POSTKONSEPTUWAL NA TULA, KONSEPTUWALISTANG SINING/DISKJURSO ni E. SAN JUAN, Jr.
SINALANG SALAWIKAIN NG SALARING NAGKASALA
Sa Labintatlong Maniobra sa Larangan ng Pakikipagsapalaran
[Pagsubok sa Paglikha ng Post-Konseptuwal na Diskurso]
[Sinangla, binalasa't nilustay bago umagpang ang salarin ng wika sa paglinlang at pagdispalko sa kasaysayan, ayon sa tagubilin ni Felix Razon:"Ilang hagkis o pukol ng dais ay hindi makawawalis sa istratehiya ng pagbabakasakali....”]
ni E. SAN JUAN, Jr.
_____________________________________________________________
PAUNAWA TUNGKOL SA KONSEPTUWAL NA SINING/PANITIKANG POST-KONSEPTUWAL
Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mga midya o instrumento sa pagpapahayag (pinta, musika, salita). Di mapanlikhang sulat ("uncreative writing") ang bunga. Sa sining, ang "Spiral Jetty" ni Robert Smithson. Ang pinakamahalaga ay ang konsepto o ideya na ugat ng "Spiral Jetty."
Supling ang kontemporaneong sining ngayon sa pag-angkin (appropriation), malayang pagnakaw, patikim at pagtransporma ng anuman--ang konteksto/sitwasyon ang siyang dumidikta. Ito'y nakadiin sa proseso, at nakasalig sa konsepto o kaisipang umuugit o gumagabay sa pagbuo--hindi sa produkto. Layon nito ay hindi lang pagbuwag sa pribadong pag-aari ("expropriate the expropriators," wika nga) kundi paghahain din sa lahat ng malawak at maluwag na larangan sa interpretasyon/kabatiran (ang komunismo ng all-round "free development," ayon sa Gotha Programme). Kung sira na ang bakurang humihiwalay sa sining at buhay, sa pulitika at ekonomya, bakit bulag pa rin tayo sa katotohanang nagbago't nagbago na ang mundo?
Wika ni Kenneth Goldsmith, isang dalubhasang konseptuwalistang guro: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the text" ("Paragraphs on Conceptual Writing," sangguniin din ang Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing, inedit ni Goldsmith at Craig Dworkin). Dagdag pa niya: Hindi kailangang basahin ang teksto. Kailangan lamang ay maintindihan ang konsepto, ang namamayaning proyektong inaadhika, sa likod nito. Ang konsepto ang batayan ng porma, hugis, anyo (sang-ayon din si Galvano Della Volpe, Critique of Taste). Sagot ito sa digital revolution ng kompyuter, sa pagsambulat ng impormasyon sa Internet na walang pasubaling naglilinkod sa barbarismo ng tubo/kapital at karahasan ng pagsasamantala. Tanong ko: pagkatapos ng kabatiran, ano ang dapat gawin?
Paano makalalaya sa kapangyarihan ng salapi, kapital, komodipikasyon? Upang lumaban sa industriyang pangkulturang kasangkapan ng kapitalismong global, pag-umit o pag-angkin (sa katunayan, ng kinumpiskang halaga/surplus value na likha ng mga manggagawa) at detournement (ayon kay Guy Debord) ang gawing istratehiya sa pagtutol. Mabisa ang taktika ng alegorya, ang metodo ng debalwasyon (tingnan "Notes on Conceptualisms" nina Robert Fitterman at Vanessa Place sa Web).
Sino ang may kontrol sa mga kagamitan sa produksiyon at reproduksiyon ng lipunan? Paliwanag din ni Walter Benjamin na dapat hawakan at pangasiwaan ang paraan ng produksiyon upang matutulan ang laganap at malalim na komodipikasyon, reipikasyon, anomie/alyenasyon sa buong planeta. Samut-saring posibilidad ang nakabukas dahil sa teknolohiya. Laluna ang materyalidad ng wika at iba't ibang signos/senyal. Nasa gitna tayo ng rebolusyon sa sining. Pwede kayang maitransporma ang nakahandang-bagay (ready-made) na salawikain (hanggang hindi pa ito napraybatays ng McDonald, Body Shop, S-M at Robinson Mall) upang makapukaw ng katumbalikang damdamin at isip?
Ang diskursong narito, na siguro'y pinakaunang halimbawa ng konseptuwalistang pagsubok sa Filipino, ay ensayo sa post-konseptuwalismong modo ng pag-angkin at pagbaligtad. Ayon kay Peter Osborne (Anywhere or Not at All), ang post-konseptuwalismong pananaw ang siyang mabisang paraan upang sagupain ang neoliberalismong salot na nagtuturing sa lahat na pwedeng mabili at pagtubuan--katawan, kaluluwa, panaginip, kinabukasan. Ang idea ng "horizon" o abot-tanaw na hanggahan ang maaaring bumalangkas ng praktikang experimental na negasyon/pagtakwil sa status quo na dudurog sa nakagawiang hilig, gawi, asal sa "free market" ng paniniwala't damdamin.
Kung ukol, di bubukol? Problema na walang tiyak na resulta ang anumang eksperimento o ipotesis, probabilidad lamang. Sa pagreprodyus sa tradisyonal na bukambibig na payo o kaalaman sa kwadro ng mapagbirong laro, makatutulong kaya ito sa paghikayat na kolektibong tuklasin at isakatuparan ang konsepto ng pagbabago, konsepto ng pagbabalikwas at pagsulong tungo sa pambansang demokrasya't kasarinlan? Sinong pupusta sa sugal ng pagbabakasakali't pakikipagsapalaran? Nasa sa inyo, mambabasa, ang kapasiyahan.--ESJ 7/25/2013
_____________________________________________________________
LARO 1
Ang kapalaran di mo man hanapin, dudulog
at lalapit kung talagang atin
Nasa kaluluwa ang awa, nasa katawan ang gawa
Taong di makuhang sumangguni, may dunong ma'y namamali
Ang lubid ay nalalagot kung saang dako marupok
Sa kapipili-kapipili, katagpu-tagpo ay bungi
Anumang iyong gawin, makapito mong isipin
Isa man at sampak, daig ang makaapat
Anumang tibay ng piling abaka ay walang silbi kapag nag-iisa
Mabigat ay gumagaan kung ating pinagtutulung-tulongan
Ang mabuting gawa kahit walang bathala, kinalulugdan ng madla
LARO 2
Ang manamit ng hiram, sa daan hinuhubaran
Daang patungo sa langit, masagabal at maliklik
Malapit ma't di lalakarin, kailan ma'y di mararating
Kung di ka lumingon sa pinanggalingan, di ka makararating sa paruroonan
Huli man at magaling, kahit hubo't hubad maihahabol din
Pagkahabahaba man ng prusisyon, sementeryo din ang tuloy
Ang sa panghihiram mawili, nakalilimot sa sarili
Walang unang sisi na di sa huli nangyari
Kung ano ang tugtog, mangahas huwag isayaw
Buntot mo, hila mo
LARO 3
Ang di magsapalaran, hindi matatawid ang karagatan
Kung ang tubig ay tahimik, lipdin mo ma'y di malirip
Kaya maligo ka sa linaw, sa labo magbanlaw
Pag ang tubig ay di matining, may pasubaling balon ay malalim
Walang mahirap gisingin gaya ng nagtutulog-tulugan
Ang hipong tulog, tinatangay ng agos
Putik din lamang at putik, tapatan na nang malapit
Matutuyo man ang sapa, hindi ang balita
Kapag ang ilog ay maingay, asahan mong may sumasablay
Buhay alamang, paglukso'y patay
LARO 4
Kapag ukol, pwedeng hindi bumukol
Hindi pa ipinaglilihi, di biro'y ipinapanganak na
Wala pang itlog ang inahin, di na mabilang ang sisiw
Kung sino ang unang pumutak, di biro'y siyang nangitlog
Sala sa lamig, sala sa init, sumasalang buwisit
Kung sino ang minamahal, siyang pinahihirapan
Kung may hirap, may ginhawa ba
Ang panalo ay sakali, ang pagkatalo'y palagi
Iba na ang hawak sa palad kaysa lumilipad
Biru-biro kung sanglan, totoo kung tamaan
LARO 5
Kapag may isinuksok, may madudukot
Kung bukas ang kaban, nagkakasala sinuman
Nakikita ang butas ng karayom, hindi ang butas ng palakol
Kung sino pa ang mangangaso ay siyang walang palaso
Huwag kang maglaro ng sundang kung ayaw mong masugatan
Kung minsan kaliwang kamay tinataga rin ang kanan
Walang sumisira sa bakal kundi ang sarili niyang kalawang
Nawawala ang ari ngunit ang uri ay hindi
Di lahat ng kumikinang ay tunay na gintong lantay
Gayunpaman ang taong nagigipit, sa patalim kakapit
LARO 6
Ang pangako ay utang, huwag kalilimutan
Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim
Ibon sa hawla'y ikinulong nang mahigpit, kapag nakawala'y hindi na babalik
Humahabol ang nahuli sa unang nagsisisi
Ang matalinong mamaraan, magugulangan din pagtawid sa sangandaan
Kahit matapang sa singilan, duwag naman sa utangan
Sa pakitang loob at tapat na damay ay walang salaping sukat matimbang
Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak
Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon
Kung saan narapa, doon magbangon
LARO 7
Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga
Nangilag sa baga, sa ningas nasugba
Naghangad ng katugma, isang salop ang nawala
Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak tuluyang maaagnas
Mga biyayang apoy at habagat, bato man ay pinalalambot
Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin
Tikatik man kung panay ang ulan, malalim mang ilog ay aapaw
Ang nagtatanim ng hangin, may bagyong aanihin
Hangga't makitid ang kumot, magtiis mamaluktot
Magkupkop ka rito ng kaawa-awa, langit ang iyong gantimpala
LARO 8
Ang binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay
Kung nasaan ang asukal, naroon ang langgam
Walang palayok na di may kasukat na tuntong
Iyang ampalayang kahit anong pait, sa nagkakagusto'y walang kasintamis
Pagkalaki-laki man ng palayok, may kasukat na saklob
Walang tutong sa burokratang nagugutom
Walang tumaban ng palayok na hindi naulingan
Bago mo batiin ang dungis ng ibang tao, ang dungis mo muna ang tugunan mo
Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling
Bulaga! Ako ang nagbayo, nagsaing, nagluto ngunit iba ang kumain
LARO 9
Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat
Gayunpaman, sa lahat ng gubat, nakaluklok ang ahas
Ang asong matatahulin ay hindi makakagatin
Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot
Labis sa kahol at salita, kulang sa sagpang at gawa
Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan mo
Nasa tuldik ang awa, nasa punto ang gawa
Itinutulak ng bibig, kinakabig ng dibdib
Ang isda'y sa kanyang bibig nahuhuli, ang tao nama'y sa salita't sabi
Sa langit lumura, sa mukha tumama
LARO 10
Ang maghanap sa wala, ulol ang kamukha
Kahoy na babad sa tubig sa apoy huwag ilapit
Pag nadarang mag-iinit, sapilitang magdirikit
Matuyo man ang sapa, hindi ang balita
Ang taong naglalaro sa apoy ay napapaso
Di man makita ang ningas, apoy ang magpapahayag
Hinahanap-hanap ang nawala, nang makita ay isinumpa
Kung hirap ay masasal na, bisperas na ng ginhawa
Ang taong mainggitin, lumigaya man ay sawi rin
Totoo kayang madaling maging tao't mahirap magpakatao
LARO 11
Kung ano ang taguri, ay siyang pagkalungi
Damit na hiram, kung hindi masikip ay maluwang
Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan
Sa marunong umunawa, di sukat ang mahiwagang talinghaga
Talastasang pagbasa, sabaw na malasa
Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang sa pagkamatanda
Ang maikli ay dugtungan, ang mabaha ay putulan
Sa panahon ng kagipitan, makikilala ang di kaibigan
Tuso man ang matsing, napaglalalangan din
Walang nasayang na buhay sa rebolusyonaryong muling pagkabuhay
LARO 12
Kaning biglang isusubo, iluluwa kung mapaso
Kung magbibigay ma't mahirap sa loob, ang pinakakain ay di mabubusog
Pag ang pagkakita ay bigla, bigla rin ang pagkawala
Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba
Bagamat isinusubo mo, nalalaglag pa ang mumo
Kahit apaw na ang salop, nawawala ang kalos
Kaya hindi lahat ng maagap maagang nakalulutas
Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay
Ang anumang kasulatan, dapat lagdaan kung kinakailangan
Aanhin pa ang pulot-gata kung patay na ang kabayo
LARO 13
Kung hiwaga ang itinanim, libong himala ang aanihin
Madaling pumitas ng bunga kung dadaan ka sa sanga
Ang kawayan kung tumubo, langit na matayog ang itinuturo
Kung may isinuksok, may titingalain
Kung masunod na ang anyo, sa lupa rin ang yuko
Ang bungang hinog sa sanga, matamis ang lasa
Ang bungang hinog sa pilit kung kainin ay mapait
Magsisi ka man at huli, wala nang mangyayari
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita, ngunit bingi't makupad ang makata
Nasa taong matapat ang huling halakhak
Comments