PAGBUBULAY-BULAY  NG ISANG GURONG OFW SA BANSANG HAPON

ni E. San Juan, Jr.


Ilan taon na akong nagtuturo ng wikang Filipino dito sa Hapon
    ngunit di ko pa kabisado ang pagyuko sa mga upisyal
           o hiwaga ng kanji  hiragana o katakana
Nais kong matuto ang mga Haponesa ng paggamit ng "kamusta" "paalam"
     "maganda"     "pag-ibig"  "luwalhati"   "panaginip" 
        kaya tinuruan ko rin sila ng tinikling   itik-itik   singkil

Subalit nahumaling sa pagsayaw, indayog ng kilos at wagayway ng panyo
           ngiti rito't tawa doon, nasaan ang tunggalian ng uri?                                   nahan ang dahas ng pasismo't imperyalismo?
Masarap magkuwento ng Boracay kaysa Payatas, Balagtas kaysa Jonas Burgos,
    anong sarap ipaliwanag ang halina ng pandiwa't pang-uri
        kaysa dahas ng Estado.

Mula sa magulong Osaka, di ko pa nasisilip ang yelo sa tuktok ng Mt. Fuji....
Samantala, may ilang estudyanteng nais mag-turista't makitang lahat....

Nagkaroon na ng People Power 1, People Power 2, at may bantang sumiklab muli       sakaling pauwiin na lahat ng OFW mula sa Saudi   Hong Kong   Europa....
Ilang kababayan ang nag-asawa na ng Hapon at Saudi para sigurado....

Ngunit teka--mausok at nakababagot, di na matiis ang trapik sa EDSA,
    nakawala pa rin si Palparan,  tumitindi ang pagpatay at pagdukot,
        gumagala pa rin ang mga  bandidong Abu Sayyaf
kaya payo ko sa kanila, dito na lang kayo sa mariwasang kabibi--bakit pa ipapain ang     katawan upang mapahamak sa "Perlas ng Silangan"?

Dito na lang kayo sa masaganang lupa ng cherry blossoms  yen arigato      
    alindog ng geishang nagsasayaw sa lilim ng mga templo ng Buda
             sa Hiroshima at Nagasaki
        malayo sa tsunami  sa Spratley at     dagat Sulu ng Mindanao--
Dito na lang kayo mag-aral ng wika nina Bonifacio at Sakay upang magamit ang mga     salitang "kalayaan"   "kaluluwa"  "budhi"  "puri"  "dangal" 
        putris, pati na "Makibaka huwag matakot!"
             "Hustisya para sa mga biktima sa Hacienda Luisita!"


Oo nga, bakit kailangang pigilin ang dila't isip bago pa man dumating ang pulis at          


                  sundalong  dudukot at papatay?

Baka sakaling matuklasan natin ang niyebe ng Mt Fuji sa tugatog ng sumasabog na    


                 bulkang Mayon.--###

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.