KALIGRAMA ni E. SAN JUAN, Jr.

KALIGRAMA


Ilang Pagsubok  ni  E. San Juan, Jr.

Makulimlim sa Perlas ng Silanganang abot-tanaw ng bulag naghihintay ng
    kidlat sa pagsabog ng Amerikanong  misil

Pagsabog ng drone paano ipaliliwanag sa nagdilim na utak ni Anlawki  Olalia      Alejandro  Kumander Posa

Bagwis ng salagimsim sa Los Alamos  6 Agosto 1945 ang lumapag sa  pusod ni     Imperador Hirohito

Ipinag-isang dibdib sa Hiroshima ang dalumat ni Oppenheimer at bangungot ni     Newton alay ang krisantemum sa Buda

Mula sa usok ng masaker sa Mendiola  22 Enero 1987 nagkahugis ang mga     kaluluwang  naglaho

Salamisim mula sa nabiyak na lupa  guniguni ng kamandag ng sayaw ni Salome      gunam-gunam ng pugot na ulo ni San Juan Bautista

Di na kimkim sa kamao, maiwawaksi ba ang baka-sakaling pangyayari sa isang     hagis     ng dais  bahala  na

Gumagapang sa singit ng budhi ang pagwawaring may batas habeas corpus
          ngunit nasaan maski  bangkay ng mga desaparesidos?

Humihirit ang mga punglo sa Hacienda Luisita   Bondoc Quezon    Bukidnon      Zamboanga   Basilan

Sumisingasing ang kwartang nakurakot  sa binging pesanteng nakayukod  sa     likod ng     tabing

Pagkakataong taliwas sa aksidente   di inaasahang pagkakataong umalsa      bumalikwas  sakaling nasaid na

Abot-tanaw  tumatagos  sa  pader ng bartolina  humihiwa sa takip  kortina      harang  pinto  tarangkahan 

Untagin ang bathalang  nagbitiw ng pangakong ibubunyag ang lihim ni     Galman  walang talang matatanaw

Samantala may panukala sa U.S. Kongreso na katayin ang 10 milyon sa 322     milyong inahin upang tumaas ang presyo ng itlog at tumubo
    ang industriya ng manukan

Pati na rin ang mga ulang   Paraiso ng aso’t pusa ang bansang imperyalista  Ok lang ang Purina Dog Chow para sa mga pulubi

Kung saan dating gumagala ang mga tamaraw  may hinagap ang mga     walang tahanang naligaw doon

Katawan ay Malaya ngunit kaluluwa’y nakapiit  bihag ng gawi’t ugaling     minana sa nuno at nuno sa punso

Panahon na upang dapat lumitaw ang nakubling birhen sa Bicutan

Sinikangan ng baril ang panga ng bihag bago buhusan ang nakasaplot na     mukha ng binansagang terorista

Sinampal   sinuntok  sinipa  tinadyakan  di na latigo kundi batuta   bugbog      makina de koryente    walang tigil ang bulahaw ng lawispiker

Hinampas ang binti  tiyan  pinalo ng baril ang balikat  ulo  naluray ang lama       nalinsad ang buto

Isinuksok sa sako   ibinaon  sa kung saang lugar sa mahiwagang kaharian ni     Cinderella

Maging sa kahayupan  pwedeng malikhain  at  inspirado

Naglakbay sa Carmen  Bohol upang tanawin ang Chocolate Hills  Kinamusta     ang mga Tarsier  usisain kung nagmilagro nga ang Birhen sa Baclayon

Dumako sa Ilog ng Loboc kung saan lasing na lumangoy sina Legaspi at     Sikatuna mula sa kanilang “Compact”

Araw ba ito na dapat kilalanin na bawat hakbang natin  tumutuntong tayo at     nabibingit sa malalim na hukay  ng  luwalhati’t  pighati

Mamulat kaya ang mga natutulog na tsonggo upang mahuli ang tumakas na     vigilanteng upahan   Pakawalan ang unggoy   Ikulong ang pasistang         heneral at mga kakutsabang pulitiko

Itaas ang tabing  kurtina   belo  takip   balatkayo   Itulak ang hadlang   bakod      harang      sagabal   busal sa nguso   bato  sa  bunganga ng yungib

Nakatiwarik   nakatihaya   nakalupasay    lugmok   habang umuusal ka ng     Bangon  sa pagkabusabos

Buksan ang bintana    wangis biyak ng makopa   matamis na bungang s    umabog sa bukang-liwayway

Gagambang humihiwa sa utak ni Abu Sayyaf  humahabi ng sinag   luningning     silaw   kislap  apoy ng kaliwanagan

Kagandahang di matarok o masuyod  habang natutunaw ang yelong     arkipelago sa Arctic at Antartica   di masugpo ang uhaw sa damdaming          nagbabantang sumabog

Ipinagbibili ang kalikasan  Bilhin mo na ang mga pulong ito  lunod sa polusyon     at krimen   lubog na sa kahayupan ng kumprador at burokratang     nakatuwad sa hukay   talinghagang makahulugan ni Gat Andres     Bonifacio

Inakbayan natin ang paralitiko sa pag-akyat sa Makiling ngunit di nasubukan     ang mutya  nakalitaan din nating dumalaw sa Bilar at kausapon ang mga     alitaptap  na unti-unting  tulala  sa usok ng kotse  motorsiklo   eruplano

Sa paglipad ng mga kulisap   baka masulyapan ang kamaong naghagis ng     dais at malanghap  kahit  basbas   dait   kanti   bahid   o  ilusyon      pantasiya    baliw  ulol na  pag-asa   pangarap   ang samyo ng iyong     buntong-hininga

Apokalipsis ng lahing kaymanggi     babala ng bathalang nagwala sa     baybaying di maabot ng mga babaylan at diwatang ginahis ng drone
    ng imperyalismong Agila   Buwitre  

Bumabangon ang pulang  anghel   inihagis ang perlas ng kapalarang likha ng     pawis at dugo at luha  ng sambayanan



Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.