BULAKLAK NG DROGA


BULAKLAK NG DROGA HANDOG NG ANARKISTA NG MILENYUM


Pinagtampuhan ng tadhana, nilalangaw
inuk-ok ng uwang hanggang naubos pati ubod
Di ko akalaing makauusad pa
“bungang-tulog ang pagkain laging luha ang inumin”

Bakit, Mahal, ayaw mong patawarin ‘yang aliping lagalag?
Pagdamutang tanggapin ang alay nitong sugatang hayop
“pawang dalamhati kahapisa’t lungkot”

Di ko akalaing
Sinong tutuklas kung sino’ng pinaslang at sinong pumaslang?

Pinagtampuhan ng tadhana, siningkaw sa gulong
ng banog-lawin paru-paro’t mailap na batu-bato
ningas-kugon ng sampay-bakod
umuugit sa proyekto ng pagtuklas

Di ko inakala
“malayo ma’t ibig daig ng malapit”
malakas ang tuhod mahina naman ang loob
Pagdamutang tanggapin ang paglulubid ng talinghagang sandakot na hangin
...sukdang mapalamara

Walang kailangan, Mahal ko, magbangon ka sa pagkaburol at muling kandungin
iyong aliping lagalag
hayop na sugatan
kundanga’y inaakala pa lamang
Walang kailangan ang patawad
gumagapang umuusad kumakalampag
upang durugin ang uwang ng pag-aakala’t tampuhan

Walang kailangan ang pagsisisi
malayo sa luha’t malapit sa bungang-tulog
hanggang dumating sa lalawigang mahimbing


--ni E. SAN JUAN, Jr.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.