AMBIL--MAKABAGONG INTERBENSIYON NI E. SAN JUAN

    Kasunod sa koleksyong Mendiola Masaker (2014), mga neokonseptuwalistang tula, AMBIL ang pamagat ng bagong libro ng kritikong nakabase sa U.S., si E. San Juan, Jr. (nakatala sa amazon.com at iba pang Website). 


    Sinikap itanghal dito ang pag-imbento ng anti-art, eksperimental na larawang-diwang laban sa likhang institutusyonal at naka-sentro sa awtor. Ang moda ng pagsulat dito ay nakaugat sa ironya o parikala, salungat sa kombensyonal na istandard na itinuturo hanggang ngayon. Labag sa komodipikadong sining at pamantayan, adhika ni San Juan na sumulong mula sa inobasyon ng modernismong daloy ng panitik nina Abadilla at Amado Hernandez. kabalikat ang iba pang kilusang anti-kapital, mapagpalaya't avant-garde. 


    Bukod sa konseptuwalistang modang inumpisahan ng Dada, suryalismo, Duchamp, Fluxus, Minimalism, Pop Art, atbp, gabay ni San Juan ang alyenasyong-effekt ni Brecht at konstruktibismong pagsubok ng mga Bolshevik sa Rusya. Sa laro ng mga salawikain at idyomang pangkaraniwan, sinubukang baklasin ang panulaan sa tradisyon ng pagbibilang ng pantig at silabiko, de-kahong kuwadro ng nakaugaliang pagpapahayag. Salungat ang AMBIL sa upisyal na ispektakulong pinagbibili sa palengke, sa palabas ng gobyerno, pamantasan at sistemang neokolonyal at piyudal na pagpapahalaga.


     Emeritus propesor sa English, Comparative Literature at Ethnic Studies, si E. San Juan ay dating fellow sa W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, at sa Harry Ransom Center, University of Texas. Nagturo siya sa U.P., Ateneo d Manila University, Leuven University (Belgium), Tamkang University (Taiwan), University of Trento (Italy), Brooklyn College, Wesleyan University, at Washington State University. Ang ilang bagong libro niya ay: US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), In the Wake of Terror (Lexington), Ulikba (UST Publishing House), Sapagkat Iniibig Kita & Kundiman sa Gitna ng Karimlan (UP Press). Ilulunsad sa 2015 ang Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (De La Salle Press) at Between Insurgency and Empire (UP Press).

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.