Sunday, October 05, 2008

JOSE RIZAL: DIYALEKTIKA AT KASAYSAYAN



JOSE RIZAL: PANGHIHIMASOK NG IMAHINASYONG PANGKASAYAYAN

ni E. SAN JUAN, Jr.



Palasak nang ituring sa kasalukuyan na ang paksang inihudyat ng pamagat ko sa lekturang ito'y gamit na gamit na, ibig sabihi'y nakasusuya kundi nakaaantok. Ako man ay sawa na sa mga panayam at talumpating nag-uumapaaw sa clicheng pumupuri sa kabayanihan ng "First Filipino" (bansag ni Leon Ma. Guerrero), mga gasgas na halimbawa at de-kahong pagtataguyod ng kumbensyonal na sukat ng kahalagahan ayon sa pamantayan ng dominanteng uri sa lipunan. Lihis sa nakaugaliang pagtatanghal sa kulto ni Rizal, sa panimula'y nais kong isusog ang ilang panukalang makasisilbing mapanghamong pambungad sa ilang repleksiyon ko tungkol sa tatlong sanaysay ni Rizal: "Liham sa Mga Kakabaihan sa Malolos" (1889), "Sobre la Indolencia de los Filipinos" (1890), at "Filipinas, dentro de Cien Anos" (1890).
Sa pagtaya ko, tatlo ang mahalagang naisakatuparan ni Rizal sa kanyang maikling buhay bukod sa pagsulat ng dalawang nobelang Noli at Fili at ang tatlong akdang nabanggit ko. Una, ang pagtatatag ng Liga Filipina. Nais kong idiin ang detalye na sa una at kahulihulihang pagpupulong ng nasabing organisasyon, may dalawang taong nakadalo roon na sa pagbabalik-suri sa kasaysayang sumaksi ay nakabago ng repormistang layunin noon. Sila sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, ang una'y sumasagisag sa pagsilang ng himagsikan at ang huli sa pansamantalang pagpanaw
nito sa pananakop ng Amerikano makaraan ang Digmaang Filipino-Amerikano (1898-1902). Kahit anupaman ang pasaring tungkol sa pagkarepormista ni Rizal--alinsunod sa panunuring inumpisahan ni Claro Recto hanggang kina Renato Constantino at Jose Maria Sison--kung walang Liga, wala ring Sigaw ng Balintawak at karamay nito, wala ring Malolos, Balangiga, Sakay, Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, at ang tradisyong mapanghimagsik na laging tutol sa umiiral na sistemang walang katarungan, pagkakapantay-pantay, at di-matatawarang kasarinlan.
Pangalawa, isang huwarang simbolo ang pagsasakatuparan ni Rizal sa paglatag ng sistema ng distribusyon ng tubig sa Dapitan, lugar ng kanyang pagtapon. Ang "NAWASA" ng pook na iyon ay isang proyektong pangkomunidad, hindi indibidwal na gawain. Masisinag natin doon ang isang diwang mapanlikha at kolektibistang oryentasyon ng pangitain. Mapipisil din doon ang impluwensiya ng mapanuring agham, ang udyok ng kaluluwang mapagbago, sabayang mapagsira't mapagbuo. Ito rin ang udyok ng pagsulong tungo sa isang kaayusang demokratiko, makatarungan, makatao, malaya--ang rebolusyonaryong simulain at paninindigan ng 1896 Himagsikan.
Pangatlo, munti man ngunit makahulugan: ang isang maikling katha ni Rizal hinggil sa paggamot sa mga kinulam na pinamagatang [sa Ingles] "The Treatment of the Bewitched," naisulat sa Dapitan noong 15 Nobyembre 1895. Nais kong sipiin ang isang talata mula sa ulat na ito na may mensaheng palaisipan na dapat linangin:
Ang manggagaway [o mangkukulam] ay siyang tampulan ng kahirapan ng pagkawalang-muwang at kalupitang pangmadla, siyang scapegoat ng kaparusahan ng Maykapal, ang katubusan ng mga tulirong nagpapanggap. Sa banal na kagalingan ng tao ay katambal ang ganyang kasiraan. Nais ipaliwanag ang lahat at hugasan sa dugo ng iba ang kanyang karumihan. Ang babaing manggagaway ay sa karaniwang tao at sa mapagpanggap kung ano ang demonyo sa mga bathala, ang pakikipagsabwatan kay Satanas noong Siglo Medya, ang pagdanak ng dugo, mga kapalaluan at kahibangan, at iba pang kalapastanganan sa iba't ibang panahon: itong babae ito ang paliwanag sa di-matarok na pagdurusa ng lahat.

Ayon kay Cesar Majul, pantas na awtor ng The Political and Constitutional Ideas of the Philippine Revolution at dating guro ko, ang kaisipang pampulitika ni Rizal (tulad ng kina Emilio Jacinto at Mabini) ay bunga ng ideolohiya ng Kaliwanagan [Enlightenment] sa Europa. Bagamat ito'y tama sa pangkahalatang interpretasyon, kulang ito sa kontekstuwalisasyon na dapat talakaying maigi. Totoo, hiram nga ang balangkas ng kaisipan ni Rizal. Ngunit nagkakatalo hindi rito kundi kung paano ito ginamit, kailan at saan, sa anong natatanging pagkakataon nailapat ang kaipala'y idealismong metapisikal ni Rizal. Hindi maibubukod ang kaisipan sa partikular na pangyayaring kumatawan dito sa kasayayan. Idiniin ni Majul ang paninindigan ni Rizal tungkol sa pangangailangan ng kahalagang moral, katalinuhan, dalumat ng personal na dignidad, at disiplina ng katuwirang ipinataw sa mga likas na gawi o simbuyong natural. Katumbas iyon ng adhikain ng Liga: samantalang itinatanghal ang pangangailan sa industriya at pagtutulungan ng kapwa, ipinagbubunyi nito ang mga katangiang intelektuwal at moral ng tao.
Bukod sa milenaryang pagturing ni Padre Florentino (sa Fili) na ang kalayaan ay hulog o interbensiyon ng langit, ang pinakatanyag na ideya ni Rizal na ipinapalagay na katibayan nga ng kanyang repormista't mapagbigay na pilosopiya ay nakapaloob sa patalastas niyang ika-15 ng Disyembre 1896. Nailahad ni Rizal doon na sa kabila ng kanyang paghahangad sa kalayaan ng bayan, naniniwala pa rin siya na ang kondisyong karapat-dapat bago makamit ang kasarinlan ay ang karanasan sa edukasyon ng sambayanan. Sa paraan ng kaalaman at industriya, magkakaroon ng indibidwalidad ang bayan at magiging karapat-dapat sa kalayaan. Kung walang pagsasanay sa mga kabutihang panlipunan [civic virtues], walang katubusan. Iyan ang pinakamatigas na saloobin ni Rizal.
Maitanong natin: saan at paano sisibol ang mga kabutihang panlipunan kung walang kalayaan ang tao? Ang isyung matinik ay kung anong papel ang gagampanan ng mga kabutihang nabanggit sa laro ng nagtatagisang lakas sa partikular na yugto ng ating kasaysayan. Marahil matitiyak natin ang direkysiyong pagbubuhatan ng sagot ni Rizal sa pagsubaybay sa proseso ng pag-iisip na mapupulsuhan sa tatlong akdang pupunahin ko ngayon.
Sa simula, nais kong imungkahi ang proposisyon na sa sistema ng pagdiskurso ni Rizal matatagpuan natin ang mga salik ng pangitaing istorikal at materyalista. Ang pangitaing ito'y nagkakabisa sa pagkilos ng isang diyalektikal na metodo: ang buhay sa lipunan ay nakabatay sa analisis ng mga samutsaring kontradiksiyon sa isang takdang yugto ng kasaysayan. Ang pinakatampok na kontradiksiyon ay kaugnay ng balangkas ng panlipunang relasyon ng mga uri at ng anyo ng produksiyon ng mga kinakailangan sa buhay, na siya ring katambal ng reproduksiyon ng ideolohiya at pulitikang sumasaklaw sa buong sistemang kinapapalooban ng labanan ng mga pangkat at grupo batay sa kasarian, uri, etnisidad, at iba pang kategoryang pangkultura. Sa kabuuan, ang kontradiksiyon ng mga lakas pampulitika ang nagtutulak sa pagsulong ng kasaysayan mula sa larangan ng nesesidad tungo sa larangan ng awtonomya.
Makikita natin ang diyalektikong analisis sa akdang "Sa Mga Kababayang Dalaga sa Malolos." Mahigpit na nasakyan ni Rizal ang mga lakas pangkasaysayan na yumayari sa karakter ng tao. Inilagay niya sa gitna ng diskurso ang impluwensiya ng ina sa anak, ang lantarang pakikisalamuha nito sa sanggol. Narito ang orihinal na mga pangungusap ni Rizal:

ang babaing tagalog ay di na payuko at luhod; buhay na ang pag-asa sa panahong sasapit....
Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga'y dapat ang babai magtipon ng yamang maipamamana sa lalaking anak.... Gawa ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwala ng kanilang masintahing pusu, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang anak ay mapakagagaling. Ang kagulanga'y bunga ng pagkabata, at ang pagkabata'y nasa kandungan ng ina. Ang inang walang maituro kundi ang lumuhod at humalik ng kamay, huag mag antay ng anak na iba sa dungo o alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak daluro o pagatpat o pangatong lamang....

Sa paghatol ni Rizal, lubhang napakabigat ang katungkulan ng ina. Di maikakaila na kapwa magulang ay "binigyan ng Dios...ng sariling isip at sariling loob upan ding mapagkilala ang liko at tapat," pahayag niya. Subalit--sumbat ng ulirat natin--bakit ang babae lamang ang nakasangkot sa gawaing reproduksiyon? Ang ganitong kakulangan ng tesis ni Rizal ay nakatali sa kanyang pagsunod sa tradisyonal na paghahati ng gawaing sosyal/seksuwal sa itinakdang kategoryang panlalaki at pambabae. Sang-ayon si Rizal sa pananagutan ng ina sa mga bagay sa tahanan, sa pag-aalaga sa bata at pangangasiwa ng mga domestikong suliranin. Nakabilanggo ang kamalayan ni Rizal sa idea ng komplementaridad o paglalapat ng dalawang papel ng kasarian: isang pambabae, isang panlalaki. Dahil dito, ikinulong ni Rizal ang mga dalaga sa larangang pantahanan na kusang hindi pinahahalagahan ng isang patriyarkong orden. Sa kabilang dako, ang mga lalaki ang nagtatamasa ng monopolyo sa larangang pampubliko ng ekonomiya, politika, at lahat ng usapin sa lipunang pangkomunidad (civil society). Hindi maitatakwil ang ganitong paniniwala sa "normal" (hindi napagkayarian lamang) na paghahati ng gawaing sosyal/seksuwal ay siyang garantiya ng pananatili ng kapangyarihang patriyarkal at pagmamalabis ng kalalakihan sa daigdig.
Maipapasubali naman na batid din ni Rizal ang pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae sa kanilang kakayahang tumupad sa "utos ng rason." Lagpas pa nga sa karaniwang karanasan ang bisa ng makatwirang dunong ng kababaihan, kaya angkin nila ang pribilehiyo sa pagpapalakad at pangangasiwa ng mga institusyong pang-edukasyon. Ang kagalingang ito ay hindi natural o itinadhana ng anatomya ng katawan, bagkos natamo sa pagsisikap. Dito pumapasok ang diwa ng kasaysayan na tila nagkalaman "sa lakas at loob ng babaying tagalog." Paliwanag ni Rizal: "Talastas ng lahat ang kapangyarihan at galing ng babayi sa Filipinas, kaya nga kanilang binulag, iginapus, at iniyuko ang loob, panatag sila't habang ang ina'y alipin ay maaalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugami ng Asia." Paglimiin natin ang argumento ni Rizal. Sapagkat "ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin," sa halip na "maaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob" na siyang namumukod na katangian ng mga babae sa Europa at Amerika at siyang saligan ng kanilang kapangyarihan.
Ang pag-unlad ng personalidad, samakatwid, ay nakasalalay sa katayuan ng kababaihan. Bagamat opinyon ni Rizal na ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa katwiran, umaasa pa rin siya na isasauli ng Diyos ng katotohanan "ang dilag na babaying tagalog, na ualang kakulangan kundi isang ma-ayang sariling isip, sapagkat sa kabaita'y labis." Sa gayon, ang kinakailangan ay hindi kabaitan kundi kaisipang malaya, kasarinlan, at higit sa lahat, katapangan. Hindi tumigil sa Rizal sa matalinghagang panghikayat sa mga babae na "huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso" upang sa gayon ay maturuan ang anak "sa pagiingat at pagmamahal sa puri, pagibig sa kapua, sa tinubuang-bayan."
Ang kasukdulang aral na indinulog ni Rizal--"Ulit-uliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay"--ay siyang pinakamaigting na taktikang nagbubuwag sa rasyonalismo ng Kaliwanagang Europa. Pinabulaanan ang metapisika ng batas ng autonomyang pang-indibidwal at kalkulasyong rasyonal nang biglang ipasok ni Rizal ang halimbawa ng mga babae sa Esparta. Ano ang intensiyon nang samantalahin ni Rizal ang pagtutok sa di-kristyanong asal? Sipiin natin ang ulirang aksiyon inilarawan ni Rizal:

Ang manga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kaya nga't iginalang ng boong Grecia ang babaing Esparta. Sa lahat ng babai, ang pula ng isa, ay kayo lamang na taga Esparta ang nakapangyayari sa lalali. --Mangyari pa, ang sagot nang taga Esparta, sa lahat ng babai ay kami lamang ang nagaanak ng lalaki. --Ang tao, ang wika ng mga taga Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kaniyang bayan.

Pagkatapos usalin ni Rizal ang mga prinsipyong hango kina Kant, Rousseau, Voltaire, at iba pang paham ng Kaliwanagan, na napagtining sa pitong aral na inilahad niya sa huling dako ng kanyang liham, nagtatapos si Rizal sa isang obserbasyon na tila kabaligtaran. Ang instruksiyon niya ay may himig maka-ina. Sapagkat ang tao ay hindi makatwiran sa kanyang kalikasan, kinakailangan ang katusuhan at realismo. Diyalektikal ang kaisipang nagpapatotoo rito: "Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan, ito'y isang kasalanan kung nagpapaunlad ng paniniil; walang mang-aalipin kung walang alipin... Ang tao'y sadyang masama na laging nagmamalabis kung nakakatagpo ng mga masunurin!" Sa sitwasyong umiiral, naaangkop ang pagpaplanong istratehikal at kolektibong pagpapasiya.
Lumilitaw ang diyalektikong sensibilidad sa takbo ng pangangatwirang pumapatnubay sa panguna at pangalawang panukala niya. Ang pagtitimbang ng mga lakas at interes na nagtatagisan sa lipunan ay pagsapul sa kontradiksiyong makina ng kasaysayan. Ani Rizal: "Ang ipinaguiging taksil ng ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan ng iba." Dugtong pa: "Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kulang ng pag mamahal sa sarili at nasa labis ng pagkasilaw sa umaalipusta." Hindi ba umaalingagaw rito ang pinakatanyag na aral ni Rizal na walang tiranya kung walang nagpapabusabos?

Subaybayan natin ang daloy ng materyalismong istorikal sa polemika ng "Sobre la Indolencia." Dito matutunghayan natin ang dinamikong pakikihamok ng mga lakas ng kalikasan at ng kasaysayan. Ang palipat-lipat na pagtining ng kamalayan ni Rizal sa dalawang kategoryang ito ang nagsasadula ng masalimuot na paglalakbay ng kamalayan ni Rizal mula sa materyalismong mekanikal na mana sa mga siyentipikong batas ng mga konkretong bagay na natuklasan noong Muling Pagkabuhay (Renaissance) at sumunod na Rebolusyong Industriyal. Sa gitna nito, malakas pa rin ang mga labi ng kosmolohiyang sakramental na dulot ng pag-aaral ni Rizal sa mga institutusyong ginagabayan ng mga prayle at ng Simbahan. Walang pag-aalinlangang naging tanghalan ang buhay ni Rizal sa pag-ikot ng magkakasalungat na puwersa sa kasaysayan ng kolonyalismo at nasyonalismong katugon nito.
Sa dalawang akdang lumabas sa La Solidaridad masasaksihan natin ang pagluwal ng isang bagong saloobin sa lipunan. Ito ay isang matipunong transpormasyon ng lahat ng mga bagay-bagay sa loob ng pangkasaysayang balangkas, isang lantay na pagpapagalaw ng lahat ng mga pangyayari sa makasaysayang pagpapakahulugan. Sa mediyasyon ng diwang istorikal napapaugnay-ugnay ang kalikasan, aksiyon ng tao, at mga praktikang palaos na, yaong mga dominante, at yaong sumisibol pa lamang. Sari-saring tendensiya ng isip at gawa ang nabibigyan-katuturan sa isang malawak na kabatiran na siyang kumakatawan sa progresibong situwasyon ng demokratikong intelektuwal na katutubo sa kolonya, ang mga ilustrado ng kilusang pamproganda.
Di maikakaila na tumupad si Rizal sa kanyang prinsipyong itinagubilin sa patnugutan ng La Solidaridad: huwag magsinungaling, laging responsable sa katotohanan at matapatang pakikipagkapwa-tao. Kaya nga't tinanggap ni Rizal na ang katamaran ay isang katangiang masusubukan sa mga indibidwal na nilalang sa panahong iyon sapagkat ito'y isang pangkahalatang predisposisyon. Nagsimula si Rizal sa pagtalakay ng ipotesis tungkol sa bisa ng kapaligirang pisikal, laluna ang init ng klima. Subalit hindi sapat maipaliwanag ng batas ng kalikasan ang asal ng tao:

Ang tao ay hindi hayop sa gubat, hindi siya makina, ang pakay niya ay hindi lamang makapaglikha ng bagay salungat sa mga hakahaka ng ilang Kristiyanong puti na nais alipustain ang may-kulay na Kristiyano bilang isang uri ng lakas-pantulak na medyo mas matalino at hindi mahal kaysa bapor. Ang pakay ng tao ay hindi mang-aliw sa damdamin ng iba, ang hangarin niya ay humanap ng kaligayahan para sa kanyang sarili at kapwa sa paraan ng pagtahak sa landas tungo sa kaunlaran at lubos na kagalingan.

Sa pagsisiyasat ng mga kagamitan mula sa masalimuot na karanasan upang maisulong ang situwasyong materyal at intelektuwal, nababago ng sangkatauhan ang mga batas ng kalikasan. Samakatwid, ang kalikasang ito'y hindi katalagahan, manapa'y hilaw na sangkap na mahuhubog at maisasaayos upang tumugon sa kagustuhan at pagnanais ng tao.
Ang ganitong paggalugad at pagsasaliksik sa daigdig ng kasaysayan ang namamaraling istratehiya sa diskurso ni Rizal. Ang mapagpasiyang hakbang na pagtuligsa sa esensiyalismong dogma ng mapanlupig na Kastila ay nasa paglalarawan ng kolonyal na lipunan bilang isang katawang sinalanta ng malubhang sakit. Ang naghihingalong pasyente'y maaaring magkaroon ng "8 milyong pulang korpusel," at sa gayon, maitatanong kung ang ilang puting korpusel sa katawang nasakop ay sapat na upang malutas ang problema ng katamaran? Dagling maniubra ni Rizal mula sa pagdalumat ng anatomya tungo sa isang perspektibang istorikal: "Ang katamaran sa Pilipinas ay isang masumpunging sakit, ngunit hindi ito minamana. Hindi laging ganyan ang mga Pilipino, dili nga ba't saksi ang mga mananalaysay ng mga sinaunang taon pagkaraan ng pagkatuklas ng mga pulong ito." Kasudlong nito ang isang paglalagom ng mga testimonyo ng ilang istoryador--mula kay Morga, Chirino, Colin, Pigafetta, Gaspar de San Agustin, at iba pang kalahi. Lahat ay sama-samang nagpapatunay sa industriya, mapanlikhang talino, sipag at sigasig ng mga katutubo bago lumunsad ang mga Kastila. Hindi lamang sagana sa yaman ng likhang-sining at pangangalakal, manapa'y ang kagitingan sa digmaan, kahusayan sa paglalahad, at pati na pangungulimbat sa karagatan ay nagpapatibay sa tesis na sa Pilipinas bago dumating ang konkistador, nangingibabaw sa mga kalipi ang matipunong pakikisalamuha, kilos, galaw, walang humpay na gawaing lumilikha ng mariwasa't maginhawang kabuhayan.
Ang laman ng sanaysay (bahaging III and IV) ay binibuo ng polemika ni Rizal laban sa pagmamayabang ng Kastila sampu ng naitalang mga rasistang palapalagay. Ang pinakabuod na argumento ay nakatuon sa kalupitan ng mananakop, ang ganid na kasakiman nito sa pangangalap ng kayamanan hanggang umabot sa antas ng pagkaduhagi ng mga katutubo at pagkahirati sa kondisyon ng pagdarahop at pagkadayukdok. Ineksamen ni Rizal ang katawan ng lipunan, ang binansagang body politic. Ikinintal sa mapa ng kanyang diskurso ang magkakatunggaling bisa ng mga pangyayari, pagsisikap ng tao, mga pangangasiwang nagpapahirap sa mamamayan, maling pamamalakad ng gobyerno, upang maibulalas ang retorikal na tanong: "Paano nga ba naipalit ang tamad na Kristiyano sa masipag at matalinong di-binyagan ng sinaunang panahon?" Masinop na idinaliri ni Rizal ang mga digmaang mapangamkam na naglustay ng moral at materyal na lakas ng sambayanan, ang makasirang paglusob ng mga pirata at pagwaldas ng yamang lokal sa pagtatanggol ng mga barangay. Dagdag pa rito ang napakabigat na buwis na ipinataw ng rehimeng dayuhan. Lahat ng ito'y negasyon sa anumang karapatan sa pagpili ng mabuting gawain. Tuwirang nalugmok ang bayan sa kapalarang ikinahihiya: "Nagtatrabaho ang tao para sa isang layunin. Alisin mo ang layuning ito mawawalan ng sigla ang tao."
Bagaman malaon nang humupa ang digmaan, ang pirata, ang pagpipilit na ilahok ang mga katutubo sa hukbong mananakop, nagpatuloy pa rin ang katamarang asal dahil sa mapang-aping pamamaraan ng administrasyong kolonyal. Kinulapulan pa iyon ng mga kabuktutan ng prayle. Binatikos ni Rizal ang masamang halimbawa ng mga maykapangyarihan na nag-astang mga bayaning may angking amor propio ng mga kabalyero ng Siglo ng Pananampalataya. Sila ang kumutya sa gawaing pisikal. Bukod sa ilang puna sa sugalan, pinuna ni Rizal ang pagwawaldas ng yaman sa mga pista, ritwal ng simbahan, pagmamalupit ng pamahalaan, kawalan ng awa o damdamin para sa mga mamamayan. Natatangi sa lahat, dapat isaisip ang edukasyon ng taong ninakawan ng sariling puri at pagmamahal sa sarili: "Idagdag sa kawalan ng materyal na tubo ang kawalan ng moral na hikayat at makikita ninyo na ang taong hindi tamad sa bayang ito ay marahil isang baliw o kaya'y hangal na hampas-lupa."
Sa perspektiba ng kasalukuyang panahon, kapansin-pansin ang pagsisiyasat ni Rizal tungkol sa matatag na pagkatao ng Pilipino sa gitna ng ilang siglong pambubusabos hanggang maging mala-hayop ang hugis niya sa mga banyaga. Napaglirip ni Rizal na hindi nakitil ang pinakabuod ng pagkataong namalagi sa nagaping nilalang, isang dalumat na napukaw tila ng kilalang parabula ni Hegel ukol sa amo at alipin sa Penomenolohiya ng Diwa. Mangyaring tinaya ni Rizal ang kanyang idealismo sa isang hindi masugpong bagay na nagpupumiglas pa rin: "...ang katutubo'y umaangal; nasa dibdib pa rin ang mga adhikain, siya ay nag-iisip at nagsisikap bumangon, at doon nga magsisimula ang gulo!" Samakatwid, sa harap ng pagbabago, paghinto, pagputol, mayroon pa ring nagpapatuloy, ang sub-istratum na tinawag ni Marx na "species-being," alalaong baga'y ang potensiyal para sa kolektibong pagbuo sa identidad ng komunidad. Matatamasa ito (pakiwari ni Rizal) sa pamamagitan ng edukasyon, at pangalawa, sa pag-imbento ng "pambansang damdamin," ng pambansang identidad.
Sa huling daloy ng retorika ni Rizal, matutuklasan natin ang intuwisyon ng diyalektika. Nakapaloob iyon sa paglinang sa laro ng mga kontradiksiyon, sa magkasalungatang bugso ng mga pagnanais, pangarap, at panaginip ng mga pulutong ng tao. Iyan ang umuugit sa kamalayang mapanuri't mapag-ugnay. Ibinanghay ni Rizal ang saligan sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong simulain. Ang bukal at matriks ng tendensiyang ito ay nakapaloob sa samutsaring kontradiksiyon ng mga puwersang iniluluwal ng kasaysayan:

Katakataka ba na sa malupit na pagsupil sa talino at simbuyo ng katutubo, na dati-rati'y matuwid at laging maaasahan--na siyang isiniwalat ng nakalipas na panahon at ng kanyang katutubong wika--ito ngayon ay isang masa ng mga kontradiksiyong karumal-dumal? Ang patuloy na pagtatagisan ng rason at tungkulin, ng organismo at ang kanyang mga bagong simulain, ang digmaang sibil na gumugusot sa kapayapaan ng kanyang budhi sa buong buhay niya, ay nagbubunga ng paralisis ng kanyang lakas. Kaagapay ng masamang klima, ang pangmatagalang pag-aatubili at mga pag-aalinlangan sa utak ang siyang pinagbubuhatan ng katamaran.

Palibhasay may panimbang pangmoralidad na ipinanday ng Kaliwanagang nagbunga ng Rebolusyong Pranses, pinakaimportante ang kalayaan kay Rizal. Maituturing na ito ang una sa dalawang gamot sa istorikal na sakunang humaplit sa katawan ng polis. Ang pangangailangan sa kalayaan ay siyang nagpupunla ng binhi ng rebolusyon--sa tahasang interpretasyon, ang "rebolusyon" ay pagbabalik sa orihinal na kondisyon na naiwan datapwa't naiparangalan sa gunita ng mga ulat na nahimay na sa umpisa ng diskurso. Subalit ang pagbabalik-tanaw na ito ay hindi pagsagip sa luma o pagligtas sa inutil kundi paghabi ng panibagong buhay, paglikha ng kinabukasan.
Sintomas ba ito na bumalik ang romantikong idealismo ni Rizal? Sa palagay ko'y hindi sapagkat kung may bahid man ng utopya dito o pangako ng kaluwalhatian, ito'y kalangkap sa liberasyon ng diwang mapanlikha ng masang ngayo'y namumulat at unti-unting umaakmang paliparin ang rebolusyonaryong ispiritung handa nang pumalaot sa himpapawid. Ang ispiritung ito ay nagpapahiwatig ng sigla ng katawan at katalinuhan ng magkabuklod na bisig ng mga mamamayan.
Bagaman ang kritika ng mga inhustisyang naitala ay humihingi sa wakas ng kalayaan at edukasyon, ang pinakamatining na paglirip niya ay nakatuon sa kawalan ng damdaming pambansa. Ito ang pinakamaantig na susog ng diskurso ni Rizal. Pagpapatibay ito na ang paggiit niya sa talinghaga ng katawan ng komunidad, ang body politic, ay testimonyo sa kanyang taktika na bigyan-diin ang materyal na interes ng tao. Ang tinutukoy dito ay hindi nag-iisang taong nangungulila sa kahiwalayan kundi ang pinagsamang lakas ng bansa: "Ang tao sa Pilipinas ay indibidwal lamang, hindi siya kasapi ng isang bansa. Pinagbabawalan siyang gamitin ang karapatang sumapi sa asosasyon, kaya mahina at lupaypay siya." Sa malubhang sakit na ito, ano ang karampatang lunas?
Ang diyalektikong lapit ni Rizal ay may limitasyong bunga ng mga partikular na pangyayari sa kanyang buhay. Mababanggit natin ang pagtapon niya sa Dapitan, at bago rito ang kahirapang dinanas ng kanyang ina at pamilya sa Calamba nang sila'y itaboy ng mga prayleng nag-aari ng lupang sinasaka. Huwag ding kalimutan ang delikadesa at komplikasyon ng pakikitungo ni Rizal bilang anak na lalaki at isang ilustrado sa gobyerno at prayle, kadahilanang kapwa nagpaigting sa pagdurusang nag-umapaw. Timbangin natin ang bigat ng mga ito sa konteksto ng kanyang pag-aaral, ang pagkaalam sa iskolastikong diyalektika ng mga klasikong pilosopo na sina Herakleitos, Plato, Aristotle hanggang sa mga neyoPlatoniko, Descartes, Spinoza, at Leibniz. Isaalang-alang din natin ang agham pangkalikasan ng mga Siglo 17 at 18, laluna na ang pagkatuklas sa kalkulus na diperensiyal at integral (Leibniz, Newton) at mga ispekulasyon hinggil sa pagkakaisa ng infinite at finite, ang mga kosmolohikal na ipotesis nina Kant at Laplace na siyang naghiwatig na ang kalikasan ay may buhay sa panahon, na ang kalikasan ay may tanging kasaysayan.
Sa kanyang mga pananaliksik sa Europa, walang atubiling naisadibdib ni Rizal ang mga turo nina Kant, Fichte at Hegel. Mabibilang na rito ang teorya ni Kant tungkol sa antinomya ng rason, ang hinagap sa nagtutunggaliang lakas ng kamalayan nina Fichte at Schelling, ang kontradiksiyong nakalatay sa kapaligiran. Sa "Sulat sa Mga Dalaga ng Malolos" at sa "Sobre la Indolencia," masinop na hinimay ni Rizal ang mga kontradiksyong bumabalot sa mga ideya, saloobin, damdamin, at pangarap ng tao. Kontra kay Hegel, isinusog ni Rizal na ang mga pagbabago at transpormasyon sa lipunan at katalagahan ay hindi kagagawan lamang ng konsepto, manapay tunay na pagsulong ng mga lakas ng libu-libong tao sa realidad. Sinikap ni Rizal na lagumin ang materyalismo ng Kaliwanagang Pranses, laluna ang sosyalismong pala-utopya ni Saint-Simon, sa kanyang pagsubok mabatid ang sanhi ng katamaran (daw) ng Pilipino. Lumalabas na ang karakter ng tao ay nakasanib sa uri ng organisasyon ng lipunang kinabibilangan nito. Ang nagbabagong balangkas ng lipunan ay nagbubunyag ng mga batas ng pagkilos, mga itinakdang determinasyon ng kaunlaran. Ang mga penomenang istorikal (pati ideolohiya, porma ng estado, mga iba't ibang institusyon) ay kalangkap at katugma sa isang takdang antas ng pagsulong ng bawat lipunan sa kasaysayan. Ito ang prinsipyo ng istorikal na artikulasyon ng mga proseso sa lipunan bilang labis-na-determinadong pangyayaring kadalasa'y napapagkamali sa isa't isa: ang mga bagay na sumusupling sa pinakasasabikang hinaharap, at ang mga labi ng dating kalagayan.

Sa aking diskriminasyon, "Filipinas, dentro de Cien Anos" ay siyang pinakamabuting huwaran ng materyalismong istorikal na mapapakinabangang oryentasyon sa panitik ni Rizal. Ang huwaran ay may kinalaman sa proyektong paghugot ng balangkas ng panahong darating mula sa laro ng mga kontradiksiyon ng nakalipas at kasalukuyang karanasan. Ating tandaan na ang proyektong ito ay produkto ng krisis sa buhay, tulad ng mga pagtuklas ng bagong katotohanan nina Copernicus, Descartes, Darwin, Marx, Freud, at Einstein. Naganap ito sa pagitan ng pangalawang paglalakbay ni Rizal sa Europa noong Pebrero 1888 at ang kanyang pagtapon sa Dapitan (1892-96). Nagkasudlong ang kritika at praxis upang lumikha ng isang rebolusyonaryong etika. Ang etikang ito ay nakaugat sa prinsipyo na may palaging pagbabago sa mundo--halimbawa, paglaki ng bilang (quantity) tungo sa pagpalit ng porma o hugis (quality)--na umaabot sa antas ng pagsalungat sa nakaraang yugto ng pagsulong. Palatandaan ito ng isang lukso sa pag-unlad, hindi lamang pag-uulit ng sinaunang kalagayan.
Mababanaagan ang ganitong takbo ng isip ni Rizal sa unang hati ng pangatlong akda, "Filipinas, dentro de Cien Anos." Pambungad na tema niya ang ganitong aksiyoma: "Kung walang di-matitinag na kondisyon sa kalikasan, sa kabuhayan pa kaya ng sambayanan na may angking katangiang laging kumikilos at gumagalaw!" Subalit ang kilos sa kasaysayan ay hindi pasulpot-sulpot at walang katiyakan, manapa'y sumusunod sa pagpapatining na mga kontradiksiyon, sa paraang isinaad ni Lenin sa "batas ng pag-iisa at hidwaan ng mga magkakasalungat," na siyang puwersang nagtutulak sa pagtutuhog ng mga sangkap at pagbabagong-anyo ng iba't ibang narasyon ng kasaysayan.
Sa umpisa'y nirebyu ni Rizal ang mga unang dekada ng pagsakop ng Espanya. Ang kapuluan ay nabawasan ng tao, namulubi at naunsyami, tuluyang nawalan ng pagtitiwala sa nakaraan, walang hinagap sa kasalukuyan at walang tinitingala sa hinaharap. Tiyak na ito nga'y naratibo ng kabulukan at paghihingalo, ng pagkakawatak-watak ng dati'y integral na kaluluwa ng sambayanan. Gayunpaman, sa lalim ng pagkaalipusta mailuluwal ang katumbalik na kilos--ibig sabihin, sa pagkontra sa kalagayan iyon makukuha ang tiyak na katubusan sapagkat, ani Rizal, "may mga tao na sa bingit ng kamatayan ay nasasagip ng malabayaning lunas." Sa pagkakalumagak sa negasyon-sa-sarili at panlulupasay bumubukal ang isang di-inaakalang silakbong kabaligtaran: ang kapasiyahan ng kolonisadong tao "na pag-aralan ang sarili at mabatid ang kanyang sakuna." Kinulapulan ng takot at gulo, ang pang-aapi at pagmamalabis ay siyang gumagatong sa apoy ng pagtutol at sa lagablab ng insureksiyon.
Sa pangalawang hati, inihambing ni Rizal ang Pilipinas noong tatlong siglong nakaraan sa kasalukuyang kinalalagyan, kung saan "nahulog ang mga maskara." Hanggang pinangangalagaan ng mga Malayo ang kanilang maramdaming pag-ibig-sa-sarili, uubusin niya ang lahat ng makakaya at isasakripisyo ang buhay upang makamit ang ninanais na kabutihan. Hinulaan ni Rizal na daragsa ang isang popular na pag-aalsa hangga't hindi nagpapaunlak ang pamahalaan at nagdudulot ng puwang sa agos na hindi mapipigil. Noong sinaunang panahon, ang pag-aklas ay lokal at hindi batay sa pangangailangan ng buong lahi. Itinatanong ni Rizal: "Ano't kung ang kilusan ay magmula sa daing ng sambayanan?" Isang bagong elemento ang naitambad: "ang diwa ng bayan ay napukaw ng isang laganap na kahirapan, isang karahasang sumaklot sa lahat ang siyang nakapagbuklod sa mga naninirahan sa buong kapuluan." Nakatulong din sa pagkakaisa ang mga bagong teknolohiyang gamit sa komunikasyon, at sa bisa niyon ay naiintindihan ng mga tao ang pagkakatumbas ng kanilang mga pagdurusa at pagsisikap. Sa gayon natarok ni Rizal ang signipikasyon ng bansa bilang "pinangarap na komunidad," ang damayan ng bawat isa. Hindi mahaharang ng pagdarahop ang mga pagbabagong humihingi ng ganap na kalayaan. Ang tensiyon ng mga puwersang magkakontra ay siyang humuhubog sa karakter ng nesesidad, ng tadhana: "Sa madaling sabi, ang pagsulong at etikal na pag-unlad ng Pilipinas ay natitiyak na, iniutos iyon ng tadhana. Para sa bagong tao, isang bagong sistema ng lipunan."
Ang pangatlong bahagi ng diskurso ni Rizal ay gumagalugad sa mga possibilidad ng mapayapang repormang hulog sa itaas. Ito baga'y tanda ng isang dagling sinupil na pantasya? O manipestasyon ng isang nakagawiang paglilirip?
Unawain natin ang direksiyon ng tugon ni Rizal sa mga taong sumurot sa diumano'y utopyanismong sumusulpot kapag bumabaling ang gunita sa nakalipas: "Subalit malaon nang naiwan ang bayan ng Utopia [inimbento ni St. Thomas More]; ang pagpapasiya at budhi ng tao ay nakagawa na ng mas kagilagilalas na himala, at nakapawi na ng pang-aalipin at parusang kamatayan sa pakikiapid--mga bagay na imposible sa bayan ng Utopia mismo!" Batid ni Rizal na hindi mangyayari ang mapayapang repormang ipinagdarasal niya (at ng mga tauhang tulad ni Padre Florentino), mahangay karahasan ang susupil sa mga nanglilimos ng reporma. Sa kabatirang ito masasapol ang retorikang pangmediko ni Rizal, ang laging pagsambit ng sakit ng katawan kaalinsabay ng kutob ng panganib na hindi magagamot ng siyensiya ang kondisyong yaon. Kaya nga inuntag niya ang mga mambabasa na huwag tumalikod sa nakapanghihilakbot na pangamba bagkus tuwirang makipagbuno sa kung anong nakagigimbal na hiwagang naghihintay sa kaibuturan ng impiyerno. Ang mala-Virgil na patnubay rito ay walang iba kundi yaong partido ng mga propagandista (Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, atbp.) sampu ng kanilang kapanalig sa Pilipinas.
Sa huling dako ng akda, ang pinakamapangahas, naroon ang hula ni Rizal na ang "dakilang Republikang Estados Unidos ng Amerika" ay hindi maaring manghimasok. Hindi sapagkat hindi pahihintulutan ng tradisyong makarepublikano ang pagsakop sa Pilipinas. Mali si Rizal, alam natin, batay sa kakulangan niya ng pag-aaral sa batas ng takbo ng kapitalismo patungong imperyalismo. Sa katunayan, ang kamalian ni Rizal ay bunga ng kanyang matimtimang pagnanasang makalaya ang bayan, ayon na rin sa mga batas ng kalikasan at etika na ang isang bagay na hindi likas sa katawang kinasisidlan ay hindi mananatili roon--malao'y maninira iyon sa katawan kung hindi matanggal, dili kaya'y mabaon doon at tuluyang maburol sa pusod ng organismo. Gayunman, hindi patalistiko si Rizal. Naniniwala siya na may bisa ang lakas-paggawa ng tao. At alinsunod sa edukasyon ni Rizal, umaayon ito sa romantikong boluntarismong hawa mula sa aktibistang idealismo ng Kaliwanagan sa Europa.
Humahantong ngayon ang pangkasaysayang pamantayan ni Rizal sa mapagbuong sintesis ng kritika, praxis, at obhetibong analisis. Mababanaagan ito sa deklarasyon niya: "Isang pinakamakapangyarihang bathalang kilala ng daigdig ang nesesidad, at ito ay resulta ng mga pisikal na lakas na ginagabayan ng mga etikal na lakas." Kaya nga't kahit tinatanggap ni Rizal ang ginagampanang papel ng suwerte at mga di-kinukusang pangyayari, pinagpapayuan niya tayo na huwag masyadong magtiwala sa pagbabaka-sakali. Aniya, "may matatagpuan tayong lohika sa takbo ng kasaysayan na mahirap masinag at unawain, lohikang umuugit sa mga estado at mga sambayanan." Dahil dito, si Rizal ay rebolusyonaryong bihasa sa birtud ng isang realismong mapag-ugnay, isang siyentipiko't mapanaklaw na pangitain, na kawangki ng materyalismong pangkasaysayang nalinang nina Marx, Engels, Lenin, at napagyaman din naman sa ating katutubong tradisyon ng populismong radikal mula kina Bonifacio at Sakay hanggang sa mga kampon nina Isabelo de los Reyes, Pedro Abad Santos, Amado V. Hernandez, Felixberto Olalia, at iba pa.
Ang masigasig na pagsusumamo ni Rizal na dapat pansinin ng Espanya ang daing ng anim na milyong Pilipino, kung hindi'y baka umigting ito sa kapusukan ng galit, ay nagkakaroon ng balintunang katuturan. Ang kahulugan ng mga salita'y dumarami, umaapaw, dumudulas at nakalulusot sa kulungan ng dogma. Sa aking pagmumuni, ang buong sanaysay ni Rizal ay hindi paghingi ng reporma kundi isang pagsisiwalat na nakahulagpos na ang Pilipinas mula sa kapangyarihan ng Espanya, na natitiyak na ang pagsiklab ng rebolusyon, at ang masang Pilipino ay pumasok na sa arena ng kasaysayang pandaigdig. Ano ang katibayan dito? May isang bahagi sa dakong huli ng sanaysay kung saan mawawatasan ang pagkasal ng imahinasyon at realismo, alaala at paghahangad, sa isang pagkakataong binasbasan ni Ernst Bloch ng pariralang "gunita ng hinaharap." Ang mga salita ni Rizal ay naglalarawan ng panahon kung kailan malaya na ang Pilipinas, salamat sa pagsusumikap at madugong sakripisyo ng mga taong sisibol sa lupang magiging landas ng pagsulong, bubungkalin ang lupang minana sa mga magulang at anito at lilikha ng kayaman mula sa masaganang kalikasang nag-aalay ng biyaya sa lahat; at sa gayon ang pangkabuhayan ay sadyang magiging maaliwalas at totoong malaya, ang lahat ay lilipad na tulad ng ibong nakawala sa hawla at ligtas na ngayon, tulad ng bulaklak na bububuka upang ilantad ang kagandahan at ikalat ang halimuyak, at lahat ay malalango sa kapayapaan--maligaya, masigla, laging nakalaang magbigay, at bukod sa lahat, mapangahas.
Mula sa ganitong nakabibighaning tanawin, ano ngayon ang mga aral na makukuha sa diskurso ni Rizal?
Una, ito ang laro ng kontradiksyon na siyang matris ng pagsulong. Magugunita ang pagtatambal nina Ibarra at Elias sa Noli--dalawang tauhang kumakatawan sa magkasalungat na saloobin, gawi, isip, damdamin, at pagnanais. Ang paghawak sa mga kontradiksyon sa lipunan, ang pagtatagisan at pagsasanib ng mga iba't ibang lakas, at ang pag-angat nito sa isang mataas na palapag ng katalahagan--ito ang ulirang pamamaraan o metodo ni Rizal. Hindi ito laos na mga turo na empirikal ang pinagbasehan at patutunguhan, o salawikain na pagpupulutan ng mga halagang ituturing na esensiya ng kapilipinuhan tulad ng uso ngayon. Wala sa ilang datos o laman, kundi sa porma ng pag-iisip at pag-analisis nakasalalay ang matibay na handog ni Rizal sa atin.
Isang halimbawa ang kritika ng indibidwalismo sa Fili: "Ano ang ginagawa ninyo alang-alang sa bayang nagbigay sa inyo ng pagkatao, nagbibigay sa inyo ng buhay at nagdudulot ng mga kaalaman? Hindi ba ninyo nalalamang walang halaga ang buhay na hindi iniuukol sa isang balak na dakila? Isang maliit na batong natapon sa kaparangan na hindi naisasangkap sa alin mang gusali."
Sapagkat masalimuot ang "gusaling" natukoy, ang panitik ni Rizal ay masalimuot din, tigib ng sapin-saping kontradiksyon na nagsasalamin sa mga magkakaibang lakas sa buhay niya, lipos sa samutsaring panig ng katalagahan. Ang istratehiya ng pangangatwiran, retorika, kasaklawan, at bisa ng paghimay at pag-uugnay sa lahat ng elemento ng buhay ay maaaring maging sandata ngayon upang maintindihan ang mga batas ng pagsulong at pagkilos na siyang humuhubog sa ating kapaligiran, sa rebolusyonaryong transpormasyon ng ating buhay. Wala nang mas kapakipakinabang at makabuluhang labi ni Rizal kaysa dito.

MGA TALA
1 Konsultahin ang libro niya: The First Filipino: A Biography of Jose Rizal (Manila: National Historical Commission, 1969).

2 Ang komentaryo ni Renato Constantino ay nasa libro niya: Dissent and Counter-consciousness (Quezon City: Malaya Books, Inc., 1970), mp. 125-46. Ang tradisyonal na atitudo kay Rizal ay makikita sa mga librong ito: Armando Malay, Jose Rizal: The National Hero of the Philippines (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1961); Data Papers, International Congress on Rizal, 4-8 December 1961 (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission , 1961); Leopoldo Y. Yabes, "Rizal, Intellectual and Moral Leader," na nasa Alejandro Roces, patnugot, A Rizal Anthology (Manila: National Heroes Commission, 1964), mp. 3-49. Ikompara ang mga ideya ni Nick Joaquin, A Question of Heroes (Makati: Ayala Museum, 1977), mp. 51-74.

3 Salin ng awtor mula sa Ingles ni Encarnacion Alzona, Miscellaneous Writings of Dr. Jose Rizal, vol. VIII (Manila: National Heroes Commission, 1964), p. 178. Ang orihinal sa Kastila ay nasa Rizal (Manila: Comision Nacional del Centernario de Jose Rizal, 1961).

4 Maiging nakasaad ang tesis ni Majul sa artikulong ito: Cesar A. Majul, "Three thinkers: how they moved men and events," Archipelago I, 11 (Nobyembre 1974): mp. 8-13.

5 Hindi binago ang baybayin ng mga salita na ayon sa ortograpiyang ginamit ni Rizal sa orihinal. Tingnan sa Jose Rizal, A Letter to the Young Women of Malolos, pinamatnugutan ni Teodoro M. Kalaw (Manila: National Library, 1932), inilathala muli sa Jose Rizal, Political and Historical Writings of Jose Rizal (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1962).

6 Wika ni Simoun sa Kabanata VII ng Fili. Konsultahin: Jose Rizal, El Filibusterismo, salin nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado, at Dionisio San Agustin (Maynila: Manlapaz Publishing Co., 1965), p.49.

7 Salin ko ito mula sa bersiyong Ingles ni Charles Derbyshire na nakasama sa libro nina Gregorio Zaide at Sonia Zaide, Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, WRiter, SCientist and National Hero (Manila: National Book Store, 1984), mp. 333-64.

8 Habang matiyagang kinokopya ni Rizal ang Sucesos ni Antonio de Morga sa aklatan ng British Museum, si Friedrich Engels ay madalas nasa London at baka nagkasalubong sila ni Rizal, palibhasay malapit ang dating bahay ni Engels sa natirahan ni Rizal sa Primrose Hill. Namatay si Marx noong 1883; kilalang-kilala siya sa British Museum mula pa noong 1849. Baka sa luklukan din ni Marx sa British Museum namalagi si Rizal noong 1888-89? Siguradong mga hilaw na materyales ito para sa isang nobela.

9 Sa pagsubaybay ni Fr. Jose Arcilla sa buhay ni Rizal, si Rizal ay hindi na repormista ng taong 1890-1891 nang matalo ang kaso ng mga taga-Calamba. Tingnan ang Fr. Jose Arcilla, Rizal and the Emergence of the Filipino Nation (Quezon City: Ateneo University Office of Research and Publication, 1991), p. 234. Ikompara ang opinyon ni General Jose M. Alejandrino, The Price of Freedom (Manila: Solar Publishing Corp., 1986), mp. 1-14.

10 Tingnan ang tala ng interbyu kay Rizal ni General Jose Alejandrino sa kanyang libro: The Price of Freedom (Manila: Solar Publishing, 1987), mp. 3-4.

11 Ang "Filibusterismo," salin nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado at Dionisio San Agustin (Maynila: Manalapaz Publishing Co., 1965), p. 48.

12 Nais kong ipagunita sa mambabasa na ilang akda ko ang tumatalaky sa kabuuan ng praktika at teorya ni Rizal. Tunghayan ang mga ito: The Radical Tradition in Philippine Literature (Quezon City: Manlapaz Publishing Co., 1971), mp. 7-47; "The Human Condition," Rizal: Contrary Essays, pinamatnugutan nina Petronilo Daroy at Dolores Feria├┐(Quezon City: Guro Books, 1968), mp. 175-94; Toward a People's Literature (Quezon City: University of the Philippines Press), mp. 20-66; at History and Form: Selected Essays (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1996), mp. 26-37.
Kung nais masundan ang iba pang anggulo sa panitik ni Rizal, maimumungkahi ko ang aklat ni Soledad Reyes, patnugot, The Noli Me Tangere A Century After: An Interdisciplinary Perspective (Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc., 1987).

No comments: