himpapawid buhawi’y lumunsad. Sa higaan nadurog ang kaluluwa
Barbara, dinggin mo ang alingawgaw ng mga piping batingaw
ng mga simbahan sa Maynila.
Sa luntiang pagkilala natin sumupling,
nagbunga ang alaalang ito.
Nanginig ang ilaw-dagitab sa kirot
ng ating naghalong pawis at katas, habang binaybay ng kidlat sa
pusod ko ang landas ng iyong katawan patungong Andromeda!
Suriin mo ang pamahiin sa nobena, sa rosaryo, sa kumpisal
ni Santa Teresa at ni San Juan de la Cruz.
Wala kang
kapantay. Ngiti mo’y nakagigimbal. Kilay mo’y pumaimbulog
sa agos ng trapik sa Abenida Rizal.
Nakalupasay ang mga pulubi
sa bangketa ng maunlad na Republika.
Sa kanal naglutang ang
mga dumi, sanggol, diyaryo, Bibliya, kondom, San Miguel,
bangkay ng iyong ama o ina o anak….
Dumaloy ang dilim.
Sa lansangang sinukat ng aking anino tinubos ng iyong imaheng
nakaukit sa utak ko ang bawat baog na puso, kaluluwang
isinumpa ng mga Kastrati at mga bourgeoisie ng bayang sawi!
Pinupukaw mo, Barbara, ang pighating taksil sa gunita ng
paghihiwalay. Saang planeta ka iniluwal, Barbara, saang
kometa uminog ang iyong hininga?
Hindi ka nasulyapan ni
Catullus o ni Ovid. Mapalad ako.
Kahiman sa impiyerno
gumulong ang ating bungo’t mabubulok na laman, Barbara,
magkasiping pa rin tayo hanggang itikom ko ang mga daliri
sa pisnging malamig.
Maliwalu, 1969
Arkitektoniko
Pagbubulay-bulay:
Bumukal ako, alay ko’y
bulaklak ng kamalayanæ
Alaala ng
bulalakaw na alalay ng naglahong
alapaapæ
bula o bulak?
Ikaw na liwanag at mailap na bango,
Ikaw na
kabulaanan?
O buhayæ
Ay!
Maliwalu, 1969
Parabula ng Guniguni
Hawiin mo ang tabing ng gabi—
Sa dulo ng landas iyong iluwal ang luntiang bituin.
Humupa ang baha;
Bula’y pumailanlang; kumislap
Ang talim ng punyal
Na dagling lumipas, dapyong gurlis ang sagisag.
Dumudulog ang kudyapi sa nalikhang sanggol
Ng pagkakanulo.
Tinig ng babae’y sa lalim ng bulkan
Nag-apoy na rosas;
Sa groto ng dagat lumutang ang buhok, sa nagluksang ulap
Kuminang ang salamin ng buwan.
Alingawngaw na lang ang hinagpis—
Ako’y muling naglayag sa hulo’t luwasan ng bahaghari;
Agiw sa pagmulat
Ang hagkis ng sampung biyaya’y ang grasyang
Gayuma sa diwa
Nang umahon sa pampang: duguang araw….
Hawiin mo ang tabing ng gabi—
May iwang lakas sa guniguni.
Makata, 1968; 1969
Balada ng Pistang Walang Katapusan
Pagkumpas ng tambol nagsimula ang prusisyon:
Nasa harapan si Elenang kasintahan ni Ruben.
Sa lilim ng krus nagkubli si Miguel—
Sindihan mo ang kandila, heto na ang tambol mayor.
Pawis ni Ruben ay kay-pait, kay-alat
Habang naghihintay sa trono ng palapala:
Sa lilim ng arko nagtago si Miguel—
Sindihin mo ang kandila, kay-ganda ni Elena.
Kumikislap ang kuwintas sa dibdib ng reyna,
Nakatutuksong halimuyak ang singaw ng daan.
Sa lilim ng sungay mga matang mabalasik—
Sindihan mo ang kandila; nagpanting ang mga taynga.
Mahayap ang tabak sa dulang inihanda;
At ang balagtasan, sa moro-moro magwawakas
Ngunit itong pagtutugma ng pusong marahas—
Sindihan mo ang kandila, diyan magliliyab….
Sa lundo ng tulay napaos ang trumpeta,
Nanginig ang tambol sa tilian at sigaw:
Patakbong paalis ang kabayong karwahe—
Sindihan mo ang kandila, nasaan ang reyna?
Sa paghihiganti hinarang ni Miguel
Ang takas na birhen sa likod ng kamalig;
Kumislap ang punyal, umangil ang gulok—
Sindihan mo ang kandila, idaraos ang kasal.
Nagtiwangwang ang dugo sa luntiang lupa;
Ginahasa’t winarat ng mapusok na lakas—
Ang mga buto niya’y sa umaga ibibinhi
Ng bayang magbuburol sa tatlong nasawi:
Sindihan mo ang kandila, malamig na ang handa.
Makata, Oktubre 1968
Buhay at Kamatayan ng Isang Pag-ibig
Sa bulwagang iyon naulinigan mo ang lihim na bulong—
Anong paghuhunos
Sa kaluluwa ng panaho’y babalot?
Sa katahimikan
Daing, tagulaylay ang ‘yong alaala
Ngayong ulila nang lubos ang mundong nagbalatkayong
ganda.
Halika rito, Mahal, lumabas ka; at sa panaginip
Kumalas, pighati’y
Hubdan ng hiwagang habi sa panimdim;
Sa dugo’y bumalong
Sariwang gunitang naghugas sa iyo
Upang sa uhaw na pag-aasam-asam mabinyagan ako.
O baog na pag-asang nanuot sa pusong s’yang dinambana
Sa tambad na ilang
At sa alimbukay ng batis nagisnan
Ang hayop, pinaslang
Ng kung anong pangil—nagkubling himala?—
Ngunit tanging saksi sa pag-uugnay ng kaluluwa’t laman.
Makata, 1968
Ang Tadhana ng Tao sa Buhay na Ito
Sa bubungan daluyong ng hangi’t ulan . . .
Magising-maidlip
sa pananaginip
Ako’y naghihintay—
Sinong maglalakbay?—
Habang sa nag-krus na riles nag-aabang
Sa dagundong ng gulong ng treng nagbangon,
Tili’y lumagos sa dingding ng kahapon;
Binhi’y nabubulok
Sa tubig, alabok—
Ang madugong bakas
Dagling naghuhugas—
Tili, sigaw ng babaeng nagluluwal
ng sanggol sa hatinggabi ang hantungan
ng treng humahagibis sa ‘yong pagsilang.
Kailan darating habang nakahiwalay
sa sinapupunan ng gabi at ulan?
Tanging kasiping ko’y guniguning taglay
ang daigdig ng pagbubukang-liwayway.
Makata, 1968
Apdo sa Sugat
Apdo sa sugat ay kumirot. Ukilkil ng budhi’y ugit sa luwad
at sa lusak sumungaw ang pumpon ng uod.
Tinigpas ng pastol ang sibol. Umilag ka! Umigkas,
humaginit ang uha ng sanggolæanong hayop
ang gumagala sa iyong himlayan? Napagulantang ka.
Asin sa mata’y anino ng mga alitaptap na abot-tanaw
ng guniguning sukat ng dalawang sungay.
Sa putik-lubluban napalaot ang buwan hanggang
abo sa dila’y humiyaw, nanginig, namilipit….
Matinik na galamay sa dibdib ang biglang gumapos
at sa labing tiim tumusok, tumagosængipi’y umulosæ
sa burak ng libis, usa’y tumirik at lumuha
ng apog sa ugatækay bagsik! Duguang talulot
sa talon nalagas, lumagaslasæSa kanluran
kampanang nagbababala, batingaw na nanunumbat,
ang magdidilig ng sariwang hamog sa kuko’t buntot ng hayop.
Maliwalu, 1968
Trahedya ng Manlalayag sa Andromeda
May perlas ba sa talaba ng iyong mata?
Habang lumulutang sa tubig sakay ng haliging nabuwal
sa bagyong dumagsa, anong aakay sa akin
kundi kapirasong banog-lawin ng templong naanod?
Itigil ang lunday; may gaod ang katig ng ating lumutang na katawan
Natangay na rin ang babala sa pusod ng simbuyong
tumining sa isip…
Mga isdang nagpupusagæ
Sinong kaulayaw sa katawang-bangkang ankla’y iyong hita?
Anong lambat ang nakapulupot sa iyong balakang?
Sa marahas na alon, palikpik ng balikat mo’y aking layag
habang ang mga bathala’y lumusongæ
sa akwaryum?
Tumingala ka: masdan mo ang payapang pulo ng mga bituin.
Nabuo sa diwa ang itim na Sisneng lumalangoy upang tayo’y sagipinæ
Subalit ang nasa daunga’y hind bunganga ng pating
kundi luha ng mga buwaya!
Sa wakas
umahon pagkati ng baha ang mabuhok na galamayæ
Napalaot tayo, nabasbasan ng tabsing ng dagat:
napag-isa, nag-isa.
Maliwalu, 1968
Isang Kabanata sa Huling Pagtatagpo
Nakalugmok siya sa gilid ng matandang bahay-bato,
Ampat na ang dugong natigis sa guho.
“Igawad nawa ng Diyos ang kinikilala . . .”
Nagsalimbayan ang mga buwitre, sumibad sa dilim
Ang kidlat! Ako’y napako sa sariling pag-amin.
Nasagi, tumikom ang aninong buto’t balat—
Ngunit di siya umigtad, di man lamang tuminag.
Nalimutan na niya ang pinakaaasahan ko,
Ang unang pangalang naiwan sa puntod.
Sa likod ng bahay ang patibong: hibang? baliw?
Alabok sa utak, nag-ulap sa isip—
Usal ng litanya sa kaluwalhatian,
Orasyon ng hayop sa talampakan.
Durog na ang krus, ang tahana’y lugmok na.
Isang di-kilala, pagbaling ng ulo,
Ang sumungaw, may sapot ng lagim sa kanyang mukhang
Sumaakin sa biglang pagkakilala.
Manlilikha, Disyembre 1967
Pahayag sa mga Kapanahon
Sa mga alipuris na lumamon ng salapi,
Biyaya ninyo’y balaklaot
Aklas, dugo! Sigaw ng sigwa’y bubugso
Sa madaling araw,
Sa balaho ang yagit ay maaanod—
Durog na puri at karangalan
Sa hungkag na sikmura natimbuwang.
Usig, kidlat! Ligpit, mga salaring sakim--
Sa habagat ng pagtutuos
Mawawakwak ang lahat,
Mabubuhay ang lahat.
Pumipihit sa lusong ang silakbo
Ng bahang bubuhos:
Putong na tinik ay pumipihit—
Sa tilaok ng manok, kaputol ng taynga, higos
Ang mahuhuli ng lambat.
Hugos ng tinig—“Ikaw ang nagsabi.”
Sa gayak ng panganorin
Pumipihit ang balaklaot.
Manlilikha, Enero 1967
Sa Ward 7, Silid 11, ng Ospital
Napagulantang ikaw sa bati ng irog mong kapalaran.
Bakit kasalanan
Ang pag-alang-alang sa alanganin, sa pag-aalinlangan?
Liwanag ng alpa’y
Naligaw sa ilang.
Nagbantang buhawi’y
Sumulak sa arko ng ‘yong balintataw;
Anong anting-anting
Sa luhang bulaos ang makasasaklaw?
Apog sa mata mo’y nag-aagaw-dilim,
Sigwang bumugso, himagsik
Ng damdami’t panaginip—
Sagitsit ng dugong pinakamimithi.
Pulot-gata:
Sa magkabilang sungay ng iyong landas
Nagpumiglas
Ang budhing nabihag at nagkahulihan
Ng loob sa lambong
Ng impaktong abo.
Makata, 1967
Alegorya ng Pagsisiyasat at Pagtugis sa Kaakuhan
Sa dako pa roon, lumukso sa dingding ng bakuran,
Sa pader tumalon, naroon
Ang layag at mga bituing nakasalabit
Sa tinik ng dilim, mumunting kislap
Sa aranya ng gabi.
May paniking pumapagpag sa sanga ng duhat—
Doon nagbubuhat ang bulong;
Sa bintana ng kusina, kamay—
Kanino iyon? Akin? Iyo? Kanino?
Kangino yaong mata sa sulok ng pinto?
At namaybay ikaw sa daang-bakal ng maraming taon
Hanggang mahutok ang katawan
Sa kandong ng lupa, sa liblib na landas
At doon nagkubli ang kaluluwa
Sa talampakan ng bituing sumilip pagakaraan ng baha.
Manlilikha, 1967
Talambuhay
Sa liblib nagluklok ang paos na tinig
na sumupling sa ulirat;
Tumindig ang buhok, nanginig,
sa kilabot.
Ito’y kalyeng putol,
paripang tanikala ang langit.
Masungit ang panahon,
ngunit may silahis sa matang tumitirik.
Subaybayan ang hintuturo:
nanganganinag ang buwitreng nakatanghod
sa kawad ng koryente . . . .
Ngiping tiim ang nakatuon
sa lupang nabigo’t naglusak
Sa bigwas ng sigwang dumagsa—
natimbuwang na lahat!
Umulos sa isip ang kirot, umantak
ang hinaing at paghihinala
Habang ang ngipin ay ugit ng araro
sa liblib na pook.
Manlilikha, 1967
Anting-anting
(Pagpapatungkol sa mga “Hostess” ng Manila Bay)
Maaliwalas ang simbahan
Ngunit nagsisikip ang madla,
Nagsisikip din ang dibdib
Sa udyok ng “seks.”
Belong maskara, nakaluksa
Pagkat napikot:
“Cut! Cut!” sigaw ng Direktoræ
Bangungot ba ito?
Ilang tapyas ng brilyante
Senakulo, penitensiya;
Nakatrahe-de-boda
Hanggang talampakan.
Ang panata ng magnobyo
Sa likod ng tabing;
Tumikhim si Dorong Putol,
Nagkanulong kontrabida.
Anong sagisag ng binyagæ
Sinaryo ng pelikulaæ
Ang magkakalas sa buhol
Ng buntonghininga!
“Lights, Camera, Action!”
Sa pinipintuho
Bumulaga’y “Amen” æ
Brilyanteng natambad.
Ligtas ba ang tinapay
Sa balisong ni Doro?
Anong natuklasan
Sa gandang malikmata?
Maliwalu, 1967
Ang Kalansay ni Pedro Abad Santos
(Mga Lagas na Dahon ng Isang Panaginip)
æSumalupa nawa ang ispiritu niya, sabi ni Luz Diwa. Sa salamin ng motel, dura ng gagamba. O querida mia, kailan pa ang katubusan ng Pilipinas?
Pag-ibig anaki. Gud taym. Tiyak na ang kandidato mo. Sa kumpisalan, kalansing ng salapi. Abo ng aking kabataan sa Abenida Rizal, sa Blumentritt, sa Montalban, sa Balintawak, at ngayon… dito sa dalampasigan ng Bagong Daigdig.
Apollo 11: MAN LANDS ON MOON.
At si Cynthia? Si Diana?
Ginahasa raw ni Nixon ang Ina ng… Kundangan kay-raming Indyong nagpapaloko. Ibinulong ni ex-Fr. Lim ang kamandag ng loba negra. May liham ako, pero tila nanggubat siya. Tinutugis daw ng PC. Sawing mga panambitan ng ilang libong mga kapatidæsa Pasong Tamo, sa mga yapak ni Aguinaldo tungo saæsa salamisim ng kasaysayan. Walang pakinabang. Malansang isda sa “Little Quiapo” noong 1954-58. Mga alipuris ng panahon ng mabantot na pagpapaimbulog sa Balara, sa puwit ng Sierra Madre.
Oo, Luz Diwa, iaalay ang dinamita sa piging ng mga kasike sa Malakanyang. Napatawad na raw sina Baking, Lava. E ano ngayon? Malaya na ba ang konsiyensiya ng mga berdugo ng Maliwalu? At ang gutom sa Tondo, ang paghihikahos ng mga ina’t bunso sa pusod ng Maynila. Mayaman na ngayon ang kasamang Kristobal Ople Diaz. Kapangyarihan at lakas ng tao. Madilim pa ang plaza. Payapa sa morge, pakli ni Angel Maharlika, arkitektong alibugha. Nagkubli ka sa telon noong Oktubre 1951. Sa Samaniego Building naisangla mo ang iyong kapalaran at pagkatao. Sa isang baso ng bulok na gatas naigupit mo O sintang lupa. Bayan ng hinagpis magpakailanpaman. Ilang taon sa Muntinglupa at ngayong ilang dipa ang langit? Sa singit ng mga Diyos natin sa Forbes Park, sa Ayala Ave.
Sa ilog ng Wawa, kamuntik na lamang lumutang-lutang ang katawan ng mangingisda. Oo, Luz Diwa, hanggang hindi magbabaha ng dugo sa Maynila. Nil desperandum.
Ngunit ang mga henyito ng ating panahon, sina Demetilrio at Little Boy Daux na nagkumpol sa Indot Bravot na parang mga langaw. At paano si Nanding na alila sa Liwayway? At ng mga Vegang patutot ng panahon. Walang pag-asa kung bingi. Pundido, maaga pa.
Sa Sulo sumiklab ang mga panaginip ng kalayaan. Sa hita ng dalagang nagsasayaw, kumukumpas, sa mga bundok ng kanyang dibdib, sa mga palapag ng kanyang katawanæmga Rice Terraces na inangkin ni Mr. Swidden, ang may-ari ng Benguet Gold Mines. O sa Mt. Buntis, libingan ni Juan Alaberde. Ang mangingisdang ama ko. En campos de batalla.
Alaala ko sa U.P. ang naluray sa ilang botelyang San Miguel, nawaglit na kabataan sa mga babaeng nagpatiwakal sa mga masalaping araro. Banal na katas na kumirot at pumait sa pusod ng imburnal sa Sampaloc at sa mga Motel ng Ermita. Ngayon sa Hindot Bratot. Oo, doon sa Diliman kaakit-akit ang liwanag subalit isang tambak na SOB, gahamang mga inggetera at baliw, duhapang sakristan ng Diyos na putik. Tinahak ko na sa mga maling paglingap ng Sierra Madre, sa Forest ni Bill Pomeroy, ang naduwal na kaluluwa ni Pedro Abad Santos. Sa Peking ba siya ngayon? Sa Moscow? Gantimpala lamang sa busilak na poot ng mahihirap hanggang ngayon.
Nagmintis ang hininga ng ama ko.
Bakit, Luz Diwa, wala ka roon nang minasinggan ang mga kahapis-hapis na alagad ng Lapiang Malaya? Bakit? Maunlad ang Pilipinas. Masdan mo ang Hilton, ang mga gusali sa Makati. May mga tae sa pader ng mga Villa; may nabubulok na kung ano sa tabi ng Pasig. At ang tubig ng NAWASA ay may tipus at kolera.
Bakit, Luz Diwa, anong huni ng lumbay ang nabitag sa tinik ng rosas sa Maliwalu? at isinakdal sa Fort Bonifacio? Sa dalampasigan ng Laguna de Bay, sumabog ang dinamita, Bulag, duguang kamay. Suwerte at walang buwaya, sapagkat walang Elias ngayon. Ultima razon ay salapi.
Bakit, Luz Diwa, res est sacra miser?
Si Mr. Swidden daw ang bibili ng iyong katawan mamayang kabi. Magkano? Hibang na nasa. Kahit ang Latin ay kupas na wika sa lambing ng katotohanan. Ngunit nais nating mag-Inggles? Kailangang ititig ang namumuhing mata sa nilapang bangkay ng mga anak-pawis. Umaklas? Maghimagsik? Tanungin mo si Benigno Ramos. Tanungin mo ang abo ni Crisanto Evangelista.
(Pinuna ni Arnold Toynbee na sa pagpapalaganap ng mga Kastila ng Kristiyanismo ay nabigyan ang wikang katutubo ng sandatang panlaban sa mga mismong mananakop. Kung ang kulay ng balat ay walang kinalaman sa halaga ng kaluluwa, ano pa ang kabuluhan ng mga namamahala?)
Ikaw, Juan Alaberde, ay dapat sumuri sa anatomya ng kahapon. Pawiin mo ang dusang nanlalagkit sa suso ng iyong kasintahan, sa kanyang puson at hita. Itangis mo ang napigtal na hiyas sa laki ng dilag na dinagit ng mga paniking nagsuot sa Escolta, mga alipuris sa Ongpin, sa mga barb wire ng Hacienda Cojuangco. Sumisid ang pulang gurami. Sinunggaban ang nagtilampong pira-pirasong lamanæni ama. O inay, sa iyong kandungan yapusin ang karit ng pagtitiis!
Ikaw, Angel Maharlika, sumumpa ka: itatakwil mo ang “sining para sa sining.” Sampagita o kaktus? Itangis mo ang kasiphayuang tiniis ni Luz Diwa sa EDCOR nang si Monching ay puppet ng CIA at siyang alila ng mga imperyalista. Multo ng leonæmga malikmata sa gubat ng iyong guniguning napako sa tabing ng Nazareno sa Quiapo. Dumi at alikabok noong panahon ni Recto-Laurel, at anong nangyari sa lintik na Alcantara, ang bida ng mga palabas noon. Sayang ang karanasan ko sa Tayug. Isang kabaliwan.
Paglipas ng flores de Mayo, tumungo kayo sa Hindot Bratot at doon ipanglimos ang banaag at sikat. Dura, pawis, dugo, luha ang idilig sa tigang. Magpapasinaya ang bagong Center ng Kultura, at sinulatan ako ni Senyor Palanca upang humalakhak na lalo ang mga “brown Americans” at mga miron ni Casper at mga indios cobardes sin cojones! OLE. Inilulan siya sa kalawanging kareta ng Alkalde. Dumalo ang mga padrino. Hila na siya ng batugang kalabaw ni Don Lopez Araneta Zobel de Ayala. Ewan ko kung sino ang ililibing ngayon…
Luz Diwa, bukang-liwayway na. Magdamit ka na. Tapos na kitang gamitin. Magpagamit ka na sa iba, kay Mr. Swidden. Ang makata sa silid ng kanyang pangarap ay lubhang maamo. Upos na ang aking nasa, udyok, gayuma. May katapusan si Juan Alaberde. Huwag mong biruin sapagkat bagong gising. Walang sugat ang talampakan.
Nang ako’y umuwi sa Pilipinas, 1966, tinungo ko agad ang babae sa Marinaæwala na pala. Isang tampal ang dumapo. Anong dikit ng katawang nasulyapan ko. Namimiyapis ang mga kardinal sa Vatican. Dumarami ang Papa sa Pilipinas. Bahala na, Bathala. Nakabubulag ang kislap ng araw sa paghawi ng sapot. At tinig ay tumakasæNil desperandum.
Sa likod ng simbahan, nagpasiyam si Kiko Palabra. Paalam… sa kahariang Albanya. Luz Diwa, ikaw ba’y manikang may gintong palamuti sa leeg at nakatihaya sa silong ng aking pagnanais? Pantasmang nagbanyuhay sa pusaling tumining sa Santa Rosa, sa sulok ng aking pagkabigo. Sukat na, sukat na ang mga Kristong aliping naglipana sa Kongreso, sa Soler, sa mga bar at naytklab na nagbuburak sa mga eskinita ng Quezon Boulevard. Mga hamak na bebong sa piyer, mga balatkayo ng katauhang nagkanulo noong 1896æmga kampon ni Araneta-Paterno-Buencamino. Ngayon ang paralitiko ay bumbabalik…
Si Apo Pidyong noong 1949 ay di sana naging hari. Kung bakit si Taruc ay naging santo. Ang lampara, huwag mong salangin. Titimbangin ni Simon ang bisa at birtud ng ating alamat. Magkano ba, Luz, ang utang na loob ko? Hindi ito Biyak-na-bato. Tupada, Grand Derby ng Pintakasi, at pulos mga Miss Universe daw ang mga babaeng Pilipina, o kaya’y maghahabol sa mga Armi Kuusela at kung sino pa mang magpapatunay sa pagkalalaki ng Indyo. Ayoko na. Sisibat na ako. Tubong Bangkusayækilala mo ba si Sulayman? Naito ang gulok niya, matalim (puro damatan ang naka-linya roon sa Culu-culi). Nasirang bait ni Juan Alaberde, kalbong ulo ni Toynbee. Sa paghahanap niya sa akin, lumagpak ang kanyang puso sa Coliseum ng mga kapitalistang maninipsip-dugo. Ako’y sa pula, sa pula.
Noong araw, si Ama’y may karit sa mandala, gumugulong daw ang mga ulo noong Liberasyon. Mga Makapiling todas na sa riles ng Blumentritt. Sa Malolos din. Kailangan na kundi’y kailan pa? Luz Diwa, ibuka mo ang iyong bunganga. Baka nga bumangon ang kalansay ni Pedro Abad Santos. Handa ka na ba, Luz Diwa? Nil desperandum. Sumalupa nawa… Mr. Swidden, anong laki ng armas mo! Kaawaan si Luz Diwa. Sawing Pilipinas.
Kung Ikaw ay Inaapi, 1967
Ang Biktima
Natikom ang bibig. Nagbuhol, nalagot ang hininga.
Namutla ang araw. Sa kabalintunaan, tala’y
Naglaho… Nagbulung-bulungan ang mga laman-lupa.
Uminog sa ugat ang dalamhating ganidæ
Hayun! ang biktima sa guho ng bangi’t batong nag-usli.
Namurak ang bukal sa himalang pighati.
Gumulong ang araw. Sa ’sang iglap gumuhit ang tukso.
Sa daluyong nalugas ang tinik na sapot
Ng bangkay. At nagising sa piging ng uod…
Malikmata! sagimsim: anong hayop ang lagalag sa parang?
Sa dagtang kay pait dumapo ang uwak
At sa pusod bumalong: tumining: dumipa
Ang hamog: dilim doo’y kusang nakalas. Labing tiimæ
Anong ibubulalas? Anong halimaw sa dibdib
Nagpugad? Saan maghihilom ang kaluluwa’t budhi?
Maliwalu, 1967
Palaisipan ng Krimen sa Tiktik
Naglambong sa araw ang putikang pakpak
Sa makapangyarihan umaalalay;
Nakatanikala ang aninong diwa
Alay ang alaala sa nawawala.
Anong agam-agam ang tila alamid
Sa kamalaya’y lumundag at pumuslit?
Anong malikmata doo’y naglalaro
Sa noong naghain ng pagkakanulo?
Sa kawalang napaglirip aalalay
Ang tulay ng pusod at atay ng lupa;
Tawagin ang titik na siyang susukat
Sa natuklasang bangkay sa dibdib-gubat.
Ang paing kamandag sa agnos natitik;
Lumagos ang hayop sakmal sa panimdim;
Mabagsik na pita ng sumugbang dilim
Sinimsim ang bangong dumanak sa isip.
Sino ang uugit sa pagsisiyasat?
Sa patlang ng kidlat at kulog sumungaw
Mabuhok na kamay na siyang sumunggab
Sa alak, tinapay, at sinag sa altar . . . .
Makata, 1966/1967
Katha para sa Limang Tinig
Ang seremonya ng damdamin ay nagaganap sa loob
ng ngayon at kinabukasan.
(Doon sa kaloob-looban nagpugad ang kaluluwa;
Sa balon ng kapatagan
Gumising ang katawan.)
Ngayon sa sikmura ko’y bughaw ang ulap
at sa utak ay naglutang ang pulang bituin.
(Gumapang ang suso sa paanan ng bundok,
Gumapang ang usbong
Sa pusaling mabato.)
Pisilin mo sa lalamunan ang bunga ng alaala,
umaawit ang pangarap sa lambong ng pag-asa.
(Sa dilim ng lupang sinapupunan
Ang kislap ng brilyante’y
Bumalong sa kamalayan.)
Isusuka ko ang abo ng libong panaginip
upang ikaw sa lupa ay sumibol . . .
Manlilikha, 1966; 1967
Kamandag sa Dibdib ng Bawat Nilikha
Siyam na buwang bilanggo, anino ba ng halimaw
O panaginip ng uod sa bungong nagluwal?
Nagpupuyos ang pangamba, nagpumiglas sa dibdib
Ang punyal.
Ngiping nakangiti’y
Nanunubok sa piitan—Sino? Sino?
Anong ulupong ang lumingkis sa leeg nang unti-unti?
Hintakot—sa kagat ng lamok?—
Hindi, kundi
Sa kamandag ng busilak na dibdib.
Bawat kirot ng kalingkingan ay naghuhudyat
ngayon ng tipanan sa dulo ng landas.
Anong dupok ng lamang walang lunos, lunas
Walang bisang awa sa salot na walang patawad;
Baog ang lupang balot sa karimlan—
Tumpok na abo ang parangal ng anak
sa pangalan ng ama, sariwang lumbay . . .
Sumpa ng palad ang bugtong na sangla!
Manlilikha, 1966/1967
Dasal
Ang Panginoon ay aking pastol
Hindi ako nangangailangan
Pagkat nakasingkaw ang
Walang puring animal;
Tansong pamatok
Ang kanyang rurok.
Pinahiga niya ako sa sariwang pastulan
Sa lusak ng ulbo, nagkapintig
Ang sinapupunan ng ina,
Nangiwi sa hapdi’t
Basbas ng kalawit.
Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis
ng lilim ng kamatayan
Sino ang nagbabalatkayo
Sa inunang abo?
Naghunos sa tadyang
Ang kandong ng kabiyak.
Wala akong kinatatakutang kasamaan
Wala kundi ang sariling anino
Sa salamin, ang pait ng apdo;
Ano pa ang kailangan
Ng patabaing laman?
Manlilikha, Mayo 1966
Isang Dasal-Dalit Sa Bawa’t Hininga Ng Tao
Dumating na ang lalaking sugatan, dala’y
Kapayapaan sa inulilang tahanan.
“O anak, asawa mo’y nagluwal ng babaeng sanggol.”
“Inay ko, pasalamatan ang grasya ng Diyos….
Ilatag niyo na po ang aking higaan, paa ninyo’y ingatan—
Ilapat sa sahig nang di nila maulinigan.”
Samantala, sa silid ng pulot-gata’t binyagan:
“Inay, ano po ‘yong ingay sa dilim?”
“Iyo’y kuwago sa balete.”
“Inay, ano po ‘yong ingay sa dilim?”
“O, aking anak, asawa mo’y nahihimbing!”
Bilin ng bagong dating bago siya lumisan—
“Asawa ko, nakatitig ako sa ‘yong mga mata
Bagama’t maulap na itong balintataw.”
“A, Inay ko,” wika ng bagong ina, “dalawang hukay ang idulot
At sa pagitan ng aming hininga
Luwalhati na rin itong bunso….”
“O Diyos ng awa!” hibik-hikbi ng matanda
Aninong buto’t balat ng kinaumagahan
Sa tahimik na liwanag ng katotohanan.
Liwayway, 7 Marso 1996
Ang Pagbubukang-liwayway
Natimbuwang lahat. Anong sungit ng panahon!
Mga bakas ng paa sa dalampasigan
Ang umahon, sa bula’y biglang nawala;
Bumabaw ang pampang sa bawat indak, saklot….
Sa agos ng hininga mo’y uminog ang lunday
At sa sigwang bumuhos, sumilong…
Mga kuko’t galamay ng alimango’y
Umusad, napinid sa ibang kulungan.
Wasak: wagas: wakas. Anong lupit ng iyong titig!
Pugita’y sumisid sa matris ng kabibiæ
Anong mithiin, panata, ang nagsaulap?
Anong hiwa sa dibdib ang humiwalay?
Sinong dumaong? Anong naanod? Sa buhanginan
Nagisnan ko ang iyong katawan;
Nanuot sa buto ang alat ng asin
At bumihag ang lumot sa aking tadyang.
Maliwalu, 1966
Ang Dimensiyon ng Damdamin
Natuyo na ang tubig sa matandang balon
ngunit naghihintay ka pa rin hanggang ngayon;
dalawang uwak ang dumapo sa duklay ng sampalokæ
anong asim ng paglimot!
Tubig, kaunting tubig sa disyertong nagisnan…
napigtal na ugat sa dibdib;
kahit katas ng dayap ay pamatid-uhaw na
sa nagunitang sugat sa isip.
Maliwalu, 1966
Serpiyente
Singsing na ito’y puwit lamang ng baso,
Puwit ng baso rin ang koronang ito;
Ngunit anong saro ng huling hapunan
Ang makatitimbang sa unang tipanan?
Maliwalu, 1966
Ikapat ng Umaga Saan mang Lupalop
ng Daigdig
Kadalasan, tuwing ikapat ng umaga,
habang nahihimbing ang mag-ina
Sa silid na nilamon ng dilim,
sa mukha ng gunita’y bumubulong ang hangin.
Mga gabi ng pagsusuyuan sa mga landas
ng bituing naglalamay, langung-langong ulap;
Namumukadkad ang halamanang dinilig ng hamog
sa liwanag ng buwan, lihim na samyo—
Anong hirap ang kabanalan nitong gabi
habang ang bigat ng dalisay na hangin
ay di maubos ng pawis, dasal, hininga . . .
Nang-aakit ka muli na ako’y tumahak
sa mga landas na pinagpaguran
ng gandang umagang ngayo’y hinihintay,
naglahong pag-asa ng isang ama.
Manlilikha, 1965; 1966
Ang Kaalaman ng Kahapon
I
Humahagibis ang tren sa lungga ng lupa—Tatlong sigaw!
Babala: umaalingawngaw!
Angil, daluhong: tatlong hampas ng kawing—
Nalabnot ang kilay, kumislap ang luha.
Anim na hayop ang gumagala sa lansangan,
Anim na kaluluwa ang dumaraan
Ngunit siyam na katawan ang nagisnan, siyam
Sa guniguni’y natuklasan—Nataus ang kapalaran:
Siyam na bangkay ang nasumpungan . . . .
II
Tuwing daraan kami sa riles na pinagkurusan,
Napupukaw ang gunita—
Lupit ng pagpigil at pagtitimpi’y
Nakintal sa isip.
Pag-asang nasagap—maagap sa arko’y
Kakatwang himala;
Ngitngit, ipuipo ng panahon
Umiipon sa lahat.
Sa karosa ng panaginip
Walang hinanakit, di nakahihindik ang sakit.
Manlilikha, 1965; 1966
Eklipse ng Buwan at Araw sa Nayon ng
Montalban
Isang itim na lobo ang lumulon
sa puting tupa.
Mga babaeng nakaluksa sa prusisyon
pagpintog ng tiyan
ng malahimalang birhen.
Nagbabanta ang limbon . . . sa dulo ng hintuturo,
naglahong palaba.
Nagkubli ang mga pulang labi sa belong takipsilim . . .
Pagsungaw ng buwang maliwanag,
isang hiyaw
ang umigkas!
Sa pagitan ng paglamon ng buwan sa araw,
ng araw sa buwan,
natambad
ang isang hayop na hubad,
nakatihaya
sa parang.
Manlilikha, Dawn, 26 Hunyo 1965
Pinakauna at Pinakahuling Tanaga
ni E. San Juan, Jr.
In every work of art there is a reconcilement of the external with the internal . . .
—SAMUEL TAYLOR COLERIDGE
Gusing ginto sa dilim
Kusang umang- / inangkin
Sa matris nitong isip
Sumilang—panaginip?
Dawn, 5 Marso 1965
Maskara ng Makata
Wala, walang hugis ang aking mukha
At wala ring pangalan
Ang aking pagnanasa
Sa silid ay maraming pinto at durungawan
At ang kawayang lumalagutok
Sa daluyong ng hangin
Huwag mong aminin
Na sa iyong buntong–hininga nagpuputok
Ang kanyang pagkatao, subalit
Sa paningin at pandinig
Sa diwa’t pag-ibig ng isang nilalang
Gumagalaw, kumikilos ang bawat nilikha
Pagka’t ako’y nag-iisa sa ulilang silid
At naglalamay sa buong daigdig.
Wala akong kaakuhan; ako’y iyan
Kung anong buhay
Sumisilay
Sa damdamin ng lupa, hayop, halamanan, bubong, tala—
Sa kabilugan ng pangmalas nasasaklaw:
Ibubunga ito
Ng tahimik na pagninilay-nilay—
Gigising ako
Sa iglap ng kometang naupos sa karimlan:
Isang tanglaw sa bangin ng kaisahan
Ngunit tubos ng batis at sibol ng bawat bagay.
Manlilikha, Liwayway, 1 Marso 1965
Alamat
Maharlikang hantik
Sa hagdang dahilig
Buig ng ubas
Nakalalaway
(Tungo sa plasa ang kabaong
Abuloy sa aso
Tungo sa plasa ang binyagan
Oras na . . . .)
Hele-heleng tulisan
Ano’ng iyong hangad?
Dasal at pagsumpa—
Laman at kaluluwa
(Tungo sa plasa ang huwes
Patumbalik
Tungo sa plasa ang tulisan
Ano’ng patawad?)
Maharlikang hantik
Punlang naunsiyami?
Nilamukos na bunga
Libog ng katawan
Utang na loob!
kara-krus ba ito
Ng diyos at mga santong
Patay-gutom?
Iligtas mo kami
Sa plasa ng karnabal
Lumuluhog kami
O poong hantik!
Manlilikha, 1965
Pamahiin
Kanina pa kita tinititigan, Alegria;
Nagumon ka sa aliw at indayog ng mga pangako
Sa panimdim mo. Umasim na ang alak
Sa dambana, umalat na lubha ang dugo
Sa dila’t mata ko; kanina pa, Alegria.
Sumungaw sa kurtina ang demonyong gutom
Sa paglilirip—Ngatngat ng bituka’t
Kalam na nag-udyok: saklolo!
Wala ka na, Alegria . . . Lagda
Ito ng bagsik ng pitlag na kasuklam-suklam.
Subalit huli na. Nagbalikwas ang duyan ng alaala:
Kahapon pa, Alegria, itong gitgit
Ng bakal na gaod. Abuhing liwanag
Ang sagisag ng bagang nagngangalit
Sa buod ng palihan, yapos ng tanikala.
Inaasam-asam mo ang tukso ng laman,
Alegria, ngunit ngayo’y himaymay ng gunita
Ang tanging hibla sa warak na dibdib:
Damhin mo, Alegria, ang pangako ng malikmatang
Pagtitig kong humihingi ng saklolo….
Manlilikha, 1965
Sa Likod ng Tabing
Singsing ng tanikala ng dalawang ito—
sa nahubad na balat
sumilay ang karimlan:
nabibingit sa bighani ng oo/hindi.
Sa bintana, puting kamison . . .
kumislot, nag-alimpuyo
sa simoy—
nabunyag na laman.
Butil-pawis ang hamog
na gumiti sa gunita,
sa luwasan, di mahulo
ang wakas ng hiningang
umigpaw!
Nagkubli ang sinag sa balakang na nalantad
ng kidlat—
dalawang katawang
napag-isa ng dilim—
Nang masaid ang bukal, himalang namukadkad
sa bukana
ang mukha ng diwatang
walang hiya
Manlilikha, 1965
Sa Minsang Pagtirik ng Aking Anak
Sa Pagsalakay ng Isang Malubhang Sakit
Kay-init ng noong nagliliyab
(Kay-lamig ng hamog sa umaga)
Nasalab, nadarang, nakapapasong balat
Nandidilat ang ningas
(Kasimputi ng ulap)
Nanginginig ang buhok
O ina ng mga sawimpalad—
Bumaligtad kami sa tudla ng sakit
Mulagat na mata’t pintog ng ugat
(Bughaw ba ang panaginip?)
Lumuwa sa dila: nagbubulang laway
(Kay-itim ng mga bituin)
Sa pagkawalang-lunas ng bawat taong
Isinilang sa kamatayan . . .
Patuloy ang dalangin
Sa binging langit ng pag-asa
Sa umaalimbukay na dibdib
Sa kumukulong himpapawid—
Anong kasalanan nitong sanggol
Na hinaplit ng apoy?
Walang patawad ang buhay—
Ano’ng kaligtasan ng nilalang?
Isinusumpa ko ito ngayon
At sa oras ng kamatayan.
Manlilikha, 1965
Ang Huling Paalam
Patay na ang Maykapal. Nagsasayaw
sa paligid ng balete ang babaylan;
nag-ugat ang iyak sa dilim na nilalang
ng kalikasan, at doon natambad
ang magkabilang mukha ng ikon.
Banal na labi, anong sumpa ang patawad?
Ako’y isang ulol, aninong alipin,
palalong lamanlupa. Nagwawalambahala,
bahala ka na . . .
Sa lalim ng lihim
himalang bumukal sa lusak ng saklolo
ikaw, at ako’y nagiyagis
sa gabing hagkis ng ligalig
at sa bisa ng pagluluksa, lahat
ng salawikain ay nagiging sawikain.
Pagsalimbay ng bagwis bumabangon
ang mangkukulam sa puso,
aswang ang naglalagalag sa tanglaw ng kuwintas
sa leeg ng babaylan
habang sa paligid ng balete nagsasayaw.
Manlilikha, 1965
Pag-uugnay sa mga Guho ng Intramuros
Sa liblib na pook sa lambong ng malumot
na mga pader ng isang simbahan sa Intramuros,
dalawang aninong naggulong sa damo ng dating altar
ang nasumpungan ko sa pakikipagsapalaran
sa di inaasahang pagkakataon, nang ako’y
mapalugmok sa paggugunita ng nagdaang panahon.
Ilang libong taon, ilang simbuyo’t buntonghininga
upang lumikha ng sandakot na alabok…
hubad na lalaki’y dagliang napaibabaw
sa dalagang katambal ng ina nating lupa.
Sa pagtatakip-silim at paglabo ng balintataw
naaninaw ko pa rin ang mga batong muog
ng banal na mithiin ng kaluluwang ngayon
ay muling nagkatawang-lupa sa walang tandang puntod;
ngunit anong bisa pa nitong nasaputang pagsisisi?
Tila lindol ang hayok ng lalaking nakadipa
sa isang lugar na sa pag-iisa’y matatarok,
subalit oras na yaon ay bunyag sa akinæ
A, anong lalim ng hiwagang naisasaloob!
Maliwalu, 1965
Metamorposis
Bagsik ng titig umuusig
Tinging mabalasik
Labing nakapiit
Dibdib nagsisikip
Hagibis Lintik
Udyok umuulit-ulit
Unti-unting nabibingit
Hitang namimilipit
Sa dilim namumutiktik
O pusong marubdob
Nitong magsing-irog
Hitik-hitik na handog
Sadyang bubulalas
Kusang kakalas
Ulan na tanging lunas
Maliwalu, 1965
Res Est Sacra Miser
Felix Razon Veneranda! Abutin mo ang dulo ng silo
Sa lilim ng araw. Malikmata?
Paglimiin ang lunggati sa ilap ng hangin.
May bugtong ang alapaap. Sinag, hayun!
Kumukurap-kurap… Sa bawat uha ng sanggol
Umaga’y bumukal, humagibisæTudlain mo
Ang silahis sa hukay ng iyong balintataw.
Bumaon ang suyod sa sariling dibdib,
Palasong ibininit ang nakintal sa budhi;
Ligalig-lagalag ang kamalayang umigtad
Sa tala’y umagtingæBakit ka nagpatiwakal?
Kadaupang-palad, Felix Razon Veneranda,
May luningning ba sa bunganga ng pating?
Sa yungib, palayok na ginto o buntot ng bahaghari?
Bawat patak ng ulan ay hiwang kay hapdiæ
Bawal butil ng pawis ay sugat sa diwaæ
Apdo sa pulot-pukyutan ang natuklasanæ
Apdong kay hapdi sa kalis ng iyong kapalaran.
Felix Razon Veneranda! Bangon, pinagpala.
Maliwalu, 1965
Ang Pagbabalik ng Langay-langayan
Sa timbang ng ulap lumipad ang ibong pumatnubay—
Sa lupa lumaki’t ngayo’y
Namaalam
Sa kamalayang naligaw
Sa dibdib ng batis at umanud-anod sa gunita.
Labing naumid sa pagtakipsilim ang gumagalaw
Upang ipagdiwang sila—
Ang tagumpay—
Gayong pagsinta’y nanlumo . . .
Lumilim ka, hirang, sa nabanaagang berdeng rurok.
May lamat, basag, ang gilid ng bangin; batong nag-usli’y
Pinagbuhatan ng bagwis—
Anong bwitreng
Biglang dumagit, dumagok
Sa bungang hinog ng bangang durog sa limot na burol?
Kailan kaya babalik ang paraisong lumipad?
Ungol, lagunlong sa gubat
Ang lumunod
Sa iyak; labing hinubog
Ay huwag pagdamutan, ang lahat ay kusang idulot.
Maputlang liwanag ang namutawing ganda sa lupa,
Ibong naghasik ng punla’y
Humapon na
Upang sa gabing lumatag
Bumulas ang samyong pumaimbulog sa bilog ng buwan.
Makata, 1964; 1965
Paghihimutok sa Hardin
(O, Nagkakara ang Matsing)
Oras ng limos at dasal
Dura, mura, alipusta—
Ngayong biyak na ang batingaw.
Sa nilandas na burak
Nagyamungmong ang mga bulaklak,
Sa ugat bumubukal pa rin
Ang baliw na paglingap.
Bumalot ang kalawang
Sa dila ng tansong batingaw:
Orasyon na, at pagsubok . . .
Nalagas na talulot
Ang nakapulupot
Sa piping batingaw.
Manlilikha, 1964; 1965
Ang Panahon sa Harvard Yard
(Kay Karin)
Sumibol, bumulas, nalagas ang mga halaman
Subalit sa alaala
Laging kahinugan ng kasalukuyan
Ang humihinga . . .
Diyan ikaw, ako, at ang sa atin: bunsong anak
Sa batong hagdanan
Ng Memorial Church at Widener Library
Na pumapatnubay
Sa balisa’t pangamba ng yelo sa taglamig
At panaginip sa tag-araw.
Ngunit iyang lahat na nadarama natin ay atin
Sapagkat tagpo ng karanasan,
Kasuyo ng dalamhati’t pangarap ng buong panahong
Lumikas na rito
Sa pagtitipan ng tao at kalikasan—
“At kung mahulog ang binhi’t mamatay,
Magbubunga ito ng panibagong buhay.”
Manlilikha, 1964
Ang Halaga ng mga Bagay-Bagay
sa Mundo Dito, Ngayon
Malamig na bato sa batis na bughaw
ang humalik
sa putik ng talampakan
Nabilad sa araw
ang pilak na balaraw
may bahid na dugo
Kaluskos ng mga dahong naninilaw
sa berdeng damo
Hingal Hingal
Kulay-gintong balat ng ahas
sa kristal na bato
sumilay, kumislap
Sa isang puting batong-buhay
itim na mga mata’y
nakadilat.
Manlilikha, 1964
Isang Araw sa Buhay ni Huwan de la Cruz, Manghuhuwad
Agam-agam
Yelo ang lumatag sa itim na alkitran
Uminog ang Nebula 696 sa iyong himlayanæ
Lagda ng hintuturo
Ang salamin sa pagitan ng dalawang sungay
Anong agimat sa banog-lawin sa Apollo 11?
Kasaysayang walang saysayæ
Halakhak ni Vladimar Mayakovsky
“Sa tulay putlin ang kilay”
Saliksikin Siyasatin Suriin
Alaala….
Hubad na katawan, buhok ng Mons Veneris
Kabalintunaan!
Extra! Extra! “Man Lands on Moon”
Sa Bikini Atoll
Aninong sagisag ng Kaprikorno
ang iyong bigay-kaya
Sa pinanggalingan, huwag lumingon
Pagkat ang gabi’y gabay ng umaga.
Maliwalu, 1964
Walpurgisnacht
Nagunaw na ang lawak ng pinilakang kamusmusang
pinailanglang ng usok sa agiw ng kamalayanæ
isang hitit
ang nagwaglit
sa halimuyak ng gandang idinambana sa noo;
sinuob ng munting dingas na kulay kalawang ngayon.
Planetang natiwangwang
ang ibinurol na upos,
hininga’y nalagot
sa putikang alapaapæ
sigarilyong buto’t balat sa abuhan: itong hukay
ng bagang nag-uuling sa diwa’t mata ng gagamba
Maliwalu, 1964
Akurdyong Lumot-Luntian sa Isang
Bar sa Pasay
Sa labas, mga asong ulol
na bumubulahaw;
sa loob
maigting na himig ng sutlang hininga . . .
Nalulunod ang sagitsit
sa pag-awit—
Huwag kang masindak!
sa indayog ng tinig nagpapasiya
ang diwa’t talinghaga;
bawat kumpas ng bisig ko’y
naghuhubad-nagkukubli—
Bawat talulot sa ulirat
sa taghoy nalalagas;
mula sa loob, luntiang hininga’y
siyang buhay
ng arkudyong tumutugtog—
Iyan ang sarili mo.
Manlilikha, 1963; 1964
Karnabal sa Luneta
Isang ngiti ng payaso’t umikot
ang gulong
ng kapalaran:
Berde, pula, itim, dilaw, asul—
Palamuting nakaumang
sa bilog ng lambat—
Sa itaas,
ang naglambiting sirkero;
pisik ng dagitab—
nagpatihulog—
Napatid!
ang kuwerdas ng ngiting
naglambong
sa naghalong kulay . . .
Manlilikha, 1963; 1964
2121 Abenida Rizal
Lumilipas ang lahat na parang tubig sa ilog.
æ Herakleitos
Sa panaginip nagsisimula ang pananagutan.
æ W. B. Yeats
Tumitili ang sirena ng tren sa tining ng hatinggabiæ
Sa iglap ng orasan, tumitili!
Tuwing hatinggabi sa krus na daan ng Blumentritt
Umuulos sa kaluluwa
Ang tudla ng panahon….
Mga takip-silim na tuyot ang dila sa pagkabigo
Mga umagang umaambon ng luhang malamig
Araw/gabing umuulan, hanging tumitiliæ
At sa batang iyon ng panahong lumipas
Kumakalampag pa rin sa tabi ng hagdan
Ang lumang alulod, yerong alulod, sirang alulod….
Tumitili ang sirena, kumakalampag ang kalawanging yero!
Ang pagkaing dalisay na siyang pag-aari
Ng bawat panahon, ay may bango at lasang
Dulot ng panaginip ng kinabukasan….
Ngayon, sa pangungulila ng gabing tag-ulan
Napapaglirip ang tunog na pumailanlang
Habang naghihintay sa bukang-liwayway
Na siyang gigising sa asawa’t anakæ
O tili ng sirena, nagbabantang langit, yerong alulod—
Ako’y bumabangon sa bilog ng “Oo, oo”
Sa tahanan ng aking pagkabata at tanging pagkatao.
Maliwalu, 1963
Bulaklak ng Kantutay
Halimuyak ng pag-ibig? Loko ka ba? Itanong mo kay Marx
at Engels, o kay Chairman Mao, ang diyalektika ng puso.
Dumulog ka, O batang taring, sa dulang: sa karneng nagdurugo.
Sa matris ng panahon, walang regla. Angil-singasing ng
Kapitalistang bugaw. Nabighani ka sa Mutya ng Paradise Motel?
Sa gitna ng salusalo, langaw ang sumasaiyo.
Binili niya ang katawan mo sa pangako ng nosce teipsum:
banal na atsay (o puta?) Sa kalam ng kaluluwa sinong makapipigil?
Ang Catholic Morality League? Ang Sentinel? Ang Kardinal at Papa?
Ipahehesus mo pa ba ang pagka-pithecanthropus erectus mo?
Sapagkat ang suso niya’y walang kapantay, kahit ang alabastro
o garing na katawan ni Venus Andyomene….
“Itaga mo sa bato,
tsokaran, walang kuwalta riyan sa patula-tula…”
Tigil ang pasakalye, ’Padre. Tagalinis ng mga nitso sa araw ako,
pero sa gabi’y playboy ng mga nimpomanyak sa Nile, Alta
Vista, Hilton. Mga gintong ngipin ang ibinibenta, nakaw
sa pantyon ng La Loma. Mga bungong humalakhak. High Financing?
Inflation? Hindi, anghot ng bulok na karne. Katakataka?
Ikaw, O batang taring, sa hita ng iyong musa’y laging gumagapang:
anong biyaya ng mga rosas nina Regalado, Karasig, Vega, atbp.
sa ulbo ng budhi? Ipagtapat mo, iya’y hindi sampagita o
ilang-ilang kundi kantutay! Sa birtud ng salitang pang-araw-araw
at mga bagay-bagay iniluwal ang balintunang Homo Sapiens.
Kay nakakasuka ang mga nilalagam (at nilalangaw) na putahe
sa Parnaso ni AGA, sa Liwayway….
“Homo solus aut deus aut demon…” budburan natin ng Latin, para
makalugdan ng Surian. Hinulma ng hininga ang batong-laman
ng The Kiss. Ngunit paano ako tutula ng kamanyang gaya ng
mga lawryado ng TANIW, KAPPIL, PANITIKAN, at isang tambak
na lakan ng wikang Tagalog kung hindi lamang malansang
isda ang naaamoy ko buhat sa Maynila, at pati na sa mga
Pilipino rito sa Amerika, kundi amoy ng bulaklak ng kantutay?
Sic transit….
Maliwalu, 1963
Sa Karera
Dalawang kabayo: isang puti, isang itimæ
Gayuma ba ito
Ng pagbabalatkayo?
Puting pumaimbulog
Itim na nabulusok
Arya, hinite, Pegasus ng Impiyerno!
Tira, Busepalus ng Paraiso!
Sa tulay nagkatagpo
Hila’y karwahe ng birheng nagsalupa
Sa tulay ng dilim-liwanag:
Lupa’t langit
Pinag-uugnay ng isip.
Maliwalu, 1963
Piknik sa Antipolo: Isang Kakintalan
Kay-lawak ng kalangitan!
Dito, bali-baling sanga, bukong nalaglag
nang marahan, mahinhin . . .
Matahimik na nahulog ang dilaw na bulaklak sa lupa:
dagundong ng agos sa talon.
Naiinip na sa paghihintay
ang Birhen sa bisita.
Magkasiping ang babae’t lalaki
sa ibabaw ng malalaking ugat
ng punongkahoy sa Antipolo.
Manlilikha, 1962; 1963
Ang Yungib: Mito Para sa Ngayon
Ano ang anyo ng larawang iginuhit ng bulag
Sa puting dahon ng kamalayan?
Larawang kuha kay Platong huwaran—
Ipinasiya ng panahon
Sa yugtong ginto, yero at putik
Ng bawat nilalang sa daigdig;
Hanggang ang pantas ay di mangulo,
Lahat ay aninong maglalaon.
Sa bungad naroon ang luwalhating liwanag,
Sa loob nangangapa ang kamalayan.
Ngayong palubog na ang kabihasnan
Sa daluyong, daluhong ng di-binyagan,
Paglimiin ang buhay ng tao sa dilim
Habang lumilipad ang titis
Na siyang babala ng araw na sugo
Sa gabi ng bulag na gurong
Mag-aakay sa atin tungo sa landas ng yungib.
Manlilikha, 1962; 1963
Tatlong Yugto sa Dulang Walang
Katapusan
I Binyagan
Anino’t laman ang nagtutugma
sa bawat patak ng banal na tubig
at uha ng kaluluwang sanggol . . .
“Maluwalhating pagsilang,” sa ina’y
pagbati
habang sa bawat ugoy ng duyan
ay umiimbay rin:
sa sukat ng oyayi’t
pag-uusal ng
“Sumalangit nawa!”
II Kasalan
(Mga Kaginoohan: Inaanyayahan kayo sa pag-iisang-
dibdib nina . . . .)
Napukaw sa laman ang mapagkanulong alabok;
may puting burda
ang gayak ng dalaga,
naghihintay ang mga regalo.
Magkaagapay ang mapalad na dalawa
sa kanilang pag-iisa
nagbabala:
sa salamin ng silid,
ngipin ng mga engkanto’y
nagbabala:
“Nahan ka, nahan . . . ?”
—at sumakop ang galamay ng gabi
sa kanilang higaan.
(Idaraos ang kasal sa simbahang Lourdes sa 29 ng Pebrero . . . . )
III Pagsisiyam
“Itong aking pagkamatay—sino ang nakahulo?”
bulong ng multo
ng bangkay sa silong ng tahanan,
samantalang . . .
Huwag mong samantalahin
ang pagkayupayop
sa sirang habihan,
O balong babae:
nagdadalang tao ka—
Huwag! huwag mong idait ang alakdan ng pagsisisi
sa noo, sa pusod mo,
pagkat
sa kanaig na bahay-sugalan
patuloy ang sangla’t pautang;
baraha’y umiikot
sa pananabik at pag-aalinlangan;
nagbabaka-sakaling
masumpungan ang kapalaran
sa planetang
umiinog
sa sayaw ng karimlan.
Manlilikha, 1962; 1963
Diwata
Bigwas ng lamig ang gumulat sa akin
sa lilim ng hagdan.
Takipsilim.
Nasaan ka?
Sa siwang ng kawayang tabing
naganap ang pagkanulo.
Nagpumiglas ang dibdib—
daliring nanginginig, kumakatal
sa paghipo—
Lumipad na ang pakpak na bughaw.
Sa arko ng balintataw nabuo ang burol
at bangin ng ating tipanan;
napirasong ugat ng aking katawan
ang nabilad sa damong naluoy;
sa kandungan mo iniluwal ang patibong,
matamis na pain,
lambat ang buhok mong nakalugay—
sumisilo sa pagsisid . . .
Umulos
ang sibat sa kasiping ko!
Ang perlas sa kabibi ay bituin sa langit
mula sa lilim ng hagdang nasisilip ko;
kometang walang awa ni habag
kasintigas ng lapidang marmol
ang pasiya mong kasimbigat,
at isang malamig na pangamba’y
ganap
na
nagaganap.
Manlilikha, 1962
Langaw ang Dakila sa mga Iskuwater sa May Riles ng Tren
Nagisnan natin ang luwalhati sa siwang ng bubungang
karton, latang kinakalawangæ(tila inalimpungatan
ang mga anghel sa pusali?)
doon din pagdungaw mo, saksihan: mga balat ng saging,
tinik, buto o sanggol na iniluwal
sa itim na kanal na pinagpistahan ng mga langawæ
(Nakababagot ba?)
Ngunit sa pusod mo’y
lihim na pulot-pukyutan at sa guni-guni’y ulap ng giikan:
uhay, damo, hayop, punongkahoy, bato sa dalampasiganæ
Lahat na kumakatawan sa ating pagkakaisa:
isang iglap ng amoy ng ating daigdig
daragsa ang mga langaw mula sa langit.
Maliwalu, 1962
Balada ng mga Busabos sa Maynila
Tatlong bidang napadpad
sa Cafe Sampagita;
Umawit ang malambing
na simpatikang Maria.
Ilang sulyap ng mata,
mga taginting ng beer;
Sumayaw ang balikat
ng palabirong Maria.
Kumakain sa sulok
ang playboy, Pedro Kirat;
Umirap na pagsubok
sa lalaking pahamak.
Sumutsot si Tiago
nang makitang maigi
ang pula’t basang labi
ng mabighaning Maria.
“Tsk, tsk,” imik ni Hugo
sa nahubdang balikatæ
Nabunyag sa usok:
nakatutuksong Maria.
Si Ipeng nanlalaway
sa kandungang patungkol,
Lumuluhod sa tuhod
ng maindayog na Maria.
Sa sulok si Don Kiratæ
kumikislap ang punyal;
Latikong buntot-page
sa hudyat ng sirena!
Sa ilalim ng mesa
ang simpatikang Mariaæ
Ilang paos na dasal,
ilang buntong-hininga….
Sa pagpawi ng usok
may tatlong kaluluwa;
Naghuhugas ng kamay
among busog sa lahat.
Maliwalu, 1962
Querida Mia
Ito’y bagong awit sa lumang gitara.
Sa bawat pilantik humahalimuyak;
Pumaimbulog ang tinig: sinaklaw
Ang bundok, simoy at dalampasigan.
Walang kawalan ang kalikasan—
Masusukat mo ba ang bisig ng guniguni?
Subukan sa luho ng dapong binigkis,
Mababakas mo ang kakulangan.
Apoy sa daliri: sumimsim, sumidhi
Sa indak ng bituing masalimuot;
Bulaklak ng lumbay sa himpapawid,
Along sumalok sa halik dumaloy.
Humalakhak ang loro sa dilim—
Pumusyaw ang labing tumikom sa isip:
Damdami’y bumuko, sumiklab ang bunga—
Ito’y lumang awit sa bagong gitara.
Manlilikha, 1961/1962
Ang Pagbunyag ng Kahulugan
Sa isang hiwalay na pook, O Paraluman,
Sumupling ikaw . . .
Sapaw na ang tanim—
Sapaw na ang sugat—
Samantala, samantalahin ang sarili sa pag-iisa.
Sa sinag ng ilawan
Nag-aalimpuyo—
Sa indayog ng paglilimayon—
Sa usbong ng talang sumibol sa bibig,
Hipong nanginginig
Ibig kong madama;
Ibig kong ilimos ng limot ang napiping tugtog
Lipos ng pangamba sa hiwalay na pook
At sa dugo’y bumigkas
Ang tadhanang nilalang—O Paraluman!
Bagting na buhok mo’y umigkas sa aking pag-iisa,
At sa salimbay
Umalimbukay
Ang iyong hininga, at napalaot ako sa panimdim
Sa kidlat ng guhit-tagpuan—iyong dinggin—
Gumitaw ang katawan
Ng iyong kaluluwa.
Patnubay ko ang mga lunggating
Inulol ng panahon;
Bawat hikbi
Ay hinahon
Ng namimitak na araw;
Lawiswis ng damo sa kilos ng bibig
Ay tinig na kubkob
Ng sansinukob:
Isang ulilang kalapati sa ilalim ng gabi.
Hagunot ng panahon ang karanasan, O Paraluman,
Oo,
Nagbabakasakali ang mga damuho
Sa panaginip, ngunit ikaw’y hindi anino
Hindi maligno
Kundi siyang patnubay
Ng mga pangamba’t aliw sa bawat araw.
Manlilikha, Disyembre 1961
Logos
Bigkasin mo ang salita
Ihasik ang binhing apoy
Wagas ang pagsinta
Tinutupok ang puso ko
Nag-aalab ang paghinog
Bunga ng ilang titis
Nagbabaga ang pag-irog
Usok ang pagtitiis
Ano pa yaring pagsintang
Uling at abo sa wakas?
Bigkasin mo ang salita
Mag-aalab ang pag-asa
Maliwalu, 1961
Elehiya: Lupus in Fabula
Nagtititili ang mga baboy sa katayan;
Napatid ang uhaw ng lagari, itak, punyal.
Mukha ng lumuluhang kalabaw: anong lungkot!
Bukas sa kamatayan ang dumadambang puso.
Ang titig ng mga hayop ay lagus-lagusan
Tungo sa ilang at bangin na walang hangganan….
Nabihag sila ng baguntao. Nakatitig
Sa kawalan ng buong tiwala’t pananalig,
Wari baga’y nagdarasal: “Gamitin mo ako
Sa gutom ng panaginip, talim na tumusokæ
Gamitin mo ngayon ako sa sinumpang pagpatay
Ng ama sa anak, O inang nakatihayaæ”
Maliwalu, 1961
Mula sa Digmaang Sambayanan sa Biyetnam
(Ilang Halaw mula sa Awit Bayan at Ho Chi Minh)
I.
Kung ikaw’y bulaklak, dapat kang maging mirasol
Kung ikaw’y bato, dapat maging diyamante
Kung ikaw’y ibon, dapat kang maging kalapati
Kung ikaw’y tao, dapat maging komunista
II.
Nakaugaliang maibigan ng mga matatandang pantas ang umawit tungkol sa ganda ng
kalikasan:
Niyebe, bulaklak, buwan at hangin, ulap, mga bundok at mga ilog
Sa kasalukuyan dapat tayong lumikha ng mga tulang saklaw ang yero at bakal
At dapat ding matuto ang makata kung paano gumabay sa isang paglusob
1961
Gutom Uhaw at iba pang Materyales upang Makabuo ng Pagkain ng Kalayaan at Tubig ng Kasarinlan
Sa gubat-kulungan umaatungal ang kung anong hayop--
bula ng salamisim?
Pag-aasam-asam ng bitukang hungkag?
Sa matris ng palumpon lumalagutok lumalangitngit
Sa nagsalabat na tinig nanginginig
Salagimsim
Umaalma umuungal sumisingasing
Sa yungib ng dawag masalimuot
may aninong nagmamasid
Nagngangatngat ngayabngab ngayasngas
Ginagaygay ang bawat sulok ginagalugad ang libib
Saan ang kilabot?
Sa bunganga ng lungga nag-usli ang pangil mga sungay
Lumalangitngit balahibo’y nangalisag nagpipilit makatakas
Siniyasat ang pinagbungkalan
Sinuyod ang sukal sa gubat
Sinisikil ginigipit iniipit
O napakalupit
Sumisinghal umuungal nakatutulig ang halinghing
Nagngingitngit nagpupumilit
Nais makalas mabaklas ang busal ang suga ang singkaw
Nais makaigpaw
Dumadamba sumisikad dumadambang dambuhala
Sinuwag ang tarangkahan napatid ang gapos nabuwag umigtad
Dagok bigwas sikad
Lumulukso nagpupumiglas pumulas ang dugo bumulas
Nakalas
nakahulagpos
nakaalpas
Tuluyang nakalabas
Lumuwas nabuksan
naibukas ang kinabukasan
Sa bulaos natuklasan
ang bakas
ang pinagbuklod na lakas
ng dambuhalang masa
1 Mayo 1961
Kundiman XV
Ang alindog mo’y isang kababalaghan
Sakdal ganda’y isang pain
Sa sinapupunan ng hayop na laman
Sa sidhi tinugis ang diwang kalinga
Ng mga halimaw—anghel?
Ang alindog mo’y isang kababalaghan
Sa dilim ng buhok mo’y murang nalagas
Luhang aagnas sa buto
Sa sinapupunan ng hayop na laman
Sa balintataw ng panahong balisa
Mulat ang tinik sa pusod—
Ang alindog mo’y isang kababalaghan
Pulos tinik, sala-salabat sa unan
Na hinabi ng panimdim
Sa sinapupunan ng hayop na laman
Anong lungkot ng kaluluwa sa rurok
Ng laman na likas-lakas ng pagtubos?
Ang alindog mo’y isang kababalaghan
Sa sinapupunan ng hayop na laman.
Manlilikha, 1960; 1961
Isang Munting Tagpo
Mahinhin, malambing
Ang sagisag ng gabi:
Pusang pusikit.
Dilaw na matang mabalasik
Sa lalim ng dilim:
Matindi, marikit.
Puting balbas sa bibig—
Maigting na tinig,
Hibik sa pandinig . . .
Kukong matulis sa buwang tahimik
Ang nakatitik
Sa nagsisikip kong dibdib.
Balahibong nangalisag—
Ako’y dagang sinakmal!
Manlilikha, 1960; 1961
Ang Paghihiwalay sa Lansangan ng Sta. Cruz, Maynila
Anumang panatang bibinyagan ng hamog
ay magpuputik sa alikabok ng Quezon Boulevard.
Bawat kindat ng neon, indak—
sikad, luhod—
dalawang istambay ang susunod . . .
Sinipat ang de otso, sulyap—kirot ng alaala—
(Anong bango ng dibdib sa silid ng otel).
Buhawi ng gulong, kislap ng kalye pagtila ng ulan;
dumudura ang langit sa ulo namin—
Basang aspalto, basang halakhak:
“Mama, mama, gud taym muna kayo?”
(Sa likod ng belo’y kay-sarap ng halik)
Maputlang pisngi, noo, dibdib
Upos ng sigarilyo’y tinangay ng agos sa kanal—
Busina!
Bago kami naghiwalay
magpahanggang wakas, pagtungayaw
ang dumaluhong sa bangketa ng Quiapo;
sa matang mulagat ng mandurukot
sumisilip ang nasaputang Nazareno
sa lambong ng panaginip
subalit ngayo’y
Pista ng mga salamangkero!
Manlilikha, Mayo 1960
Isang Pangkaraniwang Dalaw
Ngayon ang lilang mata mo’y pinid na pinid na—
mga bintanang ipinako ko sa krus na bato
kanina, sa ugong ng bagyong sumusugod;
dagliang nagtungo ako rito . . .
Tuyot na pulang koronang pamutong, ngunit kasiping mo;
may kaunting hininga: luntian, tibok na naluoy—
Abong kay-pait sa labi ko . . .
sa labas nitong silid, hampas ng hangin sa dinding
at sa loob, haplit ng gunita sa dibdib.
Walang makasasaloob sa iyo—
dugo’t laman ng pagkakautang
ang dating busilak na talulot ng bukang–liwayway
Sa mga mata mong himala’t hiwaga ng kinabukasan.
(Halika, Sinta—Kay bango ng hininga—
kulog nang kulog sa utak na uhaw—)
O masamyong
kidlat ng pagtuklas!
Ulan sa lupa’y
haplos-haplit ng panahon . . .
Itong salamin mo ngayon ay lagos-lagusan
sa aking nabulag-nabuksang paningin.
Manlilikha, 1960
Epistemolohiya
Pangitain itong pangit sa paningin
Kung ang paningin ang pangit sa paghambing,
Asal-putik ang kamalayang katugonæ
Ang tanong ng bungo’y tugmang sinasagot;
Ngunit kung pangit nga itong pangitain
Di tunay na walang sala ang paningin?
Hungkag na bungo ang kaluluwang baog
At bumubulong sa piitan ng loob;
Baka pangit ang pangitai’t paningin:
Kapwa hindi, hindi kapwa sa panimdim
Hinubog ng lamang nahinog, nabulokæ
Sinubok ng tadhana’y bugtong ng puntod.
Maliwalu, 1960
Pintakasi
Pulang palong ng tandang ang iyong sagisag
(tatak ng makismo?)
Senyor Diyablo, huwag pang humalimhim sa lilim ng ararong pilak…
Sa paniningalang-pugad ko nagputong sa ulo
ang dumi
ng mga kalapating kay baba ng lipad…
Gumigiri
ang bughaw nilang pakpak sa alabok ng lungsod; sayad-suyod
ang buntot ko pagkat ang lawing pangarap
sa nitso nililokæ
ilang sisiw doon sa hawla’y
biglang ginahis!
Senyor Diyablo: patunugin mo ang pakakak
nang sa pagtilaok
ng iyong tuka, mabugabog ang mga nangingitlog
(mga matrona
ng mga politiko)
habang pumapaimbulog, sumasalimbay
ang maitim at malalaking bagwis
sa ulunan koæ
Nakaumang ang duguang tarik sa sikad ng panahon.
Maliwalu, 1960
Balada ng Kasukdulan
Sabik na akong makalasapæ
Oo, kailan pa ba?
Sabik na akong makaramdamæ
Ngayon na, O ngayon na!
Nais kong sumabog ang tamisæ
Oo kailan pa ba?
Kata na ngayo’y hubad sa loob
Oo kailan… nais… sabikæ
Ako magpahanggang sa iyo
Ngayon mamaya bukas—kahit kailan pa--
Maliwalu, 1960
Isang Titig Lamang
Isang titig lamang, bukal na ang panahon
Sa disyerto ng aking hungkag na diwa:
Isang titig lamang, sa paa ng santong marmol
May sungay na luntian sa aking pagdarasal.
Napawi ang dambana sa palengke ng kabaliwan
Na nagsakdal sa pusakal kong isipan;
Isang titig lamang, sinong gising na nilalang
Ang di maliligaw sa udyok ng dibdib?
Ligaw na nga ako sa masalimuot na landas;
Estero’t tulay, bagwis ng takip-silimæ
Isang titig lamang, nang araw’y may sikat pa.
Ngayon ang pagtikom sa mahayap na labi.
Isang titig lamang: kay liwanag ng karimlan!
Ang ulilang belo sa banal mong buhok
Ay napawing ritwal ng pamumulaklak:
Isang titig lamang mundo’y nabulusok.
Maliwalu, 1960
Salimaw sa Hardin
Sumungaw ang salimaw na kay-itim
sa lilim ng mga
bulaklak—
Anong talim
ang sumuwang sa dibdib?
Balat ko’y tanging
kalasag; sa bibig ko,
ingit ng sanggol
na kikita pa lamang ng unang liwanag—
O sungay na kay–pula!!
Uminot-inot
ang tulos
sa aking pusod,
sa pilipisan:
Tagaktak
Tagaktak
Tagaktak
ng dugo’y naulinigan ko sa dambanang paa
ng dambuhala—
Iligtas, iligtas mo ang sarili,
Isingkaw ang ulo’t salimaw ng isip
sa berdeng halamang
nagluwal
sa naglahong panaginip.
Manlilikha, 1959; 1960
Hayan! Isinilang Ang Isang Sanggol
(Salin mula kay Hugh MacDiarmid)
Napaglirip ko ang isang bahay kung saan ang mga bato’y tila biglang nagbago
At nagpuyos sa pag-asa, pag-asang kasingtigas ng kanilang laman
At ang agay-ay na mainit sa malambing na init
Ang kainitan ng magiliw at nangangarap na mga kaluluwa, ang nakangiting pagkabalisa
Na naghahari sa tahanan kung saan ang isang bunso’y malapit nang iluwal.
Hitik ng tainga sa mga pader. Ang mga tinig ay nagsalubong.
Ang ina lamang ang may karapatang umungol o humalinghing
Kapagkuwa’y naisip ko ang buong daigdig.
Sino ang nanghihimasok sa kanyang paghihinagpis
At nagsisikap yapusin ito sa ganoon ding pagmamahal,
kabutihan at kahinahunan?
May nakakasuklam na kawkawan ng mga baog na walang idinudulot
Sa dakilang hantungang nasisilayan at nagkandarapa ang kinabukasan
Isang masamang pagluwal, di kawangis ng isang sanggol sa pinagpalang tahanan
Na naulinigan sa katahimikang umiinog sa sinapupunan ng kanyang ina,
Isa nang palaistratehikong kamalayan, naghahanap ng pinakamainam na paraan
Upang maitanghal ang sarili sa kabuhayan, at sa wakas sa sandaling makapagpasiya
Luluksong nagpapapalag na wangis isda sa daluyong ng kasaysayan
Mahuhulog sa pusod ng mundong tulad ng bungang nahinog sa takdang panahon—
Ngunit nasaan ang kahapon na mababalingan ng Panahon
Nakangiti sa gitna ng mga luhang nakatuon sa kanyang bagong silang na sanggol
At nakapananangis ng “Minamahal kita”?
Enero 1960
Iniligtas din Ako ng Pulahang Hukbo ng Tsina
(Halaw mula kay Nazim Hikmet circa 1949)
Ako’y nakapiit dito sa loob ng labindalawang taong pagsisilbi sa aking sentensiya
Sa nakaraang tatlong buwan tila ako isang bangkay
Ako’y bangkay na nakaunat sa isang makitid na himlayan
Ang buhay ay minamasdan ko
napagbabalaan ng kanyang pagkawalang-buhay
at para sa buhay na nilalang wala akong magawa
wala kahit anuman
Yaong bangkay na iyon ay naupos, nilamon ng kawalan
Siya’y ulila tulad ng ibang mga bangkay
Isang matandang babae ang dumating at tumindig sa may lagusan
Siya’y ina ko siya at ang buhay na ako
magkasama kaming bumuhat sa bangkay
ina at anak magkatuwang
hawak ko sa paa hawak naman niya sa ulo
Usod-uod naming ibinaba siya at itinapon sa ilog Yangtse
At mula sa hilaga, maningning na mga hukbo ang huhugos pababa.
Hunyo 1960
Handog sa Isang Nalimot na Gunita
(Halaw mula kay Lu Hsun)
Unang Hagod
Isang ugali na ngayon ang magparaos ng tagsibol dito sa gabing walang hanggan
Sa pagkakataong kasama ang asawa, anak at nag-aabong pilipisan
Sa mga panaginip nasisilayan ko’ng bahagya ang mga luha ng aking ina
Sa mga kuta ang palaging nagbabagong bandila ng mga panginoon
Tigib ng kalungkutan, pinagmamasdan ko ang mga kaibigang nagiging mga bagong
multo
Galit kong hahanapin ang mga balada sa palumpong ng mga bayoneta
At saka ibababa ko ang titig, di makahagilap ng pook na masusulutan
Liban na sa ibabaw ng aking itim na bata sa tanglaw ng maliwanag na sikat ng buwan.
Pangalawang Hagod
Malimit sa aking balisang pagpaparaos ng mahabang gabi ng tagsibol
nararamdaman ko kung gaano
Kadalisay ang pagbabalik sa tahanan kapiling ang pamilya
At ngayon habang nagiging kulay-abo ang aking pilipisan
Nababanaagan ko sa aking maulap na mga panaginip ang aking matandang
Ina na may luha sa kanyang mukha at ang matandang pader ng lungsod
Kung saan ngayon ay nagbago na ang mga bandila
Kapagkuwa’y nagbabalik muli ako sa realidad, batid na
Kailangang maging istoiko sa harap ng katotohanan ngayon
Napakarami nang mga matatalik na kaibigan ang napatay
At ako na naglalagablab sa galit ay lulundag sa gitna ng pakikibaka
habang sinusulat ang linyang ito
Pagkatapos iyuyuko ang ulo sa kaalamang ngayon ay wala nang lugar
Kung saan ito’y mailalathala samantalang ang silahis ng buwan
Tulad ng tubig na kumikinang
Ay kumakalat sa aking luksang damit
Oktubre 1960
Ang Masa
(Halaw mula kay Cesar Vallejo)
Nang matapos ang pakikihamok
at ang mandirigma’y nasawi, lumapit sa kanya ang isang kasama
at nagwika: “Huwag kang mamatay, minamahal kita!”
Ngunit ang bangkay, O anong lungkot!
patuloy na namatay
At dalawa ang lumapit at kinausap siya nang paulit-ulit
“Huwag mo kaming iwanan! Kaunting tapang!
Mabuhay ka muli!”
Ngunit ang bangkay, O anong lungkot
Patuloy na lumisan
Dalawampu ang dumating isandaan isanlibo
limandaang libo
naghuhumiyaw: “Nag-uumapaw ang pag-ibig
at ito’y walang magawa laban sa kamatayan”
ngunit ang bangkay
O anong lungkot
patuloy na namatay
Ilang milyong tao ang nakatayo sa paligid niya
lahat ay nagsasalita ng iisang bagay: “Kapatid, tumigil ka rito”
Ngunit ang bangkay,
O anong lunkot
patuloy na umalis
at kapagkuwa’y lahat ng tao sa daigdig ang pumaligid sa kanya
tigib-dalamhating pinagmasdan sila ng bangkay
buong-pusong napukaw
dahan-dahan siyang bumangon at umupo
ikinawing ang mga braso’t niyapos ang unang kasama sa tabi
at nagsimulang lumakad
Disyembre 1959
Comments
Hinggil po ito sa KANTATA PARA KAY LILIOSA. Nabasa po namin ito ng aking mga kapatid at nakalulungkot isipin na inilimbag ninyo sa inyong libro ang kantatang ito na nagsasaad ng mga ilang talata na sadyang taliwas sa mga katotohanang aming nalalaman. Maaari po ba naming malaman kung kanino ninyo nakuha ang mga isinaad ninyo dito?