KONTRA-KUNDIMAN --3 TULA NI E. SAN JUAN, Jr.
KONTRA-KUNDIMAN # 1
ni E. San Juan. Jr.
“Kailangang managinip!” --V. I. Lenin
Sa gitna ng paglalakbay, sandaling bumaling at naitanong:
Isang matagal na sakit ba ang buhay, walang lunas at lubay?
Bakit hahakbang upang mabulabog ang alikabok sa lansangan?
Tumindig sa harap ng pader, suriin ang bituka ng hayup.
Kakalawangin lamang ang puso mo sa agos ng luha’t pawis.
Nanuot sa buto ang hinala, tumagos sa laman ang hinagap—
Nagluksang langit ang gabay bagamat may bituing kumikislap.
Paano pupuslit kung nakatanikala sa rehas ng iyong dibdib?
Hindi mawatas kung saan lulubog-lulutang ang panaginip.
Kakalawangin lang ng ambon ang naglalamay na ulirat.
Oo, hindi mahulaan kung saan lalapag ang bagwis ng pangarap.
Bakas ng lumbay sa iyong mukha’y pasa rin ng diwa.
Di humupa ang pangamba hanggang di dumating ang alitaptap….
Sa buong magdamag mailap ang kasukdulan.
Kakalawangin lamang ng hamog ang budhing nanunubok.
Balisa’t gipit sa masalimuot na suliranin ng tadhana
Nais mong himaymayin ang balighong hiwaga ng damdamin,
Ngunit ito’y kabaliwan, sumayod sa guniguning lumagpak.
Dadapo pa kaya sa pisngi ang bulong ng iyong halik?
Kinakalawang na ng ulan ang utak ng kamalayang suwail.
Ako ba’y nagayumang dalubhasa sa agham ng pagibig?
Naghihingalo, nakabayubay sa bahag-hari ng iyong pasiya….
Pagtawid ng ilog, payo mo: sa pagbibigay ikaw ay pagbibigyan…
Sa siwang ng piitan sumisilip ang silahis ng iyong ngiti.
Kinalawang na ng laway at hininga ang katawang hinubaran.
--E. San Juan, Jr.
Sapantahang may katuturan ang maikling panahon ng ating pagtatalik,
Barbara—
Subalit kung matuklasan mong nagbalatkayo ang anghel mong bugaw?
Kung panaginip lamang na walang saysay ang himalang kariktan?
Paghupa ng baha, sinilo ka sa ilalim ng tulay hinabi ng libog at lagim,
Barbara—
Sumisid sa burak ng salagimsim, sinimsim ang katas ng pagkukunwari….
Nahulog sa lagusan, hinugot, ngunit anong kahulugan ng basbas sa pigi?
Sa kubling panig ng bulwagan, nasumpungan ang napigtal na kilay,
Barbara—
Ningas-kugon ang hibo ng pagnanais, sandaling sumiklab, titis na nauupos
Bakit pumaimbulog kung usok lamang na walang darang?
Gayuma ng iyong katawan, patawarin ang hilot-himas ng malagkit na titig,
Barbara—
Sa gutom at uhaw, natarok mo ba ang kabuluhan ng pakikipagsapalaran?
Hawiin ang birang at dumilat, itakwil ang sariling mandaraya’t taksil
Anong mapurol na subyang ang humiwa sa dila ko’t gumurlis sa noo?
Barbara—
Bumuka, tumining at sumidhi ang ganda nang hita’y kusang mag-arko
Kaluluwa mo’y naglatang sa panimdim sumasagitsit
Saang planeta bumuhos ang iyong hininga’t bumuhol sa buhawi?
Barbara—
Saliksikin ang balintataw na sinukat ng aking anino—
Magkasiping pa rin kahit gumulong ang bungo sa banging nagluwal
Bago itikom ang daliri sa pisnging malamig, kalamayin ang loob,
Barbara—
Sunggaban ang talinghaga at suriin ang lumagpak na buntot ng guniguni
Sa guwang ng utak—ikulong, utasin sa lagablab ng halik at yapos.
KONTRA-KUNDIMAN #3
--E. San Juan, Jr.
Sandali lamang
Namanhid sa lambing at lamyos ng lisyang kudyapi
Samantalang laganap ang kabuktutan
Kagat-labi ang saksi
Walang dumidilang sumbat walang singhap na pumupukaw
Ngunit nagsisikip ang dibdib sa ulilang kural
Umaaligid ang magkatuwang na limbas sa puyo ng ulap
Tinugis ang bagting ng dagitab na namilaylay
Sa gilid ng banging nagluwal sa batis
Bagamat matagal nang tumalon ang palaka sa lawang malumot
May alingawngaw pa rin ang ambil ng kabalintunaan
Sa lalamunan ng kasiping may aninong naglagalag
Umungol sa utak ang tagulaylay habang tumutulo ang buhangin
Gumitaw ang asidong alimuom sa bituka ng lupa
Uling karbong bubog sa budhi
Ibinunyag ba ng saksi ang natagpuan sa sulok ng gubat?
Bahagyang humadlang sa amihan ang tabing sa bintana
Tumingkad sa dilim ang katutubong ningas
Hayaang pumayagpag ang pulang kurtina sa magdamag--
Tuksong tumikhim, humaginit, hanggang bumungad
Kuko ng kaluluwang humihimas sa kawalan
Sandali lamang
Pumutok na ang uhay sa dulo ng duguang tangkay--
Walang tutubos sa nalugmok na saksi.
Comments