ANG PANITIK NI CIRIO PANGANIBAN--Panunuri ni E. San Juan, Jr.
PAGHAHANAP AT PAGTUKLAS SA PANITIK NI
CIRIO PANGANIBAN
ni E. San Juan, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines (Manila)
Sa matipunong kasaysayan ng panitikang katutubo, ang pangalan ni Cirio Panganiban ay namumukod bilang makabagong makata at mandudula sa unang bahagi ng nakaraang siglo. Ngunit madalang ang may pagkakilala sa kanya kumpara sa mga kontemporaryo niya. Kapanahon siya nina Jose Corazon de Jesus, Deogracias Rosario, at Teodoro Gener, mga kasapi sa samahang Ilaw at Panitik. Naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (1948-1954), si Panganiban ay abogado, propesor sa FEU, mangangatha at makata, at isa sa mga nagsalin ng Codigo Administrativo ng bansa (Panganiban at Panganiban 202, 216). Pumanaw siya noong 1955, kasukdulang krisis ng “Cold War” nang mahati ang Vietnam sa sosyalisting Hilaga at neokolonyang Timog, na pinagbuhatan ng madugong digmaang Indo-Tsina na yumanig sa buong mundo.
Ang panahon ng grupo ni Panganiban, mula 1922 hanggang 1934, ay kinakitaan ng pagsilang ng lingguhang magasing Liwayway. Naging popular ang mga kuwento o maikling katha (Abadilla, Sebastian at Mariano). Isa rito ang kuwentong "Bunga ng Kasalanan" na lumabas sa Liwayway noong 1920. Bagamat sanay sa paghihilera ng mga pangyayari, sadyang mahilig siya sa pagpokus sa mga eksena o tagpong kinasasaniban ng sala-salabid na aksyon, diyalogo, pakikisalamuha. Sa halip na naratibo, madulang paglalarawan ang piniling metodo ng makata sa maraming pagkakataon.
Lalong kilala si Panganiban sa natatanging dulang Veronidia (1919). Tambad na sa dulang ito ang kuwadrong alegorikal-simbolikal na masisinag din sa banghay at paksain ng mga tulang "Manika," "Karnabal ng Puso," atbp. Naging popular ang Veronidia buhat nang itanghal iyon sa dulaang Zorilla sa Maynila noong ika-7 Oktubre 1927, at idinaos din iyon sa iba't ibang bayan at paaralan.
Nakatawag-pansin ang hidwaan ng laman at porma sa dula. Bagamat melodramatiko't sentimental ang estilo't karakterisasyon, taglay ng akda ang isang suliraning masalimuot na dinulutan ng masinop na analisis at timbang. Masugid na itinampok sa banggaan ng mga tauhan ang karapatan at suliranin ng kababaihan sa panahon ng krisis ng patriyarkong orden ng lipunan sa ilalim ng pananakop ng Amerika at patuloy na rebelyon ng magsasaka't manggawa laban sa kaayusang piyudal at tradisyonal na moralidad. Patayin man ng asawa si Veronidia, patuloy pa rin ang pagnanais maging tapat sa unang sumpa't pagmamahal. Ambil ito nang lalong malawak na problema. Sapantaha nating sumbat ito sa mga taksil o traydor na tumalikod sa rebolusyonaryong adhikain at tuloy nagpaalipin sa bagong kolonisador.
Panata ng Pakikisangkot
Sumabog ang Unang Digmaang Pandaigdig ng siglo 20 ngunit wala pang ganap na kasarinlan ang taumbayan. Sa isang pagdiriwang ng Ilaw at Panitik sa Hotel Colon noong Agosto 1915, ayon sa ulat ni Virgilio Almario, binigkas ni Panganiban ang pahayag sa mga kasapi:
Apoy! Apoy ang puso ninyo'y kusang nag-iinit,
yaong apoy na mithiing sa sarili mananalig;
kayong iyan ay sa ilaw ng sariling pag-iisip
kumukuha ng liwanag na patnubay hanggang langit.
Mula noon sa Parnaso'y habang kayong umaawit
na ang tungo'y sa Olimpo upang doon ay isulit
na ang Laya't Katubusa'y panitik ang nagguguhit,
ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik.
(Almario, Balagtasismo 54-55)
Tunog-talumpati ang hagod retorikal ng siniping saknong. Nasa mga anak ni Balagtas ang kaligtasan ng bayan. Ipinagpatuloy ng samahan nina Panganiban at De Jesus ang makabansa't progresibong adhikain ng panitikan na naigiit ng naunang kapisanan, ang Aklatang Bayan nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar,Benigno Ramos, Inigo Ed. Regalado, Amado Hernandez, at marami pang bantog na manunulat. "Laya't katubusan" ng sambayanan ang kolektibong layunin ng dalawang henerasyon ng mga alagad ng sining sa kabila ng pansamantalang pagpanaw ng silakbo ng 1898 himagsikan.
Dumako tayo sa isang halimbawa ng pagsasapraktika ng mensahe ng nasiping pahayag. Sa mga tula ni Panganiban, natatangi ang "Three O'Clock in the Morning" sa kakaibang balangkas, imahen at daloy nito. Hindi matiyak kung kailan nailathala ito. Sa haka-haka ni Almario, tumutukoy ito sa pagkauso ng mga kabaret (sa Maypajo, San Juan at Sta. Ana) at baylarina noong dekada 1930 na dinumog ng mga sundalong Amerikano mula sa Fort McKinley at US Asiatic Fleet. Tumalab na ang impluwensiya ng kanlurang kultura, ng wika at musika nito. Tumindi ito sa pagbabalik ni McArthur noong liberasyon (1945) at tumingkad sa rehimeng neokolonyal nina Roxas, Quirino ant Magsaysay.
Bago pa man ilunsad ang mga hakbang tungo sa Komonwelt, mahigpit na ang kontrol ng aparatong ideolohikal sa diwa’t panlasa ng bayan. Dapat banggitin ang mga pangalang Tomas Claudio, kasama sa American Expeditionary Force na namatay sa Europa; si Pancho Villa, boksingerong kayumanggi na sumikat sa Amerika; at si Isang Tapales, bituin ng bodabil, na inanyayahang kumanta sa La Scala, Milan. Ang internasyonalisasyon ng milyu
ay sumagad sa krusada ng konseho ng Maynila laban sa mga puta sa Gardenia, Sampaloc. Subalternong modernisasyon ang inugit ng administrasyong kolonyal sa bawat mamamayan na may bonus na pang-aliw sa maramdaming kaluluwang kailan lamang nakawala sa patnubay ng Simbahan.
Panahon, hindi espasyo, ang problema. Dahil sa paggamit ng pamagat ng tanyag na awit noon, hinuha ni Almario: "Ang marikit ngunit panandaliang aliw sa loob ng mga panggabing pughad na ito ang dalubhasang ikinintal ni C.H. Panganiban sa kanyang 'Three O'Clock in the Morning" na kaipala'y alaala rin ng isang paboritong awit noon" (Balagtasismo 124). Mayroong taning ang pagsulong ng urbanidad, isang katotohanang gumana’t gumayak sa maraming alagad ng sining noon. Laging matatagpuan ang tulang ito sa mga teksbuk at antolohiya. Bakit mag-aabala pa tayo sa kung sino talaga ang may-katha ng ating araling tula kung naibalita na, kahapon o malaon na, na patay na ang awtor ("death of the author," sa panukala ni Roland Barthes at Michel Foucault)? Paano, saan matatagpuan siya, ang mga buto o labi man lamang?
Basahin natin muli ang "Three O Clock in the Morning” gamit ang puntodebistang historikal. Ano ang saysay nito, ano ang dating o kinalaman sa atin? Bakit makahulugan ito? Anong kabutihan, kung mayroon man, ang dulot nito? Mahirag tugunin ang lahat ng tanong, subalit subukan nating umaligid sa
implikasyon ng ganitong moda ng pag-urirat.
Resureksiyon ng Awtor?
Ang pagsisiyasat sa identidad ng awtor ay kolektibong pagtistis sa ating kinabibilangang lugar o tahanan ng wikang katutubo. Hanggang may gumagamit ng wika, buhay pa ang mga salitang nakatitik dito. Ipagpalagay nating di pa tuluyang utas, kundi naghihingalo pa, ang tinaguriang "awtor," ibig sabihin, ang responsableng taong lumikha ng kulupong na mga salitang ito. Mag-asta tayong usyoso, “curiosity-seekers,” wika nga. Baka maging Lazaro pa ang ating awtor. Paulit-ulit sa mga teksbuk ang kauting datos tungkol kay Cirio Panganiban, awtor ng "Three O'Clock in the Morning." Matatagpuan ang tula sa antolohiya, Ang Ating Panitikan, pinamatnugutan nina Isagani Cruz at Soledad Reyes, at sa inedit ni Efren Abueg na ikatlong edisyon ng Parnasong Tagalog ni A G Abadilla.
Di magluluwat, bukambibig na ang naisakatuparan ng makata. Inulit sa Internet ang naitala na nina J Villa Panganiban at Consuelo-Torres Panganiban sa kanilang Panitikan ng Pilipinas. Di kalabisang ulitin dito ang ilang datos sapagkat pambibihira ang nag-aaksaya ng panahon sa panulaang kayumanggi.
Sinilang noong Agosto 21,1895 sa Bocaue, Bulacan, ang awtor ay naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (circa 1950s). Bukod sa pagkamanananggol, siya ay makata, kwentista, mandudula, mambabalarila, at guro ng wika. Laging binabanggit ang kuwento niyang "Bunga ng Kasalanan" na nalathala sa Taliba na pinagkamit niya ng titulong kwentista ng taong 1920 dahil sa boto ng mga mambabasa ng magasing Liwayway. Napuna ng kritikong Teodoro Agoncillo na sa katibayan ng kuwento ni Panganiban, ang mga manunulat sa atin ay marunong nang "magtagni-tagni ng mga tagpo" sa isang banghay (17). Nasabi ko na, hindi naratibo ang buhay kay Panganiban kundi mga eksenang pinaglakip tulad na montage sa pelikula—ang sining ng sinehan ay bago pa lamang naikalat sa kapuluan ng 1920.
Nabanggit na natin na tanyag si Panganiban sa dulang "Veronidia" (1927) na "lumikha ng pagbabago sa kasaysayan ng mga dulang Tagalog" (Panganiban & Panganiban 203). Lalong kilala siya bilang makata ng mga tulang "Sa Likod ng Altar," "Karnabal ng mga Puso," "Manika," "Sa Habang Buhay," atbp. Kabilang si Panganiban sa grupo ng mga manunulat ng "Ilaw at Panitik," at nasabi ko nga, sa isang antolohiya ng mga salin sa Ingles, na si Panganiban ay "link between the bardic style of Huseng Batute and the retrospective self-dramatization of A.G. Abadilla" (San Juan Introduction 74). Kung paano ito nag-ugnay kina Batute at Abadilla, ay isang bugtong o misteryong baka maaaring paglimiin sa siwang ng diskursong ito. Sa anu’t anuman, may pagkakahawig ang situwasyon niya sa karera ni Ezra Pound, tagapagtatag ng kilusang Imagism at Vorticism, tanging guro nina T.S. Eliot at tagapayo kina William Butler Yeats at James Joyce. Sayang at hindi pa natin talagang lubos nakikilala si Cirio Panganiban.
Paghalungkat sa Likhang-Sining
Ilang iskolar lamang ang nagdulot ng tiyagang kilalanin ang awtor. Sa pananaliksik ko, isang sanaysay lamang ang tumalakay sa panitik ni Panganiban, akda ni Ben Medina na lumabas sa Philippine Studies (1971), at tungkol naman sa "Three O'Clock in the Morning," ang sipat ni Virgilio Almario. Ang komentaryo ni Medina ay pagpapatunay sa naisaad ng tala sa Wikipedia: "Naging alagad siya ni Balagtas sa pagsulat ng tula. Tradisyunal ang istilo niya sa pagbuo ng tula subalit nang malaunan ay nagbago na rin ng istilo, tulad ng masisinag sa "Manika" at sa "Three O'Clock". Tungkol sa "Manika," hatol ni Medina: "Napalayo siya sa pinagkaugaliang sukat, subalit pinatibayan niya ang likas na aliw-iw, indayog, ng mga salitang Tagalog…" (“Panganiban” 302). Nakagawian pa rin ni Medina ang pagkilates sa sining ayon sa pagsunod nito sa tradisyonal na panuntunan at sinaunang istandard gayong nag-iba na ang panahon at sitwasyon ng kritiko.
Paano naman ang banat ng modernistang pantas? Dalawang beses nang nadalaw ni Almario itong tulang ito, una sa kanyang 1972 libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina, at sa pangalawa, sa formalista't Marxistang punto-de-bista sa kanyang 2006 libro, Pag-unawa sa Ating Pagtula. Garapal ang pagtutumbas ni Almario ng "makauring pananaw" at realistang pamantayan ng Marxismo. Kaya itinuon niya ang "tipo ng buhay na isinasadula sa tula," alalaong baga, "ang dekadenteng buhay na dulot ng modernisasyon" (Pag-unawa 283). Mistipikasyon lamang ito, ayon sa di-umano’y Marxistang pagtatasa ni Almario, samakatwid: "..ang tula ay isang romantisasyon ng aliw sa ganitong pugad ng mariwasa at hindi nakatutulong sa paglalantad ng bulok na relasyong panlipunan sa loob ng salon" (2006, 284). Batid nating mayaman ang pamilya ng makata, kaya "mambabaw kundi ma'y romantisadong paggamit" ng paksa ang nangyari. Kongklusyon ni Allmario: delikado itong ipabasa sa progresibo (o inaaping) sektor ng lipunan. Baka mahumaling ang inosenteng mambabasa sa burgesyang “lifestyle” na napanood sa tula.
Bagamat maraming partikular na detalye ang sinuyod at pinaglimi ni Almario sa kanyang pormalistang paghimay, lubhang dahop kundi man karikatura ang demonstrasyon niya ng Marxistang pagkilates. Moralista ang tula, ayon kay Almario, ngunit taglay ang angking gayuma o "iwing kamandag." Hindi naipagkabit-kabit ang masalimuot na aspektong bumubuo sa tula. Bagamat nailugar ni Almario ang panahon ng tula sa kolonyang milyu ng Amerikanisadong lipunan bago sumapit ang WWII, istatiko't walang makatuturang relasyon ang panahong iyon sa nakalipas at sa darating na epoka ng kasaysayan ng bansa. Kung ihahambing, higit na malawak ang tanawing panlipunang nailarawan ni Almario sa pagsakonteksto niya ng tula sa 1984 libro niyang Balagtasismo versus Modernismo, ngunit walang bisa iyon sa pagpapakahulugan sa mapagpasiyang paghahati ng panahon sa dulang itinanghal ng tula.
Bumaling tayo sa ibang puna. Timbangin ang hagod ni Rolando Tolentino sa degenerasyong naturol na ni Almario. Hindi sermon ang tula kundi pagpapatibay sa indibidwalistikong liberalismong ikinalat ng Amerika sa ilalim ng ideolohiyang liberalismo. Ipinakita ng tula ang tagumpay ng pangitaing ito, pakiwari ni Tolentino. Dagdag niya: "Ang pagtula ni Panganiban sa ganitong paksa ay pagbibigay ng lehitimasyon sa degenerasyon bilang kabahagi ng liberal na gawi--na sa hulling usapan, ang indibidwal ang may ahensya ng paglahok, pagpigil at pagwaksi sa kalakarang panlipunan, kahit pa nga nagpapahiwatig ito ng degenerasyon" (179). Sa palagay ko, tila kalabisan ang pagbibigay ng ahensiya sa nag-iisang indibidwal, sadyang salungat sa tipikal na representasyon ng dula at tauhan sa tula. Gayunman, mainam ang diin ni Tolentino sa dekadensiya ng buong milyu.
Musika ng mga Aliping Nagbalikwas
Iminumungkahi ko rito ang isang mapanghamong interpretasyon. Sa halip na ulilang indibidwal, ang diwa ng solidaridad at dinamikong alingawngaw nito ang kinakatawan ng tinig ng tula. Ang laman at anyo ng "jazz," genre ng tugtuging "Three O'Clock in the Morning," ay hango sa "call-and-response" ritmo ng mga Aprikanong nagtatrabaho sa mga plantasyon ng bulak sa Katimugang Estado ng Amerikano noong panahong ante-bellum, bago sumiklab ang Giyera Sibil. Kahalintulad ito ng sitwasyon ng kolonya't malakolonyang bansa na sinakop at nilupig ng puting Establisimyentong umangkin sa jazz at kinomodify ito bilang kagamitan sa pagkamal ng kita at tubo sa Amerikanisadong cabaret noong dekada 1920-1942 sa buong kapuluan. Samakatwid, ang musikang nasasangkot rito ay mapagpalaya, hindi gayumang nakabibilanggo.
Mula sa kasaysayan ng mga itim na alipin sumibol ang jazz, katibayan ng kolektibong pananagisag ng pagkakaisa ng mga alipin/esklabo sa kanilang kasawian at pakikibaka. Bagamat may namamayaning temang sinusunod ng lahat ng gumaganap sa orkestra sa paglalaro sa jazz, may kalayaan ang bawat isa na humabi ng kanyang baryasyon o bigyan-kahulugan ang dominanteng tema sa isang partikular na tono't bilis na ekspresyon ng pansariling nais sa loob ng napagkasunduang porma ng musika.
Ibig sabihin, sa idiomang konseptwal: ang ahensiya ng indibidwal (musikero, alipin) ay nakakapa sa kolektibong pagsisikap isakatuparan ang layuning bumubuklod sa lahat, ang bukal ng kahalagahan ng partikular na identidad ng kasapi sa orkestra. Kolektibong saloobin ang itinatampok ng jazz.
Kawangki sa istruktura ng jazz ang pagsulong ng tatlong eksena sa tula. Ang praktika ng pagsasalit-salit ng indibidwal at lipunan ay naipahiwatig sa transisyon mula sa "lilipad-lipad" na mananayaw hanggang sa pigura ng babaeng humibik, "hinahanap-hanap ang puring nawaglit." Ang mismong senyas/representamen ng jazz ang siyang nagdadala sa pagsulong ng tula mula sa masiglang aliw sa unang saknong, kasunod ng dalumat sa pansamantala't mapaglinlang na uri ng ganda't saya, hanggang sa huling saknong na saksi sa pagtuklas ng kabiguan kaalinsabay ng paglukob ng dilim sa dati'y maaliwalas na kapaligiran. Sinubukang sukatin ang pagbabago ng panahon sa pag-iiba ng eksena, ngunit walang ganap na pagsabay o paglalapat.
Triyanggulong Nabuo ng Dalawang Dulo
Pagnilayin ang kaibhan ng senyas na ikon and indeks, sa semiotika ni Charles Sanders Peirce. Ang ikon ay kalidad ng nadaramang karanasan samantalang ang indeks ay referent, ang bagay o kondisyon na inihuhudyat. Sa guwang ng kontradiksiyong ito sumingit ang rason/batayan ng pagkakawing ng ikoniko't indeksikal na senyas ng tula at tagpo't aksyon. Ang dahilan na ang hugis ng nadaramang kapaligiran ay di dapat ituring na katotohanan kundi pambungad na hagdan o panimulang palantandaan ng katunayang matutuklasan sa dulo ng takbo ng karanasan. Ito ang tinaguring lohikang interpretant, ang masaklaw ng kahulugan ng tula.
Di naganap ang tangkang rekonsilyasyon ng mga kontradiksiyon. May himatong ng pagsasanib ng reyalidad at pantasya, ng dalamhati sa katalagahan at ligayang ginuguni, sa metapora ng pusong naglalaro sa isang sandali, kapagdaka'y nagsisinungaling. Sinalamin ng nadaramang kapaligiran, ng eksena, ang paghuhunos ng panahon. Sa natatanging lugar ng cabaret at panahon ng alanganin o biting yugto ng kinaumagahan nasapul ang ethos o chronotope ng kabuhayan sa kolonisadong Pilipinas.. Sa ganitong paraan matagumpay na napagsanib ng makata ang anyo (porma) at laman (tema) ng tula.
Nilagom ni Panganiban ang physiognomy ng dekada 1930-1940, krisis ng kaptalismong internasyonal at kolonyang Pilipinas. Maisisingit dito ang signipikasyon ng awit bilang matinik na pagsasanib ng nakalipas at hinaharap--isang diyalektikong karanasan--na mabisang nagamit ni F. Scott Fitzgerald sa nobelang The Great Gatsby. Dekada 1922 iyon, katatapos lamang ng Unang Giyerang Pandaigdig. Masigla ang kapitalismong negosyo noon, ngunit may banta ng krisis na babagsak.
Samantala, puno ng paghihintay at pag-aasam ang kabataang kadluan ng panaganip at pangarap. Paglimiin ang panimdim mula sa punto-de-bista ng tagapagsalaysay sa nobela ni Fitzgerald, si Nick Carraway: "....where Three O'Clock in the Morning, a neat, sad little waltz of that year, was drifting out the open door. After all, in the very casualness of Gatsby's party there were romantic possibilities totally absent from her [Daisy's] world. What was it up there in the song that seemed to be calling her back inside? What would happen now in the dim, incalculable hours?" (111). Hindi lahat ay pagkabigo't pagkasalanta; taglay rin ng eksena't pangyayaring iyon ang pag-asa, pangako ng katuparan, kaligtasan, tagumpay at luwalhati. Sa gitna ng apokaliptikong bugso ng panahon, sumusulak ang simbuyo ng tuwa’t kaluguran.
Dulog sa Semiotika
Sandaling ibaling ko ang diskurso se semiotika ng pilosopong Peirce.
Naipaliwanag ko na sa isang sanaysay na lumabas sa Daluyan 2013, sa kathang ”Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika” ang elementaryang turo ni Peirce. Naipaliwanag ko na rin ang ilang batayang prinsipyo ng teorya ng senyas ng pantas. Pwedeng idiin muli ang triyadikong paradigma nito: obheto--senyas o representamen--interpretant. Sa lingguwistika ni Saussure, ito ang signifier-signified na binaryong relasyon, tiwalag sa "obheto" o yaong okasyon o dahilan ng signipikasyon. Kaiba kay Saussure, binubuklod ng interpretant ang signifier (senyas) at signified (obhetong tinuturo), ayon kay Peirce. Ang interpretant (saysay, kahulugan) ang siyang nag-uugnay sa obheto (referent, sa ibang diskurso) at sign/senyas (tanda, marka).
Iniuugnay ng interpretant ang marka o representamen sa bagay na tinutukoy, ang obheto. Sa gayon nagkakaroon ng kahulugan ang senyas para sa isang nagpapakahulugan (hindi laging tao ito). Pansinin na hindi dekonstruksyonista si Peirce sapagkat ang obheto ng semiotika ang nagtitiyak o nagtatakda sa senyas/salita/marka, kaya hindi arbitraryo ang lahat ng pagpapakahulugan o signipikasyon. May reyalidad sa labas ng malay o muni. Gayunpaman, hindi lubos na natitiyak o naitatakda ng senyas ang interpretant (253-259). Kaakibat ng interpretant ang obheto na siyang nagbibigay ng kahulugan sa senyas/sign, kaya maraming posibilidad ito--at hindi talagang maiiwasan ang kalabuan, pasumala, baligtarang pahiwatig, at walang patid na sikap sa trabaho ng unawaan at pagpapaliwanagan.
Kaunting pagmamasid pa sa paksang ito. Humigit-kumulang, maitutukoy ang tatlong uri ng interpretant: ang kagyat o immediate interpretant, na hindi pa lubos na nakamamalay at nakakikilala kung ano ang ibig isiwalat na senyas. Ito ang reaksyon sa unang basa ng tula: bahagi ng sentido lamang ang nasakyan. Pangalawa, importante ang dinamikong interpretant. Tinutukoy nito ang lahat ng pormalistiko't moralistikong pagbasa. Ito ang bisang aktuwal ng mapagkawing na punksiyon ng senyas sa ulirat, ang tahasang dating. Nasa ilalim ng kategoryang ito ang nabanggit na kritisismo. Pangatlo, ang pinal o pinakahuling interpretant. Ayon kay Floyd Merrell, "the final interpretant is that which is accessible only in the theoretical long run and hence outside the reach of the finite interpreter or interpreters" (128).
Sa pagsusuma, ihahanay ko ang posibleng baytang o antas ng tatlong uri ng interpretant sa eksplisayon ng dula ni Panganiban. Una, ang kagyat na interpretant ng Veronidia ay awdiyens na nagimbal at nasindak sa pagpatay ni Cristino sa asawa sanhi ng panibugho. Isaisip ito patungo sa pangalawang antas. Sa dinamikong interpretant, saklaw na ang pagtatagisan ng patriyarkong awtoridad ng lalaki/asawa at espirituwal na personalidad ng babae bilang malayang ahente. Sa pangatlo o pinal na interpretant, maimumungkahi na ang asal o ugaling ipinahahatid ng dula ay paglalagom ng una at dalawang antas ng pagpapakahulugan. Dinamikong pag-uugnayan ang layon upang payamanin at paunlarin ang kabatiran natin ng saysay ng tula.
Sa pakiwari ko, ito ay may kaugnayan sa etika-moral na ordeng piyudal (patriyarko) at ordeng burgesya (malayang pagkilos ng indibidwal), at ang tunggalian nito. Paano natin mapapahalagahan ang tapang ni Veronidia, ang kanyang pagsunod sa damdamin at paglabag sa utos ng makapangyarihang uri/pangkat ng kalalakihan? Alin ang may malalim o mabigat na kabuluhan: ang kaligayahan ng mapagkalinga't mapag-arugang asal o ang indibidwalistikong danas ng personal na kagustuhan? Marami pang isyu't usapang kasangkot nito, ngunit dapat igiit na hindi tekstuwal o pangsining lamang ang target ng semiotika kundi kilos, gawa o praktika ng relasyong panlipunan.
Pinalalim ni Peirce ang pagtalakay sa pag-imbento ng "intentional interpretant" na isang senyas na ginawa ng nangungusap upang magkaroon ng komunikasyon. Maari ring magbuo ang nangungusap o sumusulat ng"effectual interpretant" kung saan nagkabisa o tumalab ang senyas ng inilahad ng nangungusap (Liszka 90). Sa palagay ko, ang dalawang ito ay kalakip sa dinamikong interpretant. Kung lalagumin, ang iba't ibang antas ng dinamikong interpretant ay maaaring mapatingkad at mapabulas sa masinsinang pagpapaloob ng porma at nilalaman ng tula sa kuwadro ng mahabang kasaysayan ng bansa na nagkakabit sa rebolusyon laban sa Espanya at sa Amerika hanggang sa pagsakop ng Hapon. Nakabuod sa tula ang transisyonal na espasyo/panahong tinawid ng bayang Pilipinas.
Ulirang Pagsisiyasat
Historiko-materyalistikong proseso sa hermeneutics ang nailatag ko rito. Sa aking pagbasa, itinuring kong sa likod ng partikular na detalyeng mailalahad sa isang sosyolohistikang ulat, naroon ang intensiyong gamitin ang penomena upang ipaabot ang isang mapanuri't mapaglagom na pangitain: ang karanasan ng kolektibo, ng buong lipunan, Pagpapalawig ito sa literal o denotatibang katuturan. Pagbibigkis iyon sa punto-de-bista hindi ng isang grupo o pangkat kundi ng buong sambayanan. Sisipiin ko ang nailahad ko na sa nabanggit na artikulo:
Sa pakiwari ko, ito ang alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro ay
pagkabigo, kabalintunaan, sakit at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na pamilihan/komersyo ng lungsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa pagitan ng gabi ng kahirapan at umaga ng katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan noong bago "liberasyon" sa pananakop ng Hapon (San Juan. “Kahulugan” 12)..
Bakit ko naungkat ang rason ng ating pag-aaral at imbestigasyon tungkol sa kahulugan? Ano ang silbi nito bilang kasangkapan sa pamumuhay?
Ipagunita natin sa kalipunan ng mga nag-sisiyasat--tayo ito, ang komunidad ng mga mananaliksik at nagsusuri--ang dahilan ng pag-uusisa sa senyas, wika, sining. Ang kahulugan ay isang proseso ng komunikasyon sa iba't ibang mga ahensiya. Ang produkto nito ay impormasyon, at ang bisa o resulta ng komunikasyon ay pag-uunawan, yaong ibinabahaging pagkakaiintindi na pag-aari ng lahat, kaalamang gamit ng lahat. Adhika nating matamo ang kasukdulang sinabi ni Peirce: “concrete reasonableness” (de Waal 155-57).
Samakatwid, ang layon o pakay ng pag-aaral (inquiry, sa kataga ni Peirce) ay pagkakasundo sa isang totoong paniniwala o kaalaman (Liszka 81). Sa pangkalahatan, pagkakaisa sa opinyong naitatag na. Ang bunga naman ng tunay na paniniwala, ng mataimtim na pinaninindigan, ay pagkontrol sa sarili, disiplina sa sarili; at para sa madla, kilos o ugali o gawi ng nagpapakita ng konkretong pagkamakatwiran (kongkretong rasyonalidad). Sa dagling pagsusuma, ang layon ng interpretasyon ay isang makatwirang pagkilos at ugali ng pakikipagkapwa taglay ang pagkamakatwiran.
Motibasyon ng Pagtatanong
Sa ganitong perspektib, sikapin nating patalasin at palawakin ang sakop ng interpretant. Bakit? Upang magamit ang pagbasa sa tula sa pagkakamit ng lalong mapagpasiyang kabatiran hinggil sa kontribusyon ng tula sa ating dunong, talino, damdamin, kakayahan, sensibilidad. Hindi ito pagkakataong ilahad ang teorya ng interpretasyong iminungkahi ni Fredric Jameson sa kanyang "On Interpretation: Narrative as a Socialiy Symbolic Act," kasama sa The Political Unconscious (1981). Sa halip, tunghayan ang kanyang mga panukala’t paniwala sa kanyang "Third World Literature in the Era of Multinational Capitalism."
Naimungkahi ni Jameson pagkatapos sipatin ang halimbawa ni Lu Hsun, ang rebolusyonaryong manunulat ng Tsina, na ang manunulat sa Pangatlong Mundo ay kaiba sa katukayo niya sa industriyallisadong metropolitanong sentro. Kaiba dahil ang relasyon ng pribado at publikong larangan, ang koneksiyon ng pulitika at pansariling kapakanan, ang papel na ginagampanan ng intelektwal sa pulitikong digmaan ng kolonyalismo at sinakop. ay lubhang balintuna. Ilapat ang obserbasyong ito sa panitik ng mga kapanahon ni Panganiban: "Third-world texts, even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal dynamic--necessarily project a political dimension in the form of national allegory: the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third-world culture and society” (Jameson, Reader 320). Dalubhasa sa alegoristang pagsasalin si Panganiban.
Maidadag na sa klima ng kulturang kinasangkutan ng mga pagpupunyagi ng kapisanang Ilaw at Panitik, kabilang na si Panganiban, ang usapin ng kalayaan at kasarinlan ng bansa laban sa Estados Unidos ay maigting na adhikain. Laganap ito buhat nang sumuko si Aguinaldo sa Estados Unidos at nagapi ang mga gerilya ni Macario Sakay. Maungkat muli ang naiulat: sa isang pulong ng grupo noong Agosto 1915 nasambit ni Panganiban ang pahayag ng dakilang simulain ng manunulat sa panahon ng pananakop na manalig sa sariling pag-iisip, itaguyod ang liwanag ng patnubay na paninindigan "Na ang Laya't Katubusa'y panitik ang nagguguhit, / Ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik" (Almario, Ang Tungkulin 257).
Samakatwid, ang dula ng "Three O'Clock in the Morning" ay isang alegorya ng bansa. Iyon ay dramatikong pagsisiwalat ng sitwasyon ng bansa sa pagitan ng ilusyon ng hegemonya ng Amerika at malupit na okupasyon ng pasistang lakas-pandigma ng imperyong Hapon. Batay sa bagong kaalamang ito, ano ang nararapat ipagpasiya sa pag-ugit sa pagpapalaya't pagsulong ng buong bansa? Anong dapat gawin pagkakamit ng kabatirang dulot ng mga salita?
Kung sisipatin sa ganitong kuwadro ng pagpapahalaga, lilitaw na ang tula ay isang masaklaw na talinghaga, isang parabula ng sambayanan, hindi lamang ng ilang indibidwal o pangkat (San Juan 2015). At ang interpretant nito, kung makalilipat mula sa dinamiko hanggang final o effectual na antas, ay mahihikayat magpasiya na, una, ibahin ang sitwasyon ng panitikan at mambabasa; pangalawa, gamitin ang impormasyong nahugot sa tula at ilapat sa hinihingi ng bagong kapaligiran; at pangatlo, sa pagbabago ng ating kamalayang panlipunan at pangkasaysayan, kailangang baguhin ang ayos ng lipunang giinagalawan natin. Kung ano ang kayang gawin ninuman, o kung anong nais—ito’y responsibilidad na ng bawat uri sa kanilang pagtatagisan at pagkakaisa.
Pagsubok sa Paglampas sa Hanggahan
Dapat salungguhitan ang tesis nina Peirce at iba pang aktibistang intelektwal (Bakhtin, Althusser) sa Marxistang tradisyon. Gawing saloobin ang proposisyon na ang wika, sa panitikan o pasalitang diskurso, ay isang praktikang panlipunan na magkatalik sa kasaysayan at pulitika. Ang panitikan ay isang tahasang interbensiyon sa tunggalian ng iba't ibang uri, sektor, lakas, isang sandatang pampulitika na bumubuo ng suheto/identidad sa pamamagitan ng interpelasyon o pagtawag sa tao upang maging suheto o aktor sa isang dulang pangkasaysayan(Lecercle 198). Ang tula ay panawagan, taliba, panghikayat upang magtaglay na kahulugan/katuturan ang mundo.
Sa sangandaang himpilan na narating natin, maitanong kung ano ang interbensiyon ng kuwentong "Bunga ng Kasalanan" ni Panganiban sa larang ng makauring politika? Maselang tanong na maaring sagutin sa salita, kilos, gawa—mga tanda ng pagkaunawa. O sa tahimik na pagwawalang-kibo, isa ring pagpapasiya.
Sa palagay ko, masisipat iyon sa unang pangungusap ng kuwento: "Si Virginia, ang babaing madasalin, palasimba at mapagluhod sa mga tabi ng "Confesionario" ay may 10 taon nang kasal kay Rodin" ( 113). Magkasalungat ang siyentipikong panunuri at tradisyonal na relihiyon sa usapin ng pagbubuntis at panganganak. Ngunit sa panaginip ni Virginia, naligtas niya ang kanyang sanggol sa kukong sasambilat dito, ang kapangyarihan ng lalaki/ama, na mapanira't mapangwasak. Sa paraan ng pagsisiwalat sa "di-malay"na sektor ng dalumat, naisakatuparan ng naratibo ang pag-sublimate ng tradisyonal na paniniwala--"yaong sa kabaliwan ni Virginia ay tinawag na bunga ng kasalanan"--at apirmasyon ng posisyon ng Ina sa hirarkya ng modernong pamilya.
Dapat tiyakin ang partikular na sitwasyong pampulitikang kinalalagyan ng mga tauhan sa kuwento. Bagamat ito'y nangyari sa rehimen ng Amerikanong kolonisador, may pahiwatig pa rin na hindi lubos na maayos o maluwalhati ang kontrol ng patriyarkong mananakop. Nakatago o nahihimbing pa rin ang mga subteraneong lakas ng mapanlikhang subalterno/katutubo na sinasagisag ni Virginia sa akdang ito--at ni Veronidia sa dulang natalakay na natin. Paano mapapatunayan na taglay ng ama/lalaki ang awtoridad sa pamilya kung wala siyang kontrol sa libidong gumagabay sa personalidad ng asawa?
Komodipikasyon ng Damdamin
Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa panitikang Tagalog, nilagom ni B.S. Medina Jr. ang partikular na katangian ng panulaan ng makata. Diin niya na sa kabila ng ilang tangkang eksperimental na nabanggit na, patuloy na tradisyonalista ang “pangungunyapit niya kay Balagtas”: “Kapansin-pansin na sa mga tulang namumukod ni Panganiban, ang paksang-diwang pagdurusa ng puso ay namamayani” (Tatlong Panahon 237). Sang-ayon sa kuro-kurong ito si Almario: maindayog at romantisista, bagamat taglay ang “maingat na balangkas at masinop na estratehiyang pormalista” (Walong Dekada 375).
Sa tingin ko, mapanglupaypay ang tilamsik ng pag-unawang ito. Ganoon din ang hatol ng maraming kritiko, na hindi nagsikap ihiwalay si Panganiban sa pangkat ng konserbatibong Cuarteto ng Ilaw at Panitik. Tiyak na naliliman siya ng dominanteng aura ni Huseng Batute, na kinilalang bantog na makatang-bayan bago pumawi noong Mayo 26, 1932.
Tunghayan muli natin ang malimit isa-antolohiyang “Manika.” Pagdurusa ng puso ba ang nakatanghal dito? Sa malas, tampok dito ang transpormasyon, ang pagpanaw ng utopya ng nakalipas: “sa puso ni Ina’y muling dumadalaw /ang panahong musmos ng kaligayahan.” Ngunit kakatwa: mahiwaga ang manika sapagkat hindi nagbago ang “chinitang” sa pagngiti’y pumipikit. May hinalang ang manika ng nangungusap ang manika rin ng kanyang Ina, napabayaan nang magdalaga ang Ina, kaya naghihiganti sa anak. Datapwa’t ayaw magsalita ang manika, wangis “Esfinge” taglay ang marmol na puso. Naging niyaring laruan ang organikong nilalang; nilambungan ng ingay ng palengke ang mairuging pag-aaliwan sa tahanan.
Tiyak na ang krisis ng paglipas ng ordeng kumalinga sa patriyarkong pamilya, ang sistemang piyudal, ang nagsilbing bukal ng lumbay at pananangis. Sa bagay na biniling manika, isang komoditi ng komersiyanteng lipunan, nakasalamin ang kontradiksiyon ng bagay na hindi tumatanda at karanasang nagbabago, kaakibat ng mapusyaw na imahen sa gunita. Walang mahihinuhang paliwanag ang mundo ng mga bagay-bagay, ang mundo ng negosyo at salapi, kung bakit nawala ang masuyong aruga ng Ina, ang daigdig ng layaw—ang kaugnayang naitransporma ng modernistang aparatong ideolohikal ng kolonyalismong Amerikano. Hiwalay ang manikang maakit ngunit pipi sa sitwasyon ng anak at inang nag-uusap. Sakuna sa pag-iral ng pamilihan at komersyanteng sistema ang relasyong pakikipagkapwa batay sa wika, salita, talastasan ng lipunang nakasentro sa pamilya. Walang imik ang manika.
Marikit, nakabibighani, ang kapaligiran ng komersiyanteng mundo sa panahon ng Komonwelt para sa uring petiburgis. “Sabuyan ng kompeting serpentina” ang ipinagdiriwang sa “Karnabal ng mga Puso” at “Ang Dispras Kong Nangungusap,” karanasang naulit nang matinding nostalgia sa “Three O’Clock in the Morning.” Mapipisil na si Panganiban ay nagayuma ng dalamhati at kapanglawan, pighating kasabay ng pag-alis ng minamahal o paglisan ng magandang panaginip.
Iginuhit ng Tadhana?
Bumalot sa diwa ng makata ang kolektibong trahedya ng mga makabayang alagad ng sining. Sa halip na pag-aalinlangan, na sumagisag sa mga oportunistang pulitikong baligtaran noong maggapi ang Republika ni Aguinaldo, mahilig si Panganiban sa pagsamba’t pagsamo sa “salamisim,” na siyang magdudulot ng Pag-asa at Kaluwalhatian, sa tulang “Sa Habang Buhay.”
Mahirap isantabi ang pusong nasugatan upang harapin ang pangangailangan ng diwang nagigipit, umaalimbukay. Bagamat melodramatiko at lubhang maramdamin ang tono ng makata sa “Salamisim,” hangaring maigting ng makata na makatakas o makahulagpos sa kanyang pangungulila; mahihinuhang hindi pa rin lubos na mapagsarili ang hibo ng guniguni. Napansin pa sa labas ng kanyang silid: “Sino ang dalagang sa karimla’y naglalamay?” Tumatagos sa salamisim ng utak ang tigas at talim ng buhay sa karaniwang karanasan.
Natalakay na sa unahan ang krisis na gumiyagis sa mga manunulat at intelektwal noong tatlong dekada bago maitatag ang Komonwelt: ang pagbuwag ng Malolos Republik, pagsuko ng mga oligarkong pulitiko, at pagkompromiso nina Quezon, Osmena at mga kapanalig. Sintomas ng marupok at nabubulok na rehimeng ng oligarko’t kolonyalismo ang insureksiyon ng Kolorum at Sakdal, bukod pa sa maalab na unyonismo ng uring proletaryo sa kalunsuran nang panahong bumulas ang pasismo sa Alemanya, Italya, Espanya at Hapon.
Ang pangalawang krisis na hinarap ng saray ng mga artista ay pagsuko ng puwersa ni MacArthur sa Hapon, na siyang isinadula ni Panganiban sa “Three O’Clock in the Morning.” Sa pangatlong krisis ng bansa, sinaksihan ng pagmasaker sa mga gerilyang Huk at pagbabalik ng sistemang piyudal/burokrata-kapitalismo nang itayo ang Republika ni Roxas, tumahimik tila si Panganiban nang siyang hiranging puno ng Surian hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1955. Nalugmok ang gerilyang Huk nina Magsaysay at mga tutang pulis/militar, at pansamantalang nanlupaypay ang makabayang kilusan.
Ang huling saknong ng “Salamisim” ay maituturing na maniobrang paglutas sa hidwaan ng adhikaing lumaya at realidad ng pagkabusabos. Ang indeks ng pakikitunggali ay nalubog sa ikon ng damdamin at pangimpan. Ang kalikasan ay kumakatawan sa kaluluwa, paglilimayon ng makata:
At sapagkat ang sampaga ay bulaklak kong kalihim,
Sa kanya ko itinanong ang sa gabing salamisim….
At nagtapat: “Ikaw pala!” Ang mukha mo, aking Giliw,
Ay sa hamog ng sampaga nalarawang tila Birhen.
(Medina, Tatlong Panahon 237)
Panghihimasok ng Kapangitan
Mapapansin na bihasa sa malahimalang resolusyon ng problema ang makata. Ngunit ang dula ng krisis ng manunulat tulad ni Panganiban at mga kapanahon ay hindi nagtatapos sa mistikong kaisahan ng kalikasan at espiritu tulad ng kongklusyon ng maraming tula niya at mga kasamang Batute, Gener, atbp. Mahirap iwasan ang komprontasyon ng imperyalistant panginoon at pinagsasamantalahang taumbayan.
Ungkatin natin ang pinakamadugong usapin noong bata pa si Panganiban: ang kasong libel laban sa editoryalista ng “Aves de Rapina” ng El Renacimiento (Oktubre 30, 1908). Isinakdal ng mga peryodistang Martin Ocampo at Teodoro Kalaw ang paninibasib ng upisyal na si Dean Worcester, Interior Secretary, na tutol sa pagsasarili ng Pilipinas. Ibinandila ni Amado Hernandez ang pangyayaring ito sa kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit, na tumutukoy sa mga oligarko’t imperyalistang bumibiktima sa masang yumayari’t lumilikha ng kayamanan ng bansa, ang uring manggagawa’t magsasaka, sampu ng petiburgesyang naglilingkod sa pamahalaan.
Kasangkot si Panbaniban sa usapin ng pagsasamantala, hustisya, pagbabago, demokratikong karapatan, at pambansang kasarinlan. Hindi tuwirang tinalakay niya ang mithiing rebolusyonaryo’t nasyonalistiko sa bawat tula, liban na lamang sa isang tulang natatangi, “Babala ng Lawin.”
Alegorikong hayag ang diskursong kumbensyonal, na ginagad niya sa kontemporaryong daloy ng pamamahayag noon. May himig balagtasan ang tempo ng pangungusap at payak ang mga imaheng ginamit. Walang dapat ipangamba. Gayunpaman, ito’y katibayan na sa likod ng melodramatiko’t romantisistang tabing ay matatagpuan ang rebeldeng diwang kumakatawan sa kapalaran ng nakararaming mamayan, di lamang sa Pilipinas kundi sa buong planeta—ang tadahana ng sangkatauhan:
Babala ng Lawin
Mga bukang pakpak,
Mga matang uslak—
Mahayap ang tuka, matalim ang kuko—
Buhat sa irurok ay pumapalasong daragitin ako;
Kung ako ay sisiw, sa papaimbulog ay mabibitbit mo…
Ngunit ako’y bayang bayani’t malakas
Na di maaring gapiin sa dahas,
At sa aking pusong hindi nasisindak
Ay may nagbabagang patalim ang kidlat,
At sa aking dibdib ay may naglalatang na ngitngit ang bagyo—
May bulkan sa diwa, may tabak sa kamay, may dupil sa noo—
Kaya, Mandaragit, huwag mong tangkaing kunin ang Laya ko,
Sapagkat may lintik at may kamatayang kikitil sa iyo!
(Almario, Walong Dekada 59)
Sunod sa arkibo ng araling utopya, ang kalikasan ay nasa panig ng taumbayan at ang kolektibong dunong at kakayahan nito ay maihahaintulad sa puwersang nasasaksihan sa karaniwang proseso ng buhay. Lamang, dito, tutol ang budhi at bait ng bayan sa lawin, sa “ibong mandaragit” (ang naninibasib na imperyalismong Yangki), na binabalaan, tulad ng turo ni Apolinario Mabini sa kanyang paninindigan na dapat masigasig na labanan ang mabangis na rasismo ng makapangyarihang Anglo-Saxon (1969). Mabisang sandatang ideolohikal ang rasismo, kaakibat ng makismo o paghahari ng kalalakihan, na inatupag tuligsain nina Batute, Ramos, Hernandez, at mga kapanahon.
Di hamak ang utopikong simbuyong nananalaytay sa tulang-bayan, sa poklorikong diskursong popular. Malapit sa masang pesante o magbubukid, hindi pa sanay sa kabihasnan ng madaya’t mapagkunwaring kalunsuran, ang mga kapanahon ni Panganiban ay nakalingod pa sa paraiso ng masaganang bukid, ilog, parang, kung saan wala pang batas ng pribadong pag-aari, at ang salapi ay di pa siyang nagdidikta ng direksiyon ng buhay, Salungat sila sa alyenasyon ng kapitalistang orden, ngunit ang kanilang sandata ay luma, mahina, hiram sa romantikong tradisyon ng Europa, salat o kulang pa sa disiplina at kabatiran ng proletaryong nakausad na sa Paris Commune ng 1871 or sa Rebolusyong Bolshevik ng 1917. Subalit di dapat sisihin sila, taglay ang iwing pastoral/utopikong sensibilidad ng pesanteng nagpugad sa mabiyayang kalikasan ng kapuluan.
Pandayin ang Bukang-Liwayway
Pag-isipan natin na hindi sabay-sabay ang pagsulong ng iba’t ibang panig ng lipunan. Magkahalo ang maunlad at reaksyonaryong tendensiya sa bawat uri, grupo, pangkat, saray. Hitik sa kontradiksiyong obhetibo ang personalidad ng manunulat, ang kolektibong diwa ng mga organikong intelektwal saan mang lugar. Ang modernistang kilusang nailunsad nina Jose Garcia Villa at Alejandro Abadilla ay nakaugat sa petiburgesyang saray sa lungsod ng Maynila at sadyang may kanluraning oryentasyon. Marahil nalahiran si Panganiban ng mga eksperimentong promalistika ng dalawa sa balangkas ng saknong at sa maladulang ayos ng diyalogo ng mga tinig. Walang pasubaling naganap ang tunggalian ng mga ideya, damdamin, paniniwala, sa dibdib, utak, danas ng mga makatang nabanggit.
Gayunpaman, ang kontribusyong radikal ni Panganiban ay natatangi. Tinanglawan niya ang anyo’t bilis ng mga pagbabago, siniyasat niya ang masalimuot na hidwaan ng makabago at makaluma, hinimay niya ang kuwadro ng modo ng produksiyong kinalalagyan ng mga pangyayaring inilarawan niya. Siya ang gumanap ng papel ng seismograph ng pagsulong mula agraryo-piyudal na kaayusan ng malay tungo sa neokolonyal at burokratikong hugis nito, sampu ng mga sintomas ng krisis ng kasindak-sindak na pagbabagong nadama ng pambansang konsiyensiya. Isa siya sa mga artistang humubog ng poetikang mapagpalaya, kahanay nina Jose Corazon de Jesus, Amado V. Hernandez, Benigno Ramos, at Teodoro Agoncillo.
Bukod kay Amado Hernandez, wala pa sa kanila ang nakaimpluwensiyang malalim sa budhi at sensibiidad ng madla. Tanggapin natin ang obserbasyong laganap: nakukulapulan pa ng romantikong alapaap ang simbuyong mapaghimagsik sapagkat nagsisilbing silungan o saligan ang makalumang gawi, isip at dalumat. Samakatwid, hindi pa tapos ang pagtuklas ng kahulugang mapagpalaya sa likod ng minanang estilo’t retorika. Hindi pa luma o laos ang intelihensiyang mapanuri't mapanlikha na nakasingit sa pagitan ng mga lumang taludtod at saknong ng makata. Kailangan ng tiyaga’t intuwisyon ang pagbulatlat ng halu-halong tendensiya sa daloy ng mga pangyayari sa kasaysayan.
Ipagpaumanhin ang panawagang ito sa estilo ni Panganiban: Nasa sa inyo, mga mambabasa, ang tungkuling pigilin ang takbo ng panahon at bumuo ng bagong daigdig na makatutubos sa panahong lumipas. Isang asignatura itong tumitimbang sa katuturan ng panitikan o sining bilang mga karaniwang pangangailangan sa larangan ng kritika ng ideolohiyang mapaniil at utopyang bumabanaag sa harapan, isang mabisang patnubay tungo sa pagpupunyaging makamit ang isang makatao't makatarungang lipunan (San Juan Lupang Tinubuan). Ito ang ating pangkalahatang mithing sinisikap matamo sa abang gawaing pagpapahalaga’t panunuri ng mga tulang nakasulat sa ating katutubong wikang matagal nang lumago’t namulaklak sa gubat at kalunsuran ng “bayang sawi.”
SANGGUNIAN
Abadilla, A.G., F. B. Sebastian, & A.D.G. Mariano. Ang Maikling Kathang Tagalog. Quezon City: Bede's Publishing House, Inc., 1954. Print.
Abueg, Efren. Parnasong Tagalog ni A. G. Abadilla, Ikatlong Edisyon. Maynila: MCS Enterprises Inc., 1973. Print.
Agoncillo, Teodoro, Ang Maiklng Kuwentong Tagalog (1886-1948). Maynila: Inang Wika Publishing Co., 1972. Print.
Almario, Virgilio. Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino. Maynila: Philippine Education Co., 1981. Print.
——-. Balagtasismo Versus Modernismo. Quezon City: Ateneo University Press, 1984. Print.
----. Pag-unawa sa Ating Pagtula. Maynila: Anvil, 2006. Print.
---. Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2014. Print.
Barthes, Roland. Writing Degree Zero. New York: Hill and Wang, 1968. Print.
de Waal, Cornelis. Peirce: A Guide for the Perplexed. New York: Bloomsbury, 2013. Print.
Fitzgerald, F. Scott. The Great Gatsby. New York: Bantam Books., 1952. Print.
Foucault, Michel. Language, Counter-Memory, Practice. Ithaca, NY: Cornell University Press, 1977. Print.
Jameson, Fredric The Political Unconscious. Ithaca: Cornell University Press, 1981. Print.
-----. The Jameson Reader. Malden, MA: Blackwell, 2000. Print.
Lecercle, Jean-Jacques. A Marxist Philosophy of Language. Chicago IL: Haymarket Books, 2005. Print..
Liszka, James Jakob. A General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Peirce. Bloomington, IND: Indiana University Press, 1990. Print.
Mabini, Apolinario. The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero. Manila: National Historical Commission, 1969. Print.
Medina, Ben S. "Panganiban: Tradisyon at Modernismo." Philippine Studies 192 (1971): 287-306. Print
——-. Tatlong Panahon ng Panitikan. Maynila: National Book Store, 1972. Print.
Panganiban, Cirio. "Three O'Clock in the Morning." Nasa sa Ang Ating Panitikan, pinamatnugutan nina Isagani Cruz & Soledad Reyes. Manila: Goodwill Trading Inc., 1984. Print
-----.. "Bunga na Kasalanan." Nasa sa Ang Maikling Kathang Tagalog, pinamatnugutan nina A.G. Abadilla, F.B. Sebastian at A.D.G. Mariano. Quezon City: Bede's Publishing House, 1954. Print..
-----. "Veronidia." Nasa sa Ang Dulang Tagalog, pinamatnugutan ni Federico Sebastian. Quezon City: Bede's Publishing House, 1951. Print.
Panganiban, J. Villa & Consuelo Torres Panganiban. 1954. Panitikan ng Pilipinas. Quezon City: Bede's Publishing House, 1954. Print.
Peirce, Charles Sanders. Peirce on Signs. Ed. James Hoopes. Chapel HIll: University of North Carolina Press, 1991. Print.
San Juan, E., ed. Introduction to Modern Pilipino Literature. Boston: Twayne, 1974. Print.
——. “Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika ni Charles Sanders Peirce,” Daluyan 18.1 (2013): 54-60. Web.
-----. Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan: Mga Sanaysay sa Politikang Pangkultura at Teorya ng Panunuri. Manila: De La Salle University Press, 2015. Print.
Sebastian, Federico B. Ang Dulang Tagalog. Quezon City: Bede's Publishing House, 1951. Print.
Tolentino, Rolando B. Sipat Kultura. Quezon City: Ateneo U Press, 2007. Print.
Wikipedia. "Cirio Panganiban." <http://tl.wikipedia.org/w/ 2014. index.php? title+Cirio_Panganiban&oldid=1436428> Web.
___________________
Comments