Review of E. SAN JUAN's AFTER POSTCOLONIALISM by R. C. Asa

Lampas, Higit sa Postkolonyal
R.C. Asa

rebyu ng E. San Juan, Jr. After Postcolonialism. Remapping Philippines-United States Confrontations.
Lanham, Maryland: Rowman & Littlefield Publishers, Inc., 2000.


Against Counterrevolution in Theory.
Ito marahil ang alternatibong pamagat ng After Postcolonialism, huli sa maraming libro ni E. San Juan, Jr., kilalang marxistang intelektwal. Binubuo ng walong sanaysay at isang panayam, interbensyon ang After Postcolonialism sa “teorya” – itong postmodernong larangan ng pagsasama at pagtatalaban ng iba’t ibang disiplina. Maraming paksa rito si San Juan: ang paglikas ng mga Asyano tungong Amerika, ang imperyalismong Estados Unidos sa bansa, mga teksto nina Jessica Hagedorn at Kidlat Tahimik, ang talinhaga hinggil sa lipunan ng panitikan sa bansa, at maging ang hinaharap ng pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya, at sosyalismo sa Pilipinas.
Makabuluhan kung gayon sa maraming disiplina ang librong ito. Sa bawat larangan, kinikilala at kinakalaban ni San Juan ang mga kaisipang sumasagka – sa abot ng iba’t ibang kakayahan nito – sa tunay na pagbabago, kasabay ng pagtaguyod sa mga kampi nito. Pinag-uugnay ang lahat ng sanaysay dito ng ganitong tindig sa mga tunggalian sa lipunan, at ng talino na nagpapaunlad at pinapaunlad ng tindig na ito.
Kaya naman mistulang mapanlinlang ang titulo ng libro. Dito, iilan lamang ang tahas na tugon at tuligsa ni San Juan sa mga intelektwal na kilalang “postkolonyal” tulad nina Homi Bhabha, Gayatri Spivak at Salman Rushdie. Madalas, lumilitaw ang kanilang pangalan sa libro bilang kinatawan ng kaisipang postkolonyal, sa gitna ng talakay sa mga usapin o teksto na kaugnay ng kanilang kaisipan, ng kanilang posisyong teoretiko-pulitikal. Sa malaking bahagi, nagsisimula si San Juan sa pagbubuo o pagpapakilala ng kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas at ng ugnayan nito sa US – na ihinaharap niya sa kaisipang postkolonyal.
Kung sa librong ito lamang ibabatay, samakatwid, tila mula sa labas, at hindi papalabas – dogmatiko, hindi dialektikal – ang kritisismo ni San Juan sa kaisipang postkolonyal. Ngunit sa konteksto ng pag-aaral sa kaisipang postkolonyal, at ng kanyang mga akda, ang After Postcolonialism ay nasa yugto kung saan ang kaisipang postkolonyal, mula sa pagsuring marxista, “is transcended toward reality itself.” Dito, ang kaisipang postkolonyal “abolishes itself as such and yields a glimpse of consciousness momentarily at one with its social ground, what Hegel calls the ‘concrete’.” Mangyari, sa pagsuring marxista, ang marxismo ay “secretly present” sa iba’t ibang kaisipan, kahit sa postkolonyal, “if only as the reality that is repressed or covertly opposed, the consciousness that is threatening…” [Fredric Jameson, “Criticism in History” The Ideologies of Theory, 1988.]
Nasa yugto na, samakatwid, ang After Postcolonialism ng paglampas sa kaisipang postkolonyal. Paglampas ito, gayunman, na pinaunlad at pinagyaman na ng kaisipang ito. Paglampas ito, samakatwid, na paghigit din. Banaag sa libro, halimbawa, ang anumang liwanag na galing sa kaisipang postkolonyal – sa partikular, iyung galing sa mga akda ni Edward W. Said, itinuturing na pasimuno ng kaisipang ito. Dialektikal ang lapit ni San Juan, kaya nagagawa niyang parehong tuligsain at gamitin ang maraming kaisipan at teksto. Kinikilala niya ang parehong lakas at kahinaan ng mga ito, at ginagamit ang mismong lakas para wasakin ang bakod ng kahinaan na hadlang dito sa pag-ugnay at pakikipagtalaban sa kabuuan.
Sa yugto ng paglampas na ito, nagiging malinaw na marami pang kaisipan ang kaugnay at kakampi ng kaisipang postkolonyal sa mas malaking konteksto ng lipunan at kasaysayan. Kaya naman pinuna rin ni San Juan ang konserbatibong komentaristang sina Stanley Karnow at James Fallows, ang mga “dalubhasa” sa Pilipinas na sina Glenn May at Alfred McCoy, ang mga “progresibong” intelektwal na sina Walden Bello at P.N. Abinales – siya na nag-aastang marxista pero mas madalas at mas mabangis umatake sa Partido Komunista ng Pilipinas kaysa sa imperyalismo at mga naghaharing uri. Maging ang tanyag na sanaysay tungkol sa “demokrasyang cacique” sa Pilipinas ng maka-Kaliwang si Benedict Anderson ay hindi nakaligtas sa sipat ni San Juan.
Gayunman, higit sa pagsuri sa mga indibidwal na akda, ipinakita ni San Juan ang pagkakatulad ng pagsuri ng maraming awtor na kanyang tinalakay. Ipinakita niya, halimbawa, na dahil binibigyan ni Anderson ng malaking halaga ang papel ng mga naghaharing uri sa “demokrasyang cacique,” nababalewala ang kontrol ng US sa bansa. Problematiko ito lalo na kung ang paliwanag sa kapangyarihan ng naghaharing uri ay ang “primodial ties of kinship and family,” at hindi ang sistema ng ekonomiya at pulitika ng bansa – na nagbubunsod ng pagkilos at pag-aalsa ng taumbayan. Kung susuriin, ang pagkilos at pag-aalsang ito ang humubog sa patakaran ng US sa Pilipinas, at paliwanag bakit may “lack of American autocratic territorial bureaucracy [which] permitted the Filipino mestizo families to take over.”
Sa paliwanag ni Anderson, lalabas pa rin na kultura ng mga Pilipino ang maysala, at US ang mesiyas sa kahirapan ng bansa – na katulad ng posisyon ng reaksyunaryong si Karnow na nag-aakma lamang sa panahon ng doktrina-diskurso ng “Manifest Destiny” at “Benevolent Assimilation” ni McKinley.
Malinaw na nakatuon sa partikular na mambabasa ang librong ito na inilathala sa US: mga akademiko at intelektwal na may “interes” sa kaisipang postkolonyal o sa ugnayang US-Pilipinas. Madalas, lumalabas na ipinapakilala ni San Juan ang kanyang paksa sa bagong mambabasa. Gayunman, may kabuluhan ito – kahit ang pagrepaso sa kasaysayan at kalagayan ng bansa – para sa mambabasa sa Pilipinas, kahit “dalubhasa” na. Hindi lamang ito “obhetibong” pagrepaso, kung anumang pagpapanggap ang madalas ipakahulugan dito. Partikular, progresibo, itong pagbubuo ng kasaysayan at kalagayan ng bansa mula sa isang sipat na naglalantad ng limitasyon at posibilidad ng mapagpalayang isip at kilos.
Sa librong ito, muling inilathala ang sanaysay ni San Juan tungkol sa pakikibaka para sa sosyalismo sa Pilipinas – na naunang inilathala sa bansa sa Allegories of Resistance [1994] at Mediations [1996]. Hindi ito postmodernong “pastiche,” gayunman. Pagpapalaganap ito ng interbensyon. Patunay din ito ng tuluy-tuloy na paghabol ng alam at unawa ng tao sa nagbabago at binabagong reyalidad. Sa konteksto ng akademya sa Pilipinas, masarap sipiin ang kanyang wastong obserbasyon: “The irony is that the anti-Marxists… who pay homage to the value of open-mindedness and dissent do so in order to foreclose any dialogue with radicals who address the centrality of property relations, state power, and ‘delinking’ from the injustice of a polarized center/periphery world system.”
Sa puntong ito mas madaling makita ang kabuluhan ng librong ito ni San Juan, at lahat ng  kanyang akda. Katulad ng lahat ng marxista, at ni Marx mismo, sangkot si San Juan sa kanyang lunan at panahon. Hinaharap niya ang bago, tumutunggali at tumutukoy sa tumpak dito. Walang-tigil at walang-habas ang kanyang pagsuri at pagbubuo. Lahat ng posisyong teoretiko-pulitikal – mula kay Magdoff hanggang kay Magno, mula kay Althusser hanggang kay Almario – ay tinutugunan sa libro. Mula pagnanasa hanggang pakikibaka, mula tao hanggang tubo – buhay ang marxismo kay San Juan, hindi bangkay sa bunganga ng imbalido.
Gayunman, ang marxismo ay hindi dogma; gabay ito sa pagkilos. Ang armas ng kritisismo ay hindi pwedeng ipalit sa kritisismo ng armas. At alam ito ni San Juan. Mula sa pagbasa rito, kailangang hanguin at sundin ang inisyal ng Against Counterrevolution in Theory. Kailangan ang mapagpalaya at mapagbagong kilos. Kailangan, sa salita ni San Juan, ang “political education [which] embraces collective praxis, self-criticism, and learning-by-transformation.”
Kailangan. Dahil ang lipunan at daigdig natin, na nagluwal sa kaisipang postkolonyal, sa salita ni Jorge Luis Borges, ay nananatiling “uninhabitable; men can only die for it, lie for it, kill and wound for it. No one, in the intimate depth of his being, can wish it to triumph.”

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.