LAGDA NI ANDRES BONIFACIO -- Sanaysay ni E. San Juan, Jr.
LAGDA NI ANDRES BONIFACIO:
Paghamon sa Tadhana, Himagsikan, at Pagtupad sa Kapalaran ng Sambayanang Pilipino
ni E. SAN JUAN, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines
Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa kanya.
--GREGORIA DE JESUS
Ganyan si Pilosopong Tasyo [sa El Filibusterismo ni Rizal]: nakakakita siya ng tagumpay sa anino ng pansamantalang pagkatalo.
--TEODORO AGONCILLO
ABSTRACT
From hindsight, Bonifacio’s “signature” in our historical archive is distinctly legible in his initiative in founding the Katipunan and its praxis in organized revolt. His death by the Aguinaldo clique revealed the Katipunan’s inadequacy. But it is also productive since hegemony became the new telos of the nationalist impetus. Universal reason and natural rights, the foundation of the national-lberation struggle, have proved not sufficient to forge the popular will and affirm the sovereignty of the nation-people in the face of US imperial power. Ultimately, however, as Mabini discerned, the political economy of a feudal/comprador formation defined the limits of ilustrado nationalism. Bonifacio’s example survives in the actuality of irepressible multifaceted subaltern agencies. It renews itself today in the ethnic/indigenous, national-democractic insurgencies flourishing today under global imperial terrorism.
ABSTRAKTO
Sa balik-tanaw, ang “lagda” ni Bonifacio sa ating kasaysayan ay masisipat sa kanyang birtud sa pagbuo ng Katipunan at praktikang diwa sa maugnayang pag-aklas. Nabunyag ang kakulangan noon nang paslangin siya ng pangkat ni Aguinaldo. Sa gayon, naging bagong mithi ng makabayang bugso ang pagtatamo ng hegemonya/gahum. Hindi sapat sa paglikha ng soberanya at pagpapasiyang makabayan ang batayan ng Katipunan: rasong unibersal at karapatang pangkalikasan. Sa huling pagtutuos, ayon kay Mabini, naitakda ng ekonomyang pampulitika ng piyudal/komprador na kaayusan ang limitasyon ng ilustradong nasyonalismong mana kay Aguinaldo. Buhay pa rin ang halimbawa ni Bonifacio sa aktwalidad ng ahensiya ng lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan. Nagkaroon ng bagong sigla ito sa himagsik ng mga enitiko/katutubong mamamayan, kaugnay ng manggagawa’t pesante sa pambansang-demokratikong kilusan, na lalong nag-ibayo ngayon sa harap ng terorismo ng imperyalismong global.
Prologo
Palasak na hatulan ang proyekto ng himagsikan ng 1896 at ng Katipunan na malaking kabiguan sanhi sa pagkapaslang sa Supremo. At dahil sa pagkatalo ng mga nagpatuloy sa adhikaing mapagpalaya (sina Malvar, Sakay, atbp.), laos na ang adhikaing inugit ng mga bayaning nagsabuhay sa mga prinsipyo't batayang simulain ng Katipunan at humaliling organisasyon. Ngunit lahat ng tagumpay ay nagdaraan sa pagkatalo, at ang pag-unlad ay umuusad sa liko-likong urong-sulong ng mga pangyayari na itinakda ng mga naganap. Paglimiin natin ang payo ni Marx: “Men make their own history….” but “not under circumstances chosen by themselves, but under circumstances directly encountered,given and transmitted from the past”(1950, 225). Sukat ng alalahanin na sa pagkamatay, sa paglaho ng kasalukuyan, bumabalong ang muling pagkabuhay.
Gayundin ang walang patid na pakikipagsapalaran ng mga kaisipan, akto't salita ni Andres Bonifacio. Tunay na hindi pa natin nauunawaan ang tagubilin niya't pahiwatig. Hindi pa natin lubos na nasasakyan ang kanyang pahatid na hindi pa naisasagad ang programa ng pagbabangon ng dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan sa harap ng karalitaan at pagkaupasalang laganap. Masasabing nasa kinabukasan pa ang tahasang pagsasakatuparan ng programa ng Katipunan, hinihintay pa ang matapat na pagpapahalaga sa mapagpasiyang lagda ni Bonifacio na sandaling nalambungan sa tuso't madayang pag-inog ng kasaysayan. Namumukod sa lahat, husga ni Apolinario Mabini (1969), si Bonifacio lamang ang matigas na nagsusog na walang halaga ang mapayapang paraan; kolektibong lakas ang kailangan, nang ipagbawal ang repormistang Liga ni Rizal.
Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Bonifacio, ang "Supremo," nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon. Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan. Paano ipapaliwanag itong aporia: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong Mayo 10, 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong pagkakanulo't paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan. Humantong sa kasukdulan ang kontradiksiyong panloob sa kilusan at humakbang sa panibago’t mabiyayang antas.
Subalit hindi awtomatiko ang aral na ginapas dito. Ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Isipin na lamang kamakailan ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna--mistulang "repeat performance" iyon--at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na di na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na paparusahan tayo muli sa pagbalik ng nasugpo't ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung pagninilaying maigi.
Kasaysayan at Pananagutan
Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansya't aksidente, bagamat sumusunod sa batas ng regularidad ang hugos ng kasaysayan. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin? Ano ang turo ni Bonfacio para sa kasalukuyang sitwasyon?
Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita't gawa ni Bonifacio (at ng Katipunan) na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma't piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang reyalidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal (tulad ni Bonifacio) sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Gramsci?
Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pag-kilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan--ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksyon ng mga pangagailangan sa buhay--ang pinakaimportante, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatwid, dapat iwasan ang palasak na analisis pangsikolohiya. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.
Pagtistis at Muling Paglilitis
Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ang mga kasike't imperyalista. Isahalimbawa ang The Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter na lumahok sa Tejeros, tungo sa pag-absuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (1956, 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes.
Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 dantaon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampulitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa't inuyam ni Joaquin: "All this sounds like an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya" (1977, 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa karakter at asal ni Bonifacio. Ngunit sino si Bonifacio kundi ang masang naghimagsik, pumatay at nag-alay ng buhay sa ikatatagumpay ng katwiran at kalayaan ng sambayanan? Hindi ang karakter ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan.
Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa "Dakilang Plebeyo." Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas, pinamagatang "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution." Katugma nila ang mahayap na hatol ni Mabini sa La Revolucion Filipina: " Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (Salin ko mula sa Ingles; sinalin din ni Cruz 1922, 57-58; Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini 1969, 48). Pangkat o uring panlipunan ang mga aktor, o dramatis personae, sa dula ng ating kasaysayan bilang bansang hangad-magsarili.
Bilang katugunan sa mga pagkutya sa karakter ng Supremo, kadalasan gumagamit ng empirisistikong analisis ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at trabahador sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng mga kalakal sa Fleming & Company (Ingles) at bodeguero sa Fressel & Co. (Aleman). Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pangitain-sa-mundo (Weltanschauung) ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at pansandaling paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng kolonya.
Bagamat walang pormal na edukasyon, naidistila ng Supremo ang makabagong pedagohiya sa kanyang pagbabasa at sa mismong karanasan sa paghahanap-buhay (Agoncillo 1965). Batid na ng lahat--hindi na dapat irebyu ang talambuhay ng Supremo--na bukod sa kanyang katutubong talino, napag-aralan at naisadibdib niya ang modelo ng Liga Filipina na naibunsod ni Dr. Jose Rizal noong Hulyo 1982.
Malaking hakbang ang Liga mula sa repormistang paninindigan ng mga propagandista ng Solidaridad. Isinaisantabi na ang layuning asimilasyon sapagkat inadhika nito na pag-isahin ang buong kapuluan at mga katutubo upang magtulung-tulungan. Bukod sa paghikayat na pagbutihin ang edukasyon, pagtatanggol laban sa inhustisya at dahas, sinikap ding magtayo ng mga paraan at istrukturang tutugon sa bawat pangangailangan ng mga kasapi. Naipunla na roon ang binhi ng Katipunan at ng rebolusyonaryong matrix ng ating kasaysayan.
Bagamat tila payapang pagpaplano lamang ang Liga, sa ikaapat na araw na pagdating ni Rizal, inaresto na agad siya. Dagling binuhay ng Supremo at ni Domingo Franco ang Liga at hinirang si Apolinario Mabini na maging sekretaryo ng Konseho Supremo. Parang hula ng darating ang pagkalahok ni Mabini sa pagkakataong ito, "prophetic" sa taguring pangteolohiya. Hindi nagtagal, humiwalay ang ilang kasapi sa Cuerpo de Compromisarios at tuluyang napilitang ilunsad ng Supremo at mga kasama ang Katipunan (Constantino 1975, 153-54). Pagtakwil sa Espanya ang mithi ng organisadong lakas ng sambayanan, sa paraan ng malawakang himagsikan. Isang orihinal na hakbang ito ng Supremo.
Sa Pagitan ng Nagsasalpukang Lakas
Sa henealohiya ng pagsulong ng kamalayan ng Supremo, ang aral ng Liga at limitasyon ng mga Propagandista ay magkasudlong. Walang makabuluhang pagbabago ang magaganap kung hindi kasangkot ang nakararaming klase o uri sa lipunan. Ang masa ang yumayari ng kasaysayan.
Bukod dito, natanto rin ng Supremo na dapat kolektibo ang makinang uugit sa kilusan, isang pamunuang nakaugat sa abilidad at kakayahan ng nakararaming anak-pawis: magsasaka at trabahador na siyang bumubuo ng mayorya. Gayunpaman, ang liderato ay magmumula sa mga mulat at bihasang kasapi na mahigpit at malalim ang pagkakaugnay sa mga abanteng elemento--ang mga kinikilalang kinatawan ng mga bayan o purok. Paano makikilala ang mga bayani? Sa sandali ng pagpapasiya, sa tandisang pakikibaka at sakripisyo ng buhay para sa katwiran at kabutihan ng nakararami.
Nabigyan-tinig ito sa isang panawagang pinamagatang "Katipunan Marahas ng mga Anak ng Bayan." Inalagatang taos-pusong paghahandog ng buhay ang pamantayan ng Katipunan, masinop na idiniin ng Supremo ang motibasyon ng kolektibong pagbabalikwas, ang bukal ng mga damdamin at hibong nagpapagalaw sa isip at katawan. Pagtuunan ng pansin ang retorika at estilo ng paghikayat, hindi lamang pakikiramay kundi pakikiisa (empathy):
....ang kadahilanan ng ating paggugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay, ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay buong kaginhawahan at magbabangon ng kapurihan na inilugmok na kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang katulad.
Sasagi kaya sa inyong loob ang panglulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi! hindi! Sapagkat nakikintal sa inyong gunita yaong libu-libong kinitil sa buhay ng mapanganyayang kamay ng kastila, yaong daing, yaong himutok at panangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan, at nagtitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asawa, at matatandang magulang na itinapon sa iba't ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinaka-iibig nating kababayan na si M. Jose Rizal, ay nagbukas na sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma'y hindi mababahaw. Lahat ng ito'y sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na kastila na nagbigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kapamatayan (Agoncillo 1963, 71).
Sa nakaaantig na diskursong nasipi, nalikha ng Supremo ang lunan o espasyo ng pakikidigma pagkaraang maisusog sa kamalayan ang daloy ng panahon, daloy na may kahapon, ngayon at kinabukasan--sa isang salita, ang kasaysayan ng bayan. Sa paglatag ng larangan ng tunggalian, tinukoy rin kung sino ang kaaway at kakampi, ang linya ng digmaan kung saan ang obheto ng kolonisasyon ay nagiging suheto ng pagbangon: ang pagkatao ng Filipino. Sa diyalektikang paglalarawan, ibinigkis ng Supremo ang gunita ng mga kahirapang dulot ng Espanya, ang alaala ng mga magulang at ninuno na patuloy na sumasagitsit sa katawan ng mga anak. Nagkaroon ng galaw ng panahon ang lugar/lunan. Matingkad na nailarawan ito sa tulang "Ang Mga Cazadores," isang mabalasik at dramatikong konkretisasyon ng karanasan ng mga sinakop.
Ngunit ang sentimyento ng gunita (memory-work) ay hindi sapat. Kailangan ang dunong o talino upang mahugot sa karanasang nakalipas ang disenyo at lohika ng nabubuong iskema ng kinabukasan. Hindi lamang elemento ng damay o simpatiya ang kailangan, kundi distansiya o paghinuha ng unibersal na nakalakip sa partikular--sa intuwisyon ng paglalagom. Katutubong ntelihensiya at mapanuring sensibilidad ang kailangan.
Marahil, natutuhan niya ito sa pagbabasa sa mga nobela ni Victor Hugo at Eugene Sue. Nasagap niya rin ito sa pagsasanay sa dulaan, sa Teatro Porvenir sa Tundo; sa pakikitungo sa mga magulang ni Gregoria de Jesus; at laluna sa mga pakikisalamuha sa grupo nina Deodato Arellano, Aurelio Tolentino, Teodoro Plata, Pio Valenzuela, at iba pang maituturing na "petiburgesya" sa konteksto ng kolonisadong lipunan noon (Agoncillo 1967). Ang karakter ng Supremo ay hinubog ng karanasan at kapaligirang kinagisnan niya, at siya namang humubog sa balak, plano, at kilos niya at mga kasama.
Diyalektika ng Indibidwal at Komunidad
Ang galing o kakayahang lumagom ng hiwa-hiwalay na karanasan ay natatanging birtud ng Supremo. Karapat-dapat nga siyang maging puno ng Katipunan at ng puwersang sandatahan nito. Samakatwid, ang oryentasyon ay hindi paurong o sentimentalistikong nostalhiya kundi progresibong mobilisasyon ng lakas ng bawat mamamayan tungo sa hegemonya nito--kapangyarihang moral at intelektuwal (sa pakiwari ni Antonio Gramsci)--na rationale ng politikang pakikibaka. Magkaalinsabay ang paghubog ng malay at ng kapaligiran, diyalektikal ang kalakaran ng dalawang lakas. Ito ang buod ng laging makabuluhang pamana ng Supremo sa saling-lahi.
Nailahad nina Eric Hobsbawm (1959) at George Rude (1980) ang dinamikong penomena ng protesta’t insureksyon ng mga pesante’t madlang hiwalay sa proletaryado sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Matinong pagwawasto iyon sa makitid na pagpokus nina Marx at Engels sa proletaryadong sektor. Nakatutok sila sa milyu ng Pilipinas noong 1800-1896. Hindi proletaryong pangkat ang Katipunan kundi tagapanday ng nasyonalismong mapagbuklod.
Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng nesesidad at kalayaan, kapalaran at pagkakataon, sa isang pormasyong kolonisado’t piyudal. Malimit magkasalabid at tuhog-tuhog ang iba’t ibang salik ng mga yugto:
1) Ang pagwasak ng ilusyon ng hegemonya ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762-64. Sumiklab noon ang mga rebelyon nina Silang, Malong, Almazan at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ng imperador Napoleon sa buong Europa, nayanig muli ang buong ideolohiya/istruktura ng estado't simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilokos, noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808-14. Nag-protesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz/Hermano Pule noong 1839-41 sa Tayabas, Batangas, Laguna at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkahalatang konsensus na mabuti't makatarungan ang gobyerno't simbahan. Tuluyang napawi ang "ethical totality" (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.
2) Sa pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang-pandaigdig simula 1834, bumilis ang pagpasok ng komoditi kaakibat ng salaping pangkapital--ang kultura't gawi ng mga dayuhang negosyante--at ideya't estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan. Sa krisis na lumukob sa Maynila at karatig-pook, tumindi ang alyenasyon. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, laluna ang mga tunggalian para sa independensiya sa Argentina, Bolivia, Peru, Venezuela, Mexico at Cuba (simula pa noong 1868). Niyanig ang kapayapaan sa nayon at kalunsuran.
Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago't mapagbago--ang sensibilidad/dalumat ng panahon--sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, "May Pag-asa," ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant, Les Miserables, at Las Ruinas de Palmira—mga artifact ng kanlunraning arkibo ng estetikang panlasa.
Sa paglagom, unti-unting nagugunaw ang gahum/hegemonya ng Simbahan. Lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal at palitang pampinansiyal (money exchange), kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samot-saring pamahiin. Pagkakaiba ng kabuhayan ng mga dayuhan at katutubong gumala ang nakatambad sa balana.
3) Pumutok ang Paris Commune (Marso-Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang puwersa sa sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873-75 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gob. Carlos Maria de la Torre. Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong pareng Burgos, Gomez at Zamora, unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma. Binhi iyon ng Katipunan, sinundan ng pagparusa kay Rizal at pagpanaw ng Solidaridad ni Marcelo del Pilar.
Nahihinog ang proseso ng kontradiksiyon. Nang ipatapon si Rizal ni Gob. Despujol noong Hulyo 1892, bunyag na ang katotohanang kahit mapayapang pagsisikap maisaayos ang katiwaliang umiiral--buhat pa nang supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng mga magsasaka’t artisano sa Calamba noong 1891--ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal: "Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katwiran." Kung walang bisa ang diyalogo, makabuluhang dumulog sa lakas ng komunidad.
Ideolohiya at Balangkas ng Pamunuan
Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa naimungkahi kong maitatanging layong naisakatuparan ni Bonifacio. Naidugtong niya ang saloobing historikal sa binubuong bangguwardia ng kilusan. Sentral sa proyektong ito ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (lideratong mulat) sa rebolusyon. Bagamat importante ang moda ng produksiyon sa tingin nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/relasyong sosyal at ng sumisibol na lakas sa produksyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, damdamin, atitudo, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri. Dito rin isinisiwalat ang pwersang pampolitika at iginuguhit ang puwang para sa interbensiyon ng kolektibong lakas.
Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524-25, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang sitwasyon sa Pilipinas noong 1892-1898. Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, ang mga etsa-puwera o hampas-lupang palaboy, trabahador, negosyante at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan--sila ang buong sambayanan na tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (frailocracia, aristokratang opisyales, peninsulares—mga oligarkong ngayon) at sila, samakatwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko at makatao. Saligang popular ito ng niyayaring bansa.
Parametro ng Pagsisiyasat
Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista, na namobilisa na buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Kavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa 1965, 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga empresang dayuhan, laluna kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Pambansang demokrasya, hindi sosyalismo, ang nangunguna sa agenda ng madlang bumabalikwas.
Ang ayos pamproduksyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya. Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi--taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari't lumilikha ng kayamanang panlipunan--sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong sa himagsikan.
Salamat sa matiyagang pananalisik ni Jim Richardson, nalikom na ang lahat ng dokumentong kailangan sa libro niyang The Light of Liberty (2013). Masipag at masigasig ang mga kasamang Teodoro Plata, Deodato Arellano, Ladislao Diwa, Moises Salvador at iba pang lumikha ng mga saligang prinsipyo’t panuntunan ng Katipunan. Noon pa mang Enero 1892 nakumpleto na ang “Kasaysayan, Pinag-Kasunduan, at Mga Dakilang Kautusan ng Katipunan,” bago pa ipinatapon si Rizal sa Dapitan. Ang mahalagang katibayan ng lalim at saklaw ng pangitain ng Katipunan ay makikita sa unang bahagi ng Kasaysayan, ang matrix ng pilosopiyang rebolusyonaryo ng bayan.
Himaymayin at timbangin ang kadalisayan at determinasyon ng pagpapasiyang ipagsanib ang praktika at prinsipyo sa pagpapakahulugan sa diskriminasyon ng panahon sa pambungad ng manipestong natagpuan ni Richardson (2013) sa Archivo General Militar de Madrid sa Espanya :
May isang bayang pinag haharian nang sama at lupit; ang manga kautusan ay ualang halaga at nananaig ang balang malakas. Gayon man ang bayan ito gumugugol ng dugo at buhay sa kapurihan at kailangan ng sa kaniyay ang hahari, maguing dapat lamang tawaguing kapatid o anak. Ang kaniang yaman bohay at puai ay ipinaiiyan, upang itangkakal sa may nasang sukab. Tatlong siglo nang mahiguit na nagtitiis ng hirap at pagod alipusta ay di ipinagmamasakit bagkus ipinauubaya.
Ang bayang ito, ay, ang atin; ito ang napakabalita sa pagka duahagui; bayang lubos na mapag tiis, hangang sa maalipin; ¡oh Pilipinas ! ¡sa aba mo ! ¡oh bayan naming tinoboan ! tangi kang lubos sa ibang kapamayanan; kung sa kaniyay natampok ang bayang anak na nagpuri o maghangad ng bayang ikakagaling o ikaguiguinhawa, sa iyo ay hindi gayon, inuusig at pinaruausahan ng parusang kalaitlait at lihis sa katuiran; ang paisaisa mong anak na sumisita sa iyo, ito rin at kinukutia sa sariling buhay ang ibang hindi makaimik at inilalathala ang puri na kusang guinagahis (Richardson 2005-2016).
Sipatin sa deklarasyong ito ang ilang detalyang makahulugan ang pahiwatig. Una, tiwalag sa pag-aakala ang kasalukuyang nangyayari. Lisya’t tagilid ang panahon. Sa halip na umasa sa pag-ikot ng panahon, isinabalikat ang pagtatanghal sa espasyo ng kahirapan at kahayupan, kung saan ang pamilya (haligi ng piyudal at patriyarkong orden) ay gumuho’t hinalinhan ng alitan, pagmamalupit, pagkakawatak. Sa pagkadurog ng ordeng patriyarkal, humalili ang pigura ng inang mapaglingap. Pangalawa, sa dasal at hinakdal ipinahihiwatig ang marubdob na pagnanais na magkabuklod ang mga supling upang wastuhin ang lisyang katayuan ng lugar. Panahon ang larangan ng pagpapasiya’y pagsisikap. Pangatlo, lumitaw ang isang identidad na hindi nagmamakaawa kundi nagsasakdal. Naghahanap ng lunas ang tinig, lumuluhog sa inang siyang inaasahang makapag-uutos na ibalik ang kasaganaang nawaglit, pairalin ang katarungan, at purihin ang karangalan ng taumbayan (tungkol sa temang ito, konsultahin si Maceda 1995).
Katatangi-tangi ang panaghoy na iniaalay sa ina. Samakatwid, ang pamilyang nakabatay sa kapangyarihan ng ina, hindi ng ama, ang siyang dapat manaig. Angkop ito sa pagsusuri sa kalabisan ng patriyarkong orden. Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sumukdol sa pagitan ng nakararaming katutubo at ng Simbahan/Estadong kolonyal. Kaalinsabay nito ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at kasike/prinsipalya.
Sa kabilang dako, sa rebisyon ng dokumentong ito noong Agosto 1892, pinalitan ang “ina” ng “tinubuang lupa” at binigyan ng paunang babala ng pagtiwalag ng kapuluan sa alaga ng bulagsak ng ina (Espanya) na simula ng bagong naratibo—ang batayan ng kasisilang na ordeng ibinalangkas ng Katipunan: “Ysinasaysay mag buhat sa araw na ito ang manga Kapuloang ito ay humihiwalay sa Espania at walang kinikilala at kikilanling Pamumuno kung di itong Kataastaasang Katipunan” (Richardson 2005-2016)
Walang pasubali, tutol sa institusyonalisadong reiihiyon ang mga anak ng bayan. Sa dimensiyon ng ideolohiya o pangitain-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teyokratiko-piyudal na sistema ng imperyong Espanya. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasiyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan. Sinikap ng mga Propagandista sa Solidaridad at, di naglaon, sa Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampulitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot ang mga katawang nagsanib sa matining na antas, subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng magkakahiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano. Sa halip na pamilya, ang organikong kapalit na Katipunan ang nakasalang na’t pinapanday sa araw-araw na kabuhayan.
Kabatiran at Pagpapasiya: Kinabukasan Ngayon
Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" (Cruz & Reyes 1984, 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang tekstong pundasyonal ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pag-aalsa sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi. Birheng lupa ang natuklasan at napasinayaan, kaya itinampok ang katutubong birtud at kagalingan.
Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt 1978). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at reyalidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari. Paano ito natupad? Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat...." Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayamanan ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan. Hindi memorya ng lumipas kundi pagtuklas sa nalambungang birtud ng kasalukuyan, aktuwalisasyon ng potensiyal na kalikasan ng taumbayan, ang pinagbubuhusan ng lakas at talino.
Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legaspi at Sikatuna. Tila kusang bumaliktad ang lahat. Mula noon, "ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop." Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indyo sa mga Kastila laban sa Intsik at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Inglatera sa Maynila. Bakit kaya?
Pagkawing sa Hinuha’t Hinagap
Kahanga-hanga ang pagsusuri't paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektika ng kamalayan at kapaligiran. Ang suheto-obhetong antagonismo ay unang hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807), kapagdaka’y isinakonkreto ni Marx sa The German Ideology (1845-6) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo. Walang duda, nasagap niya ang mga ideyang laganap sa Europa mula sa komunikasyon at lathalain nina Del Pilar, Lopez Jaena, Rizal at mga kapanalig na naging kasapi ng Katipunan. Lumulutang sa atmospera ng panahong iyon ang espiritu ng negasyon at transpormasyon. Balintuna, doblekara, walang katiyakan ang lahat.
Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas; umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa't pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at kasawiang-palada, dalamhati't pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa "isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam." Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglao'y naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hanggahang hindi na matatanggap ang walang awang pagmamalupit. Paulit-ulit na lang ba ang kasuklam-suklam na kalakaran? Wala bang ibang napipinto, pagbabago o pag-iiba?
Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: "Ano ang dapat gawin?" Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : "Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin..." Ito ang patalastas ng Kaliwanagan (Enlightenment): awtonomiya, pagtiwala sa sariling kakayahan, kapangahasang subukin ang anumang naisip at maglagalag sa mahiwagang lupalop ng panimdim.
Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng susog o untag ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan. At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip at pagnanais upang sa gayo'y "magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan." Samakatwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman. Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksyomang nabanggit: sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasiyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan.
Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: "isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan" at tayo'y "nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway." Puri o dangal ang paksain ng nagbangong kaluluwa mula sa lagim ng pagkaalipusta.
Malasin ang tagpo: inilunsad na tayo sa larangan ng digmaan. Layon ng pahayag na ito ay hindi lamang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang absolutong kapangyarihang umaangkin sa normatibong birtud. Sa katunayan, ang ultimong pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapiliting dapat pumili sapagkat hindi makaiiwas magpasiya. Habang kumikilos, sinusuri ang dalumat ng pagkilos at pinapatnubayan ang direksiyon nito.
Pagtitika at Pagsubok
Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasiya't pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co ng Inglatera at Alemanyang Fressel & Company bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto't regulasyon. Napag-alaman niya na ang panahon ay hindi mahahati sa dikta ng espasyo o lunan. Kailangan yumari ng naratibo ng panimula, kasukdulan at kalutasan ng anumang proyekto.
Sapantaha nating nahimalay ni Bonifacio ang bunga ng rebolusyon sa Europa sa kanyang pagbabasa. Iyan ang mungkahi ni Hermenegildo Cruz (1922). Isa rito ang disiplina ng "virtue" bilang susi sa tatag ng Republika salig sa komunidad na nagpatingkad sa larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuro-kuro ni Rizal (laluna ang anotasyon niya sa ulat ni Morga), at paglilimi sa daloy ng kasaysayan mula sa librong "Ang mga Ruinas ng Palmira," at "Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos" (Zaide 1970, 106).
Di kalabisan kung muli kong igiit na ang "Dapat Mabatid" ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring naiulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenang ito. Katambal ng mga diskurso nina Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysaysan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi hango sa paglutas sa sapin-saping kontradiksiyon sa kasaysayan.
Sa pagsusuri ko, ito at iba pang kasulatan ay palatandaan sa matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay patibay na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasayayan ni Bonifacio, sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsing pagtarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Inuurirat dito ang lakas ng negasyon, ang pagtanggi at pagwawalang-bisa sa di-makataong status quo ng kolonyalistang rehimen.
Materyalismong historikal ang puntodebista ng Supremo. Tulad ng bisyon ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne 2005), ang mga taong inapi’t inalipin na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado--ang Indyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo, ang mga anak-pawis na ginawang hayup sa trabaho. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya.
Nasaan, sino ang ahensiya ng pagbabago sa sitwasyong hinarap nina Bonifacio? Walang iba kundi ang bagong tatag na Katipunan--ang motor ng himagsikan. Maituturing ang proyekto nina Bonifacio at kapanalig na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng simbuyo ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa data-rati'y ulit-ulit na pag-inog ng panahon. Sagisag ito ng kakanyahan at kakayahan ng mga kasangkot sa naratibong inilalatag.
Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng "liwanag ng katotohanan," pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na "magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan." Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran.
Tunghayan ang maalab na retorika ng paghimok, pag-amuki, paghikayat. Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasiyang bunga ng kabatiran na siyang umantig sa mga kasapi sa pagpupunyaging magpasiya't isakatuparan ang ninanais. Sa dulo ng pahayag, nakatumbok ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya'y pagpupurga’t pagpapalusog ng saloobin--ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali--na siyang susi sa pagkilates sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad.
Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan--di na pwede iyon sanhi sa nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, matinding pagdurusa. Nakaamba na tayo sa pagpihit at pagliko mula sa nagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga at sigasig ang itinagubilin niyang pamamaraan. Sa pagbubuod, ang panukala ng Supremo ay nakasentro sa utos at atas sa kapanalig: lahat ng katangiang likas sa Pilipino ay dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang institusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.
Bahag-hari ng Kabatiran at Kamangmangan
Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng metapora ng dilim at liwanag na halos arketipong tatak o signatura na sa mga dokumento ng Katipunan, na unang naibadya sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto (Santos 1935).
Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2/3 dantaon. Laganap ito sa diskurso’t praktika ng Masoneria, mga pangkat ng “freethinkers,” atbp.
Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Tagapagligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray 1964, 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Catharista sa Albiga sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (paghuhunos ng makasalanan o maruming kaluluwa) at kaganapang pampersonal.
Nabanggit na sa unahan ang pagsisikap ng Katipunan na mabawi o mailigtas ang katutubong birtud. Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Robespierre, Rousseau, Goethe at Kant. Bukod iyon sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Masoneria na isinalin nina del Pilar, Rizal, Jaena, atbp. (Guerrero 1969, 397-98) Matutukoy, halimbawa, ang halaga ng "Virtue" o Kagalingan sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo; at pati alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, Lope K. Santos, atbp.
Hindi tinanggihan ng Katipunan ang pagkakataong kasangkapanin ang ipinataw na kabihasnan ng kolonisador. Binistay at sinala nila ang reaksyonaryo’t progresibong tendensiya sa banyagang kultura. Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Aurelius, Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo't panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtu, sa kataga ni Machiavelli) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) na minana at pinagyaman nina Marx, Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp.
Kaya bagamat naimungkahi ni Renato Constantino na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na "The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content" at iyon ay "primitive" dahil nakasandig lamang sa "dignity of man" (1975, 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang "dignity of man," na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano't Hudeo-Kristyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune). Mapanganib na ibasura na ito sa pinalalagong naratibo ng pagsulong at pag-unlad dahil sa di-umano’y binaluktot ng ipokritong burgesya. Nababagay na dapat isakongkreto ang abstrakto’t teoretikal na ideya ng dignidad at karapatan.
Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana na nakalapat sa pangangailangan--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)." Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Pinakatampok ang materyales sa produksyon/reproduksyon ng buhay sa lupa—pagkain, damit, tahanan, pagpapahinga pagkatapos ng trabaho, aliw ng katawan, ligaya ng kapitbahayan, atbp. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin noong Agosto 23, 1896. Salik na esensyal ito sa naratibo ng pag-unlad ng pagkamakatao sa bansa.
Teorya ng Ritwal, Praktika ng Kilusan
Hinarap nina Bonifacio ang pangkalahatang suliranin kung paano magiging makabuluhang Pilipino ang dinustang Indyo?
Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamamalas sa ritwal ng samahan. Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektib ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama't kababayan--ito ang mga pinakamabigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan. Bago maging tunay na tao, dapat maging responsableng Pilipino muna.
Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisyasyon, isang seremonya na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago. Sa sekretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden--"ang negasyon ng negasyon," sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago't dinalisay na identidad ng kasapi--muling pagkabuhay!--ay kahawig ng mga inisyasyon sa Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra at, kaugnay ng paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon ("resurrection of the dead"). Kasangkot dito ang konsepto ng pag-asa sa nakalakip sa matalinghagang utopya ng milenaryanismong umaalalay sa lahat ng panaginip ng rebolusyonaryo saanmang lugar (Desroche 1979; Bloch 1986; Moore 1966).
Mistulang propetiko ang pag-uugnay ng Griyego’t Kristiyanong pananaw sa sintesis ng diskuro ng Katipunan. Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko't Gnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (1964, 107-38). Layon ng Kristiyano na tubusin ang panganong kaluluwa sa kabuktutan at korupsyon ng umiiral na sistema ng imperyong bulok at unti-unting gumuguho. Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligirang mundong sawi. Ang pagkakataong iyon ay walang iba kundi ang sandali ng pagbaklas, ang pagputok ng himagsikan, na maituturing na maluwang na espasyong pagyayamanin ng dibuho ng naratibo ng pakikibaka.
Sinimulan ng Katipunan ang paglalatag ng espasyong iyon. Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle't marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia't ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan--isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan na nakaangkla sa kondisyong "Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka..." Kasunod nito ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at kikilates sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap ipag-ugnayin at bigyan-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/sabjek--ang negasyon ng nakalipas at umiiral:
1. Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahon?
2. Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?
(Cruz 1922, 22-23).
Mapupuna na sinusukat ng mga tanong ang espasyo ng bagong mundo, sampu ng sandali ng katuparan. Iyon ay nabubuo sa pagdugtong ng kahapon, ngayon, at bukas sa naratibo ng pakikitunggali upang makamit ang kalayaan at kasarinlan ng bayan.
Sa Wakas, Banaag at Sikat
Iyon ang mapagpalayang praxis, aktwalisasyon ng isip sa gawa. Kung tutuusin, ang mga imbestigasyon at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kanyang buhay. Ang ritwal ng inisyason ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido. Hindi na kailangang dumulog sa Mao Tsetung Thought upang maipagpatuloy ang napatid na naratibo ng di-kumpletong 1896 rebolusyon. Gamitin ang sariling atin, ang masustansyang tradisyon ng paghihimagsik.
Bagamat nakalingon sa nakalipas, ang oryentasyon ng Katipunan ay pasugod sa sariwa’t naghihintay na kaganapan. Sa haraya ng pagbabagong buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas. Kamakailan naungkat na mahilig ang Supremo sa paglilinis ng pagkatao tuwing dadalaw sa yungib ng Pamintinan sa Montalban, Rizal. Tila doon nakakabit ang mito ni Bernardo Carpio (kinagiliwing papel niyang ganapin sa teatro sa Tundo, kasama ang kaibigang Macario Sakay), doon kung saan nagpamalas ng pambihirang lakas ang bayani (Flores 2013). Muli, tumatalunton tayo sa landas ng naratibo ng bumbabangong taumbayan.
Taglay ng reyalidad ang magkahalong pasumala’t katiyakan, aksidente at nesesidad. Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling karakter/malabong kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan. Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipalalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba't nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo't Simbahan. Alalaong baga, ito'y pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.
Sa balik-tanaw, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasiyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas militar at politikal ng Espanya, ang mobilisadong liderato ng Katipunan. Palibhasa'y nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig--artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta at kalakal-bahay karaniwang mamamayan—masikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, atbp. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo't mga kapanalig na kasike't ilustrado.
Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 kasapi nang iproklama ang rebolusyon ng "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Tagalog Nation") noong 29 Agosto 1896 (Cruz 192, 43). Maraming gremio o bukluran sa pagtutulong-tulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang bilang ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra 1992).
Palaisipan ng Kasarian
Sanay sa paglahok sa dulaan, bihasa rin ang Supremo sa pagsubok sa panitikan. Dapat salungguhitan ang bisa ng "Katapusang Hibik" ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban 1954, 136-38). Kasangkot ito sa pinakaimportanteng suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, pinakasasabikang kaganapan, atbp., ay laging isteryotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan. Nabanggit na natin ang dalawang mukha ng ina. Namasid natin ito sa dokumento ng pagtatatag kung saan nasaksihan na mabilis, madulas at di mahuhulaan ang alimpuyo ng digmaan, ang hunyangong taktika’t estratehika ng mga mandirigma.
Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (1997, 127). Magaling subalit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (1976, 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (2004, 176). Salamin kaya ito ng sikolohiya ng lipunan, o repkleksiyon ng proseso ng pakikisalamuha?
Tagubilin ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan." Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang inaasam na paglingap handog sa "naghihingalong Yna," ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus:
Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin?
("Pag-ibig sa Tinubuang Bayan,"
nasa sa Medina 1972, 186)
Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kaugnay nito, kapasiyahang mulat at mausisa, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan.
Hindi matatanto ang katuturan ng indibidwal hiwalay sa totalidad ng ugnayang panlipunan. Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), sinkronisado sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan. Sa huling pagtaya, hindi tuwid at tuluyan ang igkas ng naratibo kundi kumplikado, mahirap abangan kung saan ang bagsak ng susunod na dagok.
Ang pagtakwil sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin?” (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang krusada laban sa kolonyalismo, maskulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulakan, Nueva Ecija at Pampanga.
Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang pagsasamantala ng kapitalismong global (National Historical Commission of the Philippines 2012).
Pagbabalik sa Kinabukasan
Nais kong tiklupin ang interbensiyon ko dito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat tungkol sa paksaing Bonifacio/Katipunan. Pamibihira ang nakahagip sa di maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya (naitalakay ko ito kamakailan sa dalawang libro kong Between Empire and Insurgency at Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang).
Ilang halimbawa lamang ang maitatala dito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa pagpokus sa banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Pormalistiko’t lubhang pilit ang paglapat ng arketipong paradigm sa malikot na bugso ng naratibo ng himagsikan. Samakatwid, pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (1998, 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp.) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.
Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga iskolar. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (2006, 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol. Salungat ito sa sulukasok at pagkakabuhol ng mga pangyayaring kinasangkutan ng mga aktibista, na umuuwi sa di-matingkalang pagkakaiba ng interpretasyon at pagtasa sa sari-saring danas at kaalaman ng bawat protagonista.
Subukan naman natin ang pagbasang palabiro. Bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong konklusyon: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (1997, 128). Kung ang motibasyon ng sining ay lumikha ng kanyang sarilling daigdig, paano nito masasalaming mabuti ang nangyayari sa labas ng guniguni? Maselang problema ito. Kung iposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksyon ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?
Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan--mas tumpak, halungkatin at siyasatin--ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon. Dapat nating ipakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayo'y maikasangkapan iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap. Pansin ni Senador Claro Recto na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ay siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: "Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio" (1968, 78). Sadyang kakatwa nga, sapagkat utang natin sa realismong matalas ni Rizal and panimdim at umaasang paghihinala ng ideyalistang filibustero.
Balikan natin ang proposisyon ng balintunang pag-inog ng naratibo ng kasaysayan. Nakabuod ito sa nasambit na hinuha: sa pagkagapi matatagpuan ang tagumpay. Ang kinabukasan ng binubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas. Nakasandig ito sa paniwalang maihihiwalay ang dilim sa liwanag, at matatamo ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nagtatamasa ng kalayaan. Magandang hinagap, nakapupukaw, nakaantig sa damdaming kadalasa'y nakalulukob sa budhi't isip. Madalas, tuluyan nating nakakaligtaang dapat bumalik sa orihinal na inspirasyon: ang singularidad ng inisyatiba ng Supremo at mga kapanalig na nagbunsod sa Katipunan at rebolusyon ng 1896 at republikang ginabayan ni Mabini, dating sekretaryo ng Liga at kabalikat ng Supremo.
Paglalakbay sa Kalawakan
Bagong panahon, bagong pag-aangkop ng sinaunang pananaw na tinunghayan natin, tinaya't tinimbang. Utang sa mabulas at masiglang pagsulong ng kilusang mapagpalaya mula noong dekada 1960 hanggang ngayon ang pagpupugay kay Andres Bonifacio bilang ulirang rebolusyonaryo ng sambayanan. Utang sa ilang publikong intelektuwal tulad nina Renato Constantino, Teodoro Agoncillo, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, atbp., laluna kina Claro Recto, Lorenzo Tanada, at Jose Diokno na nagpasimuno sa pagtutol sa diktadurang U.S.-Marcos. Sa katunayan, lahat tayo ay kalahok sa madugong pagsulong mula sa pagkagapi at pagsakop ng imperyong Estados Unidos.
Sa kolektibong aksyon ng masa, naiahon ang nasyonalismong nailubog ng matinding Amerikanisasyon ng bansa. Naibangong muli ang dignidad ng Supremo sa pagkasadlak nito noong panahon ng Cold War at pamamayani ng komodipikadong neoliberalismo nitong huling bahagdan ng nakaraang siglo. Patuloy ang mahabang martsa ng taumbayan. Sa kasalukuyang yugto ng malalang krisis ng kapitalismong neoliberal--pansinin ang sintomas nito sa teroristang giyerang inilulunsad ng Estados Unidos sa halos lahat ng sulok ng daigdig-- kailangang balik-suriin ang ating posisyon tungkol sa relasyon ng indibidwal at lipunan/kasaysayan. Problematikong suliranin ito buhat ipunla ng U.S. ang ideolohiya ng kasakiman at pagkamakasarili.
Sa namamayaning ideolohiya ng kapitalismong global (sakop na ang neokolonyang Pilipinas), ugaling isentro ang lahat sa namumukod na indibidwal. Ang indibidwalismong naikintal sa atin ay mahirap iwasan. Gawi nating ipaliwanag ang bawat pangyayari sa kilos ng isa o ilang indibidwal. Halimbawa: kung wala si Marcos, di nangyari ang martial law at diktadurya noong 1972-86. Kung wala si Aguinaldo, di sana'y nagtagumpay ang himagsikan ng 1898. Kung wala si Quezon.... Bakit ganyan ang hilig ng pag-iisip?
Magsumikap suriin at wastuhin ang kamaliang ito. Sa materyalistikong pagtaya, ang lipunan ay hindi koleksiyon ng atomistikong sangkap--hiwa-hiwalay at magkakompitensiyang indibidwal--kundi pinagsamang relasyon ng mga grupo ng tao. Hindi pagdagdag isa-isa kundi pagwatas sa totalidad ng mga ugnayan sosyedad. Kung tutuusin, ang personalidad o karakter ng isang tao ay binubuo ng kanyang sapin-saping pakikipag-ugnayan o pakikipagkapwa sa kapaligiran. Ang buhay ng tao ay maigting na kalangkap ng daloy ng lipunan sa kasaysayan.
Itong dalumat ng pagkakasanib ng indibidwal at lipunan ang pangunahing prinsipyong nailahad sa "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog." Dinamikong kolektibismo ang naghaharing pangitain. Ang kontribusyon ng Supremo sa pilosopiya ng nasyonalismong radikal sa akdang iyon, kaakibat ng "Dekalogo" ng Katipunan, ng mga tula at liham kina Emilio Jacinto at Mariano Alvarez, ay katibayan ng historiko-materyalistang pagsipat ng Supremo sa mga pangyayari at paghusga sa kung anong dapat gawin upang mabago ang sitwasyon ng sambayanan (tingnan ang kalipunan ni Agoncillo 1963).
Mapagbuo at mapaglikha ang tendensiya ng dalumat niya. Tumutumbok iyon sa proseso ng karanasan at repleksiyon ng kamalayan tungkol dito. Kaagapay ng teorya hinggil sa ayos ng lipunan ang praktika ng estratehiya at taktika ng pagbabago nito. Tumatagos at tumatalab sa mga salita ng Supremo ang kamalayang pangkasaysayan na tumakwil at lumihis sa ideyalistiko't dogmatismong etika/politika ng Simbahan Katoliko, laluna ng mga prayle at mga ordeng relihiyosong umuugit sa aparato ng Estado noong panahon ng pananakop ng Espanya. Kinatawan ng Supremo ang pag-unlad natin mula sa Edad Medya ng Simbahan tungo sa renaissance at repormasyon sa Europa hanggang sa pagpasok ng modernidad sa insureksiyon ng Paris Commune noong 1871 at pagtatag ng Internasyonal ng mga trabahador sa buong mundo noong 1872. Palatandaang muhon ang Katipunan sa pagsulong natin sa panahon ng modernidad at imbensiyon ng bansang Pilipinas mula huling dekada ng siglo 1800 hanggang sa kasalukuyang laban.
Diskursong Anti-Pasyon
Natalakay ko na sa isang sanaysay ang simulaing pampilosopiya ng ”Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan" at "Ang Dapat Mabatid"--dalawang testimonya ng dalubhasang paglalagom ng Supremo (San Juan 2013; 2015b). Kasukdulan nang ulitin dito iyon maliban sa pagbanggit sa isang bagay. Ang Stoikong pagkilatis ng Supremo sa pagkatao ng Filipino ay hindi nakatuon sa "hiya," damay, o "utang na loob" o anupamang esensiyal na salik, kundi sa paggamit ng rason o katwiran na nakasalig sa batas ng kalikasan. Ang rasong ito ay hindi instrumental kundi imahinasyong mapanlikha't kritikal. Dito nakasalalay ang ramipikasyong unibersal ng Katipunan, di lamang iyon para sa katagalugan.
Ang naturalistikong kaisipan at pagtarok ng Supremo ay kahawig ng mga ideya nina Spinoza, Rousseau at mga philosophes sa Pransiya at Alemanya (Kant, Herder, Hegel). Ang materyalistikong pagtingin ay hindi positibistiko o empirisistiko sapagkat mahigpit na kakabit ng kamalayan ng aktibong nakikibaka. Nakakawing iyon sa masalimuot at diyalektikong pagsulong ng kasaysayan ng mga lipunan batay sa produksiyon at reproduksiyon ng buhay sa lupa (alinsunod sa tagubilin ni Marx sa kanyang "Theses on Feuerbach"). Malayo na tayo sa iskolastikong turo nina San Agustin at Santo Tomas Aquinas, lumagpas na sa Renaissance at Repormasyon, at nakarating na tayo kina Voltaire, Diderot, Locke, at St Simon--mga pantas na sinuri nina Marx at Engels noong kalagitnaan ng siglo 1800. Nagbunga't nahinog ang tradisyong mapagpalaya sa mga kaisipan at gawa ng Supremo noong 1896 hanggang siya'y paslangin ng mga ilustradong kasabwat ni Aguinaldo. Nahubad doon ang limitasyon ng burgesyang pangitaing batay sa pag-aari ng lupa, ang limitasyon ng elitistang pamumuno, ang limitasyon ng uring komprador.
Yamang nabanggit na si Heneral Aguinaldo, kailangan pa bang balik-tanawin ang nangyari sa Tejeros noong Marso 22, 1897 at ang sumunod na paglilitis sa Supremo at pagpatay sa kanya? Unang sinuyod at hinusgahan ito ni Teodoro Agoncillo sa kanyang sanaysay "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Teheros" (1998) bago pa sinulat ang The Revolt of the Masses. Hinggil sa Tejeros, napuna ni Constantino na nagwagi ang ilustrado't natalo ang proletaryo, hanggang sumukdol sa kompromiso ng Biak-na-Bato noong 1897. Sang-ayon ako na pansamantalang nakapaimbabaw ang kampon ng mga elite ng Cavite (Severino de las Alas, Mariano Noriel, Daniel Tirona, atbp), subalit hindi lahat ng Katipunero ay napasailalim nila. Malakas at matatag ang karisma ng Supremo kahit na wala na siya. Nagpatuloy ang pakikilaban nina Emilio Jacinto at mga kasama sa ibang lalawigang walang impluwensiya si Aguinaldo (Agoncillo and Alfonso 1967). Nagpatuloy sina Lukban, Malvar, Sakay, at maraming “bandidong” kasangkot sa pag-aklas ng mga kolorum, Sakdalista at pagsulpot ng Hukbalahap.
Magiting na tradisyong naisilang ng Katipunan. Ngunit ano ang aral na mahuhugot sa nangyari sa Tejeros? Lumalabas na hindi kabisado ng Supremo ang katusuhan ng mga ilustrado sa Cavite. Labis ang kanyang pagtitiwala sa mga "Magdiwang" ng Cavite (Alvarez 1992), at hindi niya nakalkula ang patuloy na pagnanaig ng ideolohiyang piyudal sa mga ilustrado at mga kapanalig. Lantad ito sa rasyonalisasyon ni Aguinaldo sa kanyang talambuhay, Mga Gunita ng Himagsikan (1964, 225-27), tungkol sa pagbawi niya ng "indulto" na ipatapon lamang, hindi patayin, ang magkapatid na Bonifacio.
Labis ang pagtitiwala ng Supremo sa mga kapanalig. Sa harap ng mga maniobra ng mga elite sa Tejeros, maisususog na kulang ang kabatiran ng Supremo sa politika ng uring sumusunod sa pormalistikong regulasyon ng pagpupulong, hindi ang kalamnan. Hindi sanay ang Supremo sa makinasyong panloob sa Tejeros, sintomas ng mabisang paghahari ng kostumbreng awtoritaryanismo't piyudal na umugit sa mga nagsilahok sa pulong sa Tejeros (na pinuri naman ni Nick Joaquin sa kanyang A Question of Heroes).
Kulang pa ang indigenization ng minanang karunungan. Nabanggit ni Ambeth Ocampo na ang Konstitusyong sinulat ni Edilberto Evangelista ay hango sa Ordeng Royal ng gobyerno ng Espanya na gawa ni Maura, ang ministrong responsable sa mga kolonya (1998, 19). Sa anu't anoman, pakiwari ko'y nadama ng Supremo na ibang bayan ang pook na iyon, hindi pa handa sa inaasahan ng Katipunan, walang muwang sa Dekalogo, kaya umalis hanggang naharang sila sa Limbon, Indang. Ang trahedya ng nangyari ay masisipat sa kuwadro ng pagtatagisan ng uring panlipunan, hindi ang kontradiksiyon ng personalidad nina Bonifacio at Aguinaldo. Samakatwid, hindi pa sukdulang lumaganap ang etika at politika ng Katipunan at ng dalumat ng modernidad kaakibat nito. Hindi pa umiral ang hegemonya ng anak-pawis sa mga kaaway ng Espanya sa Cavite. Maisasapantaha na sa hubris ng Supremo nagkapuwang ang reaksyonaryo't konserbatibong lakas, at sa gayon nagapi ang isang miyembro ng partido ng kaunlaran at kaliwanagan.
Sa perspektibang malawak, ang pangyayari sa Tejeros ay hindi dapat makalambong sa larangan ng digmaan ng mananakop at sinakop. Sa diyalektika ng alipin at nang-aalipin, laging panalo ang alipin. Ang takbo ng himagsikan (na sinuri ni Mabini sa kanyang Memorias) ay katibayan na rin na hindi pa humihinog ang punla ng Liga & Katipunan. Panahon at sipag ang hinihingi na sirkonstansya upang maabot ang antas ng hegemonya ng anak-pawis sa buong kapuluan. Mangyayari ito sa pagpupunyagi nina Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, Benigno Ramos, atbp sa pakikitunggali sa Estados Unidos. Kabagligtaran ito sa inasal ni Aguinaldo sa tusong pagdepende sa Amerikang inakala niyang sasaklolo sa kanya. Mapapatunayan ito sa pagtatag ng partido sosyalista at komunista noong nakaraang siglo, at sa pagyabong ng puwersa ng pambansang demokrasya sa bukana ng bagong milenyo. Katunayan nito ang kasalukuyang masusing pagpapahalaga sa buhay at halimbawa ng Supremo sa gitna ng krisis ng neokolonya at ng imperyalismo, ang unti-unting paglusaw ng kapangyarihan ng globalisadong kapital.
Kontra-Gahum: Ano ang Dapat Gawin?
Sa paglalagom, ano ang mga prinsipyong dapat tandaan na naikatawan at naihalimbawa sa buhay ni Andres Bonifacio?
Una, ang lohika ng konsentrasyon. Ang puno ng organisasyon ay hindi isang natatanging indibidwal lamang. Siya ang pinagsanib na lakas ng mga uring manggagawa at makamalayang kalahi o kababayan na kapwa inaapi't ginigipit ng Simbahan at Estado. Samakatwid, lahat ng sinakop at inagawan ng humanidad, ng iwing dangal at bait. Sa kasalukuyan, ang mga Lumad, magsasaka, walang trabaho, OFWs, biktima ng demolisyon ng mga bahay at paghahari ng mga korporasyong nagmimina at sumisira sa kalikasan—sila ang bagong katipunan ng bansa.
Pangalawa, sinasagisag ng Supremo ang naisakatuparang pagsisikap ng mga naunang rebelde--mula pa kina Dagohoy hanggang Diego Silang, Apolinario Cruz, at mga ginaroteng pareng Burgos, Gomez at Zamora. Sinasagisag din niya ang natamong pagmumulat ng bayan nina Marcelo del Pilar, Lopez Jaena, at Rizal (na napukaw at namobilisa nina Balagtas at Burgos). Dinistila ng Katipunan ang minanang kultura at dinalisay upang umakma sa bagong adhikain at pangangailangan.
Pangatlo, sa pagtatag at pagpapalago sa Katipunan at sa sistematikong pag-udyok at paghikayat na palawakin ang himagsikan--kahit man nabigo ang ilang paglusob (na siyang argumento ni Nick Joaquin upang siraan ang Supremo)--matagumpay na naitampok ang kinakailangang pag-iisa ng teorya at praktika sa anumang kolektibong proyekto ng sambayanan. Rason at karanasan ay magkatuwang sa trajektori ng kabiguan at pagwawagi proyektong ito.
Kulang pa ba ang inisyatibang naitampok? Ang tatlong nakamit na layuning naisaad ay sapat na upang maging palagiang dakilang bayani ng lahi si Andres Bonifacio. Iyon ay mga tagumpay na nakaigpaw sa pagtataksil ng mga ilustrado na tumungo sa pagsuko ni Aguinaldo sa Estados Unidos at asimilasyon ng elite (Quezon, Osmena, Roxas) sa hegemonya ng imperyo. Patuloy pa rin ang tendensiyang kontrahin ang nasyonalistikong agos ng kasaysayan (halimbawa, ang pagbatikos ng Amerikanong Glenn May sa mga Pilipinong historyador, na itinala nina Milagros Guerrero at Ramon Villegas (1997) at ni Reynaldo Ileto (1998). Sa palagay ko, magpapatuloy ito hanggang nanaig ang ideolohiya ng “white supremacy” sa aparatong pang-hegemonya ng kapitalismo.
Gayunpaman, ang inspirasyon ng Supremo ay nagbanyuhay hindi lamang sa kagitingan ng mga hukbo nina Macario Sakay at mga kasama sa Balanguiga, Samar, bagkus nagkaroon ng kakambal o alingawngaw sa maraming pag-aalsa at rebelyon ng mga Moro sa Mindanao at Sulu at mga pagtutol ng mga pesante sa kolorum at ng mga Sakdalista hanggang sa mga gerilya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon, at mandirigmang militante ng Bagong Hukbong Bayan. Walang putol ang mapagpalayang naratibo hanggang gumagana ang utak, puso, damdamin—silakbo ng pag-asa at pangarap ng bawat Filipino. Oo nga't hindi na mabilang ang mga pagdalaw ng espiritu ng paghihimagsik sa dekadang sumaksi sa First Quarter Storm ng 1970 at "People Power Revolt" ng Pebrero 1986. Ano ang pahiwatig nito? Walang iba kundi ito. Buhay ang Supremo sa bawat pagsulong tungo sa tunay na kasarinlan at kalayaan, katapat ng kanyang inihudyat na pithayang panlipunan, ang pangkalahatang "katwiran" at "kaginhawaan." Nakapalibot ang senyas ng panahong buntis sa maluwalhating bukang-liwayway. Buhay pa rin ang puso't diwa ng Supremo sa mga programa ng kilusang naghahangad ng katarungan at pambansang demokrasya, at ng mga taong nagmimithi ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at ng bawat mamamayan, ng kasaganaan at dignidad ng bayang Pilipinas.
SANGGUNIAN
Agoncillo, Teodoro. 1963. The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Manila: Office of the Mayor and the University of the Philippines.
-----. 1965. The Revolt of the Masses. Quezon City: University of the Philippines Press.
-----. 1969. Ang mga Pangunahing Tauhang Lalaki sa mga Nobela ni Dr. Jose Rizal. Maynila: UNESCO.
-----. 1998. "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Tejeros." Nasa sa Bahaghari't Bulalakaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
------. and Oscar Alfonso. 1967 History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books.
Aguinaldo, Emilio. 1964. Mga Gunita ng Himagsikan. Manila: Cristina Aguinaldo Suntay.
Almario, Virgilio. 2006. Pag-unawa sa Ating Pagtula. Manila: Anvil Publishing Co.
Alvarez, Santiago V. 1992. The Katipunan and the Revolution. Tr. Paula Carolina Malay. Quezon City: Ateneo University Press.
Arendt, Hannah. 1978. The Life of the Mind. New York: Harcourt Brace Jovanovich.
Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services.
Cruz, Hermengildo. 1922. Kartilyang Makabayan. Maynila: Lupong Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani at Soledad S.Reyes. 1984. Ang Ating Panitikan. Manila; Goodwill Trading Co.
De la Costa, Horacio. 1965. Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis. 2004. God: An Itinerary. London: Verso.
Guerrero, Leon M. 1969. The First Filipino. Manila: Jose Rizal National Centennial Commission.
Guerrero, Milagros and Ramon Villegas. 1997. "The Ugly American Returns."Heritage (Sumer): 37-41.
Guerrero, Milagros, Emmanuel N. Encarnacion, and Ramon Villegas. 2003. "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution." Sulyap Kultura. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G. 1992. Unyonismo sa Pilipinas. Manila: Institute of Labor and Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Gramsci, Antonio. xxxx.
Ileto, Reynaldo. 1998. Filipinos and their Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Joaquin, Nick. 1977. A Question of Heroes. Manila: Ayala Museum.
Mabini, Apolinario. 1969. The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero. Manila: National Historical Commission.
Marx, Karl. 1950. The Eighteenth Brumaire of Louis Napoleon. In Karl Marx and Frederick Engels, Selected Works, Vol. 1. Moscow: Progress Publishers.
Medina, Ben Jr. 1972. Tatlong Panahon ng Panitikan. Manila: National Book Store.
Murray, Gilbert. 1964. Humanist Essays. London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. 1998. The Centennial Countdown. Manila: Anvil Publishing Inc.
Osborne, Peter. 2005. How To Read Marx. New York: W.W. Norton.
Palma, Rafael. 1949. The Pride of the Malay Race. New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa and Consuelo Torres-Panganiban. 1954. Panitikan ng Pilipinas. Quezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M. 1968. "Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist." In Rizal: Contrary Essays. Ed. Petronilo Daroy and Dolores Feria. Quezon City: Guro Books.
Reyes, Soledad. 1997. Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular. Quezon City: Ateneo University Press.
Richardson, Jim. 2005-2016. Katipunan: Documents and Studies. Web.
——-2013. The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan: 1892-1897.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
San Juan, E. 2013. "Handog kay Andres Bonifacio: Katwiran, Kalayaan, Katubusan." Nasa sa Salita ng Sandata,ed. Bienvenido Lumbera, et al. Quezon City: Ibon Books.
——. 2015a. Between Empire and Insurgency. Quezon City: University of the Philippines Press.
_____. 2015b. Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang. Manila: De La Salle University Publishing House.
Santos, Jose P. 1935. Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto. Manila: Jose P. Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. 1922. Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino. Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid. Web.
Warner, Marina. 1976. Alone of All Her Sex. New York:
Zaide, Gregorio. 1970. Great Filipinos in History. Manila: Verde Book Store.
---- and Sonia Zaide. 1984. Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and National Hero. Manila: National Book Store.
__________
E. SAN JUAN, Jr < philcsc@sbcglobal.net>
Comments